"ALEXINE, KAHIT ANO'NG mangyari, huwag kang aalis sa tabi ko," mahigpit na habilin ng Tagabantay sa Nephilim.
Humarap si Lexine kay Cael. Inabutan siya nito ng isang lumiliwanag na espada. "Diretso sa kanilang puso. Para mamatay sila," anito. Tumungo siya at hinanda ang sarili.
Patuloy na nagtatagpo ang dalawang panig. The whole place is like a big war from old centuries. Nagkikiskisan ang mga espada. Dumadalak ang mga dugo at nagiging abo ang lahat ng demonyong namamatay. Everything is chaos.
Sunud-sunud na lethium at ravenium demons ang nakasalubong nila. Halos hindi man lang niya magamit ang espadang binigay ni Cael dahil ito na rin mismo ang humaharap sa bawat kalabang sumusubok na dumikit sa kanila. Isabay pa na lumilipad at nakikipagpalaban sa itaas niya si Ithurielle.
Tinalon ng isang ravenium demon si Ithurielle at bumagsak ito sa lupa. Pinagtulungan ng dalawang lethium demons si Cael. Umatake ang isa mula sa likuran nito at hinumpas ang armas. Naiwasan ni Cael ang espadang humiwa sa hangin. Lumingon si Cael sa direksyon niya at nanlaki ang mata nito. "Alexine!" sigaw nito.
Mabagsik na hiyaw ang narinig ni Lexine mula sa kanyang likuran. Pumihit siya paharap roon at isang ravenium ang tumalon sa kanya, nakahanda ang malaking bunganga nito. Awtomatiko na umangat ang braso niya at tumusok ang patalim ng kanyang espada diretso sa dibdib ng halimaw. Lumusot ang kalahati ng blade sa katawan nito. Mabilis itong binalot ng apoy. Nagtaas-baba ang dibdib ni Lexine. Muntik na siya dun!
Nilibot niya ang tingin sa paligid. Umuulan ng mga pana. Umuugong ang sigawan. Dumadalak ang dugo. Nagkalat ang apoy at usok. Walang tigil ang labanan. Marami na rin ang mga sugatang anghel. Maging sa himpapawid ay patuloy ang pakikipagtagisan ng mga lumilipad na anghel at ravenium.
Hindi kalayuan natanaw ni Lexine ang walang awang pag-dakmal ng isang lethium demon sa dibdib ng isang babaeng anghel. Napatakip siya ng bibig. Nasaksihan niya kung paano mabilis na nanigas at naging yelo ang buong katawan ng anghel hudyat na patay na ito. Buong lakas na sinipa ng lethium ang katawan ng babae at agad iyong nabasag na parang salamin.
Natulala si Lexine. So that's how an angel dies.
Naaninag niya sa peripheal vision ang isang ravenium na tumatakbo patungo sa kanya. Gamit ang dalawang kamay, buong lakas niyang hinumpas ang espada at tinamaan sa dibdib ang halimaw. Sa bandang kanan naman natanaw niya ang pasugod ng isang lethium sa likuran ni Cael at handa nang saksakin ang binata. Hindi siya nagdalawang isip at mabilis na kinilos ang mga paa at tinaas ang armas niya.
"AAAHHH!" Tinamaan niya ito sa likuran. Natumba ang halimaw.
Nagulat si Cael pagkaharap nito. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa kanya at sa demon na nasusunog sa lupa.
"I got your back!" buong proud na sabi niya sabay kindat sa kanyang Tagabantay.
Ang gulat ni Cael ay napalitan ng malaking ngiti.
Namilog ang mga mata niya. "Look out!"
Agad yumuko si Cael at maliksing gumulong pakaliwa. Bumangon uli ito, pinangtungkod ang isang tuhod at gamit ang isang kamay na nakahawak sa espada ay mabilis nitong pinutol ang dalawang paa ng umatakeng ravenium. Natumba ang halimaw sa lupa at agad tinusok ni Cael ang batok niyon.
