Chereads / Legend of the Bladed Hand / Chapter 6 - Si Map (Part II)

Chapter 6 - Si Map (Part II)

NGUNIT HINDI MAN lang sumayad sa sahig ang dalawang bote na plastik kahit pa dumulas ito sa mga kamay ni Dian. Nanatili ang dalang bote na nakalutang sa hangin.

Tumayo ang mga balahibo ni Dian sa batok dahil sa kilabot. Tumigil ang pag-awit ni Map sa cellphone ni Dian. Paulit-ulit niyang pinindot, kinatok, at inalog ang phone ngunit hindi ito gumana. Napatingin siya sa paligid habang kumisap-kisap naman ang mga ilaw sa airport. Walang pakiramdam ang mga tao. Tila nasa ibang lugar o panahon si Dian.

Tumakbo si Dian papunta sa escalator na hindi gumagana. Inakyat niya iyon. Nagmadali. Paano na ang kanyang tatay? Ano na kaya ang nangyari sa kanya?

Nakita ni Dian ang ama na nakapila pa rin. Hindi gumagalaw. Tulad ng lahat ng mga narito sa airport.

"Anong nangyayari?" ang tanong ni Dian sa sarili.

Lumapit siya sa isang guwardiya para magtanong. Ngunit mukhang hindi masasagot ng kahit sino na narito ngayon sa airport ang hiwagang nangyayari. Mukhang siya lang, walang iba, ang nakakakilos, nakakapagsalita, at humihinga.

Napaisip tuloy si Dian kung patay na siya. May sumaksak ba sa kanya sa likod? Nakatulog ba siya habang kumukuha ng tubig sa ref? May humataw ba sa ulo niya at ngayon ay na-coma siya at naiwan ang kaluluwa niya sa purgatoryong ito?

Pssst.

Narinig na naman ni Dian ang sitsit na iyon. Nanggaling iyon sa kanyang earphones na nakakabit pa rin sa kanyang tainga. Inilapit ni Dian ang mikropono at sinubukang sagutin ang tawag na iyon.

"Hello?"

Pusang gala. Nasisiraan na yata siya ng bait. Ano naman ang gagawin niya kung sumagot 'yung...

"Hello."

Tinig iyon ng isang binata. Malinis ang boses. Malumanay. Parang pang-singer.

Parang kay Map.

"M-Map?" ang tanong ni Dian. Juice colored, isip niya, naloloka na yata siya.

"Yep," ang sagot ng boses.

At nakita ni Dian sa harapan niya si Map. Tulad niya, nakaputing polo rin ito. Matangkad. Balingkinitan. Kita ang mapuputing mga ngipin sa ngiti nitong nakakatunaw. Kumikinang ang presensya niya sa airport.

Totoo ba ang lahat ng ito? Sinampal ni Dian ang sarili. Nakangiti pa rin sa kanya si Map.

Akmang susuntukin na ni Dian ang mukha niya nang biglang tumakbo palapit sa kanya si Map at hinawakan ang kanyang braso.

"Hey! 'Wag mong gawin 'yan," ang sabi ng idol niya. "Masasaktan ka lang. Besides, baka magkaroon ka pa ng bruises sa mukha mo. Pretty ka pa naman."

Nag-init ang dibdib ni Dian sa mga sinabing iyon ni Map. Parang may sanlibo't isang maliliit na karayom ang sumundot sa kaloob-looban niya.

"Totoo ba?" ang dapat na itinanong ni Dian sa sarili ngunit nasabi niya ito nang malakas.

Napatawa nang bahagya si Map. Kinurot ni Dian ang pisngi ni Map. Sa gulat ay napaatras ang binata palayo.

"Naku, sorry! Akala ko kasi iniisip ko lang lahat ng 'to."

"Well," ang sabi ni Map habang hinihimas ang makinis na pisngi niya, "pwede mo namang i-consider na nasa isip mo nga lang 'to... Pero, wala na tayong oras, kaya sumama ka na sa akin."

"Ha? Hindi ba pwedeng ipaliwanag mo muna kung ano nangyayari?"

Umiling si Map habang nakangiti. Unti-unting napalitan ng kaba ang kilig ni Dian.

"Kapag 'di ka pa sumama sa 'kin, dangerous na para sa 'yo ang mga susunod na araw."

Napakunot ng noo si Dian.

"Pero ikaw si Map!" napalakas ang pananalita niya. "Artista ka! Bakit ka nandito? Paano mo ako nakilala? Ano'ng nangyayari? Kakagawan mo ba 'to? Magician ka ba? Sinusundo mo ako... ikaw ba si Kamatayan na nagpapanggap na crush ko."

"Crush mo 'ko?"

Namula ang mapuputing pisngi ni Map. Sa dami ng pinagsasabi ni Dian, 'yung crush lang yata ang nakuha ni Map.

"Wait lang!" Bumigay na ang mga tuhod ni Dian. Napaupo siya. Umupo na rin si Map sa harap niya.

"Buti na lang crush mo 'ko," ang sabi ng binata. "So sasama ka na sa 'kin?"

"Pa'no si tatay?"

Nakapila pa rin si Rodel. Nakapako ang tingin sa tiket, ngunit hindi nagbabasa ang mga mata niya, bagkus ay tila walang buhay.

Walang buhay ang mga tao sa buong paliparan. Ano ba ang nangyayari? Bakit hindi magpaliwanag si Map? Si Map ba talaga ang kausap ni Dian?

Tumayo si Map at ibinigay ang kamay kay Dian upang kunin iyon. Hindi kailangan ni Dian ng tulong kaya tumayo siya nang hindi humahawak kay Map.

"Hindi ako sasama kung 'di ka magpapaliwanag," ang paninindigan ni Dian.

"Kahit crush mo 'ko?" Mukhang nagsusumamo si Map.

"Kahit crush kita."

"Sige..." napaisip si Map nang saglit. "Bibigyan kita ng isang question. Isang question lang ha? Tapos, doon na lang sa car ka magtanong. Ang importante, makapasok tayo sa car."

"Isang tanong lang?"

Tiningnan ni Map ang relo niya. Nalalapit na ang oras.

"Game, bilis."

"Teka... bakit ka ba nagmamadali?"

"Dahil parating na ang mga papatay sa 'yo," sagot ni Map. Biglang sumeryoso ang mukha nito. "Ayan. Nakaisang tanong ka na. Wala nang bawian ha."

Binuhat ni Map si Dian patungo sa labasan ng paliparan. Sumigaw si Dian nang paulit-ulit.

"'Tay!" ang sabi niya habang nakatingin sa ama na hindi gumagalaw. "Pa'nong tatay ko?"

"'Wag kang mag-alala, ligtas siya... Sa ngayon," ang sagot ni Map.

Isang puting kotse ang tumigil sa harap ni Map. Bumukas nang kusa ang pinto nito at ipinasok ni Map si Dian. Sinubukang buksan ni Dian ang pinto sa kabilang tabi niya upang tumakas, ngunit naka-lock ito. Tinabihan siya ni Map saka nito isinara ang pinto.

Muling gumalaw ang mga tao sa airport.

"Tara na po, Mang Basilio," ang sabi ni Map sa drayber na nasa harapan.

Humarurot ang kotse palayo sa paliparan at saka humalo sa usok at naglaho.

~oOo~