Sa totoo lang ay hindi naman talaga pag-uugali ni Chen Guo ang magdamag na maglaro. Pero sa araw na ito, dahil ngayon magbubukas ang bagong server ng Glory ay nagpuyat siya dahil gusto niyang makita ang kasiyahan ng lahat.
Matapos makita ang pananabik ng mga taong nasa paligid niya ay kaagad siyang nakaramdam ng antok at tumihaya siya sa kaniyang upuan na para bang natutulog.
Sa totoo lang ay tinatamad lang talaga si Chen Guo na tumayo kahit na gustong-gusto na niyang matulog. Hindi mapigilang maakit ang kaniyang isipan sa paulit-ulit na tunog ng keyboard na tinatapik sa tabi niya.
Dahil siya ay isang may-ari ng isang Internet Cafe ay pamilyar na sa kaniya ang mga tunog na ito, pero bakit para bang kakaiba ang mga naririnig niya ngayon kaysa sa mga nakagawian niyang marinig?
Ang mga tunog ng tinatapik na keyboard at mouse na dumadapo sa kaniyang mga tainga ay kakaiba, dahil sila ay mababagal, mararahan, at hindi kalaunan ay nagiging mabigat.
Sa mga sandaling narinig ito ni Chen Guo ay hindi niya inakala na maari palang maihahantulad ang tunog ng mga keyboard at mouse sa tunog ng isang tambol. O baka naman ay nananaginip siya ngayon?
Biglang nagising si Chen Guo at nakinig na naman siyang mabuti. Parang hindi talaga panaginip ang mga naririnig niyang tunog. Dahil ang pinagmulan ng mga tunog na iyon ay ang taong nasa tabi niya, mula sa baguhang nagtratrabaho sa Internet Cafe niya na si Ye Xiu.
Umupo ng maayos si Chen Guo para makita kung ano ba talaga ang nangyayari. Pero nung inayos niya ang kaniyang sarili ay nahulog ang balabal na bumalot sa kaniyang katawan.
Sinalo niya ang balabal bago ito mahulog sa lupa at namalayan niyang si Ye Xiu ang nagmamay-ari ng balabal na iyon. Mukhang maalalahanin yata 'tong taong 'to, bulong ni Chen Guo sa kaniyang sarili. Pero ang tanong ay kung gaano na ba katagal na hindi nilabhan ang balabal na ito? Lubhang mabaho't malagit ito sa pakiramdam kung hawakan.
Pinulot ni Chen Guo ang balabal, at umupo. Sa mga sandaling kakausapin na niya sana si Ye Xiu ay bigla siyang nagulantang sa kaniyang nakita.
Isang pares ng kamay na nakakapagpaluha sa mga taong nakakita nito ang kasalukuyang nakikita niya gamit ang dalawa niyang mga mata: Ang dalawang mga kamay ni Ye Xiu.
Lubhang payat kung tingnan ang mga kamay ni Ye Xiu. Mahaba at manipis ang kaniyang mga daliri at hindi magaspang kung tingnan ang kaniyang palad kagaya ng mga lalakeng bakat sa trabaho.
Ang dulo ng kaniyang mga daliri ay malinis at maayos tingnan, malinaw na inaalagaan niyang mabuti ang kaniyang kamay kaysa sa kaniyang katawan.
Noong una ay hindi naman talaga ganito kung magmasid si Chen Guo. Pero matapos ang mga sandali na nakakita siya ng isang babaeng mayroong napakagandang kamay na pumasok sa Internet Cafe ay pinagtuonan na niya ng pansin ang kamay ng bawat taong nakakatagpo niya.
At ngayon, siya ay nagulantang dahil sa dalawang kamay ni Ye Xiu.
Biniyayaan nga siya ng mga maririkit at magagandang kamay. Pero sayang nga lang dahil lubhang mabagal ang galaw ng kaniyang mga kamay... Naisip ni Chen Guo sa sarili.
Hand speed, ang dami ng mga aksyong maaring magawa ng isang manlalaro sa loob ng isang nakatakdang oras na kadalasang itinatagala bilang bawat minuto ay tinatawag na APM. Ang Glory ay hindi isang laro na nangangailangan lamang ng stratehiya para manalo.
