NAGPAPAHINGA na si Prinsipe Dustin sa loob ng kanyang silid nang biglang may pumasok na isang babae na may bitbit na sisidlan ng maligamgam na tubig. Isang tagapag-silbi ng palasyo. Kasunod nito ang kanyang dalagitang bunsong kapatid na si Prinsesa Alyssa.
Bigla siyang napatayo mula sa pagkaka-upo sa gilid ng bintana ng kanyang silid na gawa sa marmol. Pagkuwa'y hinarap ang kapatid. Bahagya siyang nagtaka nang makita ito. Hindi niya inasahan ang pagdalaw nito dahil malalim na ang gabi.
"Anong dahilan ng pagpunta mo rito, Prinsesa Alyssa?" tanong niya.
Matamis na ngiti ang ipinukol nito sa kanya bago sumagot. "Batid kong nanggaling ka sa malayong paglalakbay, Mahal kong Kapatid," saad nito. "At bilang iyong mapagmahal na kapatid ay nais kitang handugan ng simpleng bagay upang pawiin ang pagkahapo ng iyong katawan," paliwanag nito.
Bahagya niyang sinulyapan ang babaeng tagapag-silbi na noon ay nakatayo lamang sa tabi ng kanyang kapatid. Nakayuko ito ngunit maya't maya ang ginagawang panakaw-tingin sa kanya. Maganda naman ang babae. May magandang hubog ng katawan, mahaba ang tuwid at itim nitong buhok, at may maamong mukha. Napakapino ng kilos nito at napakahinhin. Ngunit, wala siyang pakialam sa babaeng ito. At wala rito ang kanyang atensyon kundi nasa kapatid.
"Prinsesa Alyssa, papaano mo nalamang galing ako sa paglalakbay? Ano pa ang alam mo?" kinakabahang tanong niya sa kapatid. Hindi nito maaaring malaman ang mga plano niya.
"Hindi na mahalaga pa kung papaano ko nalaman ang tungkol sa bagay na iyon, o kung ano pa man ang aking nalalaman. Nais ko lamang na maging mapayapa ang iyong gabi," paliwanag nito.
"Narito si Hermie," pakilala nito sa babaeng kasama. "Siya ang napag-utusan kong magsilbi sa iyo ngayong gabi, Mahal kong Kapatid." Malapad ang pagkakangiti nito't may halo pang kapilyahan.
"Ngunit, Prinsesa Alyssa—"
"Huwag kang mag-alala, Mahal kong Kapatid. Mahusay si Hermie at maingat," putol nito sa iba pa sana niyang sasabihin.
Sadya ngang makulit ang kanyang kapatid. Bata pa kasi. Labing walong taong gulang pa lamang ito at nag-iisang babae sa kanilang tatlong magkakapatid. Bata pa nga ito ngunit dalagang-dalaga na ang hubog ng katawan.
"Maiwan na kita, Kuya Dustin." Makahulugan itong ngumiti't nilangkapan pa ng isang kindat pagkuwa'y nagmamadali nang nilisan ang kanyang silid.
Naiwan namang natitigilan si Dustin at napapa-iling na lamang.
Kakaiba rin talaga kung maglambing sa kanya ang kapatid. Katunayan nga ay sa kanya lang ito malambing. Hindi nito magawang tratuhin ng ganito ang kanilang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Adam dahil masyado itong seryoso at masungit.
Wala itong ibang alam gawin kundi ang mag-insayo upang maging isang magaling na mandirigma. At masyado rin nitong itinutuon sa pamahalaan ang atensyon. Nais kasi nitong ipakitang karapat-dapat siyang pumalit sa trono ng kanilang ama. Kaya naman sobra-sobra ang ginagawa nitong pagpapasikat sa kanilang ama—ang Emperador ng Higerra.
"Kamahalan," basag ng babae sa katahimikang namamayani sa loob ng kanyang silid. "Lalamig na ho ang inyong pampaligo. Mainam po na maligo na kayo habang maligamgam pa ang tubig na dala ko." Agad itong lumapit sa kanya upang simulan nang tanggalin ang kanyang suot na damit.
Natural na sa kanila ang ganitong bagay na pagsisilbi ng mga utusan ng palasyo kaya wala nang naging iba pang reaksyon dito si Dustin. Hinayaan lang niya ang babae na tanggalin ang kanyang kasuotan upang paliguan siya.
NAKAUPO si Prinsipe Dustin sa malaking paliguan sa loob ng kanyang silid habang maingat na hinahagod ni Hermie ang kanyang balikat at nilalagyan iyon ng mabangong langis na pampagaan ng pakiramdam.
Naipikit ni Dustin ang kanyang mga mata sa kapayapaang nararamdaman. "Hmmm tama nga si Prinsesa Alyssa. Magaling si Hermie at maingat sa ginagawa. Mahusay siyang kumilatis ng tao."
Mayamaya pa ay dahan-dahan nang pinunasan ng babae ng tuyong tuwalya ang kanyang balikat—hudyat na tapos na siya nitong paliguan kaya tumayo na siya. Napansin niyang bigla itong napasinghap sa ginawa niyang iyon. Ngunit, nagpatay-malisya lamang siya. Wala siyang pakialam kung nakatambad man sa harapan nito ang hubo't hubad niyang katawan.
Maya't maya rin ang paghigit nito nang paghinga habang tinutuyo pa ang ibang parte ng kanyang katawan. Ramdam din niya ang bahagyang panginginig ng mga kamay ng babae. At may kakaibang hatid sa kanyang puso ang mensaheng makikita sa mga mata nito sa tuwing magtatama ang kanilang mga tingin.
Namalayan na lamang niyang marahan nang naglalakbay sa kanyang malapad at matipunong dibdib ang kamay nito. Kakaibang kiliti ang hatid niyon sa kanya.
Napasinghap siya at mariing ipinikit ang mga mata.
"Kamahalan..." pabulong na tawag sa kanya ng babae. Nagmulat siya ng mga mata at nakita niyang titig na titig sa kanya si Hermie.
"Angkinin niyo po ako, Kamahalan. Handa po akong ibigay ang lahat sa iyo ng walang ano mang hihingiing kapalit," saad nito't nagsusumamo.
Wala siyang ibang naging tugon sa pakiusap ng babae kundi mabilis niyang hinawakan ang kamay nito na noon ay marahang humahaplos sa kanyang mukha at inilagay iyon sa kanyang baywang. Pagkuwa'y kinabig niya ito palapit sa kanya't mapusok na hinalikan sa mga labi—na kaagad naman nitong ginantihan ng halik.
Maalab ang kanilang paghahalikan na tila sabik na sabik sa isa't isa. Binuhay ni Hermie ang apoy sa loob ng kanyang katawan kaya hindi na rin niya magawang tanggihan ang pagkakataong kumakatok ngayon sa kanyang pintuan.
Tuluyan na siyang nagpadala sa sensasyong hatid ng mga haplos at halik ni Hermie kaya iginiya na niya ang babae patungo sa kanyang higaan at tuluyan na silang napag-isa.
...itutuloy