HINDI NA MABILANG ni Night kung pang-ilan ulit na niyang sinubukang sirain ang demon spell na pumuprotekta sa pinto. Nauubusan na siya ng panahon. Sa likod ng dingding na ito naroon si Alexine, abot kamay na niya.
"Fucking shit!" gigil na sigaw ng binata matapos mag-bounce ulit ang ginawang atake at kasunod no'n ay tumalsik uli ang katawan niya sa pader. Maging ang anino na si Ira ay walang magawa. Nakarinig sila ng mabibilis at mabibigat na mga yabag. Paparating na'ng mas maraming kalaban.
"Master, ako na'ng bahala sa kanila," saad ni Ira.
Binalot ito ng usok at bumalik sa pagiging itim na balabal. Dumating ang mas maraming pulong ng mga lethium at ravenium. Lumutang si Ira sa hangin, mula sa laylayan ng balabal nito ay lumabas ang mahahabang galamay na animo walong paa ng gagamba.
Nagsimulang sumugod nang sabay-sabay ang mga demonyo at maliksing pinagalaw ni Ira ang walong galamay nito. Isa-isa nitong pinatalsik ang bawat demonyong magtatangkang lumapit dito. Pinatulis ni Ira ang dulo ng dalawa sa mga galamay nito at pinagtutusok sa dibdib, leeg, at ulo ang mga halimaw. Isang hilera ng tatlong mababagsik na ravenium ang sabay-sabay na tumalon patungo rito. Gumalaw ang galamay nito at tinuhog sa dibdib ang tatlo. Umulan ng abo sa buong pasilyo.
Samantala, hindi pa rin sumusuko si Night na masira ang harang. Panay ang paghampas ng kanyang espada sa pintuan. Nakarinig siya ng nabasag na salamin. Paglingon niya sa likuran, natanaw niya ang mabilis na pagtalon ng tatlong lethium demons galing sa bintana. Mabilis na sumugod ang dalawa sa mga ito at hinumpas ang hawak na armas. Tinaas ni Night si Gula at sinangga ang atake ng dalawa. Sabay na nag-krus ang dalawang espada sa ibabaw ng kanyang ulo. Tumunog ang pagkiskis ng mga metal. Sinipa niya ang isa sa kanan at tumalsik ito sa pader. Sunud niyang tinadyakan ang dibdib ng isa sa kaliwa sabay binawi ang kanyang espada at diretso itong sinaksak sa leeg. Lumusot ang kalahati ng espada sa batok nito. Tumalsik ang itim na dugo at mabilis na nilamon ng apoy ang katawan ng demon.
Nakarinig si Night ng sigaw mula sa likuran at agad siyang pumihit. Bumungad sa kanya ang isang lethium, nakataas ang palakol na hawak nito na malapit na siyang tamaan. Hinanda niya ang braso upang sanggain ito pero huli na siya ng kilos. Tumalsik ang dugo. Lumusot sa dibdib ng demon ang patalim na binabalot ng puting liwanag. Mabilis na nagliyab ang katawan ng demonyo at naging abo. Sa likuran nito nakatayo ang tagabantay na anghel.
"Kumusta Tagasundo?" Masigla ang ngiti nito.
Night smirked. "I don't need your help. I can kill that fucker!"
Napangisi lang si Cael. Sunud-sunud na tumalon mula sa bintana at pintuan sa kabilang dulo ng pasilyo ang mas marami pang mga alagad ni Lilith. Napalilibutan na sila. Nagdikit ang likod ni Night at Cael habang nakahanda ang kanilang mga espada habang si Ira naman ay lumulutang sa itaas at naka-ready na rin ang walong galamay nito.
"Masyado silang marami," wika ni Cael.
"I can't waste my time fighting these dogs. I need to save Lexine," saad ni Night.
"Sige na, Tagasundo. Ako na'ng bahala rito. Iligtas mo na si Alexine."
"Okay, madali naman akong kausap. Good luck, kaya mo na `yan!"
Walang lingon na iniwanan niya si Cael at muling sinubukan na sirain ang harang ng pinto habang ang anghel at si Ira ang patuloy na humarap sa mga kalaban.
Mabigat na nagbuntong-hininga si Night. Paano niya ba sisirain ang mahikang pumapalibot dito? He was running out of time. Nilibot niya ang mga mata sa paligid, may naisip siyang ideya. Mabilis siyang naging usok at naglaho sa hangin. Sigurado si Night na may bintana sa loob ng bulwagang ito at iyon ang kailangan niyang hanapin. Inikot niya ang labas ng West Wing at hindi nga siya nagkamali ng hinala dahil agad niyang natagpuan ang bintana ng bulwagan at hindi `yon nababalutan ng harang o ng kahit anong uri ng demon spell.
Pumasok ang itim na usok sa basag na parte ng bintana. Nagimbal si Night sa inabutan ng kanyang mga mata. Maraming bangkay ang nakasabit sa anim na krus, isang malaking bilog na pentragram ang binabalot ng apoy at gitna niyon naroon at nakatayo si Lilith. Nakapikit ito, nakalahad ang dalawang braso habang may binibigkas ang mga labi. Sa paanan nito natagpuan niya ang hinahanap.
"Lexine!"
Wala itong malay at nakahiga. Agad siyang lumapit pero mas tumaas ang pagliliyab na apoy, napaatras siya. Maging ang pentagram ay protektado ng kapangyarihan ni Lilith. Nanggigigil na si Night. Nauubusan na siya ng pasensya sa dami ng balakit na kailangan niyang pagdaanan bago mailigtas si Lexine. Paulit-ulit niya itong tinawag at baka sakali na magising ito mula sa ritwal na ginawa ni Lilith.
"Lexine! Lexine! Lexine!"