"Sige, tutal sinabi mo na may tinanggap kang apat na estudyante, dalhin mo sila dito ngayon para malaman namin kung totoo ang sinasabi mo. O, baka naman mas gusto mo na iharap samin ang mukha mo para masampal ka namin?"
Naiinis na ngumisi si Qian Biao nang makitang malakas ang loob ng pinakakolelat na guro na makipagpustahan sa kanilang apat.
"Dalhin ko ang mga estudyante ko dito?" Umiling si Zhang Xuan. "Kayong lahat ay mga guro ng logistics branch, napaka imposibleng hindi niyo alam ang pinaka simpleng paraan para malaman kung totoo ang mga sinasabi ko! Madali lang malaman kung mayroon nga akong nakuhang apat na estudyante o wala. Kapag tinanggap ng mga estudyante ang token na binigay ko, agad na mapupunta sa Education Bureau ang mga personal na impormasyon tungkol sa kanila. Kapag kinumpirma natin 'yon sa Education Bureau, makikita niyong lahat na totoo ang mga sinasabi ko. Kung sabagay, napaka imposible namang makikipagtulungan sakin ang Education Bureau para lang magsinungaling sa inyong lahat!"
Kapag kinumpirma ng isang estudyante ang kanilang relasyon ng isang guro, agad na mapupunta sa Education Bureau ang mga impormasyon tungkol sa estudyante at maitatala. Walang sinumang makakapandaya ng mga resulta nito!
"Li Yuan, pumunta ka sa Education Bureau! Gusto kong makita kung paano pa siya makakapagyabang pagkatapos nito!"
Nang makitang kampante si Zhang Xuan sa pananalita niya, natanga si Qian Biao at pagkatapos ay inutusan si Li Yuan na pumunta sa Education Bureau.
Si Li Yuan ay isa sa mga guro na nang-insulto kay Zhang Xuan. Nang marinig ang utos ni Qian Biao, nagmadali siyang umalis sa Logistics Branch.
Ang Education Bureau at Logistics Branch ay parehong kabilang sa Administration Branch ng akademya. Hindi nagtagal at bumalik si Li Yuan at halata sa kanyang itsura ang pagkabalisa.
"Anong nangyari sa inutos ko sayo?"
Nang makita niya ang itsura ni Li Yuan, bumilis ang tibok ng puso ni Qian Biao, 'ge dong!', para bang nakikita na niya kung ano ang mga susunod na mangyayari.
"Mayroong… apat na estudyanteng tinanggap siya bilang kanilang guro! Heto ang mga pangalan nila at impormasyon…"
Namutla ang mukha ni Li Yuan.
Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nalaman niya.
"Bulag ba ang mga estudyanteng 'yon? Sa dami ng mga guro sa Hongtian Academy, bakit nila pinili ang isang guro na nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination, isang taong walang kahit anong alam!"
"Patingin nga ako! Tignan natin, baka puro may kapansanan at bulag ang mga nakuha niyang estudyante na pwedeng matanggal sa paaralang 'to anu mang oras!"
Kinuha ni Qian Biao ang listahan.
.
Agad na pumalibot sa kanya ang dalawa pang guro.
Mayroong ilang guro na tumatanggap ng mga estudyanteng may kapansanan para lang madagdagan ang bilang ng mga estudyante nila. Ang mga taong ito ay maaaring matanggal sa paaralan ano mang oras. Kahit na tanggapin pa sila sa akademya, siguradong hindi sila tatagal ng ilang buwan!
Sa opinion ni Qian Biao, para sa isang katulad ni Zhang Xuan na may pinaka mababang ranggo, kahit na tagumpay pa siya sa paghahanap ng mga estudyante, malamang puro mahihina lang ang makukuha niya, mga estudyanteng inaayawan ng lahat.
Ang pagtanggap sa ganitong klaseng mga estudyante para lang madagdagan ang bilang ng estudyante ng isang guro ay hindi katanggap-tanggap, ito'y isang kahihiyan!
