"Ellie, bilisan mo, malalate ka na sa klase," sigaw ng isa sa mga tagapaglingkod habang abala si Ellie sa harap ng salamin. Nakaupo siya sa harap ng malaking vanity
table, pinaplantsa ang kanyang itim na wig at inaayos ang pagkakadikit nito sa kanyang anit. Sa likod niya, may nakasalansan na mga kahon ng makeup. May mamahaling
foundation, blush, eyeshadow, at lipstick, lahat ng iyon ay binili ng kanyang ama para tulungan siyang "gumanda." Ngunit kahit anong ayos niya sa sarili, alam niyang
hindi ito nagbabago ng katotohanan.
"Huwag kang tumingin sa salamin nang matagal. Hindi ka naman gaganda kahit anong gawin mo," narinig niyang bulong ng isa sa mga
tagapaglingkod habang naglalakad ito sa kanyang likod. Masakit, ngunit sanay na siya.
Sa prestihiyosong Royal Academy ng Aurelia, kung saan lahat ng estudyante ay mula sa maharlikang pamilya o mararangal na angkan, si Ellie ay kakaiba. Siya ang
itinuturing na pinakamahina at pinakamababang uri ng babae, kung tutuusin. Kahit na siya ay anak ng isang duke, ang kanyang presensya ay palaging sentro ng panunuya.
"Ellie, ang ganda naman ng makeup mo ngayon!" bulalas ng isa sa mga kaklase niya, si Lady Celeste, habang sinusuri ang mukha niya.
"Ano kayang brand ng makeup mo? Mukhang hindi masyadong epektibo," dagdag ng isa pa, na sinundan ng tawanan ng iba pang babae. Ang bawat salita ay parang kutsilyong
tumatama sa puso ni Ellie, ngunit ngumiti lang siya at pilit na binigyan ng mahinang tugon.
"Pasensya na kung hindi ako maganda," bulong niya sa sarili, habang nilalagpasan ang grupo ng mga tumatawang babae.
Hindi nakatulong si Adrian, ang prinsipe ng Aurelia, ay isa sa mga pinakamagaling at pinakapopular sa kanilang paaralan. Sikat siya sa kanyang kaklase, at halos lahat
ng babae ay nahuhumaling sa kanya. Ngunit si Ellie, na labis na humahanga sa prinsipe, ay tila naging paboritong puntirya nito.
"Ellie, anong klaseng damit iyan? Mukhang hindi bagay sa'yo," tanong ni Adrian nang makita siya sa bulwagan.
Tumingin si Ellie sa prinsipe, nagbabakasakaling mabasa nito ang kanyang tunay na damdamin. "Pasensya na, Prinsipe. Pinili ko lang kung ano ang ini-rekomenda ng aking
ama."
Ngunit hindi siya sinagot ni Adrian. Sa halip, ngumisi ito, at tumingin sa kanyang mga kaibigan. "Siguro kahit anong suot mo, hindi ka pa rin gaganda, Ellie."
Tumawa ang grupo ng prinsipe, at narinig ito ng buong silid. Si Ellie naman ay nanatili lang sa kanyang puwesto, pilit na hindi ipinapakita ang sakit na nararamdaman.
Isang araw, matapos ang klase, si Ellie ay nilapitan ng grupo nina Adrian.
"Ellie, bakit ba pinipilit mo pang magpanggap? Hindi ka naman talaga maganda, kahit magdamag ka pang mag-ayos," sabi ni Adrian habang nakapamulsa, ang boses nito ay
puno ng sarkasmo.
Tumawa ang mga kasama niya, at naramdaman ni Ellie ang pamumula ng kanyang mukha.
"Ano? Wala ka bang sasabihin?" dagdag ni Adrian.
"I... pinipilit ko lang pong gawin ang tama," sagot ni Ellie, pilit na pinipigilan ang panginginig ng kanyang boses.
"Ang tama? Ellie, ang tama ay hayaan mo na lang kami at huwag mong ipilit ang sarili mo sa akin," malamig na sagot ng prinsipe. "Wala kang lugar sa paligid ko."
Hindi na napigilan ni Ellie ang kanyang luha. Tumakbo siya papunta sa kanyang kwarto sa dormitoryo, isinarado ang pinto, at humagulgol.
"Bakit ako ganito? Bakit hindi nila makita kung gaano ko siya kamahal?" tanong niya sa sarili. Sa kabila ng lahat, alam niyang baliw na baliw siya kay Adrian. Kahit na
siya ang dahilan ng lahat ng sakit, hindi niya magawang itigil ang nararamdaman niya para sa prinsipe.
Dumating ang araw ng pinakamasakit na nangyari kay Ellie, isang insidente sa gymnasium ng paaralan. Nagkaroon ng school event kung saan ang lahat ng estudyante ay
required na magdala ng partner.
Hindi inaasahan ni Ellie na si Adrian ang pipiliin niyang lapitan. Alam niyang pagtatawanan siya, ngunit wala na siyang pakialam.
