Conference Room
SA HINABA-HABA ng usapin sa loob ng Conference Room, ay hindi pa pala tapos ang lahat. Bahagya nang nananakit ang ulo ni Misha dahil sa wala pa siyang pahinga magmula nang umalis sila sa Mental Hospital.
Hindi na rin niya kaya pang isipin lahat dahil unang-una sa lahat, hindi siya marunong lumaban. Wala pa siyang sapat na kaalaman sa kung ano ang mga gagawin niya.
Sandali siyang napahawak sa sentido para hilutin iyon. Ngunit, mayamaya lang ay narinig niyang bumukas ang pinto ng Conference Room kaya natigil niya ang ginagawa. Iniluwa niyon ang isang lalaki. Katulad ng iba ay nakasuot din ito black suit.
Sandaling nagtama ang kanilang mga mata bago ito tuluyang lumapit sa kanila.
'O...M...G! Siya ang tipo ng lalaking talaga nga namang mapapa-OMG ang kahit na sinong babaeng may itinatagong kaunting kalandian sa katawan. At isa na ako ro'n!' nasabi niya sa sarili.
Ang lakas ng dating nito. Mala-Adonis ang pangangatawan at may ubod ng guwapong mukha. Bagay na bagay din dito ang suot na suit na lalong nagpapakita na isa itong matapang na lalaki.
'Kaya lang... mukhang bata pa!' Bigla siyang napasimangot at inalis ang tingin sa lalaki.
Ngunit, iyon naman ang paglapit nito sa kanya. Tumayo ito sa kanyang harapan.
"Hi! I'm Harris Falcon," pakilala nito't agad na inilahad ang palad sa kanya.
"Siya si Agent Harris Falcon, o mas kilala sa tawag na Agent 240 while on the mission," pakilala ni Nagi sa lalaki.
"Nice meeting you," aniya. Kung gaano niya kabilis na inabot ang kamay nito'y gano'on din nito kabilis na binawi iyon na parang pinandidirian siya.
Hindi tuloy niya napigilan ang ipakita rito ang pagkadisgusto. Kung hindi siya gusto ng lalaking ito, mas higit pa siya. 'Antipatiko!'
"Siya ang may hawak sa case ng ex-husband mo, Misha. At ang magiging partner mo sa misyong ito. Siya rin ang responsable sa pagtuturo sa 'yo kung paano lumaban at kumilos nang naaayon sa inyong posisyon bilang isang top secret agent," mahabang paliwanag ni Nagi.
"Wow! Mukhang exciting 'yan! Kailan magsisimula ang training?" tuwang-tuwang saad niya't pumapalakpak pa. Ngunit, ang mga ngiting ipinapakita niya sa lalaki ay halatang peke.
Kung gaano kalaki ang ngiti niya ay iyon naman ang ikinakunot ng noo ni Nagi at maging ni Harris Falcon. Tila naiinis ang mga ito sa pagiging kilos at isip-bata niya. Bagay na talaga namang sinasadya niya.
"Bakit ba napaka-bitter niyo? Ngumiti naman kayo," pabirong sabi pa niya. Ngunit, lalo pang nangunot ang noo ng mga ito. Naitirik na lang niya ang mga mata sa pagkadismaya.
"Haaay, wrinkles, wrinkles, wrinkles. Ayoko ng wrinkles! Ipinapangako kong kahit magtagal ako sa lugar na 'to kasama kayo... hinding-hindi ako gagaya sa inyong nakalimot na kung paano ngumiti. Masisira kaya ang beauty ko! Kaloka kayo!" patuloy pa niya. At sinabayan pa ng manaka-nakang pagkumpas ng mga kamay, habang marahang minamasahe ang pisngi at paligid ng kanyang mga mata.
"Okay. I suggest you better rest now, Misha. Hindi ko sisimulan ang training mo bukas kapag ganyan pa rin ang kilos mo," seryosong pahayag ni Harris. Pagkuwa'y tumalikod na at diretsong tinungo ang pinto ng Conference Room palabas. Halatang iniisip nitong magiging pabigat lamang siya sa assignment nito.
Napa-ismid na lang siya habang tanaw ang papalayong lalaki.
'May pinagdadaanan ba 'yon? Tsk!' Nasabi niya sa sarili.
TRAINING FACILITY, DAY ONE
"Good morning, Partner!" bungad na bati niya rito pagtapat pa lang nito sa pinto ng training room facility. "Ang sarap pakinggan... 'di ba? Oh heto, pinagtimpla kita ng kape mo." At ini-abot niya rito ang hawak na mainit na tasa ng kape. "Masarap 'to. Sige na, kunin mo na!"
