Chereads / Her IGNORANCE / Chapter 51 - Chapter 51

Chapter 51 - Chapter 51

51

HALOS lakad-takbo na ang ginawa namin ni Andeng makarating lang kaagad sa aming bahay.

Malayo pa lang kami ay tanaw ko na ang kotseng nakaparada sa labas namin. Nang makalapit ay napagtanto kong medyo pamilyar ang sasakyang iyon. Hindi ko lang sigurado kung saan at kailan ko iyon nakita.

Dali-dali kaming pumanhik sa aming maliit na bahay para madatnan si 'Nay Lourdes at ang nakatalikod na lalaking kausap nito.

"Putragis, Krisel. Likod pa lang, ulam na." kinikilig na bulong ni Andeng sa tabi ko. Kaagad ko itong siniko dahilan para dumaing ito nang may kalakasan. Dahil doon ay nabaling sa amin ang tingin ni 'Nay Lourdes. Hindi naman natinag ang misteryosong lalaki at nanatili pa rin itong nakatalikod sa amin.

"Krisel, anak..." Tumayo si 'Nay Lourdes para lapitan kami. Medyo hindi siya mapakali, base sa ikinikilos niya. "M-may gustong magpakilala sayo," anitong hindi makatingin nang direkta sa mga mata ko.

Pinasadahan ko ng tingin ang lalaking hindi pa rin kami nililingon. Bakit parang pakiramdam ko ay may hindi magandang mangyayari?

"S-sino ka po?" sinikap kong isatinig.

Dahan-dahang tumayo ang misteryosong lalaking nakaupo sa aming silyang kahoy at dahan-dahan din itong pumihit sa aming direksyon. "Hi Krisel," bati nito pagkaharap.

Laglag ang panga ko. Ganun din itong si Andeng na talagang impit pang napatili. "Ang pogi, Krisel, tangina!"

Hindi ko inalis ang mga mata ko sa nakangiting mukha ng lalaki sa harapan namin. Anong ginagawa nitong taong 'to rito? Binalingan ko ng tingin ang nakayukong si 'Nay Lourdes, nagbabaka-sakaling masagot nito ang tanong sa utak ko.

"'N-nay, 'wag niyo pong sabihing... ipinagkasundo niyo ako nang hindi ko nalalaman?!" Hindi ko maipaliwanag ang kabang umaapaw sa aking dibdib. Kagagaling ko lang sa sawing pag-ibig, paanong nakaya akong ipagkanulo ni 'Nay Lourdes?

"That's not possible." Naagaw muli ng lalaking nasa harapan namin ang atensyon ko nang mahina itong tumawa. Kinunutan ko siya ng noo na tinugunan niya lang ng nakakalokong ngiti.

"Hindi tayo pwede, Krisel. I don't do incest."

"Pwede po bang 'wag na po kayong magpaligoy-ligoy pa? Ano pong ipinunta niyo rito, Sir Fred?"

Nawala bigla ang ngiting nakapaskil sa kanyang maninipis na labi at bigla na lang siyang sumeryoso. "I've been searching for you since mom died." Tumingala siya para pigilan ang pagtulo ng kanyang luha. Masasabi kong sariwa pa rin ng sakit na dinadala niya dulot ng pagkamatay ng kanyang ina.

"Ito ang huling bilin niya sa akin, ang hanapin ka at ibigay sayo ang buhay na dapat sayo, dahil sa paraan lamang iyon siya makakabawi sa lahat ng kanyang pagkukulang." Nangunot ang noo ko sa sunod niyang itinuran. Ano namang kinalaman ko sa nanay niya? Ni hindi ko nga sila kilala.

"Krisel, the moment I saw your eyes doon sa parking lot ng kompanya ng pamilya ni Roderick, I had this feeling that my search has finally over. You had her eyes. And with thorough investigation, totoo nga, nahanap ko na sa wakas ang napakaganda kong kapatid."

"T-teka... kapatid? A-anong ibig mong sabihin?" Nanginginig na ang boses ko. Kumikirot ang dibdib ko sa ideyang naglalaro sa aking isipan. Sana mali ako nang iniisip. Sana mali ako.

"Krisel, ikaw 'yung anak ni mama sa lalaking nakasama niya noong sandaling naghiwalay sila ni dad. Ikaw 'yung kapatid kong ipinagkatiwala niya sa matalik niyang kaibigan noong nagkabalikan sila. Ikaw 'yung kapatid kong matagal ko nang gustong makilala."

Kusang tumulo ang mga luha ko. Pilit kong tinakpan ang aking mga tainga ng dalawa kong kamay. Ayoko nang marinig ang mga sasabihin niya. Ayokong maniwala sa kanya. Nagsisinungaling lamang siya. Iyon ang pilit kong isinisiksik sa aking isipan.

"Krisel—"

"Hindi! 'W-wag ka pong lalapit..." Bakas ang pagkabigla sa kanyang mukha pero tumigil din siya sa akmang paglapit.

Nanlalabo na ang paningin ko sa walang humpay na pagbuhos ng aking mga luha. Bakit ganito kalupit sa akin ang tadhana? Bakit tila pinagkakaisahan ako ng lahat? Ano bang nagawa kong kasalanan para pahirapan ako nang ganito?

Niyakap ko si 'Nay Lourdes na wala na ring patid ang pag-iyak. Ganoon din si Andeng na humihikbi na rin.

Higit kanino man, silang dalawa lang ang naging pamilya ko sa loob ng labing anim na taon. Matagal ko nang ibinaon sa limot ang totoo kong pamilya kaya walang karapatan ang kahit na sino na basta na lang magpakita at sabihing siya ang ina, ama o kapatid ko na animo'y wala silang anak, kapatid, o kapamilyang iniwan nang napakatagal na panahon.