HIGERRIAN EMPIRE
"MAHAL na Prinsipe Dustin!" sigaw ng isang makisig na lalaki. Mukha itong isang dukhang palaging laman ng lansangan. Nakasuot ito ng pares na kupasing kulay putik na pantalon at puting polo na mahaba ang manggas. At tinernuhan pa ng tsaleko na kakulay din ng suot na pantalon. Maging ang makapal nitong kulot na buhok ay halos tumakip na sa mukha ng lalaki.
"Mahal na Prinsipe!" muli nitong tawag sa prinsipe.
Mabilis ang pagpapatakbo ni Prinsipe Dustin ng kabayo kaya hindi niya ito kaagad na napansin. Nakita niyang tumatakbo ito papalapit sa kanya nang ihinto niya ang kabayo sa tabi ng daan.
"Heto po ang damit niyo." Habol nito ang paghinga nang i-abot sa kanya ang nakatuping tela na hawak.
Bumaba siya sa kabayo pagkuwa'y kinuha iyon.
"Salamat Peter," nakangiti niyang saad.
"Halika, dito ka magbihis," anito. At iginiya si Prinsipe Dustin sa isang maliit na kubo sa tabi ng daan.
Halos yumukod si Prinsipe Dustin sa ginawang pagpasok sa kubo dahil sadyang napakaliit niyon. At sa tangkad niyang anim na talampakan ay hindi na nga nakakapagtaka pang kailangan niyang yumukod. Isa pa, isa lamang iyong tambakan ng mga dayami.
Pagpasok doon ay kaagad niyang sinimulang tanggalin ang suot na maduming damit.
"Siya nga pala, kumusta naman ang pagpunta mo sa imperyo ng Kris, Mahal na Prinsipe?" tanong ni Peter habang pinapanood siyang magbihis.
Isa lamang malalim na buntong-hininga ang naging tugon niya.
Namalagi siya sa imperyo ng Kris sa loob ng dalawang araw upang magmanman at mag-imbestiga ngunit wala naman siyang napala. Tila palaging handa ang imperyo ng Kris at malinis sa lahat ng bagay kaya wala siyang napalang ano mang magandang resulta sa kanyang pagpunta roon.
Tatlong araw din ang iginugol niya sa paglalakbay pauwi at mahigit isang linggo na siyang wala sa kanilang imperyo.
Kahit pa sabihing dumaan nga siya sa lugar kung saan mas mapapadali ang kanyang paglalakbay patungong Kris ay natagalan pa rin siya dahil sa hindi birong layo niyon. Tanging ang kanyang kabayo ang gamit niya sa paglalakbay dahil kung karwahe nama'y baka abutin pa siya ng ilang linggo sa daan.
Tanging siya lamang at ang tagapag-silbing si Peter na itinuturing niyang kaibigan ang nakakaalam ng lihim niyang pag-iimbestiga sa imperyo ng Kris. Hindi maaaring may makaalam ng kanyang ginagawa dahil masisira ang lahat ng plano niya.
Mabilis ang ginawa niyang pagbibihis dahil sa pagkawala niya ng ilang araw ay tiyak na hinahanap na siya sa palasyo. At hindi siya maaaring makita ng mga tao sa palasyo nang nakasuot ng tila basahang damit.
"Papaano na, Mahal na Prinsipe? Hindi ka na maaari pang bumalik-balik sa imperyo ng Kris dahil baka makahalata na ang Mahal na Emperador at higit sa lahat... Ang kapatid mong si Prinsipe Adam!" nag-aalalang saad ni Peter.
"Gagawa pa rin ako ng paraan," mariin niyang sagot habang inaayos ang kanyang sinturon. "Kung hindi ko mahanap ang kasagutan sa imperyo ng Kris... Tiyak dito sa ating imperyo, oo. Hindi ako titigil hangga't hindi ko nalalaman ang katotohanan!" Pagkuwa'y tinapos na niya ang ginagawang pagbibihis at lumabas na ng kubo.
"Dito sa ating imperyo?" naguguluhang tanong ng tagapag-silbi habang mabilis na nakasunod sa paglabas ni Prinsipe Dustin. "Papaano mo naman iyon magagawa rito?"
