Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 104 - There’s still hope

Chapter 104 - There’s still hope

"NAGUSTUHAN MO BA ang palabas?"

Isang kamay ang tumakip sa bibig ni Lexine at hinatak siya paalis sa nakaraan. Paglingon niya sa likuran ay naroon si Lilith.

"Luwinda," aniya.

Tumaas ang sulok ng bibig nito at dahan-dahang naglakad paikot sa kanya. Lumibot ang mga mata ni Lexine sa paligid. Naghahalo ang kulay pink, purple at orange sa payapang kalangitan. Habang ang kinatatayuan naman nila ay malinaw na tubig. Sa sobrang linaw niyon ay tila salamin ang tubig at ginagaya ang repleksyon ng langit.

"Nasaan tayo?" tanong niya. The enormous place seems to be endless. It was breathtaking but terrifying at the same time.

"Walang tawag sa lugar na `to. Dito hindi gumagana ang oras at panahon."

Naguguluhan si Lexine. Parte ba ito ng mahika ni Lilith at nililinlang siya?

"May kakayahan kang kontrolin ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap, Alexine. Anak ka ni Daniel na siyang nangangalaga sa balanse ng panahon. Dadalhin mo `ko sa nakaraan kung kailan unang nagkakilala si Lucas at Eleanor. Dahil ako ang dapat na ibigin ni Lucas at hindi ang kapatid ko. Ang tao kong katawan ang dapat na magdala ng kanyang anak at hindi si Eleanor. Dadalhin ko ang sanggol na `yon sa kasalukuyan at siya ang magiging panibago naming anak. Sa ganoong paraan maibibigay ko na'ng gusto ni Lucas at tuluyan na niya akong mamahalin."

Hindi makapaniwala si Lexine sa mga naririnig niya. Nababaliw na ang babaeng ito. "Imposible ang sinasabi mo. Hindi ko alam kung paano gagawin ang gusto mo!"

"Alam mo pero ayaw mo lang gawin!" Pinandilatan siya nito ng mata. Napaatras siya.

Nagtiim ang bagang ni Lexine. Hindi siya makapaniwala na nagawa nitong talikuran ang kapatid at pamangkin nito at tuluyang nagpapalamon sa kadiliman.

"Bakit? Bakit mo kailangan ipilit ang sarili mo sa isang lalaki na kahit kailan ay `di ka magagawang mahalin? Luwinda, ginagamit ka lang ni Lucas! He doesn't deserve your love!"

Natigilan si Lilith. Naninigas ang buong mukha ng demonyita habang nagsisimula nang magtubig ang dilaw nitong mga mata. Nabuhayan siya ng loob. Mukhang hindi pa rin tuluyang nawawala ang pagiging tao nito. Unti-unti siyang lumapit rito.

"Pinatay niya ang kapatid mo. Ginawa ka niyang ka-uri niya. Gusto ka lang niyang gamitin sa masasamang plano niya na maghasik ng kasamaan sa buong mundo. Sa tingin mo ba sa oras na mabigyan mo siya ng anak tuluyan ka niyang mamahalin? He killed Eleanor! He will also kill you once na makuha na niya ang anak na gusto niya! At sigurado ako na gagamitin niya ang batang `yon para maghasik ng kasamaan! Lahat kayo mga puppet lang na gusto niyang gawing kasangkapan sa maiitim niyang plano."

Tuluyan nang tumulo ang luha ni Lilith. Lumambot ang puso ni Lexine. Kahit na nagpasakop ito sa dilim ay minsan pa rin itong naging tao. Nasasaktan at nagmamahal din ito na katulad niya.

"Hindi mo kailangan mamalimos ng pag-ibig dahil may taong totoong nagmamahal sa `yo. Hindi mo lang siya nakikita kasi nagpapalamon ka sa kadiliman. Nasa tabi mo lang siya all these years pero pinili mo siyang hindi pansinin dahil sa pagkabulag mo sa pag-ibig mo kay Lucas."

