ILANG ARAW na nagpalipas si Lexine sa ospital upang mamonitor ng mga doktor ang kanyang kalagayan. Bored na bored na siya dahil wala siyang ibang nakikita kundi ang apat na sulok ng malungkot niyang private ward. Halos kilala na rin niya lahat ng nurse na oras-oras kung magcheck-up sa kanya. Gusto na niyang umuwi. Miss na miss na niya ang sariling kwarto lalo na'ng malambot niyang kama.
"Buti naman at dinalaw mo `ko rito. I'm so bored here. I wanna go home," nakangusong reklamo niya sa binatang nakaupo sa gilid ng hospital bed. Kasalukuyang naglalaro ng Pro Evolution Soccer sa PsP si Ansell. Mula sa screen ng gadget, nag-angat ito ng tingin, ngumisi nang nakaloloko sabay kinurot ang kanyang pisngi.
"Panguso-nguso ka pa diyan! Hindi ka mapapalabas ng pagpapa-cute mo."
Tinampal niya ang kamay nito. "Ouch! Ansell ano ba? Stop, it hurts!"
"Ouch! Ansell, ano ba? Stop, it hurts!" Ginaya muna nito ang boses niya bago binitawan ang pisngi niya.
Halos batuhin niyo ito ng unan sa mukha. Wala na talagang alam gawin ang mokong kundi i-bully siya. Nagtataka nga siya sa sarili kung paano sila naging mag-best friend. Magkaklase na sila ni Ansell simula first grade. Hindi niya talaga `to gusto no'ng una dahil nuknukan ng alaskador. Inis na inis siya rito lalo na at ginawa nitong mission and vision sa buhay ang bwisitin siya. Ngunit isang araw ay naging knight in shining armor niya ito.
Naalala niya pa noong second grade pa lang sila, nahulog siya sa bangin habang nasa fieldtrip sa Subic. Takot na takot si Lexine ng araw na `yun. Inabot siya ng dilim sa gubat habang umiiyak at humihingi ng tulong. Ang buong akala nga niya'y mabubulok na siya sa bangin pero buti na lang at natagpuan siya ni Ansell. Agad itong tumawag ng mga awtoridad upang makalabas siya do'n. Ito ang kanyang savior. Simula noon ay gumaan na'ng loob niya rito at `di nagtagal ay naging matalik silang magkaibigan.
"Ugh! I can't take this anymore! I want to go home!" Dumapa si Lexine, nagtago sa ilalim ng kumot at nagpagulong-gulong. Ginawa niyang parang sushi ang sarili na binalot ng kumot ang buong katawan habang tanging ulo niya lang ang nakalitaw. "I feel good. There's nothing to worry na. Bakit ayaw pa nila `kong palabasin?"
"I don't know. I'm not the doctor, Lexi," sagot nito na `di man lang siya tinapuan ng tingin habang nanatili ang mga mata nito sa nilalaro.
Tumirik ang mga mata niya at nilipat na lang ang atensyon sa bintana. Mula sa kanyang pwesto ay natatanaw niya ang katapat na malaking puno ng Narra. Nasa ika-tatlong palapag ng building ng hospital ang kanyang silid kaya naman halos magkapantay na ang bintana at ang tuktok ng puno.
Pinagmasdan mabuti ni Lexine ang mga sangga at dahon niyon. Sumasabay ang mga `yun sa ihip ng malakas na hangin. Biglang kumidlat at kumulog nang malakas. May bagyo pa atang paparating lalo na't tag-ulan tuwing fourth quarter ng taon. Naningkit ang mata ni Lexine nang may kakaiba siyang napansin. Muling kumidlat at nakita niya ang isang bulto ng lalaki na nakatayo sa malaking sanga ng puno. Nanlaki ang mga mata niya. Sabay-sabay na nagsitayuan ang mga balahibo niya mula ulo hanggang paa. Binalot ng yelo ang balat niya.
"Ansell, look! There's a guy standing over there!" Mabilis niyang kinalabit ang katabi sabay turo sa direksyon ng puno.
"What?" Nakabusangot na nag-angat ng tingin si Ansell at sinundan ang tinuturo niya. "Where? Wala naman!"
Binalik ni Lexine ang tingin sa puno ng Narra. Wala na nga ang lalaki roon. Nagmadali siyang tumayo at humakbang palapit sa bintana. "But I swear I saw someone, it's a guy. He's wearing a black hood at nakatago ang mukha niya."
Umiling lang sa kanya si Ansell at muling tinuon ang atensyon sa nilalaro nito. "Guni-guni mo lang `yan. Matulog ka na at mukha ka ng the walking dead sa itim ng eyebags mo."
Muli niyang pinagmasdan ang puno. Guni-guni lang ba talaga ang lahat? Pero bakit pakiramdam niya `di siya namamalikmata. It felt so real.
Hindi maipaliwanag ni Lexine sa sarili pero hindi maganda ang naidulot ng guni-guning `yun.