Napasinghap si Lexine sa husay nang pakikipaglaban ng kanyang Tagabantay. "Galing mo do'n ah!"
Nagkibitbalikat lang si Cael sabay ngisi. Ngayon niya lang napansin na mas gwapo ito kapag ngumingiti.
"Maaari bang mamaya na kayo mag-bolahan diyan at tulungan niyo ako rito?" reklamo ni Ithurielle sa itaas nila.
Natatawang silang kumilos at muling nakipaglaban. Sipa, suntok, talon, at humpas ng espada. Hindi na niya namalayan kung gaano katagal na silang lumalaban. Hindi na rin niya alintana ang pagod at sakit ng buong katawan. Tonight she will fight until death.
Matapos saksakin sa dibdib ang isang lethium ay natanaw ni Lexine si Lilith. Sa kabila ng kaguluhan sa buong paligid nangingibabawa pa rin ang pula nitong damit at mala-pusang mga mata. Postura itong nakatayo gitna habang diretsong nakatitig sa kanya. She looks like a red flame wildly dancing in the middle of the chaos. Ngumiti ang demonyita sabay naglakad palayo. Mabilis itong nawala sa kanyang paningin.
Hindi na siya nagdalawang isip pa at agad itong sinundan.
Narinig niyang tinawag siya ni Ithurielle pero hindi siya lumingon. Patuloy niyang sinundan si Lilith hanggang sa naabutan niya itong pumasok sa loob ng abandonadong hospital. Napakatuso talaga nito. Sinadya nitong ilayo silang dalawa sa lahat pero hindi niya ito uurungan.
"Lilith!!" Nag-echo ang kanyang boses sa buong building.
Tanging tunog ng tawa ng demonyita ang kanyang narinig bilang tugon. Tuluyang nakapasok si Lexine sa loob ng gusali. Nakarating siya sa malaki at madilim na lobby ng hospital. Sira-sira ang lahat ng bagay na nakikita niya. Muling nagpakita si Lilith sa pinakatuktok ng malaking hagdanan na nasa gitna bago tila hangin na naglaho. Humugot ng malalim na hininga si Lexine at umakyat sa hagdanan. Dinala siya niyon sa second floor. Maging ang mga pader ay wasak na rin habang nababalot ng makakapal na alikabok ang buong gusali. Basag ang mga bintana, nagkalat ang mga wheelchairs, hospital beds at kung ano-ano pa. Maririnig ang maliliit na sitsit ng mga bubuwit sa nagtatago sa sulok-sulok.
Napakatahimik ng buong abandonang lugar. Tanging mabigat niyang buntong-hininga at dahan-dahang pagkiskis ng sapatos sa sahig ang gumagawa ng ingay. Bahagya niyang naririnig ang kaguluhan sa labas ngunit mas nangingibabaw ang tunog ng mabilis na pintig ng kanyang dibdib.
Pinagpapawisan na siya ng malamig. Dahan-dahang hinakbang ni Lexine ang mga paa habang binabaybay ang madilim na hallway. Hinigpitan niya ang kapit ng dalawang namamawis na kamay sa grip ng espada at tinutok iyon sa unahan. Her eyes were alert and attentive.
Sa dulo ng madilim na hallway muling lumitaw ang demonyitang nakasuot ng pulang damit.
"Lilith!" sigaw niya.
Nag-eecho ang malademonyong tawa ng babae sa kabuuan ng lugar. Malakas ang pintig ng dibdib ni Lexine pero hindi siya magpapadala sa takot. Pinagpatuloy niya ang paglalakad hanggang sa kabilang dulo ng hallway. Pagdating niya sa corner ay humarap siya sa pakaliwa at isang panibagong madilim at mahabang pasilyo uli ang natumbok niya. Sa dulo niyon muling nagpakita si Lilith tapos hangin na nawala. Animo isa itong multo na nagpaparamdam.
"Napaka tapang mo para harapin akong nag-iisa." Narinig niya ang boses nito mula sa kung saan.
