MAYAMAYA pa'y inayos na nila ang kanilang mga sarili at itinuon ang atensyon sa harapan.
"Binabati ko ang lahat ng narito ngayon sa pagpupulong!" Panimula ng emperador at mabilis namang sumagot ng paggalang ang mga naroon. "Kaya ako nagpatawag ng isang pagpupulong... ay dahil sa pagpapadala ng imperyo ng Kris ng isang liham." Malakas ang boses nito upang malinaw iyong marinig ng lahat.
"Liham? Anong liham iyon, Ama?" takang-tanong ni Prinsipe Marcus. Tila gulat na gulat ito sa narinig.
Ganoon din ang ibang mga naroroon sa bulawagan na gumawa ng tila ingay ng mga bubuyog dahil sa bulong-bulungan ng kanilang mga saloobin.
"Liham para sa isang imbitasyon," sagot ng Emperador.
"Imbitasyon? Nakapagtataka! Kailan pa naging maganda ang ating ugnayan sa imperyo ng Kris, Kamahalan?" naguguluhang tanong ni Prinsipe Marcus.
Si Prinsipe Cyrus naman ay nananatiling tahimik dahil wala talaga siyang interes sa usaping pampamahalaan. Madalas nga siyang dumalo sa mga usapin sa hukuman ngunit nananatili lamang siyang dekorasyon doon. Simbolo lamang ng pagiging prinsipe ang tanging ganap niya sa loob ng silid na ito.
"Marahil nabigla kayong lahat sa balitang ito. Maging ako rin ay nagulat nang matanggap ko ang liham na ito mula sa Kris. Ngunit, isa itong magandang pangitain at simula ng mabuting ugnayan natin sa mga Krisian," paliwanag ng Emperador.
"Tama ka, Kamahalan," sang-ayon ni Francisco IV. Isa itong Feudal Lord na siyang namumuno at may kapangyarihan sa isang probinsya sa katimugang bahagi ng imperyo.
Hawak nito ang lahat ng kapangyarihan sa lugar na iyon sa pamamagitan ng batas militar. Ito rin ang nagungunang pinagkukunan ng magigiting at pinakamatatapang na mandirigmang naglilingkod sa emperador. Binigyan ito ni Emperador Alexander ng sariling lupaing pamumunuan. Biniyayaan ito dahil sa pagiging matapat nitong kabalyero noon ng Emperador—at nananatiling tapat magpahanggang ngayon. Katunayan nga'y ang ilan sa mga basalyo o Vassals at kabalyero na narito sa bulwagan ngayon ay mga matatapat nitong tagapag-lingkod.
"Kung makikipagkasundo tayo sa mga Krisian... lalakas ang ating puwersa pagdating sa pakikidigma. At magiging simula ito ng isang magandang kabanata para sa dalawang imperyo," patuloy ng Feudal Lord.
"Ngunit, saan ba patungkol ang liham na ipinadala ng Kris, Kamahalan?" Hindi na naiwasang magtanong ni Prinsipe Cyrus. Maging siya kasi'y atat ng malaman ang laman ng imbitasyon.
Naguguluhan siya sa mga usapin. At natatakot din dahil kilala sa pagiging malupit at tuso ang mga Krisian. Naiisip niya na baka isa lamang itong patibong o 'di kaya naman ay may binabalak na pag-aalsa ang imperyo ng Kris. Kahit papaano ay may malasakit siya sa kanilang imperyo at gagawin niya ang lahat huwag lamang itong mawasak at masakop ng iba.
"Ito ay patungkol sa paghahanap ng magiging konsorte ng Imperial Princess. Ang mahal na Prinsesa ng Kris," sagot ng Emperador.
'Imperial Princess o Imperial Prince' ang titulo ng panganay na anak ng emperador ng isang imperyo. Higit itong mas makapangyarihan kumpara sa iba pang prinsipe o prinsesa ng mabababang kahariang nasa ilalim lamang ng nasasakupan ng isang imperyo.
'First Princess o First Prince' naman ang titulo ng ikalawang anak ng emperador—maging ng ilan pang susunod dito. 'Second Princess o Second Prince' naman ang titulo ng mga magmumula sa isang kahariang nasa ilalim ng pamumuno ng imperyo. Ngunit, ang kanilang estado ay matutukoy lamang base sa kung gaano kalaki ang teritoryong nasasakupan ng kanilang kaharian. Ang iba pang kaharian sa loob ng imperyo na may mas maliliit na nasasakupan ay magtataglay ng mas mabababang estado o titulo—Third Prince o Princess, Fourth Prince o Princess, at iba pa.
"Magiging konsorte ng Imperial Princess?" hindi makapaniwalang bulalas ni Prinsipe Cyrus. "Maganda ba siya, aking Ama?" pilyong tanong pa niya. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lamang niyang naisipang itanong ang bagay na iyon. Hindi niya napigil ang sarili.
Napatingin ang lahat sa gawi ni Prinsipe Cyrus dahil sa naging tanong niya.
"Prinsipe Cyrus!" gulat namang saway sa kanya ng kapatid.
"A-ah, h-hindi. Ang ibig kong sabihin ay... ah..." Wala siyang maisip na idadahilan. Paano ba niya lulusutan ang kapangahasan niyang ito? Lihim tuloy niyang kinakastigo ang matabil na bibig.
