Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 99 - Lilith

Chapter 99 - Lilith

MABIGAT ang ulo ni Lexine habang unti-unti niyang binubuksan ang mga mata. Nahihilo siya habang pilit niyang hinahatak ang sarili na tuluyang magkamalay. Ilang sandali siyang paralisado bago dahan-dahang luminaw ang kanyang paningin. Unang bumungad sa kanya ang malawak at mataas na kisame.

Nilibot niya ang mga mata. Naamoy niya ang sunog na wax. Madilim ang buong lugar at may mga kandilang nakasindi sa paligid na siyang nagsisilbing ilaw sa kadiliman. Napapaligiran siya ng mga iba't ibang pigurin na pagkuwan ay napagtanto niyang mga santo. What the hell is this place?

Dahan-dahan siyang bumangon at umupo. Saka niya lang napansin na nakahiga pala siya sa isang malaking bilog na kama. May pulang bedsheet `yon at napaiikutan siya ng mga kandila. Muli niyang ginala ang tingin sa buong lugar. Luma ang mga bintana at walang kuryente. Kung hindi siya nagkakamali ay tila isa itong abandonadong simbahan.

"Anong ginagawa ko rito? Kasama ko lang kanina si Ms. Gar—" Napasinghap siya nang mabilis na bumalik ang kanyang alaala sa mga nangyari. "Si... si Ms. G-garcia ang..."

Isang malaking bagay ang bumara sa kanyang lalamunan. Halos buong buhay niyang kilala ang kanyang ballet instructor. Naging napaka buti nitong kaibigan sa kanya. Labis na kumikirot ang puso niya sa katotohanang isa pala itong traydor at kalaban. Gusto niyang itanggi kung ano ang nakita. Baka nananaginip lang siya at magigising na masamang bangungot lang ang lahat.

"No, it can't be." Panay ang kanyang pag-iling.

Isa-isang bumalik sa kanya ang lahat ng mga alaala at pinagsamahan nila Ms. Garcia. Lubos niya itong pinagkatiwalaan at minahal na parang tunay na kapatid. Pero anong ginawa nito? Isa itong ahas! Sumiklab ang matinding galit sa kanyang dibdib. Napakasakit ng ginawa nito sa kanya. Sinaksak siya nito nang patalikod. All these time, akala niya mapagkakatiwalaan niya ito. Pero lahat pala ay puro kasinungalingan lang.

Ilang sandali pa at narinig niya ang mga yabag na paparating. Sa tapat ng kamang kinauupuan sa kabilang panig ng silid, naroon ang isang malaking kahoy na pintuan. Unti-unti itong bumukas sa gitna. Nahigit niya ang hininga. Kakaibang kilabot ang naramdaman ni Lexine na mabilis bumalot sa buo niyang katawan.

Isang napakagandang babae ang dahan-dahang naglalakad patungo sa kanya. Tanging ang tunog ng takong ng sapatos nito ang maririnig sa katahimikan ng buong paligid. Animo, na-estatwa si Lexine sa sobrang paninigas ng buong katawan niya habang pilit na pinipigilan ang mga luhang nagbabadya kumawala sa kanyang mga mata.

Nakasuot ng pulang gown ang babae na hapit sa makurba nitong katawan. Maputi ang balat nito, mababa ang cleavage ng suot nito dahilan upang lumuwa ang malago nitong hinaharap. May suot itong malaki at pulang diyamanteng pendant na nakapaloob sa ginto at ancient na pendant holder. Umaabot hanggang sa sahig at mahaba at tila nyebe nitong buhok na nagsisilbing takip sa halos hubad nitong dibdib. Her beauty was divine, and yet it possesses an enormous menace that will swallow you alive.

Labis ang pangangatog ng bawat kalamnan ni Lexine matapos masilayan ang dilaw nitong mata. Hindi niya makita ang mukha ni Ms. Garcia sa babaeng ito. Ngunit, alam niya at nakasisigurado siyang ito ang nagtatagong kalaban.

"Kamusta ang pagtulog mo, Alexine?"

Maging boses nito ay sapat na upang tumatayo ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Nagsusumigaw ang awtoridad at napaka-itim na kapangyarihan sa kabuuan ng babae. Ilang hakbang pa at tuluyan itong nakarating sa tapat niya. Umupo ito sa kama. `Di napigilan ni Lexine na lalong manginig lalo na't nasa tabi niya ito at abot kamay siya.

