PAGSAPIT NG HAPON, nakigamit si Lexine ng laptop kay Sébastien. Agad niyang binuksan ang facebook account dahil sigurado siyang pinaghahanap na siya ng mga tao sa Pilipinas. Dalawang araw na rin siyang hindi nakakauwi sa bansa.
Pagbukas niya ng messenger ay halos napuno iyon ng mga missed call at messages galing kay Ansell, Belle, Xyrille at Ms. Garcia Una niyang binuksan ang messages ni Belle at mabilis na binalot ng lamig ang buo niyang katawan nang mabasa kung ano'ng chat nito.
Belle: Lexi, where are you? Bakit hindi ka umuwi kagabi?
Belle: Hoy, bruha ka! Nag-aalala na ako sa `yo! Paano kita pagtatakpan kay sir Alejandro? Nakakaloka ka talagang babae ka nasaan ka na???
Belle: Lexi, please mag-reply ka, si sir Alejandro inatake, sinugod sa hospital!
Nanginginig ang mga kamay na nag-reply siya sa chat nito. Buti na lang at online si Belle. Agad silang nag-video call. Ang naghi-hysterical nitong mukha ang unang bumungad sa screen. "Jusmiyo Marimar, Alexine! Nakakawindang ka talaga ng brain cells! Bakit ngayon ka lang nagparamdam?"
"Belle? Nasaan si Lolo? What happened to him? Is he okay?" Hinahabol niya ang hininga sa sobrang kabog ng kanyang dibdib.
Bumagsak ang mukha nito. "Naku, friend, ang lolo mo. Na-stroke siya kagabi. Dinala namin nila Tatay at Mang Ben sa St. Lukes. Nasaan ka ba kasi at bakit hindi ka pa umuuwing babae ka? Don't tell me nagtanan ka na?"
Hindi niya pinansin ang huling sinabi nito. "What? Stroke? Oh my God!" Mabilis na namuo ang luha sa mata niya.
"Oo nga paulit-ulit! Umuwi ka na kasi at kailangan ka ni sir Alejandro!"
"Okay, I'll go home. Belle, please paki-check nang mabuti si Lolo. Huwag mo siyang pababayaan. Uuwi na `ko, just wait for me and I'd explain everything at home."
Tila naawa naman si Belle sa kanya kaya hindi na siya nito inaway pa. Matapos ang video call ay hindi siya mapakali. Nagpabalik-balik siya ng lakad sa buong kwarto. Paano siya makakabalik ng Pilipinas gayong nawawala si Night at hindi pa umuuwi? Wala siyang dala na atm, credit cards at mas lalo ang passport!
She was so desperate. Hindi niya mapapatawad si Night kapag may nangyaring masama sa lolo niya. Ito naman ang may kasalanan kung bakit nakakulong siya ngayon sa mansion nito at hindi makauwi. Nanghihinang umupo siya sa kama at humawak sa dibdib habang pilit na pinakakalma ang sarili nang bigla siyang napaso. "Aw!"
Binaba niya ang tingin at nakapa sa loob ng blouse niya ang kwintas na binigay sa kanya ni Madame Winona. Nawala sa isip niya na sinuot niya pala ito noong isang araw at hindi pa hinuhubad. Tinanggal niya ang kwintas mula sa leeg at pinagmasdang mabuti ang palawit niyon. Umiinit ang alahas sa kanyang palad. Anung nangyayari?
Hindi niya maipaliwanag pero may kakaibang enerhiya siyang nararamdaman sa loob ng palawit na ito. Ano naman ang maitutulong nito sa kanya? Sinuring mabuti ni Lexine ang hawak na gold leaf pendant. Binaliktad niya ito. Naningkit ang mga mata niya, may nakaukit na mga letra sa likuran nito. Binasa niya ang pangalan. "Ithurielle."
Biglang lumutang ang pendant at binalot ng liwanag, agad napatalon si Lexine. Lumuwa ang mga mata niya. Tila nagkaroon ito ng sariling buhay habang palutang-lutang sa harapan niya.
"Ano ang iyong hiling aking prinsesa?"
Tumirik ang mga balahibo niya sa batok nang marinig ang isang malamig at malumanay na boses ng babae. Inikot niya ang tingin sa buong silid. Walang ibang tao roon kundi siya lang. Pero sigurado siya sa narinig. Saan iyon nanggaling?
Mas lalong lumaki ang mga mata ni Lexine nang mapagtanto na sa kwintas nagmumula ang tinig. Nagsasalita ito at kinakausap siya! "Sino ka?"
"Ang pangalan ko ay Ithurielle, isa akong anghel na nakakulong sa loob ng kwintas na ito. Narito ako upang ipagkaloob ang iyong kahilingan aking prinsesa."
Malakas siyang suminghap. Anghel? May anghel na nakakulong sa kwintas na binigay sa kanya ni Madame Winona? Ngunit hindi na mahalaga kung paano `yon nangyari. Ang importante ay ang makaalis na siya sa lugar na ito sa lalong madaling panahon. Kailangan niyang makabalik sa kanyang lolo Alejandro. Tumayo siya nang tuwid at pinakatitigan ang kwintas.
"Gusto kong makauwi sa amin. Gusto kong makita ang lolo Alejandro ko ngayon din!"
"Masusunod aking prinsesa."
Biglang lumindol. Lumakas nang lumakas ang pagyanig at unti-unting nawasak ang mga pader sa paligid niya. Sumabog ang isang nakasisilaw na liwanag. Tumili si Lexine sabay takip sa kanyang mukha gamit ang dalawang braso. Mabilis siyang hinigop ng isang napakalakas na pwersa.
Pagkadilat niya ng mata ay wala na siya sa loob ng kwarto ni Night kundi nasa pamilyar na apat na sulok ng kanyang silid. Awtomatikong humawak si Lexine sa kanyang dibdib. Nandoon na ulit nakasabit ang kwintas niya.
Napangiti siya. Halos maiyak siya sa tuwa. "Salamat, Ithurielle," bulong niya at hinalikan iyon. Nagmamadali siyang lumabas ng kwarto at pinuntahan ang kanyang abuelo.