"Hindi ko alam, Peter. Pag-iisipan ko pa." Sandali niyang itinigil ang pag-aayos ng espada sa kanyang tagiliran upang sagutin ang tanong ng tagapag-silbi. Bakas sa kanyang mukha ng mga sandaling iyon ang kalituhan at kawalan ng pag-asa.
"Sandali lamang, Prinsipe Dustin!" Agad siya nitong pinigilan sa pagsampa sa kabayo. "Wala ka man lang bang ikukuwento sa akin tungkol sa kaharian ng Kris?"
"At ano naman ang ikukuwento ko, e, sinabi ko naman na sa iyong wala ngang nangyari sa pagpunta ko roon!" nakataas ang kilay na saad ni Prinsipe Dustin.
"Kahit anong tungkol sa Kris, Kamahalan. Maganda ba talaga roon? Gaano kayaman ang kanilang imperyo? Totoo nga bang magaganda ang mga babaeng Krisian? May nakilala ka bang isa?" sunod-sunod na tanong nito.
Biglang namang natahimik si Dustin dahil sa huling tanong ng tagapag-silbi.
Mayamaya pa'y nakita niya ang mapanuksong mga titig na ipinupukol sa kanya ni Peter ng mga sandaling iyon.
"Bakit?" Salubong ang mga kilay na pinakatitigan niya ang tagapag-silbi.
"Tila kakaiba ang ngiti mo ngayon, ah! Anong dahilan?" Hindi pa rin nito inaalis ang mapang-uyam nitong ekspresyon sa mukha.
"Nakangiti ba ako? Sa palagay ko'y hindi," mariin niyang tanggi.
"Haaay... Huwag ka nang magkaila pa, Mahal na Prinsipe! Kilala na kita at kakaiba talaga ang mga ngiti mo ngayon. Ano ba ang silbi ng pagkakaibigan natin kung hindi mo sasabihin sa'kin?" natatawa nitong panunukso.
"Ano ba ang mayroon sa ngiti ko at nakikitaan mo ng kakaiba? Parang ganito ba?" Pilit siyang ngumiti na halos kita na lahat ang mapuputi at pantay niyang mga ngipin. Alam niyang hindi siya nito titigilan kaya dinadaan na lamang niya ito sa biro.
Humagalpak naman ng tawa si Peter nang makita ang hitsura ni Dustin sa ginawang pilit na pagngiti. Halatang-halata na kasi ni Peter sa mukha ni Prinsipe Dustin na may inililihim siya ngunit ayaw pa ring umamin.
Kilala na nila ang isa't isa simula pa pagkabata. Kaya naman kahit napakalayo ng agwat ng estado nila sa buhay ay hindi pa rin sila mapag-hiwalay. Higit pa sa kapatid ang turing ni Dustin kay Peter at ganoon din ang lalaki sa kanya. Nakahanda itong ibuwis ang buhay para lamang protektahan siya.
"Peter, wala akong oras para sa mga kalokohan mo ngayon. Pagod ako at kailangan ko nang magpahinga," palusot ni Dustin at agad na sumakay sa kanyang kabayo. Kung hindi pa kasi niya tatapusin ang usapang iyon ay hahaba pa ito at baka kung ano pa ang masabi niya sa kaibigan.
"Ngunit, ganoon na lamang ba 'yon? Wala ka man lang ba talagang sasabihin o ikukuwento sa akin? Ang daya mo naman! Tiyak akong mayroon kaya sabihin mo na!" pakunwaring tampo nito.
"Wala nga sabi akong sasabihin! Ah sandali, maliban sa isang babaeng kamelyo sa disyerto na umihi sa uluhan ko habang natutulog ako," mapait niyang saad. "Wala ng iba pang magandang nangyari sa'kin sa Kris."
Natawang muli ng malakas ang lalaki. "Nagsasabi ka ba ng totoo, Prinsipe Dustin?" iiling-iling na tanong nito.
"Mukha ba akong nagbibiro?" balik-tanong niya't tinaasan ito ng kilay.
"Kung gayun ay binabati ko ang kamelyong iyon! Marunong siyang kumilatis!" Pangungutya pa nito.
"Sige! Tumawa ka lang d'yan at babalik na ako sa palasyo. Ipagpatuloy mo lang 'yan!" inis na turan niya at mabilis na pinatakbo ang kanyang kabayo. Narinig pa niya ang malakas na tawa ni Peter bago siya tuluyang makalayo.
...itutuloy