Chereads / Library of Heaven's Path (Tagalog) / Chapter 5 - Ang Munting Binibini

Chapter 5 - Ang Munting Binibini

"Narinig mo na ba? Nakipaglaban daw si Cao Xiong laoshi sa pinaka-mahinang teacher ng akademya, si Teacher Zhang Xuan!"

"Naglaban sila? Siguradong natalo si Zhang Xuan laoshi sa laban nila no?"

"Hindi ganon ang nangyari. Nanalo si Zhang Xuan laoshi! Tinuruan lang niya ang isang estudyante at nadoble ang lakas nito!"

"Nadoble? Sa unang pagtuturo niya? Kahit si Lu Xun laoshi hindi kayang gawin iyon! Totoo ba ang sinasabi mo?"

"Maraming nakakita sa nangyari, kaya malamang totoo iyon hindi ba?"

. . . . . .

Naging usap-usapan ng mga nakapanood sa paligsahan nila ang pagkapanalo ni Zhang Xuan.

"Para madoble niya ang lakas ng isang estudyantye sa unang beses niyang magturo?" Ang nasabi ni Zhao Ya. "Siguradong swinerte lang siya sa nangyari!"

Ang Baiyu City ang ikatlong pinakamalaking lungsod sa Tianxuan Kingdom at si Zhao Ya ang anak ng pinuno ng lungsod na iyon. Bata pa lamang siya, dumaan na siya sa puspusan at magandang klase ng edukasyon, at kaya siya pumasok sa Hongtian Academy ay dahil gusto niyang maging estudyante ni Lu Xun.

Ngunit, hindi niya inasahan na maririnig niya ang mga bali-balitang mas magaling daw si Zhang Xuan kaysa kay Lu Xun bago pa man niya mahanap ito. Karaniwa'y, hindi siya basta-bastang naniniwala sa mga balitang gaya nito.

"Swinerte? Sa tingin ko hindi siya basta swinerte lang. Naging doble ang lakas ng estudyanteng tinuruan niya! Hindi mo masasabing dahil lang iyon sa swerte!" Hindi nakatiis ang isang estudyante na sagutin ang mga sinabi ni Zhao Ya.

"Sa tingin mo hindi iyon dahil sa swerte? Huwag mong isipin na hindi ko nakikilala ang Zhang Xuan laoshi na iyon. Siya ang tanging guro na nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination na muntik nang matanggal sa pagiging guro! Ano naman sa tingin mo ang kakayahang mayroon ang isang taong gaya niya? Kung hindi ka naniniwala sakin, ako na mismo ang gagawa ng paraan para mabisto ang pagpapanggap niya!"

Mula pa noong bata si Zhao Ya ay sadyang napakamainipin na talaga siya at mainitin pa ang ulo niya. Kaya naman nang marinig niyang may pumuri sa pinaka walang kwentang teacher sa akademya ay bigla na lamang siyang nagalit.

"Sige! Gusto rin naming malaman kung puro salita lang ba talaga ang guro na iyon!"

Agad na tumayo ang dalawang estudyante.

Naglakad silang tatlo palabas ng canteen at matapos silang magtanung tanong sa mga tao, nahanap din nila ang classroom ni Zhang Xuan. Binuksan nila ang pinto, at pumasok.

"Ikaw ba si Zhang Xuan laoshi?"

Pagpasok nila, nakita nila ang isang lalaking nakaupo sa teacher's seat na napapangiting mag-isa. Kahit anong tingin nila sa kanya, hindi nila makita kung ano ba ang nakamamangha sa kanya. Sa katunayan, hindi na sila mapalagay sa loob ng silid aralan na iyon.

"Ako nga iyon!"

Nang mapansin niyang may pumasok na mga estudyante sa silid aralan niya, itinigil ni Zhang Xuan ang pag-aaral sa Library of Heaven's Path at tumingin sa kanila.

"Narinig naming nanalo ka sa paligsahan niyo ni Cao Xiong laoshi at ang lakas ng estudyante na tinuruan mo ay nadoble." Ang di makapaniwalang sabi ni Zhao Ya. "Maganda iyon, kaya gusto kong turuan mo rin ako, para malaman ko kung kaya mo ring madoble ang lakas ko!"

"Hindi ako pwede!"

Itinaboy sila ni Zhang Xuan.

