Sa Fighter 4 - dan Pigu realm, ang kalamnan, buto at balat ng isang tao ay titibay at mahahasa, dahil dito mabilis na lalakas ang isang tao!
Ang pinagkaiba ng Pigu realm at Zhenqi realm ay kagaya ng sa langit at lupa!
Pero, nagawa ng isang batang nasa Zhenqi realm lang na mapasuka ng dugo ang isang eksperto na nasa Pigu realm sa isang sampal lang. Hindi makapaniwala ang lahat sa nakita nila.
[Hindi ba't ang taong 'to ang pinakahuli sa sparring noong Teacher Qualification Examination? Bakit… bigla siyang lumakas?]
"Swinerte lang 'yan, huwag kayo matakot!"
Sumigaw si Qian Biao.
Sumang-ayon kay Qian Biao ang isang guro at sumugod kay Zhang Xuan.
Gaya ni Li Yuan, nasa Pigu realm advanced stage na siya. Parang bakal ang mga kalamnan niya at ganun din ang kanyang balat, mistulang hindi siya matitinag sa kahit anong atake.
"Babagsak ka sa lupa!"
Humakbang siya paharap, tinaas niya ang kilay niya at naghanda siya sa pagsampal kay Zhang Xuan.
Pah pah!
Umihip at humampas ang malakas na hangin dahil sa kanyang atake.
Nanatiling kalmado si Zhang Xuan habang sinasalo ang mga pag-atake ng mga guro. Gamit ang dalawa sa mga daliri niya, umatake siya paitaas.
Pada!
Nakaramdam ng pananakit sa kanyang kilikili ang guro na kasing tigas ng bakal ang katawan, at pagkatapos ay nagdilim ang kanyang paningin at bigla na lang siyang bumulagta sa sahig.
"Ano?"
Sa dalawang tira lang, dalawang guro na nasa Fighter 4 - dan ang bumagsak. Nabigla ang natitirang dalawang guro, kabilang na si Qian Biao, dahil ang guro na minamaliit nila ay hindi pala kasing hina gaya ng inaakala nila!
"Sabay natin siyang atakihin…"
Kasabay ng isang malakas na sigaw, sinugod ni Qian Biao si Zhang Xuan. Ngunit, bago pa man siya nakagalaw, biglang sumulpot si Zhang Xuan sa harap niya. Hinawakan niya sa mukha si Qian Biao gamit ng kanyang kaliwang kamay habang dahan-dahan niya itong pinindot ng kanang kamay niya.
Putong!
Nakaramdam ng sakit si Qian Biao at bumulugta din siya sa sahig.
Nang bumagsak ang katawan niya sa sahig, ang huling guro na nakipagtulungan sa kanya ay bumagsak din sa lupa at nangisay na parang epileptic.
"Ikaw… Pano mo nalaman ang mingmen namin…"
Sumirit ang dugo ni Qian Biao habang takot na takot siyang nakatitig kay Zhang Xuan.
Nalaman niya ang dahilan kung bakit, sila pa rin ang natalo kahit na mas mahina sa kanila si Zhang Xuan.
Ito ay dahil, sa oras na kumilos ang kalaban nila, nahanap agad niya ang mingmen ng kanilang cultivation, hindi nila inaasahan 'to, kaya paano naman nila 'to mapaghahandaan?
Lahat ng cultivator ay may kahinaan, ito ang mingmen, at sa oras na matamaan 'to, kahit na bata pa ang maka tama dito, posibleng mamatay ang isang tao!
Ngunit, ang mingmen ay ang core ng isang tao, kaya pinoprotektahan itong maigi ng mga cultivator. Kahit na sa pinaka malapit nilang kamag-anak ay hindi nila pinapaalam kung nasaan ang kanilang mingmen. Kahit na hindi malakas ang cultivation ni Zhang Xuan, tila alam niya kung nasaan ang mingmen nila at direkta niyang pinatamaan ang mga ito.
Paano nila lalabanan ang isang gaya niya?
Ngumiti si Zhang Xuan, nang marinig ang mga sinabi ni Qian Biao.
Malamang, nagawa niya 'to dahil sa Library of Heaven's Path.
Hindi lang siya binigyan ng Library of Heaven's Path ng kakayahan na makita ang kahinaan na cultivation technique ng isang tao, binigyan din siya nito ng kakayahan na malaman ang personal na problema ng isang cultivator pati na rin ang mingmen nito. Lahat 'to ay detalyadong nakasulat.
Dahil alam niya ang mingmen ng kanyang kalaban at pati na rin ang kahinaan ng mga skill nila, kahit na nag-transcend si Zhang Xuan mula sa Earth at hindi siya pamilyar sa mga skill sa mundong ito, napakadali pa rin para sa kanya ang matalo silang apat.
