Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 29 - AMANOS NA TAYO

Chapter 29 - AMANOS NA TAYO

Ano ang pinagmulan ng pagbabagong ito?

Ngayon naintindihan ni Mubai ang inireport sa kanya ni Chang An.

Una nang nasabi ni Chang An ang pagbabago ni Xinghe, lalo na ang matiim na titig nito na mahirap ipagwalang-bahala.

Hindi ito pinansin ni Mubai pero ngayon ay naiintindihan na niya ang ibig nitong sabihin.

Makikita sa mga mata nito na punung-puno ng kumpiyansa sa sarili.

Ang katangiang ito ay hindi napepeke, sapagkat ito ay tulad ng natural na instinct…

Kasabay ng oras na iyon, parang nakita niya ang sarili kay Xinghe.

Hindi maintindihan ni Mubai kung ano ang dahilan ng biglaang pagbabago na ito.

Ngayon, nag-iba na ang tingin niya dito kung ikukumpara sa dati.

"Ito ang halagang dapat na natanggap mo noong nagdiborsyo tayo. Iniaabot ko ito sa iyo ng personal bilang paggalang dahil alam kong iyon ang nababagay sa iyo. Pakiusap tanggapin mo ito." Inilabas na ni Mubai ang cheke at magalang itong iniabot. Walang bahid ng pagkondena o panlilibak sa kilos nito.

Hindi man lamang sinulyapan ni Xinghe ang cheke ng ito ay tumugon, "Salamat pero hindi ko kailangan iyan."

Napataas-kilay si Mubai, "Tanggapin mo man o hindi ay nasa sa iyo na iyan pero ang ibigay o hindi ito sa iyo ay desisyon ko. Kuhanin mo na para matapos na lahat ng ito."

Sa madaling salita, kukulitin niya ito kapag hindi niya tinanggap ang pera.

Hindi ito matatagalan ng dating Xinghe maging ang Xinghe ngayon.

Sa kanyang kagalakan, tinanggap ni Xinghe ang cheke. Bago pa siya makangiti, pinunit ni Xinghe ang cheke!

Nagulat ang lahat.

Ang cheke na ito ay nagkakahalaga ng isang daang milyon!

Pinunit niya ito ng walang kaabug-abog!

Maski si Tianxin ay nanghinayang sa pera. Isinakripisyo ng tangang Xinghe ang buhay ng kanyang tiyo dahil sa dignidad; isa naman talagang katangahan!

Itinapon ni Xinghe ang mga piraso sa basurahang malapit sa kanila.

"Amanos na tayo ngayon." Malumanay na sabi ni Xinghe.

May namumuong galit sa mga mata ni Mubai pero nanatiling pormal ang mukha nito. Sa totoo lang, maski siya ay nagalit sa ikinilos ni Xinghe.

Ang mabuting pagpapalaki sa kanya ang pumigil sa kanya na magwala.

"Fine." Nilisan niya ang lugar pagkatapos bitawan ang nag-iisang salita na iyon.

Nagmamadaling sumunod si Tianxin at si Chang An. Sobra ang galak ni Tianxin nang makita ang mga mabibigat na yapak ni Mubai.

Ang katangahan ni Xinghe ang nagpahamak sa kanya ngayon. Ginalit niya ng husto si Mubai.

Tanga pa din si Xinghe tulad ng dati, napakadaling painan upang ito ay mabilis na magalit.

Ganito niya pinalayas si Xinghe noon. Gumawa siya ng mga maliliit na bagay o nagsalita ng masama, at ang tatanga-tangang si Xinghe ay laging nahuhulog sa kanyang mga patibong.

Kahit na alam ni Tianxin sa kaibuturan ng kanyang puso na hindi na niya dapat pang pag-aksayahan ng oras o atensiyon ang Xia Family, hindi niya mapapalampas ang mga ito lalo na ang pamamahiya sa kanya ni Xia Zhi. Oras na para siya ay gumanti!

Nang makapasok na si Mubai sa elevator, nanatili siya sa labas. Sinabi niya, "Mubai, mahihintay mo ba ako sa lobby? Hindi kasi kaya ng puso ko na iwanan si Xinghe na ganoon na lamang, babalik din ako agad."

Bago pa makasagot si Mubai, tumalikod na siya at naglakad pabalik.

Akala mo ay binabagabag ito ng kanyang konsensiya.

Binabagabag nga ito, pero hindi ng kanyang konsensiya.

Nang mapansin nilang bumalik si Tianxin, parehong sumimangot si Xia Zhi at Xinghe. Hindi ba tapos na ang usapan, bakit bumalik pa ang babaeng ito?

"Xia Xinghe, para ito sa iyo," nanlilibak na sabi ni Tianxin habang ipinipilit sa kamay ni Xinghe ang isang credit card, "Ang password ay nakadikit sa likod ng card. Mayroong 500000 RMB dito. Ikunsidera mo nang kawanggawa ko ito sa iyo. Alam kong ayaw mong tanggapin ang pera ko pero kaya mo ba itong hindian? Sa hitsura mong iyan?"