Simula nang sanggol si Elias Jr., itinuring na siyang isang babae. Tinawag siyang Ellie, at sinanay na magsuot ng mga damit pambabae. Ngunit kahit anong gawin ng duke, may mga bagay na hindi maitago.
Si Ellie ay may kakaibang kagwapuhan, ang kanyang balat ay makinis, ang kanyang puting buhok ay parang niyebe, at ang kanyang mga mata ay mala-asul na kristal. Ngunit
sa kabila ng kagandahan niyang ito bilang lalaki, hindi siya maganda bilang babae. Ang kanyang matipuno at matikas na pangangatawan ay tila hindi angkop sa kanyang kasuotan.
Dahil dito, nagdesisyon ang kanyang ama na bigyan siya ng itim na wig upang takpan ang kanyang natural na puting buhok. Bukod dito, sinanay siyang magsuot ng contact lenses upang itago ang kanyang asul na mga mata.
"Mahal kong anak," sabi ng duke isang araw habang inaayos ang wig ni Ellie, "kailangan nating gawin ito. Hindi natin maaaring baliin ang pangako ko sa hari."
Tumingin si Ellie sa salamin, tinitigan ang sariling repleksyon. Sa suot niyang wig at contact lenses, para siyang ibang tao. Ngunit kahit na nagbago ang kanyang anyo, alam niya sa sarili niya na hindi siya ang babaeng nais ng lahat.
"Kung ito ang nais mo, Ama," sagot ni Ellie, "susundin ko ang iyong kagustuhan."
Habang lumalaki si Ellie, napansin ng mga tao sa paligid niya na may kakaiba sa kanya. Sa kabila ng kanyang pagsusuot ng magagarang gown at pag-aayos, hindi maikakaila
na ang kanyang natural na kagwapuhan ay hindi nababagay sa pagiging babae.
"Hindi ba't masyado siyang matikas para sa isang babae?" bulong ng isa sa mga tagapaglingkod.
"At ang kanyang kilos, parang hindi likas," sagot ng isa pa.
Si Ellie, bagamat naririnig ang lahat ng ito, ay nanatiling tahimik. Sinanay niya ang sarili na balewalain ang mga opinyon ng iba, kahit pa minsan ay hindi niya maiwasang masaktan.
"Ellie, ayusin mo ang wig mo at siguraduhing maayos ang makeup mo," bilin ni Duke Elias habang inaayos ang kuwelyo ng kanyang kasuotan.
Sa edad na labing-anim, sanay na si Ellie sa ganitong klase ng araw. Isang wig na itim, isang pares ng berdeng contact lenses, at makeup na pilit niyang inaayos para takpan ang natural niyang itsura, ang mga ito ay araw-araw na parte ng kanyang buhay. Ngunit sa kabila ng lahat ng paghahanda, hindi niya maitatanggi ang isang katotohanan na pangit siya bilang babae. Sa salamin, tiningnan niya ang sarili niya. Mahaba ang buhok, maayos ang suot na damit, ngunit kahit ilang layers ng makeup
ang ilagay niya sa mukha, hindi niya maitatago ang malapad niyang panga, ang natural niyang matapang na kilay, at ang kabuuan ng kanyang anyo na mas angkop sa pagiging lalaki. Ang makeup, imbis na tumulong, ay lalo pang nagpapalala ng sitwasyon.
Nang matapos na silang mag ayos silay nagpatungo sa kaharian ng Aurelia upang magpakilala na sa prinsipe. Sa malaking bulwagan ng palasyo, nagniningning ang mga chandelier at umaalingawngaw ang tawanan ng mga bisita. Sa gitna ng mga maharlikang pamilya, naroon si Ellie, nakatayo sa tabi ng kanyang ama. Habang lahat ng tao ay eleganteng nakabihis, si Ellie ay pakiramdam na parang tinik sa paligid.
"Ellie, magpakilala ka na sa prinsipe," sabi ng kanyang ama, binibigyan siya ng bahagyang tulak pasulong. Napatingin si Ellie sa prinsipe ng Aurelia, si Adrian. Si
Adrian ay matangkad, gwapo, at tila perpekto sa lahat ng aspeto, ang kanyang ngiti ay sapat para magpabagsak ng puso ng kahit sinong babae, ngunit ang kanyang mga mata
ay puno ng malamig na kumpiyansa. Nang magtama ang kanilang mga mata, parang tumigil ang mundo ni Ellie.
