Chereads / THE DANGEROUS EX-WIFE / Chapter 3 - CHAPTER 2: PLAN ORIENTATION

Chapter 3 - CHAPTER 2: PLAN ORIENTATION

MALAWAK na pasilyo ang bumungad kay Misha nang tuluyan silang makapasok sa loob ng Viper Institute. Napakalaki ng receiving area at gawa sa purong makakapal na transparent glass ang buong gusali.

Ito na ang magiging tahanan niya simula ngayon. Mahigpit ang seguridad sa buong tanggapan at nasisiguro niya ang kanyang kaligtasan.

Halos lahat ng mga taong nakikita niya sa loob ng gusali ay mga nakasuot ng pare-parehong uniporme. Kulay abuhing pantalon, leather jacket na hapit sa katawan, at lahat ay may nakalagay na logo-bibig ng ahas na may apat na matutulis na pangil. Nakalagay iyon sa kaliwang dibdib nila.

"Uy... Cool! Gusto ko rin ng ganyang mga costume. Nirerentahan ba 'yan, binibenta, o libre?" parang batang tanong niya sa dalawang kasamang sina Rod at Nagi.

"Libre," tipid na sagot ni Nagi.

Nagpatuloy sila sa paglalakad at diretsong tinungo ang isang mahaba't paikot-ikot na salaming hagdan paakyat sa ikalawang palapag. May kataasan din iyon kaya bahagya siyang nalulula tuwing mapapagawi ang tingin niya sa ibaba.

Dahan-dahan siyang naglalakad at mahigpit ang pagkakakapit sa railings ng hagdan. Pakiramdam niya'y mahuhulog siya o madudulas kung hindi siya kakapit ng mabuti. Kaya naman sinisikap niyang huwag mapatingin sa ibaba.

"Naku naman! May galit ba sa mahihiluhing tao ang may gawa ng hagdanan na 'to? Jusko!" reklamo niya.

Mayamaya pa'y may nakasalubong silang isang lalaki. Mula ito sa itaas at may hawak na isang tasa ng kape. May kahabaan ang itim at kulot nitong buhok na bumagay sa suot nitong makapal na salamin sa mata. Nakasuot din ito ng unipormeng kapareho ng lahat. Sa tantiya niya'y mukha itong computer nerd na malapit na sa trenta ang edad.

Nakuha nito ang atensyon ni Misha kaya hindi niya natiis na hindi ito pansinin.

"Hi! Kamusta ka?" magiliw niyang bati sa lalaki nang marating nito ang baitang na kinaroroonan niya.

Bagamat nabigla ang lalaki'y sandali itong huminto at pumihit paharap sa kanya. Naguguluhan itong ngumiti at tila hindi inasahan ang kanyang pagbati. "M-mabuti naman. Ikaw?"

Binigyan niya ito ng isang matamis na ngiti. "Heto, mabuti rin naman. Hmmm... magaling na!"

"A-ah, mabuti kung gano'n," ngingiti-ngiting sagot nito. Hindi siya nito kilala at lalong wala itong ni katiting na alam tungkol sa kanya. Kaya alanganin pa rin ang ngiti nito.

"Saan ka galing?" out of the blue na tanong ni Misha.

"Ha? A-ah, s-sa pantry...? Kumuha lang ng kape," nakangiwing sagot nito't bahagya pang itinaas ang kamay na may hawak na tasa ng kape.

"Enjoy sa kape mo!" todo ang pagkakangiting sagot niya. Nagsimula na rin siyang maglakad nang makitang naiiwan na siya ng dalawang kasama. "Ako naman galing Mental!" pahabol niya pa bago tuluyang tumalikod at hinabol ang dalawang kasama.

"A-ah, nice! Good for you!" alanganing sagot ng lalaki. Ngunit, wala na itong narinig pang sagot mula kay Misha.

"Tama ba ang sinabi ko?" pagkuwa'y natanong ng lalaki sa sarili niya. Naiiling na lang itong nagpatuloy sa paglalakad. "Ang weird niya!"

MALAYO-LAYO rin ang tinakbo ni Misha bago naabutan ang dalawang kasama.

"Ano ba? Bakit niyo 'ko iniwan?" maktol niya habang hinihingal.

"Puwede ba? Tumigil ka nga Misha sa ginagawa mo!" inis na pahayag ni Nagi. Patuloy pa rin ito sa paglalakad.

