-*-*-*-*-*-
"Andy, drawing book mo." Iniabot ni Sigmund ang isang kulay itim na drawing book. Mayroon itong makapal na cover, at may nakaburdang VF na insignia - ang simbolo ni Ppela sa pinakaibabang kanang bahagi ng cover at meron din sa gitna ng pinakaunang pahina ng drawing book.
"Nice. Baka mumurahin to ah."
"Ah.." Hindi alam ni Sigmund ang isasagot. Dahil sa totoo lang, wala naman talaga siyang alam sa presyo ng drawing books dahil ibinigay lang iyon nang libre sa kanya ni Ppela. Wala silang kaalam-alam na ang halaga ng mga items ni Ppela ay walang katumbas. Mas mahal pa kesa sa kahit na anong uri ng dyamante o ginto.
"Eh yung akin, asan na?" Singit ni Ark na umakbay kay Andy at pajoke na sinakal ang kakambal.
"Uggh.Gago tol! Papatayin mo ba'ko?"
"Oo! Pakyu! Inubos mo ang Nutella ko! Gago ka!" Kaninang umaga lang ay nabadtrip si Ark sa kakambal dahil inubos nito ang paborito niyang palaman sa creambread. Simula bata pa ay paboritong paborito nilang dalawa ang Nutella.
Iyon lang ang pagkaing hindi niya pagsasawaan kahit kailan. Noong bata pa sila, minsan na ring pinalitan ng yaya nila ang palaman ng cheezwiz at strawberry jam kaya nagtrantrums siya at naghunger strike hangga't hindi ibinalik ang Nutella.
"Uggh. Sorry ka nalang. Ako ang nakauna eh. Pabili ka nalang."
"Ayoko. Palitan mo yun!" Pero ang totoo, tinatamad lang talaga si Ark.
"Easy. Hoy, Sigmund!" Tawag ni Andy.
"Oh? Ah, ark ito na." Ibinigay na ni Sigmund ang isa pang drawing book. Kapareha ng disenyo ng kay andy ngunit ang nag-iba lang ay brown ang kulay ng cover nito.
"Bilhan mo ko ng Nutella. Ibigay mo mamayang lunchbreak."
Bumitiw si Ark sa pagkakasakal sa kapatid niya. "Nice! Hahaha. Gusto ko yan."
"Mamayang lunch break? Ilan?"
"APAT." Sabi ni Andy nang may diin. Napangisi naman si Ark. Apat na Nutella, solo niya? Hmm. Ayos din 'tong kakambal niya eh. Kaso, ang hindi niya alam, may nilulutong pantitrip para sa kanya ang kakambal. Bago niya makuha ang pinakaasam-asam nitong Nutella, pahihirapan niya muna ito mamaya pagdating sa bahay nila.
"Yan ang gusto ko sa'yo Sigmund. Maaasahan ka talaga," pang-uuto ni Andy. At ang inosenteng si Sigmund, ngumiti naman. Tuwang-tuwa na nakatulong sa kanyang kapwa.
"Oo nga.hahahaha," segunda ni Ark at para namang nagkatelepathy ang kambal ng sila'y nagkatinginan. Bigla nalang silang natawa.
"Hehe. Wala yun. Sige. Aalis na'ko. Andyan na si Sir."
Malayo palang, natanaw na ng III- Cassiopeia ang pagdating ng isang lalaking matangkad na nasa 50's na ang edad. Bagaman may nakaharang na reading glass sa kanyang mga mata, ay mararamdaman mo pa rin ang bagsik ng awra niya na sinamahan pa ng makapal at nakakunot niyang mga kilay.
Kahanga-hanga ang pagiging presentable nito sa katawan. Nakahati sa gitna ang kulot nitong buhok na parang ahas ni medusa. Plantsadong plantsado ang kanyang green polo, at itim na slacks. Kumikintab sa linis ang kanyang black shoes.
Siya ang striktong guro ng III- Cassiopeia at III- Andromeda sa Araling Panlipunan. Si Allan Fernando Domingo. O mas kilala bilang sir "Domeng" bilang kanyang palayaw.
Parang mga dagang nagmamadali na bumalik sa kani-kanilang mga upuan ang lahat. Inilipag ng guro ang kanyang mga gamit sa lamesa at saka bumati sa mga estudyante.
"Magandang umaga sa lahat."
