Ang malalakas na tunog ng tambol at ang tugtog ng musika mula sa trumpeta ay umalingawngaw sa malawak na bulwagan ng kaharian ng Aurelia. Nagsimula na ang taunang
pista ng pagkakaibigan, isang selebrasyong sinimulan ni King Alden upang ipagdiwang ang pagkakaisa ng kanyang kaharian. Sa gitna ng kasiyahan, dalawang lalaking
halatang matalik na magkaibigan ang nag-uusap sa isang gilid habang nagtatawanan, si King Alden, ang hari ng Aurelia, at si Duke Elias, ang kilalang kaibigan at pinagkakatiwalaang tagapayo ng hari.
"Naaalala mo ba, Elias, noong una tayong nagsimula sa larangan ng politika?" tanong ni Alden habang hawak ang isang baso ng alak.
Tumawa si Elias habang iniinom ang sarili niyang alak. "Oo naman, Alden. Isang hamak na binata pa lang tayo noon, pero kung makapagsalita tayo, akala mo mga dalubhasa na!"
Nagkatinginan silang dalawa at sabay na tumawa, halatang sariwa pa rin sa kanilang alaala ang kanilang mga kabataan. Ang kanilang samahan ay nag-ugat mula sa pagkakaibigan noong sila'y mga bata pa lamang. Lumaki silang magkasama, nag-aral ng pamamahala, at sabay na humarap sa mga hamon sa kaharian.
Napalingon si King Alden sa magagarang palamuti ng pista. "Alam mo, Elias, minsan naiisip ko... Paano kung magkaibang landas ang tinahak natin? Ano kaya ang nangyari sa atin?"
Tumango si Elias habang nagmumuni-muni. "Siguro, magkaiba ang kinahinatnan natin. Pero isa lang ang alam ko, hindi ko ipagpapalit ang pagkakaibigan natin."
Napangiti si Alden at biglang napuno ng seryosong tono ang kanyang boses. "Kaibigan, may iniisip ako."
"At ano naman iyon?" tanong ni Elias habang nagtataka sa biglang pagbabago ng tono ng hari.
"Gusto kong manatiling buo ang pagkakaibigan natin, kahit pa sa mga susunod na henerasyon," sabi ni Alden. "Kapag nagkaanak tayo, ipagkasundo natin sila. Magpapakasal
sila. Sa ganitong paraan, hindi mawawala ang ating samahan."
Nagulat si Elias sa sinabi ng hari, ngunit unti-unting sumilay ang ngiti sa kanyang mukha. "Isang matapang na ideya, Alden. Pero gusto ko ang iniisip mo. Isang pangako, kaibigan. Ang ating mga anak ay magpapakasal, at ang ating pamilya ay magbubuklod habang buhay."
Tumayo ang dalawa, hawak ang kani-kanilang baso ng alak, at sabay na nag-toast. "Sa pangakong ito," sabi ni Alden, "hinding-hindi mawawala ang ating pagkakaibigan."
Pagkalipas ng Ilang Taon
Ang kaharian ng Aurelia ay lalong yumabong sa pamumuno ni King Alden. Sa kanyang kasipagan at talino, naging isa ang kaharian sa mga pinakamakapangyarihan sa buong
kontinente. Samantala, si Duke Elias ay naging isang haligi ng suporta, ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang kaibigan at tagapayo ng hari.
Hindi nagtagal, biniyayaan si King Alden ng isang anak na lalaki. Siya si Prince Adrian, ang prinsipe ng Aurelia at ang tagapagmana ng trono.
"Napakagwapo ng iyong anak, mahal na hari," sabi ni Elias habang tinitingnan ang sanggol na si Adrian sa kuna nito.
"Sigurado akong lalaki siyang matalino at malakas, tulad ng kanyang ama," dagdag pa niya.
Ngumiti si Alden habang pinagmamasdan ang anak. "At ang pangako natin, Elias? Hindi ko kinalimutan iyon. Kapag nagka-anak ka na rin, magkasundo sila."
Hindi na sumagot si Elias, ngunit ang pangakong iyon ay nanatili sa kanyang isipan.
Makalipas ang ilang buwan, si Duke Elias ay nagkaroon din ng anak. Sa una niyang pagdinig ng iyak ng sanggol, agad na napuno ng ligaya ang kanyang puso. Ngunit hindi tulad ng inaasahan ng lahat, isang lalaki rin ang isinilang, nang makita nya ito, nagkaroon ng kakaibang lungkot sa kanyang mga mata.
"Isang lalaki, pangalanan natin syang Elias Jr." wika ng kanyang asawa habang yakap ang kanilang anak.
Si Elias Jr. ay may kakaibang anyo na agad napansin ng lahat mula nang siya ay isilang. Ang kanyang buhok ay kulay puti, na tila sininagan ng buwan, at ang kanyang mga mata ay mala asul na kristal na parang dagat. Napakagwapo niya, na parang isang prinsipe mula sa mga kwento ng alamat. Ngunit sa kabila ng kanyang angking kagandahan, nag alala ang kanyang ama.
Tumango si Elias, ngunit sa halip na magalak, unti-unting bumigat ang kanyang dibdib. Ang pangako niya kay Alden ay umalingawngaw sa kanyang isipan. Paano niya tutuparin ang kasunduan kung lalaki ang kanyang anak?
Sa loob ng maraming gabi, pinag-isipan ni Elias ang gagawin. Sa wakas, napagdesisyunan niyang itago ang katotohanan. "Anak," wika niya habang pinagmamasdan ang sanggol
na mahimbing na natutulog, "mula ngayon, ikaw ay magiging si Ellie. Ikaw ang babaeng anak ko."