Isang karakter lamang ang maaring magamit ng bawat manlalaro, pero lubhang marami ang paraan kung papaano mo gagamitin ang karakter na iyon. Dahil dito ay masyadong marami rin ang mga aksyon na kailangang magawa para makamit ang tagumpay, na naging sanhi kung bakit lubhang importante ang bilis ng mga kamay ng isang manlalaro o Hand Speed.
Ang isang manlalarong mayroong mataaas na hand speed ay nakakagaw ng mga galawang metikuluso at mahihirap sa loob lamang ng maikling panahon. Ang deperensya sa bilis ng kamay ang nagiging dahilan kung bakit maituturing na isang mahirap na laro ang Glory.
Pero syempre, kahit na importante ang hand speed ay importante rin kung epektibo ba ang ginagawang aksyon ng manlalaro sa mga sandaling mataas ang kaniyang hand speed.
Kadalasan, ang mga manlalarong mayroong matataas na hand speed ay ginagawa lamang iyon para magpasikat, pero wala namang maibubuga kung ang gaano ka-epektibo ang kanilang mga aksyon ang pag-uusapan.
At kadalasan rin sa mga manlalarong naitataas ang kanilang hand speed habang hindi sinasakripisyo ang pagka-epektibo ng kanilang mga galaw ay pawang mga propesyonal na manlalaro lamang.
(TLNote: APM = Actions Per Minute)
200 APM.
Iyan ang isa sa pinakamalaking pader sa pagitan ng mga propesyonal na manlalaro at mga ordinaryong manlalaro. Kapag sinubukang taasan ng mga ordinaryong manlalaro ang kanilang APM ng mas mataas pa sa 200 ay hindi na nagiging maayos ang kanilang pag-atake't paggalaw.
Kahit na para sa mga propesyonal na manlalaro, para mapataas pa sa 200 ang kanilang APM ay nangangailangan sila ng isang partikular na eksena. Isang halimbawa na rito ay kung nasa isang labanan sila. Hindi rin maari na mahina ang kanilang kalaban dahil maaring mamatay ang mga iyon bago pa nila mapataas sa 200 ang kanilang APM.
Para sa mga ordinaryong manlalaro, 70% ng mga manlalarong nasa kategorya nila ay mayroong APM na nasa 80 hanggang 120. 25% naman ay hindi nga naabot ang 80 APM, at 15% ay nalalampasan ang 120 APM.
Ang hand speed ni Chen Guo ay umaabot ng 120 lamang, pero nalalampasan niya iyon sa ilalim ng ilang espesyal na kondisyon. Dahil dito ay naniniwala si Chen Guo na isa siya sa 5% ng mga manlalarong eksperto sa kalagitnaan ng mga ordinaryong manlalaro.
Pero tungkol kay Ye Xiu ay hindi nagdalawang-isip si Chen Guo na hindi umaabot sa 80 ang kaniyang APM.
Sa mga sandaling nahinuha ni Chen Guo ang lahat ng ito ay bigla niyang namalayan na ang tunog ng pagtatapik sa keyboard na para bang isang musika ay biglaang nawala.
Ang mga magagandang kamay ni Ye Xiu ay kasalukuyang gumagalaw ng mabagal na para bang ang dalawang pares na iyon ay isang pares ng baldadong kamay.
Pero kahit na ganiyan ay paniguradong hindi pa rin mapipigilan ng ibang tao ang kanilang inggit pag nasilayan nila ang mga kamay ni Ye Xiu.
Ang pansin ni Chen Guo ay natuon ng lubos sa dalawang maririkit at magagandang kamay ni Ye Xiu na nakalimutan niyang tingnan ang kaniyang screen. Pero sa mga sandaling tumigil ang mga kamay ni Ye Xiu, ay itinaas na ni Chen Guo ang kaniyang ulo para matingnan ang screen.
"Midnight Phantom Cat?" Biglang dumilat sa gulat ang kaniyang mga mata.
Matapos mabitawan ang mga katagang ito ay tumumba na ang Midnight Phantom Cat at mula sa itaas ay bumagsak ang ilang mga kagamitan.
At ito rin ang sandali na may nakitang System Announcement si Chen Guo na lumitaw sa screen na nasa harapan nilang dalawa: Tenth Server, Midnight Phantom Cat First Hidden Boss Kill: Lord Grim.
"T*ngina!" Sinampal ni Chen Guo ang likuran ni Ye Xiu at sinabing: "Ang galing mo pala, ah!", para sa kaniya ay hindi na importante pa kung baldado ang dalawa niyang kamay.