"Ano ba'ng masama sa ginawa ko? Masama bang makipagkaibigan? Bawal ba 'yon dito?" nakasimangot niyang tanong.

"Hindi."

"Oh, hindi naman pala, e!" natatawa niyang bulalas. "So, puwede akong makipag-usap sa kanila," katwiran pa niya.

"Tumigil ka na nga!" mariing saway ni Nagi. Halatang naaasar na ito sa kanya.

"Ano ba'ng tumigil?"

"Sa pagbabaliw-baliwan mo, puwede ba?" anito. Para itong bomba na kaunting-kaunti na lang talaga'y sasabog na.

"Hindi ako nagbabaliw-baliwan. Galing nga akong Mental, 'di ba?" pamimilosopo pa niya. Wala siyang balak na maging parang tutang sunod-sunuran sa gusto ng mga ito. Kaya gagawa siya at magpapakita ng karakter na mahihirapan ang mga itong pakitunguhan.

Iyon ay ang paminsan-minsang pagbabaliw-baliwan. O kung kinakailangan ay madalas niyang gagawin.

"Pero matino ka na. So, please? Keep your mouth shut!" saad ni Nagi nang huminto sila sa tapat ng isang malaking pinto na gawa sa bakal.

"Wow, huh! Kanina lang... sobrang bait niyo sa'kin no'ng sinundo niyo 'ko sa rehab na halos kulang na lang sambahin niyo 'ko para lang mapapayag ako! Tapos ngayon, pagtuntong ko pa lang sa lugar na 'to, wala na akong karapatan? At gusto niyong magsunod-sunuran na lang!" Hindi niya napigilang mag-init ang ulo.

'Sa umpisa pa nga lang ay ganito na ang trato ng mga 'to sa'kin. Ano pa kaya kapag nabilog na nila ulo ko? Hindi ko 'to mapapayagan!' Mariin niyang turan sa sarili.

"Ngayon, tapos ka na?" mapaklang sagot ni Nagi sa mga litanya niya. Sinadya nitong huwag nang pumatol pa kaya lalo tuloy siyang naasar. "FYI, nasa loob ng silid na ito ang mga Head ng Viper Institute na humahawak sa kaso ng asawa mo."

Lalo pa niyang naitirik ang mga mata sa huling sinabi ng babae. "Duh?! Correction... Ex-husband! Hindi asawa, dahil nakalipas na ang relasyon namin. At lalong hindi husband, dahil wala na akong singsing. Look!" Iniharap pa niya sa mukha ng babae ang kaliwang kamay upang ipakitang wala siyang suot na singsing.

Naiikot ni Nagi ang mga mata sa pagkadismaya. Inis na tinalikuran nito si Misha at nagsimula nang ilagay ang pass code ng pinto. "Ano ba ang ipinagkaiba?" bulong-bulong na lang nito.

"Mabuti pang kahit ngayon lang ay itikom mo muna iyang bibig mo, Misha. At makinig kang mabuti sa mga sasabihin nila sa 'yo sa loob. Kung ayaw mong..." Sa pagkakataong ito'y ang lalaki naman ang nagsalita.

"Kung ayaw kong ano?" taas-kilay niyang tanong.

"Kung ayaw mong itusta nila iyang dila mo sa ihawan!"

Bigla niyang natutop ng dalawang kamay ang bibig dahil sa sinabi nito. Kunwari'y medyo natakot siya kahit na sa loob-loob niya'y gusto na niyang tumawa ng malakas.

"We're serious..." Pinasundan pa ni Nagi ang sinabi ng lalaki.

"Alam mo, Ms. Nagi, napakasungit mo. May asawa ka na siguro?" pang-aasar pa niya.

Biglang naningkit ang mga mata nito't tinitigan siya ng masama.

"Ops! Sorry... Halata namang single ka pa, e. Alam mo, may tita rin akong matandang dalaga at ubod talaga ng sungit! Gano'n daw talaga kapag tumanda nang hindi nakilala ang forever niya. Topakin! Pasensya na talaga, ah? Binibiro lang kita. Ang sungit mo kasi," ngingiti-ngiting pagbabawi niya sa mga sinabi.

"Kasal. Na. Ako!" pagdidiin nito sa bawat salitang binitawan. Nanlilisik din ang mga mata nito na parang gusto siyang lamunin ng buhay.