"Wang Ying… isang babae? Mukhang wala naman espesyal sa kanya. Malamang isa siya sa mga estudyanteng nakakuha ng mababa sa entrance examination…" Suminghal si Qian Biao habang tinitignan niya ang unang pangalan sa listahan.
Ang Hongtian Academy ay hindi isang lugar na para sa lahat. Kung gusto ng isang tao na mag-enroll dito, kinakailangan muna nilang sumailalim sa entrance examination. Pagkatapos nito, ang mga estudyante ay iraranggo base sa resulta ng kanilang pagsusulit at ang mga nakapasa lamang sa pagsusulit ang tatanggapin sa akademya.
Mainit sa mga mata ng mga mahuhusay na guro ang mga estudyanteng nakakuha ng pinakamatataas na score sa pagsusulit. Ang bawat isa sa kanila ay kilala sa buong akademya, at tila wala namang nagngangalang Wang Ying sa hanay ng mga estudyanteng ito.
"Qian laoshi, magbasa ka pa…" Bago pa matapos si Qian Biao sa pagsasalita, narinig niya ang nanginginig na boses ng mga katabi niyang guro.
"Bakit? Masmalala pa ba siya kaysa sa mga sinabi ko?"
Balisang tumatawa si Qian Biao habang patuloy na binabasa ang listahan. Sa isang tingin lang, naningkit ang kanyang mga mata habang binabasa niya ang impormasyon tungkol kay Wang Ying. "Rank 67 sa entrance examination, nakababatang kapatid ni Wang Tao, disipulo ng isang Elder, at ang young mistress ng isa sa apat na maharlikang pamilya sa buong Tinxuan City!"
"Ang young mistress ng pamilyang Wang? Ang kapatid Wang Tao?" Gulat na gulat na si Qian Biao.
[Mayroong apat na maharlikang pamilya sa Tianxuan Kingdom at isa ang pamilyang Wang sa mga ito. Kinikilala ng young mistress ng isang kilalang pamilya ang taong nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination bilang kanyang guro? Totoo ba to? Di ba dapat si Lu Xun o Wang Chao ang pinili niya?]
Kung ang pamilya ni Wang Ying ang dahilan ng pagkatakot niya, ang kuya naman ni Wang Ying na si Wang Tao ang naging dahilan ng pagkabalisa niya!
Siya ay nag-aral sa akademya dalawang batch bago ang kasalukuyang semestro, at mula noon lagi siyang napapabilang sa top ten ng taunang komprehensibong pagsusuri. Ngayong taon naman, kinuha siya ng isa sa mga elder ng akademya at ginawang disipulo nito!
[Kung ang kanyang kuya ay may ganoong klaseng talento, paano pa si Wang Ying? Galing siya sa isang maimpluwensyang pamilya, may talento siya at magaling ang kuya niya, pero bakit siya pa rin ang pinili ni Wang Ying para maging guro niya? Lumalabo na siguro ang mga mata ko para magkamali ako sa mga nababasa ko!]
.
Narinig ni Qian Biao ang kulog at kidlat sa paligid niya at halos mahimatay na siya dahil sa mga nabasa niya.
"Tingnan mo ang mga kasunod nito…"
Hindi siya makapaniwala sa mga nabasa niya, at habang nangangatog siya sa pagbabasa, nagsalita ang isa pang guro na tila nanginginig din ang boses.
"Malamang swinerte lang siya kaya napapayag niya ang isang gaya ni Wang Ying na maging estudyante niya. Hindi ako naniniwala na kaya niyang makakuha ng estudyanteng hihigit pa kay Wang Ying…" Inihanda ni Qian Biao ang sarili, at nagpatuloy sa pagbabasa ng listahan. Nang mabasa niya ang isang pangalan sa listahan, nanginig ang buong katawan niya at halos dumilim ang paningin niya sa sobrang pagkagulat.
