SABAY-SABAY silang apat na magkakapatid na pumasok sa pribadong silid ng kanilang butihing ama. Nakasuot sila ng magagarang damit at suot nila ang kani-kanilang kapa na nagsisilbing palatandaan ng kanilang titulo bilang mga prinsipe ng imperyo ng Brussos.
"Magandang araw, Kamahalan," bati nilang magkakapatid sa kanilang Ama.
Lumapit sila isa-isa sa emperador at niyakap ito bilang tanda ng paggalang.
"Kumusta ang aking matibay na espada?" matalinhagang tanong ng emperador. Ang espadang tinutukoy nito ay silang apat na magkakapatid.
Itinuturing sila nitong isang matibay na espada na pinagbubuklod ng armas at pinatitibay ng magandang samahan. Katulad nang pagkaka-isa ng mga parte ng espada na kailanma'y hindi mapapaghiwalay.
"Mabuti, Mahal na Emperador," magiliw nilang sagot. Nakayukod ang kanilang mga ulo nang sumagot tanda ng labis na paggalang.
"Ano ang dahilan nang pagpapatawag mo sa aming magkakapatid, Kamahalan?" pa-unang tanong ni Prinsipe Caesar. Bilang panganay ay ito ang mas may karapatang unang magsalita o gumawa ng tanong sa kanilang ama.
Marami rin itong asawa at pinamumunuan nito ang pakikipagkalakalan sa ibang kontinente katulad ng Europa at Asya. At sa ilan ding karatig imperyo.
"Ang emperador ng Kris ay nagpadala ng isang liham para sa paghahanap ng mapapangasawa ng nag-iisang prinsesa ng kanilang imperyo," paliwanag nito.
"Ano? Tila nakakagulat naman yata ang biglaan nilang paanyaya?!" bulalas ni Prinsipe Ivan. Todo ang pagkakakunot ng noo nito sa labis na pagtataka.
"Tama si Prinsipe Caesar, Ama! Tunay na nakakapagtaka ang biglaan nilang paanyaya," sang-ayon ni Prinsipe Ivan.
"Maaari ba nating tanggihan ang kanilang paanyaya, Ama?" sarkastikong tanong ni Prinsipe Vladimir. Pangalawa ito sa panganay na prinsipe ng Brussos. At ito ang may pinakamatalas na dila sa kanilang magkapatid. Wala itong kinatatakutan sa gusto nitong sabihin.
"Hindi ko alam ang totoong dahilan nang pagpapadala ng imbitasyon ng kanilang imperyo. Ngunit, hindi natin maaaring baliwalain ang kanilang paanyaya. Kailangan ang ating partisipasyon dito," saad ng Emperador. "Alam ng lahat ang lupit at lakas ng kanilang imperyo pagdating sa digmaan at walang laban ang ating imperyo kung kakalabanin natin sila. Isa pa, higit na mas kailangan natin ang pakikipag-alyansa kaysa ang kalabanin sila."
"Ngunit, natitiyak kong may pina-plano ang kanilang imperyo. Hindi biro ang biglaang pagpapadala ng mga ito ng liham nang ganoon-ganoon na lamang!" seryosong turan ni Prinsipe Darius. Alam niyang may hindi tama sa bagay na ito kaya hindi na niya nagawa pang manahimik.
"Kung hindi tayo maaaring tumanggi, ano po ang maaari naming gawin, Kamahalan?" tanong ni Prinsipe Ivan.
"Kailangang isa sa inyo ang sumali sa paligsahan. Dapat nating ipakitang hindi natin sila kinukontra upang hindi nila tayo pag-initan," paliwanag ng Emperador. Pagkuwa'y sinimsim nito ang lamang alak sa hawak na kupeta.
"Ako!" mariing sagot ni Prinsipe Darius.
Nagulat ang lahat at agad na napatingin sa gawi niya. "Ako, Kamahalan. Ako na lamang ang magbibigay partisipasyon sa kanilang imbitasyon."
"Sigurado ka, Prinsipe Darius?" Maging ang emperador ay hindi mapaniwalaan ang kanyang naging pasya.
"Opo, Ama." Tinitigan niya ng diretso ang ama sa mga mata upang ipakita ang kanyang sinsiridad. "Aalamin ko rin ang totoong dahilan sa kabila ng lahat ng ito. Alam kong may mali rito."
"Kung gayon, handa ka nang magtino sa pagkakataong ito, Prinsipe Darius!" natatawang saad ni Prinsipe Vladimir sa kanya. Na sinang-ayunan naman nina Prinsipe Caesar at Prinsipe Ivan sa sunod-sunod na pagtango.
"Dati na akong matino! Ngayon niyo lamang makikita ng totoo," natatawa rin niyang sagot.
"Sana'y mapagtagumpayan mo ito, Prinsipe Darius! Aasa kami sa aming bunso sa pagkakataong ito," ani Prinsipe Ivan. "Nawa'y matigil na rito ang madalas mong pagpuslit sa palasyo't paglalaro mo sa putikan."
"Magtiwala kayo sa akin! Tiyak na hindi makakayanang tiisin ng prinsesa ng Kris ang aking kakisigan!" kampante niyang turan. Bilib na bilib ito sa sarili.
...itutuloy