Nang marinig niya ang mga sinabi ni Zhang Xuan, ang manhid na si Shen Bi Ru ay bahagyang napangiti.
.
Kahit na ang palitan nila ng mga pang-iinsulto ay walang kahulugan sa mundo, ito ay parang naging isang nobela na.
Nang makita niya ang reaksyon ni Shen Bi Ru, pakiramdam ni Shang Bin ay nainsulto siya. Namula ang mukha niya at pagkatapos ay namutla siya. Subalit, determinado siyang ipakita na mas sibilisado siya kaysa kay Zhang Xuan sa harap ni Shen Bi Ru, kaya naman hindi niya sinubukang atakihin si Zhang Xuan.
"Bakit? May mali ba sa sinabi ko?" Pinigil ni Shang Bin ang galit niya at nagsalita. "Walang hindi nakakaalam ng reputasyon mo sa buong akademya! Pumunta yang tabachoy na yan sa klase ko kanina. Para siyang isang baboy, wala siyang ibang alam gawin kundi dumepensa lang! 15kg lang lakas ng suntok niya! Malamang, kung hindi siya ang pinaka mababa sa exam, pangalawa siya sa pinaka mababa, kung hindi siya basura, ano siya?"
Dahil hindi niya magawang saktan si Zhang Xuan, sinubukan niyang sirain ang loob ni Zhang Xuan gamit ng mga salita niya.
"Pinaka mababa sa entrance examination?" Nabaling ang atensyon ni Zhang Xuan sa kanyang 'Emperor Bloodline', kaya naman hindi na niya naisip na alamin ang ranking niya sa exam. Napalingon siya sa tabachoy.
"Sinong nagsabi na ako ang pinaka mababa?" Kampanteng sagot ng tabachoy. Pagkatapos ay, napakamot siya sa kanyang ulo sa sobrang hiya, "Pang... 9,997 lang ako!"
"Pang-9,997? Lang?" Halos sumuka ng dugo si Zhang Xuan sa mga narinig niya.
10, 000 na estudyante lamang ang tinatanggap ng Hongtian Academy taun-taon. Pero kahit na madaming tinatanggap na estudyante ang akademya taun-taon, may ilang mga estudyante pa rin ang hindi na nakakapasok dahil sa iba't ibang dahilan. Ang pagiging pang-9,997 sa exam, ay parang katulad na din ng pagiging pinaka mababa sa buong entrance examination!
[Bukod pa doon... Paano mo pa nagagawang maging kampante, kung ganyan kababa ang ranggo mo...]
Pakiramdam ni Zhang Xuan ay nananaginip lang siya.
"Talaga bang tatanggapin mo na lang agad kahit sino, dahil lang estudyante siya?" Ang muling sinabi ni Shang Bin. Pagkatapos ay, ikinumpas niya ang mga kamay niya, kita sa mukha niya ang pagiging arogante at sinabing, "Mayroon akong batayan sa pagtanggap ng estudyante. Hindi ako tumatanggap ng kahit sinong mas mababa sa 500 ang rank! Ang pinaka walang kwentang guro at ang pinaka walang kwentang estudyante... Bagay kayo! Haha!"
"Tapos ka na ba?"
Napailing na lamang si Zhang Xuan sa mga sinabi ni Shang Bin, "Kung tapos ka na, pwede ka nang umalis!"
Kanina lang, sinuri niyang mabuti si Yuan Tao gamit ang Library of Heaven's Path. Ang tabachoy na 'yon ay isang palaboy na cultivator, kaya normal lang na wala siyang alam na cultivation technique at martial arts. Kapag nakahanap siya ng paraan para magising ang Emperor Bloodline ni Yuan Tao, siguradong malaki ang itaas ng kanyang cultivation.
"Peste ka..."
Kung ibang tao lang siya, sa tindi ng panlalait sa kanya, siguradong nanggigigil na siya sa galit. Pero, ang taong 'to hindi man lang tinablan. Lalong nagalit si Shang Bin nang makitang nabalewala lang ang lahat ng ginawa niyang pag-atake kay Zhang Xuan.