"Adrian," tawag niya, pilit na pinapakalma ang kaba sa kanyang dibdib.
Tumingin si Adrian sa kanya, ang kilay nito ay bahagyang nakataas. "Ano?"
"Pwede ba kitang maging partner para sa event na ito?" tanong niya, ang boses ay bahagyang nanginginig.
Sandaling natahimik ang buong gym. Lahat ng tao ay napatingin sa kanila, at parang naghintay ng isang sagot mula kay Adrian.
"Partner? Ako? At ikaw?" tanong ni Adrian habang nilingon ang kanyang mga kaibigan. "Pasensya na, Ellie, pero hindi ako tumatanggap ng partner na mas hindi kaaya-aya
ang itsura kaysa sa katulong."
Tumawa ang buong silid.
Tumakbo si Ellie palabas ng gymnasium habang ang tawanan ay umaalingawngaw pa rin sa kanyang tenga. Sa bawat hakbang, pakiramdam niya'y mas tumitindi ang bigat sa kanyang dibdib. Nang makarating siya sa bakanteng hardin sa likod ng paaralan, bumagsak siya sa lupa, humagulgol, at tinakpan ang kanyang mukha ng kanyang mga palad.
"Ellie, ano ba ang iniisip mo?" bulong niya sa sarili. "Bakit mo pa siya nilapitan? Hindi mo ba nakikita? Hindi ka niya kailanman magugustuhan."
Pinilit niyang huminahon, ngunit ang sakit ng kahihiyan ay hindi maalis. Sa kabila ng lahat ng panlalait at sakit na dinaranas niya, alam niyang mas lalo lamang tumitibok ang puso niya para kay Adrian. Para bang ang bawat sugat na nilikha ng prinsipe ay mas lalong nagtatali sa kanya dito.
Pagkarating niya sa dormitoryo, sinubukan niyang kalimutan ang nangyari. Ngunit kahit na anong gawin niya, malinaw pa rin sa kanyang isipan ang panunuya ng mga tao, ang malamig na ngisi ni Adrian, at ang mga salitang tumama sa kanya tulad ng punyal.
Nakatitig siya sa salamin, tinanggal ang kanyang contact lenses at wig, at hinayaan ang kanyang natural na buhok na kulay puti na bumagsak sa kanyang balikat.
Tinanggal niya ang makeup gamit ang basang panyo, at sa unang pagkakataon sa araw na iyon, nakita niya ang tunay niyang anyo.
"Bakit ganito? Bakit hindi ko kayang maging katulad ng ibang babae?" bulong niya habang pinupunasan ang mga luha. Napakaganda ng kanyang mga mata, ngunit hindi sapat
iyon upang magmukha siyang isang magiliw at kaakit-akit na babae. Sa kabila ng makeup, wig, at magagarang damit, alam niyang wala siyang dating bilang Ellie.
Sa puntong iyon, naisip niya si Adrian. Paano kaya kung makita siya nito sa kanyang totoong anyo? Magbabago kaya ang tingin nito sa kanya? O mas lalo lang siyang
kamumuhian?
Kahit na masakit ang bawat araw na dumadaan, mas lalong lumalalim ang nararamdaman ni Ellie para kay Adrian. Kahit na binabastos siya nito, kahit na paulit-ulit siyang pinapahiya, at sinimulan na syang saktan ng mga tao physically hindi niya magawang alisin ang prinsipe sa kanyang puso.
Kinabukasan, habang naglalakad siya sa pasilyo ng paaralan, nakita niya si Adrian kasama ang mga kaibigan nito. Parang bumagal ang oras habang pinagmamasdan niya ang prinsipe. Ang matangkad nitong tindig, ang maaliwalas nitong mukha, at ang kumpiyansang parang natural na bahagi ng kanyang pagkatao, lahat ng iyon ang dahilan kung bakit hindi magawang maputol ni Ellie ang damdamin niya para dito.
"Ellie, ano na naman ang tinitingnan mo?" tanong ni Lady Celeste mula sa gilid. Tumikhim ang babae, halatang nandidiri sa kanya.
"Wala," sagot ni Ellie habang pilit na iniwas ang tingin.
"Sigurado ka? O baka naman iniisip mo na naman kung paano mo maaakit ang prinsipe?" Malakas ang boses ni Celeste, at mabilis itong narinig ng iba pang estudyante sa
pasilyo. Napatingin ang lahat kay Ellie, kabilang si Adrian.
Hindi alam ni Ellie kung paano sasagutin si Celeste. Ang kanyang mukha ay namula sa kahihiyan. Sa gilid ng kanyang mata, nakita niya si Adrian na nakatingin sa kanya, ang labi nito ay bahagyang nakangiwi, tila nababasa ang kanyang nararamdaman.
"Alam mo, Celeste," biglang sabi ni Adrian, "huwag mo nang tanungin si Ellie kung paano niya ako maaakit. Alam naman nating lahat na kahit ano'ng gawin niya, imposible iyon."