Higit sa lahat, sumisiklab ang galit ng dibdib niya dahil pinagtaksilan siya ng taong labis niyang pinagkatiwalaan. "Bakit mo nagawa sa `kin 'to Ms. Garcia? I trusted you!" Malumanay pero madiin ang kanyang bawat salita.

Matipid na ngumiti ang babae. "Magkakampi tayo, Lexine. Tulad nang pinangako ko sa `yo, ililigtas ko si Alejandro basta susunod ka lang sa gusto ko at wala tayong magiging problema."

"Sino ka ba talaga?" halos bulong na lang ang boses niya. Nanlalabo na'ng paningin ni Lexine dahil iniipon niya ang mga luha sa mata. Ayaw niyang ipakita sa ahas na ito na mahina siya.

Napasinghap siya nang bigla nitong haplusin ang kanyang buhok. Ang kanina niya pang pinipigilan na panginginig ay tuluyang lumabas. Ni balahibo ng babaeng ito ay sapat na para katakutan niya.

"Ang pangalan ko ay Lilith," sagot nito habang hinihimas ang buhok niya na parang isa siyang bata. "Hindi ako kaaaway, Alexine, isa akong kaibigan."

Umapoy ang mga mata niya. "Ang kapal ng mukha mong banggitin ang salitang kaibigan matapos ng lahat ng ginawa mong kawalanghiyaan sa pamilya ko." Kahit ano'ng pigil niya sa nag-aalab na damdamin ay kusa itong lumalabas sa kanyang bibig.

Mahinang tumawa si Lilith. Sumunod nitong pinagapang ang palad sa kanyang pisngi. Pinunasan nito ang mga butil ng luhang kumawala sa kanyang mata. "Shh, don't cry, honey."

"Wag mo `kong hawakan nandidiri ako sa `yo," buong gigil niyang sambit. Nagkikiskis ang ngipin niya.

Umismid si Lilith at tinanggal ang kamay nito sa mukha niya. "Kaya naman pala ulol na ulol sa `yo ang sutil ng prinsipe ng dilim. Pinapahanga mo `ko sa tapang mo mortal."

"Nandito na `ko. Pakawalan mo na ang lolo Alejandro ko. H'wag mo nang idamay si Night at ang mga kaibigan ko tutal ako naman ang gusto mo, diba? Heto na ko, masaya ka na?"

"Oo, masayang-masaya. Dahil sa wakas maisasakatuparan ko na'ng mga plano ko. Bago man lang kita ibigay kay Lucas, dapat lang na pakinabangan muna kita tutal ako naman ang naghirap na makuha ka."

Napakunot ang noo ni Lexine. "Lucas? Sino si Lucas?"

Umangat ang sulok ng bibig ng demonyita. "Makikilala mo rin siya `wag kang mag-alala. Pero bago ang lahat, sa `kin ka muna susunod dahil kung hindi, magpaalam ka na sa pinakamamahal mong abuelo!"

Nagimbal si Lexine sa mga sinabi nito. Higit siyang natatakot para sa kanyang lolo. Sana lang ay nakaligtas si Madame Winona sa pakikipagtunggali nito sa mga ravenium nang sa ganoon ay ma-protektahan nito si Alejandro.

"Halika na. Tutal atat ka namang malaman kung ano'ng papel mo, halika, sumama ka sa `kin." Nilahad ni Lilith ang isang palad nito sa kanya.

Matalim lang na tinignan ni Lexine ang kamay nito. She will never touch this bitch. Kinasusuklaman niya ang bawat parte ng katawan nito. She don't want to get tained by her wicked touch. Imbis na abutin ay tumayo siya nang hindi ito hinahawakan.

Inismiran lang siya ni Lilith at nagsimula na itong maglakad palabas ng malaking silid. Walang nagawa si Lexine kundi sumunod dito. Lumabas sila sa malaking pintuan at naglakad sa madilim na corridor. Mukhang walang kuryente ang buong gusali dahil puro mga kandila at light torch sa dingding lang ang nagsisilbing liwanag sa paligid.

Matapos ang ilang minutong paglalakad ay tumigil sila sa tapat ng mas malaking pintuan na gawa rin sa kahoy. Tumingin sa kanya si Lilith at ngumiti.

"Handa ka na ba, Alexine?"

Related Books

Popular novel hashtag