"Mukhang hindi ka na talaga makakapag-ukit sa nabubulok na kahoy!" Pagkatapos niyang magsalita, lumingon siya kay Shen Bi Ru at sinabing, "Bi Ru laoshi, tara na. Baka mahawa pa tayo sa mga basurang 'to 'pag nagtagal pa tayo dito!"
Nang marinig niya ang pangungutya ni Shang Bin, sumimangot si Shen Bi Ru at piniling manatili. Lumingon siya kay Zhang Xuan, "Zhang Xuan laoshi!"
Ang boses niya ay parang huni ng isang ibon, maganda at kaakit-akit, napupukaw nito ang damdamin ng mga nakikinig sa kanya.
"Hm?" Nagulat si Zhang Xuan, dahil hindi niya inasahan na makikipag-usap sa kanya ang pinaka magandang guro sa buong akademya.
"Kahit na hindi maganda ang resulta ng exam mo dati... Huwag kang susuko. Magsumikap ka lang at siguradong may mangyayari ding maganda sayo sa huli!"
Tumango si Shen Bi Ru.
Sa tingin niya, kaya tinanggap ni Zhang Xuan ang pinaka walang kwentang estudyante na 'yon ay dahil nawalan na siya ng pag-asa at sumuko na siya.
Kahit na wala naman siyang gusto kay Zhang Xuan, hindi niya ninais makita na magmukmok si Zhang Xuan sa mga pagkakamali niya noon.
"Salamat sa payo mo!" Alam niyang naaawa at nag-aalala sa kanya si Shen Bi Ru. Tumango si Zhang Xuan at nagpaliwanag, "Siguro nga wala pang napatunayan ang estudyanteng 'to sa ngayon, pero may posibilidad na maging mahusay siya. Kapag nagabayan ko siyang mabuti, hindi imposibleng maging magaling siya!"
"Un!"
Hindi na nagsalita pa si Shen Bi Ru at naglakad na lamang palayo.
Iniisip niyang nagpapalusot lang si Zhang Xuan. Dahil nga mataba at walang nalalaman si Yuan Tao, siguradong may hangganan ang kaya niyang abutin.
"Bwisit!"
Nang makita niyang nakikipag-usap sa pinaka walang kwentang guro sa akademya ang pinaka-mamahal niya, mas tumindi ang galit ni Shang Bin. Nagliyab ang galit sa dibdib ni Shang Bin at tinignan ng masama si Zhang Xuan bago sumunod kay Shen Bi Ru.
"Bi Ru, mabuti pa sigurong iwasan mo ang mga ganung klase ng tao, masisira lang ang araw mo sa kanila..."
"Shang laoshi, pagod ako at gusto ko nang magpahinga. Huwag mo na 'kong sundan..."
Bago pa matapos sa pagsasalita si Shang Bin, tumalikod si Shen Bi Ru at umalis.
"Bwisit, bwisit! Maghintay ka lang Zhang Xuan. Makakaganti din ako sayo!"
Pinanood niyang maglakad papalyo sa kanya si Shen Bi Ru hanggang sa hindi na niya 'to makita. Sa mga oras na 'to, ibinunton niya lahat ng galit niya kay Zhang Xuan.
Sa opinyon niya, kung hindi dahil sa hampas-lupang 'yon, siguradong makikipaghapunan sa kanya si Shen Bi Ru. Paano naging posibleng tanggihan siya nito?
........................
"Ngayong estudyante na kita, dapat alam mo kung saan ang silid aralan ko!"
Nang makaalis na sila, tinawag ni Zhang Xuan ang tabachoy.
"Ayos!" Nagmadaling tumayo ang tabachoy at ngumiti sa kanya. "Guro, ngayong estudyante mo na 'ko, pwede ko bang malaman kung anong rank mo sa akademya?"
Napahawak sa kanyang noo si Zhang Xuan, nang marinig niya ang tanong ni Yuan Tao.
