Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 30 - HINDI KARAPAT-DAPAT MAGING INA NI XI LIN

Chapter 30 - HINDI KARAPAT-DAPAT MAGING INA NI XI LIN

"Kahit siguro si Xi Lin ay ayaw tanggapin na ikaw ang nanay niya. Huwag ka na makipagtalo sa akin tungkol sa dignidad mo, ang kailangan mo ngayon ay pera, kaya kuhanin mo na ang pera ko at manahimik ka. Ito na ang huling beses na pupunta kami ni Mubai para bisitahin ka, hindi ka na karapat-dapat pa doon. Oo nga pala, malapit ko ng pakasalan si Mubai, huwag kang mag-alala at aalagaan ko ng husto ang anak mo na iyon."

Pagkatapos iyon sabihin ay tumalikod na si Tianxin para umalis.

"Stop." Tawag ni Xinghe dito.

Naghihintay si Tianxin na magwala si Xinghe. Tumalikod siya at pauyam na nagtanong, "Bakit? Mali ba ako?"

Ibinato ni Xinghe ang credit card sa paanan ni Tianxin at sinabi, "Kunin mo ang basura mo at lumayas ka dito!"

"Xia Xinghe, narito ako para tulungan ka. Mahirap ka na tulad ng pulubi, bakit ba nagmamatigas ka pa? Bakit ayaw mong tanggapin ang kabutihang-loob namin? Alam kong hindi mo ibababa ang pride mo pero isipin mo ang kawawa mong tiyuhin. Paano mo babayaran ang mga pangangailangan niya dito sa ospital kung wala kang pera? O gusto mo nang makita siyang mamatay?" sinadya ni Tianxin na sabihin ang mga maaanghang na salita para tukuyin ang kahinaan ni Xinghe.

Kakailanganin ni Xinghe na yumuko para pulutin ang card sa paanan niya dahil alam niyang hindi hahayaan ni Xinghe na basta na lamang mamatay ang tiyuhin. Hindi niya halos mapigilan ang kaligayahan na isiping ito ang gagawin ni Xinghe.

Pero kanyang ikinagulat na hindi man lamang natinag sa kinatatayuan si Xinghe. Sinabi niya, "Chu Tianxin, sino ka para hamakin ako. Uulitin ko ang sarili ko dahil mukhang masyadong mapurol ang utak mo dahil hindi ka makaintindi ng salita ng tao, kuhanin mo ang basura mo at lumayas ka na, pinababaho mo lamang ang ospital."

"Ikaw…" Galit na galit si Tianxin, "Xia Xinghe, huwag mong hiyain ang taong tumutulong sa iyo! Sa tingin mo ba gusto talaga kitang tulungan? Ginagawa ko ito dahil ikaw ang dating asawa ni Mubai at ikaw ang ina ni Xi Lin, kaya huwag kang masyadong magmataas."

"Sino ba ang gumagawa ng eskandalo dito? Ospital ito!" Biglang lumapit ang pangunahing doktor ni Chengwu at sinawata silang dalawa.

Ngumiti si Tianxin nang makita ang doktor, "Matagal tayong hindi nagkita, Doctor Wong."

Natigilan si Doctor Wong bago ito gumanti ng ngiti, "Ikaw pala iyan Miss Chu. Bakit ka nandito, may nangyari ba sa pamilya mo?"

Hindi nakalimutang tapunan ni Tianxin ng nang-uuyam na tingin si Xinghe bago sumagot kay Doctor Wong, "Wala naman pero salamat sa iyong pagtatanong. Nandito ako dahil kay Xinghe, isa siyang dating kaibigan. Kumusta ang kanyang tiyuhin?"

Akala ni Doctor Wong na mabuti talaga silang magkaibigan kaya matapat itong sumagot, "Hindi maganda ang lagay ng pasyente, kailangan niya ng kidney transplant o lalong magiging malala ang kalagayan nito."

"Oh my, hindi ko akalain na masyadong seryoso at kailangan niya ng transplant. Mahal ba magagstos at kakailanganin sa operasyon?" sabi ni Tianxin habang pinepeke ang nag-aalalang ekspresyon.

Tumango si Doctor Wong at nagpaliwanag, "Hindi nga mura talaga. Ang operasyon ay nagkakahalaga ng 300000 RMB."

Halos mapabunghalit ng tawa si Tianxin.

Pinigilan niyang mapangiti at sinabi, "Doctor Wong, gaya ng sinabi ko, matagal ko ng kaibigan si Xia Xinghe, ako na ang magbabayad sa mga gastusin sa ospital. Gaano man kalaki iyon, ako na ang bahala magbayad kaya huwag ninyo silang pababayaan. Ito lamang ang maitutulong ko bilang kaibigan."

Sumagot si Doctor Wong sa nagulat na tinig, "Pero bayad na ang mga bayarin ng pasyente."

Nagulantang si Tianxin sa narinig, "Ano ang sinabi mo?"

"Ang 300,000 RMB na kailangan sa operasyon, bayad ng lahat ng iyon. Hindi ba nila sinabi sa iyo, Miss Chu?"

Isang alanganing tawa ang pinakawalan ni Tianxin.

Binigyan niya ng tinging hindi naniniwala si Xinghe, "Paano iyon possible? Wala naman silang pera, saan sila kukuha ng 300000?"

Alam ni Tianxin na masyadong malaking halaga ang 300000 para sa mahirap na Xia Family.

Ang suot ni Xinghe ay mabibili lamang sa tiyangge at nakatira sila sa estero, kaya imposible sa kanila na makakuha ng 300000 RMB para mabayaran ang medical bills ni Chengwu.

Inulit ni Doctor Wong ang naunang sinabi, "Pero binayaran talaga nila ng buo ang bayarin, wala akong dahilan para magsinungaling sa iyo."

Nagsususpetsang tiningnan ni Tianxin si Xinghe. Agad niyang naisip na may ginawang kahiya-hiya si Xinghe upang makalikom ng ganoong kalaking halaga.