Nakasuot rin ang lalaki ng damit na kaparehong kulay ng sa kanya. Kulay abuhing sando at maluwag na pantalon. Na bagay na bagay talaga sa hitsura nito. Lalong naging hot ang dating ng lalaki.
Ngunit, hindi siya kaagad na pinansin nito. Nagtuloy-tuloy lang ito patungo sa may mahabang lamesa at malakas na ibinagsak doon ang dalang malaking bag. Halos mapatalon pa siya sa pagkagulat pero agad namang nakabawi. Gawa sa bakal at aluminum ang mahabang lamesang iyon kaya naman malakas talaga ang ginawa nitong ingay.
Bahagya nang nangangalay ang braso niya dahil mainit ang baso. Pero hindi pa rin siya nito pinapansin. Sa halip ay nagpatuloy lang ito sa paglalabas ng mga gamit mula sa dala nitong malaking bag.
Puno iyon ng iba't ibang klase ng mga baril na may matataas na kalibre.
"Wow, astig!" bulalas niya nang makita ang mga nakalatag na iba't ibang klase ng baril sa harapan niya. Sobra siyang namangha at hindi niya nagawang pigilan ang sariling haplusin ang isa sa mga iyon.
"Ipapagamit mo rin ba sa'kin ang mga 'to? Ito na ba ang pag-aaralan ko ngayong araw?"
Ngunit, ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang biglang paluin ni Harris ang kanyang kamay na nakapatong sa baril.
"Huwag na huwag mong hahawakan ang mga 'to!" pagalit nito. "Hindi laruan ang mga nakikita mo!"
Agad niyang inalis ang kamay at tinitigan ng masama ang lalaki.
"Alam ko! Hindi naman ako bata para hindi ko malamang totoong mga baril ang mga 'to!" padaskol niyang turan.
"Mabuti alam mo. At hindi ito basta-bastang hinahawakan. Get it?"
"Sir. Yes, Sir!" pang-uuyam na sagot niya. Naiinis na talaga siya sa lalaking ito. Bakit ba ang sungit-sungit nito at palagi na lang galit? Hindi man lang bagay sa guwapo't maamo nitong mukha.
"Teka, dark coffe ba 'yan?" sa wakas ay pag-iiba nito ng usapan.
"H-hindi. Latte," nag-aalangan niyang sagot.
"Kung tapos ka ng magkape, itapon mo na lang 'yan. Hindi ako umiinom ng latte. Para lang 'yan sa mga babae," mariing saad nito.
"Pero masama sa katawan ang dark coffee. Nakaka-highblood 'yon at maaga kang tatanda. Masama rin iyon sa kidney mo. Magiging acidic ka o kung malala ay magkakasakit ka sa bato!" sunod-sunod na paliwanag niya.
"Edi, inumin mo 'yang kape mo! Mas makakatulong 'yan sa 'yo," mapaklang sagot nito.
"Ang taray! Daig pa ang may dalaw, tsk!" bulong-bulong niya. Kahit nakatalikod ito'y matalim pa rin niya itong inirapan, na parang nakikita nito ang pagka-inis niya.
"May sinasabi ka?" tanong ni Harris, pagkuwa'y pumihit paharap sa kanya.
Bigla naman siyang umayos at yumuko para itago ang pagsisimangot. "A-ah, wala. Ang sabi ko masarap itong kape. Sobrang sarap talaga! Sayang at 'di mo man lang tinikman," pang-uuyam niya at marahang uminom.
Taas-kilay at kunot-noo siya nitong pinakatitigan. Hindi niya mawari kung ano ba talaga ang iniisip nito. Para itong naiinis na nagugulahan, at nauubusan na ng pasensya sa kanya.
"Bilisan mo nang ubusin 'yan. Pagkatapos ay punuin mo ng tubig ang maliit na basin na ito," seryoso nitong utos at inilapag sa lamesang nasa harapan niya ang isang maliit na palanggana.
Kunot-noo at nagtatakang tiningnan niya ang lalaki upang siguruhing tama nga ang narinig niya. "Seryoso?"
"Oo."
"Pero bakit? A-anong gagawin ko sa palangganang may tubig?" medyo natatawang tanong niya.
"Oras na para maglaro. Bilisan mo na! Double time!" anito. Sabay talikod at nagsimula nang i-assemble ang hawak na baril-na siyang gagamitin nito sa pag-iinsayo.
