Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 122 - Where are you?

Chapter 122 - Where are you?

MARAHANG kumatok si Winona sa pintuan. Nag-antay siya ng sagot mula sa taong nasa loob niyon. Nang walang marinig na boses ay dahan-dahan niyang pinihit ang doorknob na hindi pala nakasara. Maingat niyang tinulak ang pinto at tuluyang pumasok ng silid.

Naabutan niya ang likuran ng matanda habang hawak nito ang isang picture frame. Larawan ni Lexine at Alejandro noong sixteenth birthday ng apo nito.

"Alejandro," aniya at lumapit sa matanda.

Hindi ito lumingon, bagkus, nanatili nitong pinagmamasdan ang hawak nito. Nilapag ni Winona ang tray na naglalaman ng mga halamang gamot na siya mismo ang nag-timpla, sa gilid ng side table at dinaluhan si Alejandro sa kama. Umupo siya sa tabi nito.

"Kamukhang-kamukha niya si Leonna," saad niya.

Mapait na ngumiti si Alejandro. "They are both beautiful. My precious angels."

"Sigurado ako na tahimik na si Lexine at Leonna kung saan man sila naroroon ngayon."

"I hope they are. If heaven really exist, I wish they're happy together. Matagal din nangulila si Lexine sa mommy niya. She was too young when Leonna and Andrew left us. Now, she left me too. I miss my darling, I miss my Alexine."

Sunud-sunud na ang pagtulo ng mga luha ni Alejandro. Maingat na hinaplos ni Winona ang likod ng matanda. Sana nga ay totoo ang kanyang binitiwang salita. Sana nga ay masaya at magkasama na ang mag-ina.

Pinangako niya kay Lexine na ililigtas si Alejandro. Tuluyan man nawala ang sumpa ni Lilith kay Alejandro noong namatay ito, sinigurado pa rin ni Winona na magiging maayos ang kalusugan ng matanda. Kung kaya naman linggo-linggo siya kung dumalaw sa Vondeviejo mansion upang dalhan ito ng mga halamang gamot.

Bukod sa pang-recovery, sinamahan niya rin ng anti-depression ang mga gamot na ginagawa niya nang sa ganoon ay hindi masyadong magkaroon ng anxiety si Alejandro. Mag-isa na lang ito ngayon sa buhay. Aam niyang kailangan nito ng kaibigan na masasandalan.

Sa loob ng isang taon, palagi niya itong inaalalayan. Madalas silang magkwentuhan ng mga kung ano-anong bagay. Mas napalapit din siya sa matanda sa paglipas ng araw. Kung kaya naman sa first name na niya ito tinatawag gayong ayaw rin nito na tawagin itong "sir'"at mas lalo na ang "tito." Dahilan ni Alejandro, hindi pa naman raw ito ganoon katanda at mas malakas pa sa kalabaw sa edad na sixty-nine. Ito na lang ang naiisip ni Winona na kaya niyang gawin sa ngalan ng alaala ng kanyang matalik na kaibigan at ng anak nito.

Matapos daluhan si Alejandro sa pagdadalamhati at masigurong nainom nito ang mga halamang gamot, agad bumalik si Winona sa condo unit na tinutuluyan niya sa Maynila.

Tuluyan na niyang iniwanan ang bahay niya sa Pampanga. Kahit pa wala na si Lilith, hindi pa rin siya maaaring mapalagay. Kung kaya naman inempake niya ang lahat ng gamit at lumipat sa Maynila. Mas matitignan niya rin si Alejandro kung mas malapit siya rito.

Agad siyang sinalubong ng kanyang pusa na si Amethyst pagpasok niya ng unit. Katulad ng dating nakaugalian ng kanyang munting alaga, malambing na kiniskis nito ang ulo nito sa kanyang binti. Natutuwa naman niyang hinaplos ang maliit nitong ulo bago siya dumiretso sa kanyang silid.