May karangalan pa din ang mga guro bilang nagtuturo. Hindi sila mga taga aliw na gagawin lahat ang gugustuhin ng mga manonood. Bakit naman nila tuturuan ang isang tao dahil lang ginusto nitong turuan nila siya?

Bukod pa doon, anong mayroon sa pag-uugali mo? Parang namang may utang ako sayo.

"Hindi pwede? Hindi ba't wala ka namang ginagawa ngayon?" Alam ni Zhao Ya na gusto lang siyang paalisin ni Zhang Xuan. Nagngingitngit si Zhao Ya sa sobrang galit.

Sinabi niya sa mga kaibigan niya na bibistuhin niya ang pagpapanggap ni Zhang Xuan, pero sa nangyayari ngayon, itinataboy siya nito nang hindi man lang nakikita ang kakayahang mayroon si Zhang Xuan. Pakiramdam niya ipinahiya siya nito.

"Kailangan kong mangalap ng mga estudyante. Wala akong panahon para mag-aksaya ng oras sa batang katulad mo!" Ang kalmadong sabi ni Zhang Xuan.

"Ikaw..." Galit na galit na tumingin si Zhao Ya kay Zhang Xuan.

Anak siya ng pinuno ng isang lungsod, at hindi maitatangging biniyayaan din siya ng kagandahan. Kahit saan siya pumunta, pinagtitinginan siya ng mga tao. Ngunit ang taong ito, hindi lang siya basta tinanggihan, sinabihan pa siya na nag-aaksaya lamang siya ng oras. Talagang nakakagalit!

Kahit na isa pa siyang guro, ang ginawa niya ay walang kapatawaran!

"Ano bang kailangan naming gawin para turuan mo kami?" Ang tanong ni Zhao Ya, habang nagkakaskasan ang kanyang mga ngipin sa sobrang galit.

"Kilalanin niyo ako bilang guro niyo!" Ang kalmadong sagot ni Zhang Xuan, habang nakatingin kay Zhao Ya.

Nang makitang tinitignan siya nito na parang tanga, sinabi ni Zhao Ya na, "Sige, kikilalanin kita bilang guro ko. Pero... Kapag tinuruan mo ako ng mali o kaya naman ay turuan ako ng puro kalokohan, ilalantad ko ang lahat ng kasinungalingan mo!"

"Zhao Ya!"

"Hindi mo pwedeng gawin yan! Kapag pinili mo siya para maging guro mo, hindi ka na pwedeng maging estudyante ni Lu Xun laoshi..."

Halos mahimatay ang mga kaibigan niya nang marinig na tinatanggap niya ang kondisyon ni Zhang Xuan. Kaya naman agad nilang sinubukang baguhin ang isip ni Zhao Ya.

Nang marinig niya ang mga sinabi ng mga kaibigan niya, nagdalawang isip si Zhao Ya sa naging desisyon niya.

Alam niya ang mga patakaran ng paaralan. Kapag naging estudyante na siya ng isang guro at naisipan niyang pumili ng panibagong guro, kinakailangan niyang iwan ang kanyang leksyon sa kasalukuyan niyang guro. Pero, kapag ginawa niya ito, siguradong tatanggihan na siya ng ibang mga guro. Lalo na ng isang kilalang guro na gaya ni Lu Xun.

"Kaya mo bang gawin ang sinasabi ko? Kung hindi mo kaya, bilisan mo na at umalis na kayo. Huwag niyong abalahin ang ginagawa ko... Ang pangangalap ng mga bagong estudyante!" muli siyang itinaboy ni Zhang Xuan.

"Sinong nagsabi na hindi ko kaya?"

Nagdadalawang isip pa siya pero nang marinig niya ang mga sinabi ni Zhang Xuan, biglang sumabog sa galit si Zhao Ya. Nagsalubong ang kanyang mga kilay at sinabing, "Tinatanggap na kita bilang gurro ko! Kumpirmahin na natin ang ating ugnayan!"

"Masyadong masama ang ugali mo. Kahit na gusto mo pa akong maging guro mo, hindi kita tatanggapin!" Muli nanaman siyang itinaboy ni Zhang Xuan.

Natural lang na gustuhin niyang tumanggap ng masunuring mga estudyante, kagaya na lamang ni Wang Ying. Pero ang isang ito ay parang lumaklak ng pulbura. Kahit na nangangailangan pa siya ng mas marami pang estudyante, hindi niya pa rin tatanggapin si Zhao Ya.