Nakanganga lang siya nang talikuran siya nito. Wala man lang siyang ni katiting na ideya sa ipinapagawa nito sa kanya. At sa kung anong paglalaro ang gagawin niya sa isang palangganang may tubig.
"Hindi naman siguro ako maglalaba, hindi ba?" muli niyang tanong nang magtungo siya sa may faucet ng facility.
"Puwede bang tama na sa mga tanong at sumunod ka na lang? Puwede ba 'yon?" inis na sagot nito.
"Okay. Sabi mo, e!" Nakasimangot na pinuno na lang niya ng tubig ang dalang palanggana.
"Ngayon, dalhin mo na 'yan dito sa mesa," mayamaya'y utos ng lalaki. "At maupo ka sa harap."
Walang salitang marahan siyang sumunod. Kahit sa loob-loob niya'y naiinis na talaga. Siguro kung naging mabait lang ang approach nito sa kaniya simula pa umpisa ay matutuwa at mai-excite pa siyang gawin ang lahat nang ipinag-uutos nito sa kanya.
"Ngayon, hampasin mo ang tubig gamit ang kanang kamay mo," muli nitong utos.
Natatawa namang tiningnan niya ang lalaki nang may pagtataka.
"Talagang maglalaro ako? Seryoso ba talaga 'to? Hahampasin ko ang tubig? Tapos, anong mangyayari?" sunod-sunod niyang tanong habang naiiling.
"Mukha ba akong nagbibiro?"
"Hindi," aniya't sinuri muna ang reaksyon sa mukha ng lalaki bago muling nagsalita. "Mukha kang pogi na nang-iinis!"
Naitirik ng lalaki ang mga mata sa pagkadismaya sa ugaling ipinapakita ni Misha. Tila ano mang oras ay mauubos na ang pasensya nito. Mukha itong asar-talo, kaya naman kahit papaano'y nai-enjoy niya ang pakikipagtalo rito.
"Alam mo..." galit na sinuntok ng lalaki ang lamesang nasa harapan nito sa sobrang pagka-inis-dahilan upang halos panawan siya ng ulirat sa labis na pagkagulat.
"Kapag nagsalita ka pa ulit... mapipilitan na akong lagyan ng duct tape iyang bibig mo. I mean what I say!" pagbabanta nito. Kitang-kita sa mga mata nito ang matinding kapangyarihan na hinding-hindi niya gugustuhing matikman mula rito.
Kaya naman nanahimik na lang siya sa kina-uupuan. At sinunod na lang ang ipinag-uutos nito.
HINDI na namalayan ni Misha kung gaano na siya katagal sa ginagawa. Naka-ilang ulit na rin siyang nagsalok ng tubig sa tuwing mauubos na matapon ang laman ng palanggana, dahil sa paulit-ulit niyang paghampas. Nananakit na rin ang kanyang mga braso. Kaya naman sa pagka-inis ay padabog niyang ginagawa ang paghampas. Maging ang kanyang suot na damit ay basang-basa na rin dahil sa tilamsik ng tubig.
Marahil ay napansin na rin ni Harris na pagod na siya. Kaya naman sandali nitong inihinto ang ginagawang pag-assemble ng mga baril at marahang lumapit sa kanya. Kinuha nito ang palanggana sa kanyang harapan at dinala iyon sa lababong naroon.
"Tama na muna sa ngayon. Magpahinga ka na," mahinahong saad nito. "Bukas naman."
"Ano?!" bulalas niya. Agad siyang napatayo sa kina-uupuan at galit na hinarap ang lalaki. "Ganito pa rin ang gagawin ko bukas sa pagsasanay? Hindi na 'to nakakatuwa, ah!"
"Hanggat hindi mo natututunang magkaroon ng mahabang pasensya, hindi ka matatapos sa pagsasanay na iyan! Uulit-ulitin mo 'yan hanggang sa matuto ka. Get it?" paliwanag nito.
"Ayoko na! Mas gusto ko pa sa mental. Doon hindi nila ako napipilit na gawin ang ayaw ko!" inis niyang turan, sabay walk out.
May karapatan din siyang mag-walk out. Gawain ito ng mga artista kapag ayaw na nilang makipag-argumento pa. At feeling artistahin ang dating niya dahil alagain siya ng agency na ito.
Naiiling na lang na nasundan siya ng tingin ng lalaki. Wala itong ginawang anumang hakbang para pigilan siya.
'Oh, 'di sige! Hindi mo 'ko pipigilan? Talagang magwa-walk out ako!' Sa loob-loob niya at tuluyan nang umalis.
...to be continued