"Ops! Sorry ulit! Peace..." nakayukong paumanhin niya at nag-sign of peace pa sa kamay.

"Haaay..." Nagtitimpi sa galit na nagpati-una na itong pumasok sa loob.

Lihim naman siyang natatawa sa nakitang pamumula ng mukha nito. Kahit papaano'y nakaganti siya.

NABUNGARAN nila ang isang napakalaking conference table na nakapuwesto sa gitna ng malawak na silid na iyon. Naroong nakaupo ang limang lalaking may mga katandaan na ang edad kung pagbabasehan ang hitsura.

Maraming nakasabit na badges sa suot na damit ng mga ito. Tanda ng matataas na katungkulan.

Ang lahat ay sa gawi niya nakatingin nang pumasok sila roon. Naiilang siya sa gaanong sitwasyon at hindi siya sanay na makausap ang mga henyo ng Viper Institute. Ma-awtoridad ang mga ito sa hitsura pa lang.

"Magandang araw po sa inyo! Kamusta po kayo?" magiliw niyang bati. Kahit papaano'y kailangan din niyang magpakita ng galang sa harapan ng mga ito.

Ngunit, agad siyang pinandilatan ng mga mata ni Nagi nang magsalita siya. Showing that 'I said, you shut up' look. Kaya naman pinili na lang niyang manahimik.

Ipinakilala sa kanya ni Nagi ang limang mga naka-unipormeng lalaki na nakaupo roon. Mula sa Field Marshal, General, Lieutenant General, Major General, at Brigadier General.

Hindi niya inasahan na ganito pala katataas ang posisyon ng mga kaharap niya ngayon. Kaya naman siguro ganoon na lamang ang inis ni Nagi sa kanyang mga ikinikilos.

Bibihirang dahilan at pagkakataon ang magtatawag sa mga opisyal na ito upang magsama-sama sa iisang pagpupulong. Naisip tuloy niyang baka ganoon na kalala at kalakas ang Drug Syndicate na 'di umano'y kinabibilangan ng dati niyang asawa.

Kung sabagay, wala naman siyang alam. Ilang taon ding puro gusali at silid lamang ng Rehab ang nakikita niya.

Bigla tuloy siyang nakaramdam ng takot sa pinasok niyang bagong buhay. Malakas ang kutob niyang mabibigo niya ang tiwalang ibinigay ng mga ito sa kanya.

"So, narito na ang hinihintay natin. Let's start the discussion," malakas at ma-awtoridad na saad ng Marshal.

Agad naman sumunod ang V.I. Executive Agent at sinimulan na ang pagpapaliwanag ng mga imaheng nakarehistro sa malaking flat screen na nasa harapan ng lahat.

Ipinaliwanag nito isa-isa ang background ng mga miyembro ng sindikato. At hindi maitatangging bigatin nga ang mga ito. Halos lahat ng sangkot ay mga Business Tycoons ng bansa na nagmamay-ari ng karamihan sa mga naglalakihang kompanya sa buong Pilipinas. May ilan ding kasabwat na mga kilalang tao sa politika, sa loob man at labas ng bansa.

Itinaas na sa High Alert para sa mga katulad nilang institusyon ang kasong ito. Lahat ay kumikilos na. Tila dispirado na ang lahat na puksain ang grupo na nagkakalat ng mga droga sa bawat sulok ng bansa.

Kaya naman, hindi na siya nagtaka pa na kahit sa isang baliw na katulad niya'y hihingi ang mga ito ng tulong.

Idagdag pa ang pagkakaroon niya ng koneksyon sa isang 'di umano'y Drug Lord na miyembro ng grupo. Si Loven Lewis. Ang dati niyang asawa.

Halos hindi niya mapaniwalaang kasabwat ito sa grupo at isa ring pinuno ng sindikato. Wala nga itong bisyo noon pa mang magkasintahan pa lamang sila. At maging noong kasal na sila. Ni minsan ay hindi niya ito nakitang humithit ng sigarilyo o nagpakalasing sa alak.

Ngunit, ilang taon na nga rin naman ang lumipas. At alam niyang nagbago na ito. Nagpakita na rin ito minsan noon nang karahasan sa kanya kaya hindi malabong binago na nito ang sarili. At malamang ay isa na rin talaga itong Drug Lord.

...itutuloy