"Zhao Ya? Ang Zhao Ya na ika-7 sa entrance examination? Ang anak ng City Lord ng Baiyu City?"
Sa puntong 'yon, pakiramdam ni Qian Biao ay maiiyak na siya sa mga nababasa niya.
Kasasabi pa lang niya na imposibleng makakuha pa si Zhang Xuan ng isang estudyanteng hihigit pa kay Wang Ying at hindi niya inakalang magagawa nga ni Zhang Xuan na makakuha ng higit pa rito… Hindi lang 'yon, isa itong kilalang estudyante na pinagkakaguluhan ng lahat ng mga guro!
Narinig na niya dati ang tungkol kay Zhao Ya bago pa man ito pumasok sa akademya. Siya ang anak ng City Lord na Baiyu City at hindi lang siya basta maganda, marami rin siyang angking talento.
Ang ganitong klaseng estudyante ay pag-aagawan ng mga guro na matataas ang rank. Bakit niya pinili ang basurang katulad ni Zhang Xuan?
"Imposible, imposible 'to!"
Sinubukan ni Qian Biao na pigilan ang kanyang emosyon. Nang tumingin siya sa bandang baba ng listahan, nakita niya ang mga pangalan nila Liu Yang at Zheng Yang. Hindi man masyadong kilala ang dalawa, pero hindi rin naman mababa ang ranking nila, kasama sila sa unang isang-daang estudyante na matataas ang score sa pagsusulit!
Lalo na si Zheng Yang, sinasabing mahusay siya sa paggamit ng sibat. Dahil sa mga limitasyon ng pagsusulit, hindi niya naipakita ang buong lakas niya, at dahil dito bumaba ang ranggo niya sa pagsusulit. Kung pinayagan lang siya na gamitin ang sibat niya, posibleng makapasok siya sa top twenty!
Paulit-ulit nilang binasa ang mga pangalan sa listahan, dahil dito pakiramdam nila Qian Biao at ng iba pang mga guro na parang mababaliw na sila.
"Hindi ito makatotohanan!"
"Niloko mo siguro sila para piliin ka nila para maging guro nila. Kahit na kilalanin ka pa nila bilang guro nila, hindi ka pa rin nila kilala. Sa oras na malaman nila ang totoo, siguradong hindi na sila papasok sa leksyon mo…"
Biglang sumigaw si Qian Biao na halatang galit na galit.
Anong karapatan ng guro na nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination na magkaroon ng mga mahuhusay na estudyante! Siguradong may ginawa siyang kasuklam suklam na bagay na walang ibang nakakaalam. Sa oras na malaman ng iba ang mga ginawa niya, siguradong magagalit ang mga estudyante niya at iiwan siya!
Totoo ngang mayroon siyang apat na estudyante, pero siguradong hindi magtatagal at iiwan din siya ng mga estudyante niya.
"Wala na kayong pakialam kung papasok pa sila sa leksyon ko o hindi na. Ang napagpustahan natin ay kung may estudyante ba talaga ako o wala. Ngayong nakasisiguro na kayong may apat na estudyante nga ako, hindi ba oras na para tuparin natin ang mga napagpustahan natin?"
Kalmadong nagsalita si Zhang Xuan, hindi niya alintana ang mga galit na galit na guro na nakapaligid sa kanya.
Daig pa nila Qian Biao, Li Yuan at ng dalawa pang mga guro na kasama nila ang nasa isang burol sa mga itsura nila.
Ang pinagpustahan nila ay kung mayroon ba talaga siyang mga estudyante, at hindi kung ano ang mangyayari sa hinaharap.
Kung susundin ito, lumalabas na natalo nga sila!
Subalit, hindi nila matanggap ang katotohanan na natalo sila at masasampal sila ng pinaka walang kwentang guro sa buong akademya!
"Pustahan? Bata, paano naman kung tumanggi kami?"
Matapos mag-isip ni Qian Biao, naiinis siyang ngumisi at tumingin ng masama kay Zhang Xuan.
