Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 66 - Alejandro

Chapter 66 - Alejandro

HALOS MANLAMBOT ang mga tuhod ni Lexine nang makita niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang lolo Alejandro habang ang katawan nito ay tila lantang gulay na nakahiga sa kama. May nakaturok na dextrox sa kaliwang kamay nito, nakasubo sa bibig ang isang mechanical ventilator na umaalay sa paghinga nito at sa gilid naman ng kama naka-set up ang electronic vital sign monitor.

Nagpasya siyang ilabas ang abuelo sa hospital at dalhin ito sa kanilang mansion. Simula nang nangyari ang insidente kay Ansell noong nakaraang linggo ay wala na siyang tiwala sa mga hospital. Ayon sa kanilang private Doctor na si Mr. Juanito ay  Thrombotic strokes daw ang nangyari rito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagkakamalay.

Nanlulumong lumuhod si Lexine sa tabi ni Alejandro at hinawakan ang isa nitong kamay. "Lolo, I'm so sorry." Paulit-ulit na dinidikdik ang puso niya. Habang nagpakalulunod siya sa sarap sa malayong lugar, heto ang lolo niya at naghihirap dito.

Ilang sandali ang lumipas nang pumasok si Belle at naghi-hysterical na lumapit sa kanya. "Lexi, sa'n ka ba nanggaling? Bakit ilang araw kang hindi nagparamdam? Jusmiyo Marimar! Pinag-alala mo kami rito!"

Mabigat siyang bumuntong-hininga at namamaga ang mata na hinarap ito. "Saka ko na lang ipapaliwanag, Belle. Ano ba talaga'ng nangyari kay Lolo?"

Lumambot ang mukha nito at umupo sa kanyang tabi. "Nung isang gabi kasi habang naglalakad ako sa hallway, may narinig akong ingay na nanggagaling dito sa kwarto ni sir. Pagpasok ko, nakita ko na siyang nakahandusay sa sahig. Nanlalaki `yung mga mata niya at takot na takot ang itsura niya. Para siyang may nakikita na `di ko ma-explain."

Halos hindi humihinga si Lexine habang pinakikinggan ang pagkukwento nito. Bumilis ang pulso niya at may duda siyang hindi lang iyon basta ordinaryong stroke kundi may kababalaghang nangyari sa lolo niya.

"Tumawag agad ako ng tulong, dumating sila tatay, Rico at Mang Ben. Tapos nagpatawag naman agad si nanay ng ambulansya."

Lalong lumakas ang pag-iyak ni Lexine matapos mag-kwento ni Belle. Hinimas-himas nito ang balikat niya. Pakiramdam niya kasalanan niya ang lahat dahil isa-isang nadadamay ang mga mahal niya sa buhay. Malakas ang kutob niya na ang nilalang na nasa likod ng pagpapadukot sa kanya at ang nilalang na may gawa nito sa lolo niya ay maaring iisa. Gusto niyang magalit sa nilalang `yon o mas tamang sabihin na sa halimaw na `yon. Kung sino man ang may pakana ng lahat ng ito ay hinding-hindi niya ito mapapatawad.