"Talagang ginagalit mo ako ah..."

Hindi niya inasahan na kahit na tinanggap na niya si Zhang Xuan bilang guro, tatanggihan pa rin siya nito. Lalong nagalit si Zhao Ya sa ginawa ni Zhang Xuan.

Hinanap niya si Zhang Xuan para patunayan na manloloko ito. Kung susuko siya at aalis na lamang, hindi ba't parang nahulog na siya sa patibong ni Zhang Xuan?

Siguro ay sinasadya ng taong ito na itaboy siya, para hindi malantad ang panloloko niya.

Desidido siya na hindi masunod ang gustong mangyari ni Zhang Xuan!

"Hmph, tatanggapin ko na lang na ako ang nagkamali ngayon. Pero pagkatapos kong ilantad ang tunay mong pagkatao, tignan natin kung saan ka pupulutin!"

Nakapag-isip-isip si Zhao Ya, at pinigilan ang nararamdamang galit. Ngumiti siya at sinabing, "Guro, huwag ka sanang magalit. Naging bastos ako! Taos puso ang kagustuhan kong maging estudyante mo, pakiusap tanggapin mo ako!"

"Iyan ang gusto ko!" Nang makitang nagbago ang ugali ni Zhao Ya, napatango si Zhang Xuan. "Tatanggapin na kita bilang estudyante ko. Pero bago ko gawin iyon, gusto kong linisin mo ang silid aralan na ito. Ayaw kong makakita ng kahit na katiting na alikabok. Gusto ko rin na tulungan mo akong linisin ang banyo sa labas. Kuskusin mong maigi ang mga inidoro. Pagkatapos titignan ko ang gawa mo. Kapag natuwa ako sa gawa mo, tatanggapin na kita bilang estudyante ko."

"Huwag kang abusado!"

Malapit nang magwala sa sobrang galit si Zhao Ya.

Sino ba siya? Siya ay anak ng pinuno ng isang lungsod, anak siya ng maharlika. Mula noong bata siya, hindi pa siya gumawa ng kahit anong gawaing bahay, tapos inuutusan lang siya ng taong ito na linisin ang buong silid aralan? Pati na rin ang paglilinis ng banyo? Pagkuskos sa mga inidoro?

Nababaliw na ba siya?

"Kung hindi mo kayang gawin kahit na ang mga maliit na gawain lang, maaari ka nang umalis. Hindi ko kailangan ng mga tamad at walang kwentang estudyante!" Ang sabi ni Zhang Xuan.

Hehe, gusto mong makipaglaro sakin ah? Kulang ka pa sa karanasan!

"Sinong nagsabing wala akong kwenta! Maglilinis na ako ngayon, kukuskusin ko na ang mga inidoro!" Nagngingitngit sa inis si Zhao Ya. Kumuha siya ng walis at mop, at nagsimula na siyang maglinis ng silid aralan.

"Zhao Ya, kalimutan na natin to..."

"Sa tingin ko wala naman talaga siyang kakayahan. Gusto niya lang na pahirapan ka..."

Sinamahan siya ng mga kaibigan niya, nang makita nilang naglilinis ang prinsesa ng isang lungsod, nag-alala sila at sinubukan siyang kumbinsihin na tumigil na lamang.

"Hintayin niyo na lang ako sa labas. Mula noong bata ako, hindi pa ako natalo ng kahit sino. Ngayong araw na ito, napagdesisyunan ko nang labanan siya!" sumimangot si Zhao Ya.

"Paano ba to... Hindi na natin siya mapipigilan."

Naintindihan ng mga kaibigan ni Zhao Ya ang ikinagagalit niya. Nang makitang hindi na nila mababago pa ang isip niya, nagkatinginan na lamang ang mga kaibigan niya, dahil di na nila alam kung ano pa ang pwede nilang gawin.

"Ipaalam kay butler Yao, hindi ba siya sumama? Kapag nalaman ng butler niya na inuutus-utusan siya ng guro na nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination na maglinis ng inidoro, siguradong pipigilan niya iyon!"

Matapos ang ilang saglit, may naisip na solusyon ang isa sa mga kaibigan ni Zhao Ya.

Para sa isang tao na gaya ni Zhao Ya, kahit na walang kahit na anong banta sa buhay niya habang papunta siya sa akademya, mayroon pa rin siyang kasamang bantay. Ang naging bantay niya ay walang iba kundi si butler Yao. Sa kasalukuyan, malamang ay hindi pa siya nakakalayo sa akademya.