Para makuha ang First Kill achievement sa isang halimaw ay isang bagay na kahanga-hanga. Kahit nga si Chen Guo ay hindi pa nakakamit ang karangalang iyon.
Sa mga sandaling sinampal ni Chen Guo ang likuran ni Ye Xiu ay nagulat si Ye Xiu at muntik nang malunon ang sigarilyong nakalagay sa pagitan ng kaniyang bibig. Sa huli ay isang kulay pilak-puting usok ang bumagsak mula sa kaniyang bibig papunta sa kaniyang keyboard.
Matapos makita ang eksena na ito ay si Chen Guo na nasisiyahan sana sa nakamit na karangalan ni Ye Xiu ay nakalimutan ang lahat ng iyon, at bigla niyang hinatak ang mga tainga ni Ye Xiu na natatabunan ng headphones: "Sinong may sabi na maari kang manigarilyo dito?"
"Huh?" Hindi pa napapatay ang sigarilyong nasa pagitan ng mga labi ni Ye Xiu kaya hindi siya nakapagsalita. Idagdag pa na hindi rin niya naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ni Chen Guo.
"NO SMOKING, hindi mo ba nakita 'yan?!" Itinuro ni Chen Guo ang katabing dingding.
Ibinaling ni Ye Xiu ang kaniyang ulo at nakita niya ang isang mensaheng nakapaskil sa pader. Hindi niya mapigilang magsalita: "Nagbibiro ka ba? Bawal manigarilyo sa isang Internet Cafe?"
"Bawal manigarilyo sa lugar na ito, ang lugar na maari kang manigarilyo ay nasa kabilang dulo," Itinuro ni Chen Guo ang lugar na maaring manigarilyo at nagsalita si Ye Xiu.
"Sige, punta nalang tayo doon." Sabi ni Ye Xiu.
"Ayoko, sumasakit ang ulo ko pag nalanghap ko ang usok ng sigarilyo." Sabi ni Chen Guo.
"Kung ganoon, ano ang gagawin natin?" Bakas sa pagmumukha ni Ye Xiu na isang mahirap na problema nga ang kasalukuyan niyang hinaharap.
"Hindi ba pwedeng hindi ka nalang manigarilyo?" Pagalit na sabi ni Chen Guo.
"Hindi pwede, sasakit ng lubos ang ulo ko." Sumagot naman si Ye Xiu.
"Sasasakit, sasakit, sasakit... Ayaw mo lang talagang tumigil!" Natuklasan ni Chen Guo na mayroon na siyang nalalaman tungkol kay Ye Xiu.
Kahit na natatanggap lang niyang matulog sa loob ng isang maliit na kwarto na itinuturing na isang bodega, ay hindi niya sinusukuan ang paninigarilyo. Talagang isang tao nga siya na mahirap kausap.
"Ako nalang ang pupunta sa Smoking Area. Boss, magpahinga ka nalang muna." Sabi ni Ye Xiu.
"Teka lang, hindi mo sinabi sakin kung papaano mo nakuha ang First Kill!" Sabi ni Chen Guo.
"Madali lang, nagsama-sama kami ng mga kasama ko kanina. Naubos silang lahat at pinatay kong mag-isa ang BOSS dahil mababa nalang naman ang Health nito." Kalmadong sagot ni Ye Xiu.
"Ah, kaya pala..." Bumabakas pa rin sa tono ni Chen Guo ang pagkahanga sa nagawa ni Ye Xiu, sa totoo lang ay hindi naman talaga magaganda ang ibinibigay na gantimpala para sa mga First Kill.
Pero ang dahilan kung bakit gusto itong makamit ng lahat dahil habang buhay na nauukit ang pangalan nila sa kasaysayan ng buong server, bilang ang unang manlalaro na nakapatay sa partikular na BOSS na iyon.
Para kay Chen Guo, at sa mga ordinaryong manlalaro. Ang para makamit ang mithiing iyon ay sapat na para mamatay sila ng matiwasay at walang panghihinayang.
Lalo na kung mas mataas na ang kanilang level, dahil sa mga panahong iyon ay lubhang mas nagiging mahirap na para sa kanilang lahat na mapatay ang isang halimaw.
Iyan ang dahilan kung bakit karamihan sa mga First Kill Record ay nasa kamay ng mga propesyonal na manlalaro.