"Magandang gabi, Mahal na Prinsipe," ani Ellie, pilit na ngumiti habang nagbabakasakaling makita ni Adrian ang kanyang effort. Ngunit imbes na ngumiti pabalik, tinitigan lang siya ni Adrian, saka dahan-dahang ngumisi. "Magiging asawa ko siya?" tanong nito, halatang sarkastiko.
"Adrian!" bulyaw ng hari, ngunit hindi maitatanggi ang katotohanang halata sa prinsipe ang pagkadismaya.
Napapikit si Ellie sa kahihiyan. Sa unang pagkakataon, naramdaman niya ang bigat ng kanyang posisyon.
Samantala hindi alam ni Ellie kung paano ito nangyari, ngunit simula noong araw na iyon, hindi nawala sa isipan niya si Adrian.
"Ellie, sigurado ka bang maayos ang makeup mo?" tanong ng isa sa mga tagapaglingkod. Nakaupo siya sa harap ng salamin, pilit na inaayos ang kanyang mukha gamit ang mga bagong produktong binili ng kanyang ama.
"Alam kong hindi ako maganda, pero... gusto ko sanang makita niya ang effort ko," bulong niya sa sarili. Sa kabila ng lahat, umaasa pa rin siyang mapansin siya ni
Adrian, kahit sa isang maliit na paraan.
Sa tuwing magkikita sila, lagi siyang nagpapansin. Sa mga handaan, pilit siyang pumupunta sa lugar kung saan naroon si Adrian. Sa mga pagdiriwang, sinusubukan niyang
kausapin ito, kahit pa alam niyang lagi siyang binabalewala nito.
"Ellie, bakit ba ang kulit mo?" minsang tanong ni Adrian nang makita niya ito sa hardin. "Hindi mo ba naiintindihan na hindi ako interesado sa'yo?"
Ang sakit ng mga salitang iyon ay parang punyal na tumama sa puso ni Ellie. Ngunit sa halip na sumuko, mas lalo pa siyang nahulog sa prinsipe. "Adrian, gusto lang kitang makausap. Gusto lang kitang makilala," sagot ni Ellie, pilit na pinipigilan ang pag-iyak.
"Wala akong pakialam kung makilala mo ako o hindi," malamig na sagot ni Adrian bago ito tumalikod.
Habang lumilipas ang panahon, mas lalong naging mahirap ang sitwasyon ni Ellie. Kahit anong pilit niyang magpanggap, hindi niya maitatago ang kanyang likas na anyo.
Ang kanyang mga kilos ay hindi banayad, ang kanyang boses ay hindi gaanong malambing, at kahit sa suot niyang magagarang damit, halatang pilit lang ang lahat.
"Alam mo, kahit anong gawin niya, hindi talaga siya mukhang babae," bulong ng isa sa mga tagapaglingkod. "Mas maganda pa siguro kung hayaan na lang niyang maging natural siya. Pero paano nga ba iyon, eh lalaki siya?" sagot ng isa pa.
Narinig ni Ellie ang mga bulungan. Kahit anong pilit niyang magpanggap na hindi siya apektado, hindi niya maalis ang bigat sa kanyang dibdib. Sa isang malaking pagtitipon sa paaralan, naganap ang pinakamasakit na karanasan ni Ellie. Sa harap ng maraming tao, naglakas-loob siyang kausapin si Adrian.
"Adrian, pwede ba tayong mag-usap?" tanong niya, hawak ang laylayan ng kanyang damit habang pilit na ngumiti. Tiningnan siya ni Adrian, at sa harap ng lahat ng tao, tumawa ito nang malakas.
"Ellie, anong gusto mong pag-usapan? Paano mo aayusin ang makeup mo para magmukha kang tao?" tanong nito, na sinundan ng tawanan ng mga tao sa paligid. Parang nabingi si Ellie. Sa gitna ng tawanan at panunuya, naramdaman niyang tila siya na lang ang taong naroon. Ang bawat mata ay nakatingin sa kanya, puno ng panlilibak.
Tumakbo siya palabas ng silid, naiwan si Adrian at ang kanyang mga kaibigan na nagtatawanan pa rin. Sa kanyang kwarto, humagulgol siya ng walang patid.
"Bakit kahit anong gawin ko, hindi pa rin sapat?" bulong niya habang mahigpit na yakap ang unan. Ngunit kahit anong sakit ang naramdaman niya, alam niyang mahal niya pa rin ang prinsipe.