Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 119 - Epilogue

Chapter 119 - Epilogue

KUNG TITIGNAN, parang natutulog lang nang mahimbing si Lilith habang nakahiga ito sa batong kama na napalilibutan ng mga pulang rosas at sa paligid nito nakasindi ang napakaraming kandila. Ni walang bahid ng kahit anong galos mula sa mataas na pagkakahulog nito sa building, o maging ang malalim na sugat sanhi ng patalim na tumusok sa dibdib nito. Bagkus, ang napakagandang mukha ng dating reyna ay nangingibabaw pa rin sa kabila ng kalamigan ng katawan nito. She was a red rose in the middle of the war, blooming under the moonlight.

Tahimik lang na pinagmamasdan ni Lucas ang yumaong kabiyak habang nakatayo sa tapat ng malamig na bangkay nito. Kasing tigas ng bato ang mukha ng makisig na lalaki, ni hangin ay mahihiyang dumikit.

`Di nagtagal, narinig niya ang papalapit na mga yabag.

"Magandang gabi, Panginoon."

Pasimpleng kumibot pataas ang sulok ng kanyang bibig. Kung hangin ang hinihinga ng mga tao upang mabuhay, kapangyarihan at awtoridad naman ang sa kanya. Ilang segundo muna ang pinalipas niya bago dahan-dahang pumihit paharap. Bumungad sa kanya ang isang maliit na babaeng nagtatago sa itim at mahabang balabal. Nakaluhod ito at nakayuko.

"Nagawa mo na ba ang pinag-uutos ko?" tanong niya.

Malumanay man ang tinig ni Lucas, sapat na iyon upang kabahan ang kahit sinong nilalang na haharap sa kanya. Nakatago man ang mukha ng babae na kanyang kaharap, amoy na amoy naman niya ang lihim na takot at panginginig nito. He silently enjoyed her fear. It tasted delicious, spicy, and sweet as honey. Lucas wanted to lick the horror on her concealed face.

"Opo, Panginoon. Nasa kamay na ng mga Keeper ang kaluluwa ng Nephilim."

Tumingala si Lucas at tuluyang napangiti. Sa wakas at may magandang balita siyang natanggap.

"Magaling, alam niyo na kung ano'ng dapat gawin sa kanya. Ayoko ng tatanga-tanga. Siguraduhin mo lang na hindi ka magkakaroon ng problema."

"Masusunod, Panginoon."

"At ang sutil kong anak?" pahabol niyang tanong.

"Tuluyan nang naputol ang sumpang itinali ng prinsipe ng dilim sa kaluluwa ng mortal. Wala na siyang panghahawakan pa. Sinubukan niyang pigilan si Abitto subalit, hindi siya nagtagumpay," paliwanang ng maliit na tinig.

"Bantayan niyo pa rin, matigas ang ulo ng batang `yan."

Hindi na siya magtataka dahil anak niya ito. Alam niyang mahirap mapasunod ang prinsipe ng kadiliman pero nakahanda na ang kanyang mga plano at ngayong hawak niya sa leeg ang babaeng mortal na kinababaliwan nito, hindi magtatagal at mapapasailalim na rin ito sa kanya nang tuluyan.

"Makaasa ka, Panginoon."

Muling umikot si Lucas at pinagmasdan ang labi ng magandang kabiyak. Nanghihinayang siya sa pagkamatay ni Lilith. Wala siyang kahit anong pinapahalagahan sa mundong ito maliban sa kanyang sarili subalit pinakaiingatan niya pa rin ang mga nilalang sa paligid niya, lalo na kung napapakinabangan niya ito.

Ngayon, nawalan siya ng isang malakas na alagad. Nakabawas ito sa kanyang hukbo. Gayunpaman, ay mukhang may maganda namang kapalit ang katangahan ni Lilith kaya kahit papaano'y nasiyahan na rin siya.

Lumapit si Lucas at hinaplos ang pisngi ni Lilith. Animo isa itong napakabait na anghel. Totoong malaki ang pagkakahawig nito sa kapatid nitong si Eleanor kaya naman naisipan niyang gawin itong kabiyak. Iyon nga lang, mukha lang nito ang malapit sa babae dahil sa ugali at kilos ay magkalayong-magkalayo ang dalawa.

Lumipat ang atensyon niya sa malaki at pulang diyamante na nakahiga sa ibabaw ng dibdib nito. Tumaas ang sulok ng bibig niya. He remembers this diamond, one of her favorite among her thousand possessions. It looked like her own beating heart: outside, it looked magnificent and sparkling, but inside it was rotten like a corpse.

Nilapit niya ang mukha at bumulong dito. "Kumustahin mo na lang ako sa pinakamamahal kong si Eleanor, Luwinda."

Tumuwid nang tayo si Lucas at taas noong naglakad palabas ng silid. Dinaanan niya lang ang babaeng nagtatago sa balabal na nanatiling nakayuko at hindi gumagalaw.

Hindi na siya makapag-antay na makita ang mortal. Nabigo man si Lilith, sisiguraduhin niyang sa mga kamay niya ay hinding-hindi na ito makakawala.

Nasasabik na ang hari ng kadiliman sa katuparan ng kanyang mga plano. Walang kahit sino'ng makakapigil sa kanya. Dahil sisiguraduhin niyang sa pagkakataong ito, hindi lang ang mga mortal ang luluhod sa kanya, maging ang mga anghel sa kalangitan ay bababa ng lupa upang sambahin siya.

~~ To be continued ~~