"Tutal tinanggap niyo yung pustahan, dapat pinaghandaan niyo na kung ano ang mga pwedeng mangyari kapag natalo kayo. Kung hinayaan niyo lang sana ako na sampalin kayo, hindi na sana tayo nagkaproblema!" Humagikhik si Zhang Xuan.
"Zhang Xuan, hindi ka dapat magsaya! Hindi ko alam kung anong ginawa mo para malaman kung saan ang mingmen namin, pero bilang mas nakabababang guro, inatake mo ang kapwa mo guro sa harap ng maraming tao! Pwede akong magpadala ng reklamo sa akademya para bawiin ang Teacher Qualification mo…"
Sumigaw si Qian Biao.
Malinaw na mayroong lebel sa pagitan ng mga guro sa akademya. Para saktan ng isang nakabababang guro ang mga guro na mas nakatataas sa kanya ay isang malaking kasalanan.
Bata pa si Zhang Xuan at nakakuha pa siya ng zero sa Teacher Qualification Examination. Dahil dito, itinuturing siya bilang isa sa mga 'least qualified' na guro sa akademya. Para sakatan niya ang apat na taong nakatataas sa kanya, kapag nalaman 'to ng akademya, siguradong magkakagulo. Ang pagbawi sa kanyang Teacher Qualification License ay maliit na bagay lamang, pero posibleng direkta siyang palayasin sa akademya!
"Bakit? Hindi niyo ako matalo, kaya gagamitin niyo ang batas ng akademya laban sakin?" Kahit na pinag-babantaan pa siya ng ganoon nila Qian Biao, hindi pa rin natinag si Zhang Xuan.
"Tama ka!" Ganito rin ang iniisip ni Li Yuan. Kitang kita ang pang-gigigil at kasamaan sa mga mata niya. "Kapag lumuhod ka sa harap namin at pinayagan mo kaming bugbugin ka, kapag gumaan ang loob namin, baka hindi na kami magsumbong. Kung ayaw mo naman, maghanda ka nang mapalayas dito!"
"Kapag natanggal ka sa trabaho, wala ka nang posisyon na poprotekta sayo, walang kahit sino ang may pakialam kahit mamatay ka pa!" Ang sigaw ng isa pang guro.
Sa Tianxuan Kingdom, mataas ang katayuan sa buhay ng mga guro sa akademya. Sa oras na matanggal sila sa trabaho, bababa din ang katayuan nila. Kaya naman, siguradong susubukan siyang patayin ng ibang tao.
"Tutal gusto niyong ayusin 'to gamit ng mga batas, sige, ganun din ang gagawin ko!" Lumapit siya kay Qian Biao at sinabing, "Qian Biao laoshi, alam kong ginamit mo yung kayamanan ni Elder Chen Ming para lang pasayahin ang kabit mo; tatlong buwan na ang nakalilipas, nagnakaw ka sa pondo ng paaralan para bumili ng bahay para sa kanya; noong nakaraang buwan naman, noong masira mo ang pinakamamahal ni Elder Liu Quan na porselana, ipinasa mo ang sisi sa isang estudyante, na naging dahilan para matanggal ang estudyanteng 'yon sa paaralan… Kailangan ko pa bang sabihin lahat 'to sa harap ng mga school leader?"
"B**sit ka…"
Naningkit ang mga mata ni Qian Biao at nangatog ang buong katawan niya. Kinilabutan siya sa sobrang takot. Tila nakakita siya ng multo sa itsura niya at halos mabaliw na siya sa mga nangyayari.
Ginawa niya ang oahat ng 'yon ng walang iniiwang ebidensya, kaya walang nakakaalam ng mga ginawa niya. Kahit na ang mga kasamahan niya, si Li Yuan at ang iba pa, ay walang nalalaman tungkol dito, kaya naman… paanong nalaman 'to ni Zhang Xuan? Higit pa dito, alam niya ang bawat detalye tungkol dito?
"Li Yuan laoshi, nagbalik ba bilang isang mapaghiganting espiritu, yung estudyanteng nagpakamatay dahil sa pangmomolestya mo sa kanya, tatlong taon na ang nakalilipas? Noong nakaraang mga araw, tinubuan ka ng acne sa likod mo. Siguro, yan ang paraan niya para makaganti sayo!"
Hindi niya pinansin ang takot na takot na itsura ni Qian Biao, at agad na lumingon kay Li Yuan.
"Hindi...Hindi totoo yan..."
Namutla si Li Yuan at agad na napaatras sa sobrang takot, nang marinig niya ang mga sinabi ni Zhang Xuan.
Tatlong taon na ang nakalilipas, nang mabighani siya sa isang magandang babae at minolestya niya ito, na naging dahilan ng pagpapakamatay ng dalaga. Inilihim niya ang pangyayaring ito, walang kahit sino man ang nakaalam tungkol dito. Dahil nakokonsensya siya sa ginawa niya, sa buong tatlong taon, madalas niyang mapanaginipan ang dalaga na gusto siyang patayin at naging isang mapaghiganting espiritu. Bukod pa dito, noong nakaraang mga araw, may higanteng acne na hugis kamay ng tao ang tumubo sa likod niya, naging dahilan ito para lalo siyang matakot.