"Tama, kahit na talikuran namin ang mga sinabi namin, ano naman magagawa mo? Haha, gusto mo ba kaming bugbugin? Iyon ay kung kaya mo?"
"Ang pinaka walang kwentang guro sa akademya na may pinaka mahinang cultivation. Para magyabang ka ng ganyan sa harap namin, iniisip mo bang may pipigil samin kapag binugbog ka namin ng sobra sobra hanggang mamaga yang ulo mo?"
"Tigilan mo na yang pagpapanggap mo, baka sakaling magtagal ka pa sa akademyang 'to kapag ginawa mo 'yon. Kung hindi, sisiguraduhin naming mapapalayas ka at mapapahiya!"
Agad na naintindihan nila Li Yuan ang intension at mga pinagsasabi ni Qian Biao.
Si Zhang Xuan ang nakakuha ng pinaka mababang score sa Teacher Qualification Examination, hindi hamak na mas mahina din ang kanyang cultivation kumpara sa ibang mga guro. Kahit na hindi man siya ang pinaka walang kwenta sa lahat, hindi pa rin siya nalalayo dito!
Iyon ang dahilan kung bakit hindi niya kayang makita ang mga problema sa pagsasanay ng kanyang mga estudyante.
Natural lang na hindi pumayag sila Qian Biao na masampal sila ni Zhang Xuan. Dahil walang kakayahan si Zhang Xuan na ipilit ang kanilang napagkasunduan, inisip nilang talikuran ang kanilang mga sinabi hanggang sa huli.
"Oh? Ibig sabihin, wala kayong balak sundin ang napagpustahan natin?
Hindi nagalit si Zhang Xuan, sa halip ngumiti siya sa kanila.
"Tama ka! Ikaw bata, sino ka ba sa inaakala mo? Para isipin mong papayagan kitang sampalin mo ako, gusto mo bang sampalin kita ngayon na hanggang mamatay ka?"
Nang makita niyang hindi natinag si Zhang Xuan at nagpatuloy sa kanyang inaasal. Nagalit si Li Yuan at agad na sinampal si Zhang Xuan.
Bago pa man umabot ang sampal kay Zhang Xuan, kinapos ng hininga si Li Yuan dahil sa pwersa ng hangin.
Kahit na si Li Yuan ay isang guro lamang sa Logistics Branch, hindi mababa ang kanyang cultivation. Siya ay umabot na sa lebel ng isang Fighter 4 – dan Advanced.
Mayroong 9 dans sa isang Fighter, 1 – dan Juxi, 2 – dan Dantian, 3 – dan Zhenqi, 4 – dan Pigu, 5 – dan Dingli, 6 – dan Pixue, 7 – dan Tongxuan, 8 – dan Zongshi, 9 – dan Zhizun.
Isang panibagong mundo ang lumilitaw bawat lebel. Kapag umakyat ka ng mas mataas, mas mahihirapan ka nang umusad.
Sa bawat lebel ay may apat na tier, primary, intermediate, advanced at pinnacle.
Si Zhang Xuan ang pinaka batang guro sa buong akademya, 19 na taong gulang pa lang siya ngayong taon. Ang kanyang cultivation ay nasa 3 – dan Zhenqi Pinnacle pa lamang!
Si Li Yuan ay mas mataas ng isang lebel kaysa kay Zhang Xuan!
Ang kaibahan sa pagitan ng bawat level ay sobrang laki at halos napaka hirap malampasan.
Pah!
Inisip ng lahat na siguradong matatamaan ni Li Yuan si Zhang Xuan sa mukha, nang biglang may umalingawngaw na tunog at nahilo si Li Yuan. Agad na nakita ng lahat ang pulang marka sa mukha ni Li Yuan habang lumalabas ang sariwang dugo mula sa kanya at naglaglagan ang kanyang mga ngipin.
"Paano… Paano nangyari 'to?"
Ang lahat ay natulala at halos mabaliw dahil sa nangyari.