Chereads / Her IGNORANCE / Chapter 52 - Chapter 52

Chapter 52 - Chapter 52

52

PAMILYA ang pinakamahalagang biyayang maaaring matanggap ng isang tao sa mundo. Walang anumang kayamanan o salapi ang makahihigit pa rito.

Namulat ako sa mundong ako saka si 'Nay Lourdes lamang ang magkatuwang sa buhay. Imbes na ikalungkot ko ang katotohanang iyon, labis-labis ang aking pasasalamat kay Papa God dahil sa kabila ng hindi kumpletong pamilyang mayroon ako, hindi ko kailanman naramdaman iyon dahil sa nag-uumapaw na pagmamahal na ibinubuhos sa akin ni 'Nay Lourdes.

Para sa akin, si 'Nay Lourdes lang, sapat na. Sa katauhan niya, para na rin akong nagkaroon ng ama at kapatid dahil kailanma'y hindi siya nabigong iparamdam sa akin ang pakiramdam ng mayroong masaya at kumpletong pamilya.

Hanggang sa lumalaki ako, unti-unti niyang ipinapaintindi sa akin ang katotohanan sa likod ng aking pagkatao. Isa raw akong nawawalang prisesa mula napakalayong kaharian, pagbibiro niya pa noon. Dinahan-dahan niya ang lahat para hindi ako mabigla. Hindi niya ako hinayaang masaktan ngunit hindi niya rin ipinagkait sa akin ang karapatan kong malaman na hindi ako galing sa kanyang sinapupunan at ipinagkatiwala lamang ng isang kaibigan sa kanya. Tandang-tanda ko pa nga ang sinabi niya noon na, paano raw siya mabubuntis kung wala man lang patolang pumasok sa kanyang pechay. Bagay na hindi ko naman maintindihan noon.

Hanggang sa matanggap ko ang lahat ng walang hinanakit o kung ano pa man kay 'Nay Lourdes, gayon din sa mga tunay kong magulang. May pinanghahawakan kasi ako noon, ang sinabi ni 'Nay Lourdes na babalikan ako ng aking ina balang araw. Iyon daw ang ipinangako nito sa kanya bago ako nito iniwan.

Ngunit bakit ang balang araw na iyon ay umabot ng isang taon, dalawa... hanggang sa maging labing-anim? Bakit ilang kaarawan ko na ang sinira ng balang araw na 'yan dahil lang sa paghihintay ko sa wala? Bakit ngayon pa dumating ang balang araw na 'yan kung kailan sumuko at tumigil na ako sa paghihintay?

Tahimik akong umiyak sa loob ng maliit naming kwarto ni 'Nay Lourdes. Hindi ko matanggap na ngayon lang ito nangyari, lalong hindi ko matanggap na nangyari ito kung kailan wala na ang inang hinintay ko nang napakatagal na panahon. Hindi ko man kasi aminin, may puwang pa rin sa puso ko si 'Nay Helen, ang tunay kong ina. Sa mga paglalarawan kasing ibinigay ni 'Nay Lourdes sa akin noon tungkol sa kanya ay hinaplos na nito ang aking puso sa kabila ng hindi pa namin pagkikita.

Kaya ngayon ang sakit. Sa sobrang sakit ay hinihiling kong sana ay hindi na lang ako natagpuan ni Sir Fred. 'Di sana'y hindi ako ngayon nagdadalamhati sa permanenteng pagkawala ng aking tunay na ina. Mas masakit kasi ang kaalamang kailanman ay hindi na niya matutupad ang ipinangako niya. Mas masakit ang kaalamang hinding-hindi na siya babalik pa.

"Krisel..." Inangat ko ang aking tingin kay 'Nay Lourdes nang pumasok ito ng kwarto. Dahan-dahan itong naglakad palapit sa akin para tabihan ako. "Anak, alam kong mahirap ang pinagdadaanan mo ngayon. Kung kaya't naiintindihan ko kung bakit ganoon ang inasta ko kanina," aniya habang hinahagod ang aking likod.

"'N-nay... masama ba akong tao?" Batid ko ang pagkagulat ni 'Nay Lourdes sa tanong kong iyon ngunit kaagad din siyang sumagot.

"Hindi, Krisel, hindi, 'wag kang mag-iisip ng ganyan."

"Kung gayon, b-bakit pinaparusahan po ako nang ganito?"

"Anak, hindi ka pinaparusahan. Nangyayari ang lahat ng ito hindi dahil masama kang tao. Binigay sayo ng Diyos ang mga pagsubok na ito dahil alam Niyang kayang-kaya mong lampasan ang mga ito. Alam Niyang matatag ka."

"P-pero ang sakit-sakit na po 'nay..."

"Alam ko, anak, alam ko. Pero sana'y 'wag mong hayaang ang sakit na 'yan ang kumontrol sayo. 'Wag mong isarado ang puso mo sa tunay mong pamilya, Krisel. Nariyan pa ang kuya mo, sa saglit naming pag-uusap, nakikita kong mabuti siyang tao. Bigyan mo sana ng pagkakataon ang iyong kapatid na makilala ka, at ang sarili mong makilala siya. Pagtanggap lamang ang kasugatan sa lahat ng pinagdadaanan mo ngayon, anak."