Nangilabot din sa sobrang takot si Li Yuan, nang marinig niyang detalyadong isinalaysay ni Zhang Xuan ang mga ginawa niya.
Putong!
Nanghina ang mga tuhod niya at napaluhod na lamang siya sa sahig. Biglang may nangamoy na mabaho sa loob ng silid. Nakakahiyang isipin na ang isang Fighter 4 - dan advanced stage ay mapapaihi sa harap ng publiko dahil sa sobrang takot.
"Du Chun laoshi, ninakaw mo ang negosyo ng kapatid mo at nilason mo pa siya hanggang mamatay siya gamit ng nakalalasong alak. Kahit na hindi 'to napatunayan dati, kapag kumalat ang balitang 'to, sa tingin mo ba maitutuloy mo pa ang pagiging guro mo?"
"Bai Lin laoshi, wala ka namang mabigat na nagawang kasalanan. Pero, dahil sa hilig mo sa mga antigong bagay, tumanggap ka ng maraming regalo galing sa mga estudyante! Kung hindi ako nagkakamali, yung ancient jade ring na suot mo ay niregalo sayo ng isang estudyante dati na may hininging kapalit mula sayo. Hindi ko na sasabihin kung ano man yung kapalit na hiningi niya at kung sino ang estudyanteng 'yon, o baka naman gusto mong idetalye ko pa ang lahat?"
Sinabi niya ang lahat ng ito, habang nakatingin siya sa dalawa pang natitirang mga guro.
"Demonyo ka!"
"Hindi ka tao…"
Nanginig din sa sobrang takot ang dalawa pang guro. Punong-puno ng takot ang kanilang mga mata.
Ang lahat ng mga nagawa nila, kahit na hindi perpekto ang plano nila, kampante silang walang kahit sino na makakaalam ng mga ito. Pero, paanong nalaman ni Zhang Xuan ang mga 'to, parang bang isa siyang specter!
Noong tinalo niya sila Qian Biao gamit ang skills niya, hiya lamang ang naramdaman nila, at hindi takot. Pero, nang isiwalat niya lahat ng sikreto nila, takot na takot sila! Mistulang nagkapunit-punit ang mga damit nila, na dahilan para makita silang hubad ng maraming tao.
Nakikita na nila agad kung ano ang mga pwedeng mangyari kapag kumalat ang impormasyong 'yon, ang pananatili nila bilang mga guro ay maliit na bagay lamang. Ang masama dito, ay kung ipadala sila sa Korte ng mga Guro at ipapatay sila!
"Nagkamali kami!"
"Zhang Xuan laoshi, huwag kang magalit samin. Patawarin mo kami…"
…...
Nanginginig silang nagmakaawa kay Zhang Xuan.
"Tinatamad ako, ayaw kong sayangin ang oras ko dahil lang sa mga pinaggagawa niyo, basta huwag niyo na lang akong inisin kahit kailan! Isa pa nga pala, kung hindi kayo magbabago at pinagpatuloy niyo yung mga kalokohan niyo, hindi ako magdadalawang isip na mangialam, at sisiguraduhin ko na mapaparusahan kayo sa mga ginawa niyo!"
Iwinasiwas ni Zhang Xuan ang kamay niya.
Sa katunayan, kung hindi siya napuno sa pang-iinis ng mga taong 'to, hindi siya mag-aaksaya ng oras niya sa kanila.
Nakikita ng Library of Heaven's Path ang lahat ng pagkakamali at kahinaan ng isang tao. Kahit ang pagkatao at mga ginawa ng isang tao ay nakasulat din dito, kung tutuusin kaunti pa lang 'to kumpara sa dami ng nilalaman ng buong libro.
Ngunit, hindi siya ang tagapagligtas ng mundo, kaya kahit na ano pa ang ginawa nila dati at gagawin pa lang sa hinaharap, hangga't hindi siya damay dito, wala siyang pakialam sa mga ito!
Ang pagkakamali ng mga taong 'to ay naghanap sila ng gulo at ginawa nilang mahirap ang mga bagay para sa kanya!
[Tutal pinahirapan niyo 'ko, ipaparanas ko sa inyo kung paano mamatay!
Para hindi niyo na uli subukang gawin uli ang mga ginawa niyo!]
"Hindi na kami uulit, hindi na talaga…"
"Zhang Xuan laoshi, heto na yung mga identity token na hinihingi mo. Kumuha ka lang kung ilan ang gusto…"
...
Nang marinig nilang hindi ipagkakalat ni Zhang Xuan ang mga ginawa nila dati, nakahinga na ng maluwag sila Qian Biao at ang mga kasama nito…"