Chereads / KRISIAN PRINCESS "The Battle of Four Empires" / Chapter 10 - CHAPTER 8 (Prinsipe ng Brussos)

Chapter 10 - CHAPTER 8 (Prinsipe ng Brussos)

BRUSSIAN EMPIRE

MALALAKAS na hiyawan at sigawan ang maririnig sa isang bukas na bulwagan sa gitna ng pamilihan dahil sa mga kalalakihang nagpupustahan at nagsasaya sa panonood ng isang tunggalian.

"Wooh! Kaya mo iyan, Prinsipe Darius! Sige! Pabagsakin mo siya!" sigaw ng karamihan sa mga naroroong sadyang kampi sa prinsipe ng Brussos habang nakikipaglaban ito sa putikan.

Nasa kultura na ng mga Brussos ang larong pagpapambuno at tagisan ng lakas para sa mga kalalakihan. At kahit saan ka mang dako ng lugar magpunta'y makikitang tinatangkilik ang ganitong palaro kahit pa sa mga binatilyo.

Kalimitan ang larong ito ay para lamang sa mga dukha. Ngunit, madalas na pumupuslit ng palasyo si Prinsipe Darius para lamang dumayo rito at makipaglaro.

NAHIHILO na si Prinsipe Dustin sa mga suntok at atake na natatamo mula sa kalaban ngunit hindi pa rin siya sumusuko. Malaki ang tiwala niya sa sarili na kaya niya itong talunin. Ganoon siya kabilib sa kanyang sarili kahit pa halos doble ang laki ng kalaban sa kanya.

Ayaw din niyang mapahiya sa mga kababayan niyang sumusuporta sa kanya. Alam niyang puno lamang siya ng kahambogan ngunit ayaw naman niyang mas lalo pang ipahalata iyon.

Kaibigan niya ang mga mamamayan ng kanilang imperyo at napakalapit ng loob niya sa mga ito. Itinuturing niyang hindi na iba sa kanya ang mga mahihirap dahil minsan na rin siyang nanggaling sa ganitong buhay.

Apat silang magkakapatid na lalaki at lahat sila ay tanging mga mapalad lamang na kinupkop ng butihing emperador ng Brussos noong mga bata pa lamang sila.

Dati lamang silang mga batang palaboy sa lansangan nang makitaan sila ng kakaiba at pambihirang tapang ng emperador na nararapat 'di umano bilang tagapagmana ng trono nito.

Hindi nagawang magka-anak ng emperador sa mga naging una nitong karelasyon. Noong una ay inakala nilang ang hindi nito pagkakaroon ng anak ay dahil sa kakulangan sa parte ng kanyang asawa. Kaya naman maka-ilang ulit na rin itong nagpalit at sumubok ng ibang babae, ngunit ganoon pa rin ang nangyayari.

Napag-alaman lamang nila na sa emperador mismo ang kakulangan nang mabalitaan nilang nagsilang ng sanggol ang isa sa mga naging babae nito noon sa bago nito ngayong asawa.

At isang karuwagan para sa isang pinuno ng imperyo ang hindi pagkakaroon ng sariling anak na magiging tagapagmana ng trono. Malaking kahinaan iyon para sa isang emperador. At ang ilan sa mga tao ay iisiping hindi siya nararapat sa trono kahit pa sabihing matibay ang kapangyarihang naitutulong ng kasalukuyang emperatris para sa kanyang pamumuno.

Marami ang nais umangkin sa trono ng emperador kaya hindi nito iyon pinahintulutan. Kumupkop ito ng mga bata, binihisan, pinag-aral, sinanay, itinuring na sarili niyang dugo, at kinilalang sariling mga anak.

"Ah!!!!" sigaw ni Prinsipe Darius nang sugurin niya ang kalaban ng isang malakas na suntok. Ngunit, sa laki ng katawan nito ay hindi niya ito magawang pabagsakin. Sa halip ay siya pa ang ilang ulit na bumagsak sa putikan.

NATAHIMIK ang ilang mga manonood nang biglang dumating ang mga kawal ng palasyo na mga nakasakay sa kani-kanilang kabayo. Mga naka-uniporme ito at sukbit sa tagiliran ang kanilang mga espada.

"Tabi! Tumabi kayo! Narito ang Mahal na Prinsipe Ivan!" sigaw ng isang kawal na siyang nangunguna sa daan.

Agad namang nagsipagtabihan ang mga tao sa kalsada at nagbigay daan sa mga padaang kabayo ng mga kawal ng palasyo. Pagkuwa'y nagbigay daan din ang mga kawal at pina-una si Prinsipe Ivan.

Nakasuot ito ng mahabang kapang kulay itim na bumagay sa suot nitong kulay pilak at berdehing damit na napapalamutian din ng ilang mga desenyong gawa sa bakal.

Iginala ng prinsipe ang paningin sa paligid. Lumapit ito sa kumpol ng mga kalalakihang gumagawa ng malakas na ingay sa 'di kalayuan na tila nahuhulaan ng doon niya makikita ang hinahanap. Nangingibabaw pa rin ang sigawan ng ilan sa mga manonood na tutok na tutok sa magkatunggali. 

"Darius..." tanging nasambit ni Prinsipe Ivan. Tila nahuhulaan na nito kung nasaan ang kanina pang hinahanap na kapatid.