"Ah, tiyak na maganda ang prinsesa ng Kris. Tama! At mas babagay sa kanya ang isang lalaking kaya siyang ipagtanggol sa kahit na anong panganib!" palusot niya makalipas ang ilang sandali. "Kung kaya, bakit hindi na lamang natin siya ipagkasundo kay Prinsipe Marcus? Siya ang Imperial Prince ng Halleña. Kung kaya... bagay na bagay talaga sila!" Saglit niyang sinulyapan ang kapatid na noon ay gulat na gulat sa sinabi niya.
"May potensyal ang mahal kong kapatid, aking Ama. At isa pa... wala pa siyang napupusuang babae," dagdag pa niya. Pagkuwa'y pilyong nginitian ang kapatid.
Totoo iyon. Masyadong maselan si Prinsipe Marcus pagdating sa mga babae. Hangang-hanga siya sa kanyang kapatid kaya nararapat lamang para rito ang pagkakataong ito. Hindi biro ang makasal sa First Princess at iilang lalaki lamang sa kasaysayan ang masuwerteng nagagantimpalaan ng ganitong pabor.
"Prinsipe Cyrus, ano ba ang iyong pinagsasasabi?" mariing saway ulit sa kanya ni Marcus. Ngunit, tanging makahulugang ngiti lamang ang isinagot niya sa kapatid.
"Hindi maaari," mariing sagot ng emperador.
"Hindi?" pag-uulit ni Prinsipe Cyrus sa sinabi ng ama. Lahat ng tao na naroon ay biglang napatingin sa emperador.
"Si Prinsipe Marcus ay nakatakda ng pumalit sa aking trono bilang susunod na emperador ng Halleña. Kung kaya hindi maaari ang nais mong mangyari, Prinsipe Cyrus," paliwanag nito.
Noon naman bumaling ang atensyon ng lahat sa kanya nang may makahulugang tingin.
"B-bakit kayo nakatinging lahat sa akin?" kinakabahan niyang tanong. Hindi niya gusto ang mga titig na ipinupukol sa kanya ng lahat. At tila nahuhulaan na niya ang nais iparating ng mga ito.
"Wala sa bukabularyo mo ang pamunuan ang ating imperyo, Prinsipe Cyrus. Kaya, bakit hindi na lamang ikaw ang ipagkasundo namin sa prinsesa?" suhistyon ng kanyang tiyuhin. Ang Punong Ministro ng Halleña.
"Ako?!" Nanlaki ang kanyang mga mata sa pagkabigla sa sinabi ng tiyuhin. "Hindi. Isa lamang akong First Prince!" iiling-iling niyang tanggi.
"Wala iyong kaso. Hindi tayo maaaring tumanggi sa imbitasyong ito ng Kris, Prinsipe Cyrus. Dahil tiyak na pag-iinitan tayo ng kanilang imperyo. Alam mo namang pinangangalagaan natin ang kapayapaan sa buong imperyo ng Halleña," paliwanag ng Punong Ministro.
"Kailangan nating gampanan ang ating partisipasyon sa kanilang paanyaya," sabat naman ng isa sa mga ambahador sa kumakatawan sa ibang kaharian. "Malaking bagay iyon."
"Ngunit..." Magpo-protesta pa sana si Prinsipe Cyrus ngunit mukhang pinagtutulungan siya ng lahat. Naitirik na lamang niya ang mga mata sa kawalan ng masabi.
"Prinsipe Cyrus, kailangan mo lamang subukan. Sa huli, ang prinsesa pa rin naman ang magpapasya kung sino ang pipiliin niya sa paligsahang ito," paliwanag ng emperador sa tono na may pagsusumamo.
"Paligsahan?" naguguluhang muling tanong ni Prinsipe Marcus.
"Oo. Ang liham ng imbitasyon na ito ay hindi lamang para sa atin... kundi para sa tatlo pang imperyong bumubuo sa Atlanta," paglilinaw ng emperador. "Isa sa mga prinsipe ng tatlong imperyo ang kailangang mapa-ibig ang prinsesa, upang siya ang piliin niyang pakasalan," patuloy nito.
"Kung hindi man tayo palaring magtagumpay... malaki ang tyansang matalo tayo sa isang digmaang hindi malabong mangyari sa hinaharap. Ngunit, dahil gagawin natin ang ating partisipasyon sa kanilang imbitasyon, maaaring hayaan na lamang nila tayo. Ngunit, kung sasalungat tayo ngayon... tiyak kong mabubura ang ating imperyo maging ang lahat ng ating pinaghirapan sa sandaling sumiklab muli ang digmaan. Tuluyan tayong mabubura sa kasaysayan at mapapasa-ilalim sa kapangyarihan ng Kris. Ngunit, kung sakali mang si Prinsipe Cyrus ang mapipili ng prinsesa, aangat ang ating imperyo. Hindi lamang sa ekonomiya, kundi magiging tiyak din ang ating seguridad pagdating sa digmaan dahil sa mabubuong alyansa."
Tanging iling na lamang ang naisagot ni Prinsipe Cyrus sa lahat ng naging paliwanag ng kanyang ama. Wala siyang masabi at hindi na rin magawang magprotesta pa. Batid niyang mahalaga iyon para sa kanyang ama. At iyon na lamang din ang maaari niyang gawin para rito at para sa kanilang imperyo.
...itutuloy