Ang taong 'to, para tanggapin niya ang kahit sinong guro na makita niya, ng hindi man lang inaalam muna ang pagkatao ni Zhang Xuan.
"Ako si Zhang Xuan!" Ang sabi ni Zhang Xuan.
"Zhang Xuan laoshi? Ang Zhang laoshi na nakakuha ng... pinaka mababang score sa Teacher Qualification Examination, yung nakakuha ng zero..." Sa mga oras na 'to, natauhan si Yuan Tao kung sino ba ang guro na pinili niya. Nanginig ang kanyang mga bilbil at labi. Kulang na lang ay lumuha siya.
"Ako nga 'yon!"
Tumango si Zhang Xuan.
"Ah... Ikaw si Zhang laoshi!" Napakamot ng ulo si Yuan Tao. "Dahil nakikita mo namang mahina ako at walang alam, mataba pa 'ko, bakit... di mo na lang ako tanggalin sa klase mo!"
Zhang Xuan: "..."
"Guro, seryoso ako. Ganun din ang sinabi ng dalawang guro kanina. Kapag hindi mo 'ko tinanggal sa klase mo, masisira ang reputasyon mo. Natatakot akong maging pabigat sayo..." Ang pagpapatuloy ni Yuan Tao.
"Hindi ako natatakot. Isa pa, ngayong kinumpirma mo na ang ugnayan natin gamit ng identity token, may isa lang akong sasabihin sayo. Mabubuhay ka bilang estudyante ko at mamamatay ka rin bilang estudyante ko. Tigilan mo na yang pagsasalita ng mga walang kwentang bagay!" Ikinumpas ni Zhang Xuan ang kamay niya.
"Pano na to..."
Halos maiyak na si tabachoy sa nangyayari.
Dahil sa kahinaan niya, gusto niyang magkaroon ng mahusay na estudyante, para maging maganda ang kinabukasan niya. Pero, hindi niya inakalang ang pinaka walang kwentang estudyante ay maipapares sa pinaka walang kwentang guro.
[Bakit ba napakahirap ng buhay...]
"Sige na, ito ang silid aralan ko. Ngayon, kunin mo na ang mga gamit mo at huwag mong kalimutan na pumasok ng maaga sa klase ko bukas!"
.
Ang nagmamadaling sinabi ni Zhang Xuan.
"Ang silid aralan na'to..."
Habang tintignan niya ang laki ng classroom, halos maiyak nanaman si tabachoy.
!
Di hamak na mas malaki pa rin ang mga lugar na pinuntahan niya kaysa sa silid aralan na 'to. Malamang kaunti lang ang estudyanteng kakasya sa ganito kaliit na classroom!
"Guro, kapag... hindi ba ako pumasok bukas, tatanggalin mo na 'ko sa klase?"
Kung anu-ano pa rin ang iniisip ni tabachoy.
"Tatanggalin? Hindi ko gagawin 'yon. Pero, ihahagis kita sa lawa kung saan mo sinubukang magpakamatay para ipakain sa mga pagong!" Seryosong tumango si Zhang Xuan. "Di ba sinabi ko na? Simula ngayon, mabubuhay ka bilang estudyante ko at mamamatay kang estudyante ko. Huwag kang mag-alala, gagampanan ko ang papel ko bilang guro mo at ililibing kita ng maayos..."
"Guro!" Bago pa makatapos sa pagsasalita si Zhang Xuan, biglang nagsalita si tabachoy. Seryoso ang mukha niya at kita ang determinasyon sa mga mata niya, sinabi niyang, "Anong oras magsisimula ang klase bukas? Maaga akong papasok para linisin ang silid aralan! Karangalan kong magkaroon ng isang guro na gaya mo. Kahit na sino pa ang gusting kumuha sakin bilang estudyante, tatanggihan ko sila..."
Zhang Xuan: "..."
Noong una, inisip ni Zhang Xuan na walang hiya na siya. Pero, hindi niya inakala na magiging mas walang hiya pa sa kanya ang estudyante niya!