"Magandang umaga po, Ginoong Domingo." Kakaunti lang ang bumati gamit ang malakas na boses at ang iba nama'y bumati nang walang kagana-gana as if tinatamad at pagod na sa umaga.
Uupo na sana ang karamihan kaso.. "Sinong nagsabing pwede kayong maupo!"
Kinabahan ang lahat. Kadalasan kasi pagkatapos magbatian ay papaupuin na ang mga estudyante. Pero ano nanaman ba ang kasalanan nila? Bumalik sa pagkakatayo ang iba, at nanatiling tahimik ang lahat. Walang nagtatakang mag-ingay at gumalaw.
Isang maling salita at galaw, siguradong lintik ang aabutin nila kay sir Domeng. Tested and proven na iyan.
'Ano nanaman? Daming satsat ng panget na'to.'
Seryosong seryoso at mabigat ang atmosphere sa loob pero iba ang kambal. Pigil ang kanilang mga ngiti at tawa dahil sa mga kabulastugang iniisip nila. Sa isip ng kambal ay pinagtatawanan na nila ang guro. Ini-imagine nilang lumaki ang butas ng ilong nito at naglalabs ng apoy o di naman kaya'y humaba ang front teeth at kung ano-ano pa.
"Ano kayo? Hindi kumain? Ang aga- aga pinapainit ninyo ang ulo ko! Umayos kayo. Para pagbati lang ay hindi niyo pa magawa? Akala ko ba star section kayo? Kung sa ganito ka simpleng bagay ay tamad ka, ang mabuti pa ay lumabas ka nalang. Hindi ka nababagay rito sa star section. Intindi niyo?"
Pinaulit-ulit ni sir Domeng ang pagbati hanggang sa makuntento siya. Sa wakas ay nakaupo na rin ang lahat.
"Okay. Saan tayo huminto ng nakaraan?"
One.
Two.
Three.
Four.
Five.
Wala pang may nagvo-volunteer kaya naman nagtaas na ng kamay si Sigmund para maging savior nanaman ng klase. Kapag kasi walang nagrecite ay tiyak na magpapa-quiz si sir Domeng o hindi naman kaya'y tatawag siya ng pangalan na mapagti-tripan niya at kapag mali ang sagot?
Disappear. Disintegrate. Evaporate.
"Mr. Yanson."
"Last meeting sir, we have already tackled about the history of Japan, China and Korea." Tumingin si Sigmund sa kanang bahagi ng peripheral view niya para alalahanin pa nang mas detalyado ang natutunan niya. "Ah, for example in China and Korea, during the early dynasties, Chinese and Korean people practice kowtow or kissing of the floor while bowing as a sign of respect for their king or emperors. They also choose their emperor or king through bloodline but in case a a successor is not possible or the ruling becomes very chaotic and unfortunate events start to occur such as drought, epidemia, and typhoon, people believe that their leader is cursed or he is not the chosen one or also known as the son of heaven. "
"Hmm. Salamat Ginoong Yanson."
'Blablabla.'
'Boring.'
Walang ganang makinig sina Andy at Ark. Alam na nila iyan kaya bakit pa sila makikinig? Aantayin nalang nilang magdismissal. Parang mas masaya magdrawing nalang at magdoodle bilang pampalipas oras.
Binuksan ni Ark ang kanyang drawing book. Sa unang pahina nito ay may mga letra na katulad ng sa cover page. Sa baba nito ay may blangkong linya para sa pangalan at pirma. Sinulatan niya nalang at pinirmahan para may magawa.
Sumulyap si Andy sa kakambal. Nakita niyang may sinusulat ito sa drawing book at dahil gaya-gaya siya sa kakambal, binuksan niya rin ang drawing book niya at ginawa rin kung ano ang ginagawa ni Ark.
Katulad ng lagi nilang ginagawa, nagsimula silang magdoodle at gumuhit sa pinakalikod na bahagi.
Ang hindi nila alam, habang tinitiklop nila ang pahina ng drawing book papunta sa likod na pahina, napalitan ng sketch portrait ng mukha nila ang pahinang pinirmahan at pinangalanan.
Sa mga oras na iyon, biglang napadilat ng mata si Ppela. Umilaw ang insignia sa kanyang noo at isang kakaibang ngiti ang gumuhit sa kanyang labi.
Senyales, na may isang ibig sabihin lang.
Senyales na may tao nanamang nakikipagkontrata sa kanya.
At wala silang kamalay-malay.