"Magbigay galang kayo sa mahal na prinsipe!" sigaw muli ng ilan sa mga kawal ng palasyo habang hinahawi ang ilan sa mga kalalakihang matitigas ang ulo at ayaw sumunod.

Agad namang tumalima ang mga ito nang magpakita ng galit ang mga kawal at nagsiyuko upang magbigay galang sa prinsipe.

Ngunit, ang dalawang magkatunggali na naglalaban ay ayaw pa ring magpa-awat. Patuloy pa rin ang mga ito sa pagpapambuno sa putikan.

"Ahhh!!!" muling sigaw ni Prinsipe Darius nang mahuli siya ng kalaban. Dinaganan siya ng malaking lalaki at pinadapa siya sa lupa. Kinapa niya ang mukha ng kalaban at nilamukos iyon. Ngunit, hirap pa rin siyang gumalaw. Ayaw magpatinag ng kanyang kalaban.

"Prinsipe Darius!" malakas na sigaw ng isa sa mga kawal ng palasyo at bumaba ito mula sa kabayo upang dumulog sa kanya.

"Wala siya rito!" pabirong sagot ni Prinsipe Darius habang abala pa rin sa paghahanap ng paraan upang kumawala sa kalaban.

"Darius!" Ang kapatid naman niyang si Prinsipe Ivan ang sunod na tumawag sa kanya. Pagkuwa'y tumalon ito pababa sa sinasakyang kabayo.

"Ikaw pala, Kapatid." Pilit siyang ngumiti.

"S-sandali. Saka na lamang natin ito ipagpatuloy." Baling niya sa kalaban at bahagya itong tinapik sa balikat.

Agad namang tumalima ang kalaban niya at binitawan na siya.

Bahagya niyang inayos ang sarili bago tuluyang lumapit sa kapatid. Ngunit, pumihit pa ulit siya sa gawi ng kalaban. "Teka, huwag ka munang magbunyi. Hindi pa ako talo! Itutuloy pa natin ito sa susunod na pagkakataon."

Isang tango at tipid na ngiti lamang ang naging tugon ng kalaban na nagpapakita rin ng paggalang sa kanya.

"Ang dungis mo!" tila nandidiring bungad sa kanya ni Prinsipe Ivan. Naiiling ito habang nakangiwi ngunit nakangiti. Hindi na rin kasi bago pa rito ang makitang ganito ang hitsura ng kapatid dahil ilang beses na rin itong nagsundo sa kanya sa lugar na ito.

"Magandang lalaki pa rin naman!" natatawa niyang sagot. Kinuha niya ang maliit na telang ini-abot sa kanya ng isa sa mga kawal. At iyon ang ginamit niyang pamunas sa putikang mukha.

"Kailan mo ba titigilan ang pakikipaglaro ng tagisan ng lakas? Hindi ka pa ba nadadala sa napakarami mong pagkatalo? Marahil titigil ka kapag nasira na iyang ipinagmamalaki mong magandang mukha!" pangungutya pa ni Prinsipe Ivan.

"Iniingatan ko pa rin namang huwag matamaan ang aking mukha," pilyong sagot niya. "Hindi mo ba nakita kanina? Malapit ko na sanang matalo ang aking kalaban kung hindi ka lamang dumating kasama iyang mga buntot mo!" pagyayabang pa nito.

"Ah, kaya pala halos hindi ka na makagalaw sa pagkakadagan sa iyo ng malaking lalaking iyon. Tiyak nga kaya sana ang iyong pagkapanalo kung hindi ako dumating? Sa tingin ko... dapat kang magpasalamat sa akin!" natatawang pambubuska ng kanyang kapatid.

"Haaay... Ano ka ba naman kapatid ko! Malapit na 'yon, e. Nawala lang kasi ang aking konsentrasyon nang dumating kayo," pagpapalusot pa niya.

Natawa na lang ng malakas si Prinsipe Ivan sa tinuran ng kapatid. "Puno ka pa rin talaga ng kahambugan!"

"Ano ka ba! Huwag mo namang ipahalata pa sa mga tao rito!" mariin niyang bulong sa kapatid. Batid nilang malabong manalo si Prinsipe Darius sa paligsahang iyon.

"Siyanga pala, bakit ka narito?" pag-iiba niya ng usapan.

"Ipinatatawag tayo ni Ama. May mahalaga raw siyang sasabihin." Bigla itong nagseryoso nang maalala ang tunay na pakay sa pagparito.

"N-ngayon na mismo?" nagtataka niyang tanong.

"Oo. Kaya sumakay ka na sa iyong kabayo at magmadali kang maglinis ng iyong katawan. Hindi maaaring humarap ka sa emperador nang ganyan ang iyong hitsura. Baka isipin ni amang pinababayaan kita," anito.

"Haaay, utang na loob! Hindi na ako maliit na paslit!" Nagmamaktol na naitirik niya ang mga mata. Ngunit, sumunod din naman siya kaagad nang sumampa na sa sariling kabayo ang kapatid.

"Ang hirap talagang maging bunso!" bulong-bulong niya sa sarili pagkuwa'y pinasibad na rin nang takbo ang kanyang kabayo.

...itutuloy