"Tara hanapin na natin siya agad!"

Walang pag-aalinlangang umalis ng akademya ang mga kaibigan ni Zhao Ya.

Gaya ng ibang mga anak ng mayaman, matigas din ang ulo ni Zhao Ya, kahit na hindi pa niya nasubukang gumawa ng mga gawaing bahay noon, hindi rin nagtagal at nasanay din siya sa gawaing ito. Mabilis niyang nalinis ang loob ng silid aralan. Pati ang banyo sa labas ay kumintab at luminis.

"Hindi na masama!" Ang natutuwang sabi ni Zhang Xuan.

"Masaya ka na siguro sa ginawa ko. Siguro naman pwede mo na akong tanggapin bilang estudyante mo, tama ba?

Matapos ang kanyang Gawain, nanggigigil si Zhao Ya 'luo luo!'. Nanggagalaiti ang itsura niya habang nagpipigil siya na suntukin si Zhang Xuan.

"Un, akin na ang identity card mo!"

Hindi alintana ang masamang tingin ni Zhao Ya, naghagis si Zhang Xuan ng isang jade token sa kanya.

Huminga ng malalim si Zhao Ya, at pinatakan niya ng kanyang dugo ang jade token upang kumpirmahin ang kanilang ugnayan.

"Zhang laoshi, ngayong estudyante mo na ako, maaari mo ba akong bigyan ng ilang mga payo?"

Ngayong malapit na niyang makuha ang gusto niya, ang ilantad ang tunay na pagkatao ni Zhang Xuan, pinigilan ni Zhao Ya ang tuwa at nagtanong.

"Pakitaan mo muna ako ng isang pamamaraan sa pakikipaglaban, para masuri ko ang iyong kakayahan!" Ang sabi ni Zhang Xuan.

"Opo!"

Walang anu-ano'y, pinagdikit ni Zhao Ya ang kanyang mga kamay at yumuko bago magsimula sa kanyang gagawin.

Huhuhuhu!

Lumakas ang hangin. Napakalakas ng kanyang mga atake. Kahit na pareho silang babae, ang mga atake niya ay higit na mas malakas at mas mabilis kaysa kay Wang Ying. Sa isang tingin lang, kitang kita na pinagpursigihan niya ng mabuti ang pag-eensayo.

Habang nakatingin siya sa ginagawa ni Zhao Ya, ang isipan ni Zhang Xuan ay nasa loob nanaman ng aklatan. At gaya ng inaasahan, kasabay ng pagdagundong at pagyanig, may nalaglag na libro galling sa mga lagayan.

Nakasulat ang dalawang salita na 'Zhao Ya' sa cover ng libro.

"Si Zhao Ya ay ang anak ng pinuno ng Baiyu City. Fighter 1 – dan Juxi Realm Pinnacle!"

"Cultivation Technique: White Jade Pure Maiden Skill!"

. . . . . .

Mga Kahinaan: 27 na kahinaan. No. 1 Mainipin siya at madaling magalit. Sumasalungat ito sa pagiging kalmado ng White Jade Skill, kaya hindi niya mailabas ang buong lakas nito. No. 2..."

Ang libro ay kagaya ng una niyang nakita. Nakasulat dito ang lahat ng kahinaan ng cultivation ni Zhao Ya.

Peng! Peng! Peng!

Ilang saglit pa ay natapos na ni Zhao Ya ang kanyang punching routine. Itinikom niya ang mga kamao niya, at umikot sabay ng pagpapakawala ng napakalakas na pwersa patungo sa haligi na nasa loob ng silid aralan. Ang haliging ito ay ginagamit upang sukatin ang lakas ng isang tao!

Isang malakas na tunog ang narinig. At lumitaw ang mga numero sa haligi.

110!

"Magaling, napaka galling!" Hindi mapigilan ni Zhang Xuan na tumango.

Para magkaroon siya ng ganoong katinding lakas bago pa man siya mag-aral sa akademya, tunay ngang anak si Zhao Ya ng isang City Lord, nakamamangha ang kanyang lakas.

"Sige na, bigyan mo na ako ng payo!"

Matapos ipakita ang kanyang skill, hindi man lang siya namula o hiningal. Lumingon agad si Zhao Ya kay Zhang Xuan.