"Hindi ako natatakot sa `yo!"
Muling umalingawngaw ang nakakalokong tawa ng demonyita. Nagpatuloy si Lexine sa pagbaybay sa hallway.
"Ganyang-ganyan din ang sinabi sa `kin ni Leonna noon bago ko siya pinatay!"
The demon words were like a bomb that exploded inside her. "Magpakita ka sa `king halimaw ka! Lumabas ka at magtutuos tayo! Harapin mo `ko!"
Isang iglap ay lumitaw si Lilith sa likuran ni Lexine. Isang iglap ay mawawala ito. Halos mahilo na siya kakaikot at kakahanap kung nasaan ito. Paulit ulit lang na lumilitaw at nawawala ang babae na parang hangin habang hindi tumitigil sa nakakabaliw nitong halakhak. Alam ni Lexine na pinaglalaruan siya ni Lilith at nauubos na ang kanyang pasensya.
Agad siyang nakaramdam ng malamig na ihip hangin sa kanyang likuran dahilan upang maliksi siyang pumihit paharap kasabay no'n ang paghumpas ng kanyang espada ngunit hangin lang ang nahiwa niya.
"Sa tingin mo ba ay magagawa mo `kong talunin?" Naramdaman ni Lexine ang bulong nito sa kanyang kaliwa. Humarap siya pakaliwa pero mabilis ulit itong nawala. "Sabi ko naman kasi sa `yo. Sumunod ka lang sa mga gusto ko. Hindi na sana umabot sa ganito ang lahat."
"Hindi ako papayag na magtagumpay ka sa mga kasamaan mo! Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa tulungan ka!"
Muli itong tumawa. This time, mas bumilis na ang senses ni Lexine at agad niyang naramdaman ang presensya nito. Maliksing hinumpas niya ang espada pakanan at doon nahuli ng isang kamay ni Lilith ang atake niya. Hindi nito iniinda ang umaagos na dugo sa palad nito gawa ng patalim ng kanyang armas.
Tumaas ang kilay ng demonyita. "Ganyan-ganyan din ang sinabi sa `kin ng magaling mong ina. Tsk! Parehong-pareho talaga kayo… pareho kayong mga basura!"
Nanlisik ang mata nito at buong lakas na hinagis ang espada niya sa malayo. Napaatras si Lexine. Napalunok siya nang madiin. Mabilis na hinablot ni Lilith ang panga niya. Bumaon ang kuko nito sa magkabila niyang pisngi.
"Ayaw mo sa maayos na usapan? Pwes, dadaanin kita sa pahirapan!"
Nanlaki ang mala pusa nitong mga mata. Binuka ni Lilith ang bibig nito at lumabas ang itim na usok mula roon. Pumasok `yon sa ilong ni Lexine. Mabilis na nanginig ang buong katawan niya. Sumikip ang kanyang dibdib at gumapang ang nakakakilabot na kirot sa buong sistema niya.
Napaluhod siya sa sahig. Hinawakan niya ang kanyang leeg, pakiramdam niya'y may kamay na pumipilipit sa lalamunan niya. Hindi siya makahinga. Ramdam niya ang pag-iinit ng buong katawan. Unti-unting nagbabago ang lahat sa paligid niya.
Naging pula ang bawat bagay na nakikita ni Lexine. Umiiyak ng dugo ang mga dingding at kisame. Hanggang sa unti-unting gumapang papalapit sa kanya ang nagbabahang dugo. Nagimbal si Lexine. Natataranta siyang umusog palayo hanggang sa naramdaman niya ang lamig ng pader sa kanyang likuran. Patuloy niya lang na naririnig ang baliw na tawa ni Lilith.
`Di nagtagal at gumapang ang dugo sa kanyang paa, pataas sa binti, tuhod hanggang kalahati ng kanyang katawan. Nagtaas-baba ang dibdib ni Lexine sa labis na takot. Pumikit siya nang mariin hanggang sa nilamon ng dugo ang buo niyang katawan.