Sa sandaling iyon, parang gumuho ang mundo ni Ellie. Napayuko siya, pilit na itinatago ang kanyang mukha habang naririnig niya ang tawanan ng mga estudyante.
Pag-uwi niya sa manor, nakatayo sa harap ng pintuan si Duke Elias, halatang galit.
"Ellie, ano na naman ang ginawa mo sa paaralan? Narinig ko ang nangyari," malamig na sabi nito.
"H-hindi ko po sinasadya..." sagot ni Ellie, nanginginig ang boses.
"Huwag kang magpalusot! Lagi na lang ikaw ang pinagtatawanan. Alam mo bang nakakahiya ito para sa pamilya natin?" Napakabigat ng bawat salita ni Duke Elias, at kahit
na hindi nito sinasaktan si Ellie, sapat na ang tono nito para masaktan siya.
Pagpasok niya sa kwarto, humiga siya sa kama at tumitig sa kisame.
"Bakit gano'n? Bakit kahit anong gawin ko, hindi pa rin sapat?" bulong niya sa sarili. Gusto niyang sukuan si Adrian, gusto niyang kalimutan ang sakit, ngunit kahit anong pilit niya, hindi niya magawa. Mahal na mahal niya ang prinsipe.
Sa kabila ng lahat ng kanyang pinagdaanan, may maliit na bahagi sa kanyang puso ang patuloy na umaasa, umaasa na balang araw, makikita ni Adrian ang tunay na siya.
Sa mga araw na sumunod pagkatapos ng insidente sa gymnasium, unti-unting naramdaman ni Ellie ang pagkabigat ng kanyang mundo. Halos hindi na siya lumalabas ng kwarto.
Kahit ang mga utos ng kanyang ama ay hindi na niya magawang sundin.
Isang umaga, habang nakaupo siya sa harap ng vanity mirror, tinitigan niya ang sarili. Suot pa rin niya ang itim na wig at contact lenses, ngunit kahit ano'ng pilit, hindi niya makita ang "Ellie" na nais ng ama niyang makita.
"Hindi ko alam kung sino pa ba ako..." bulong niya sa salamin.
Sa paaralan, mas lalo pang lumala ang bullying. Si Adrian ay naging mas mapanakit, hindi na lang sa mga salita, kundi maging sa mga kilos. May pagkakataong itinulak siya ng prinsipe sa harap ng maraming tao, sinasadyang mapahiya siya. Ang iba pang estudyante ay sumunod sa halimbawa ni Adrian.
"Hindi siya babae, isa lang siyang pekeng prinsesa!" sigaw ng isa sa mga lalaki habang hinahagisan si Ellie ng papel sa likod ng klase.
Ang mga guro, bagama't alam ang nangyayari, ay nagbubulag-bulagan. Wala naman kasi silang magawa dahil anak si Adrian ng hari.
Isang gabi, habang nasa kwarto si Ellie, may kumatok sa kanyang pintuan. Ang kanyang ama, si Duke Elias, ay pumasok nang hindi hinihintay ang kanyang sagot.
"Ellie, hindi ka na naman pumasok kanina. Ano na naman ang dahilan mo?" tanong nito, ang tono ay malamig at puno ng inis.
"Pasensya na, Ama. Masama lang po ang pakiramdam ko," sagot niya, pilit na itinatago ang kanyang luha.
"Masama ang pakiramdam mo? O baka tinatamad ka lang? Lagi na lang, Ellie. Lagi na lang."
Hindi na napigilan ni Ellie ang sarili. "Hindi n'yo ba naiintindihan? Hindi ko na kaya! Hindi ko na kaya ang lahat ng ito!"
Napatigil si Duke Elias. Hindi niya inasahan ang pagsabog na iyon mula sa kanyang anak. Ngunit sa halip na maawa, napangibabawan siya ng galit.
"Kung hindi mo kaya, paano mo haharapin ang buhay na mas mahirap pa rito? Ellie, tigilan mo ang pagiging mahina!" Pagkasabi nito, tumalikod siya at iniwan si Ellie na umiiyak nang mag-isa.
Sa gabing iyon, habang tahimik ang manor, nakaupo si Ellie sa gilid ng kanyang kama. Ang kanyang mga kamay ay nanginginig habang hawak ang isang bote ng gamot.
"Siguro kung wala na ako, wala nang magiging problema ang aking Ama. Hindi na rin ako magiging pabigat sa kahit sino," bulong niya habang pinipisil ang bote.
Sa kanyang isipan, binalikan niya ang lahat ng sakit, ang panlalait, ang pang-iinsulto ni Adrian, ang pagkukulang niya bilang anak, at ang hindi niya kakayanang maging
kung sino ang inaasahan ng lahat.
"Adrian..." mahina niyang bulong. "Kung alam mo lang kung gaano kita kamahal..."
Sa huli, pumikit siya at kinuha ang desisyong tuluyan nang wakasan ang lahat.