Ilang hakbang na lang ang pagitan nilang dalawa. Humugot siya ng malalim na hininga. Matapos niyang makita ang lahat tungkol sa nakaraan ni Night at Lilith ay naniniwala siya na pareho lang ang mga ito na naging biktima ng kasamaan ni Lucas. Sa kaibuturan ng puso ni Lilith ay naroon pa rin ang pagiging tao nito. Napatunayan niya iyon kay Night. At naniniwala siya na maaari pa ring magbago si Lilith. Hindi pa huli ang lahat. May magagawa pa siya upang matulungan ito.

"Luwinda, si Alexis, mahal ka niya. Niligtas niya ang buhay mo. Sinuko niya ang sarili niya sa ama niya para sa `yo. Nakakalimutan mo na ba?" unti-unting inaabot ni Lexine ang dalawa niyang kamay rito. Tila isang bata na pinapaamo niya ito.

Umiling ang demonyita. "Sarili lang ni Alexis ang iniisip niya."

"Hindi totoo `yan. Alam mong hindi totoo `yan! May puso si Night. Ang pusong `yon ang bumuhay sa `yo at ang bumuhay sa `kin. Binigyan niya tayo pareho ng pangalawang pagkakataon sa mundong `to. Mahal ka ni Night, mahal ka ni Alexis. Hindi pa huli ang lahat Luwinda."

Tila yelo na unti-unting lumabot ang mga mata ni Lilith. Tila ba inaalala nito ang lahat nang nagdaan sa maraming taon. Patuloy siyang humakbang palapit rito. Nakahanda ang kanyang dalawang palad para tanggapin ito sa kanyang mga bisig. Naniniwala siya na may nagtatago pang kabutihan kay Lilith. Katulad ng paniniwala niya na mabuti si Night.

"Luwinda."

Sa wakas at nahawakan niya ang kamay ni Lilith. Tuluyan na itong humagulgol. Nanikip ang dibdib niya. Hinagkan niya ito at hinayaang umiyak sa kanyang balikat. Marahan niyang hinaplos ang buhok nito. Ilang saglit pa at tumahan ito sa paghikbi hanggang sa narinig niya ang tunog ng maliliit nitong tawa.

Mabilis na dinakma ni Lilith ang leeg niya. Nahigit niya ang hininga. Humarap ito sa kanya at napako siya sa nanlilisik nitong mga mata.

"Akala mo ba madadala mo `ko sa mga drama mo? Hmp! Kaya wala kayong kwentang mga mortal dahil masyado kayong malambot at madaling utuin. Mahihina, walang silbi at sunud-sunuran sa mga kwento ng mga bulaang propeta! Naniniwala kayo sa Diyos niyo na hindi naman nagpapakita. Mga hangal kayo!"

Hinawakan ni Lexine ang malamig na kamay ni Lilith sa kanyang leeg. Nahihirapan siyang makahinga. Nagkamali siya na isiping magbabago pa ito.

"Gawin mo na kung ano'ng pinapagawa ko sa `yo. Ang dami mong drama naririndi na `ko!"

"Hinding-hindi ko gagawin ang gusto mo!" buong diin niyang sambit.

Tumaas ang isang kilay nito. "Alam ko naman na matigas ang ulo mo. Pwes, tignan natin kung hanggaang saan ang tibay ng bungo mo!"

Binuka ng demonyita ang isang palad nito at lumabas mula roon ang itim na usok. Sa loob niyon pinakita ang itsura ni Alejandro habang nakahiga ito sa kama. Sa tabi nito naroon at nakatayo si Madame Winona na may ginagawang orasyon.

"No! Please."

"Pwes, kumilos ka na at nauubos na ang pasensya ko sa `yo!"

Lalong humigpit ang kapit ni Lilith sa leeg niya. Nahihirapan na siyang huminga. Naghihirap niyang pinagmasdan ang kaawa-awang kalagayan ni Alejandro. Naninikip ang dibdib niya sa nakikita. Hindi niya kayang may mangyaring masama sa lolo niya.

"Oo, gagawin ko na."