Isang forty-five square meters two-bedroom unit ang bagong tinutuluyan ni Winona. Binaba niya ang bag sa kama at kinuha ang isang deck ng baraha sa drawer ng tukador. Sinindihan naman niya ang lahat ng kandilang nakapalibot ng pabilog sa lamesa na nasa gitna. Umupo si Winona roon at binalasa ang tarot cards bago sinimulang mag-chant ng isang spell.

"Montru min, la deziro de la menso, montru min, la deziro de la menso, montru min, la deziro de la menso."

Nagsimulang magpatay-sindi ang mga kandila. Umalingasaw ang amoy ng nasusunog na wax. Bumukas ang bintana sa silid at pumasok ang malakas na ihip ng hangin sanhi upang magising ang bawat balahibo niya sa katawan. Unti-unting bumagsak ang temperatura ng paligid habang patuloy si Winona sa ginagawang orasyon. Tahimik na nagmamasid naman si Amethyst sa isang sulok ng kwarto.

"Montru min, la deziro de la menso, montru min, la deziro de la menso, montru min, la deziro de la menso."

Ilang sandali pa at nagsimulang tumirik ang mga mata ni Winona. Dinala siya ng kapangyarihan niya sa lugar na siya lang ang nakakikita. Pumuti ang buong mata niya habang paulit-ulit na sinasambit ang bawat kataga. Sinusubukan niyang marating ang lugar na ilang buwan na niyang ninanais maabot.

"Venigu min, rilate al la mondo, venigu min, en kaŝejo."

Inulit niya nang inulit nang inulit ang mga kataga. Namumuo na ang mga butil ng pawis sa noo ng sorceress habang hindi sinusukuan ang pakay. Yumanig ang paligid at mas lalong lumakas ang ihip ng hangin. Nagpatay-sindi ang mga nakatirik na kandila sa paligid hanggang sa magliyab ang mga iyon. Mas tumapang ang amoy ng usok na tumutusok sa kanyang ilong. Bumibilis ang pintig ng kanyang puso dahil nahihirapan na siya sa ginagawa.

"Montru min, la deziro de la menso, Venigu min, rilate al la mo––"

Nahigit ni Winona hininga na animo umahon siya mula sa pagkakalunod. Bumalik ang dating kulay ng mga mata niya at tuluyang namatay ang mga kandila sa paligid. Tumahan ang ihip ng hangin. Hindi na kinaya ng kanyang kapangyarihan.

Halos naliligo na sa sariling pawis si Winona. Panay ang pagtaas-baba ng dibdib niya habang dahan-dahan niyang binabalik sa normal na tempo ang tibok ng kanyang pulso. Nakaguhit sa mukha niya ang labis na pagkabahala.

May ilang buwan na rin ang lumipas simula nang sinubukan niyang gawin ang ritwal. Halos araw-araw ay inuulit niya ito sa pagbabakasakaling mag-tagumpay siya na mahanap ang kanyang nais.

Isang buwan matapos ilibing si Lexine, nagising siya isang gabi dahil sa hindi magandang pangitain. Hindi siya sigurado kung totoo o panaginip lamang yon ngunit malakas ang kanyang kutob na may mali. Sa kanyang panaginip ay naririnig niya ang boses ni Lexine na humihingi ng tulong. Ngunit hindi niya `to makita. Tanging walang hanggang kadiliman ang nakapalibot kay Winona habang paulit-ulit niyang naririnig ang tinig ng dalaga.

Nais paniwalaan ni Winona na maayos na nakarating ang kaluluwa ni Lexine sa mundo ng mga kaluluwa kung saan nararapat mamalagi ang mga yumao. Subalit, dahil sa hindi mapalagay na kalooban kung kaya hindi siya matatahimik. Kung kaya naman, araw-araw at gabi-gabi niyang sinusubukang makausap o mahanap ang kaluluwa ni Lexine. Pero ilang buwan na ang nakalilipas at palagi pa rin siyang nabibigo.

"Nasaan ka, Alexine? Nasaan ka?"

Related Books

Popular novel hashtag