Chereads / My Wife is my Father's Mistress / Chapter 10 - Chapter 9

Chapter 10 - Chapter 9

Pagkatapos kaming kausapin ng mga pulis ay saka pa lamang kami nakapunta ng hospital. Itong kasama kong lalaki sobrang tigas ng ulo. Inuna pa talaga ang pagpunta sa police station kesa magamot ang sugat niya.

Nakaupo siya sa bakanteng kama at hinihintay ang nurse na titingin sa sugat niya. Daplis lang naman daw iyon pero natakot talaga ako dahil maraming dugo ang nasa damit niya at kamay.

"Wala bang masakit sa iyo?" Basag niya sa katahimikang namayani sa amin. Nakatayo ako malapit sa paanan ng hospital bed na kinaroroonan niya habang pinaglalaruan ko ang aking mga daliri. Agad kong itinago sa aking likod ang may sugat na kamay.

"Wala naman. Huwag mo akong alalahanin. Ikaw nga itong nasaktan. Pasensiya ka na kung nadamay ka," nalulungkot na saad ko. Nakukunsensiya talaga ako dahil nasaktan siya.

"Okay lang, nagkataon naman talaga na bibili ako at maabutan ko ang sitwasyon na iyon, buti..."

"Sir, lilinisan na po namin ang sugat 'nyo." Napalingon kami pareho sa bumukas na pinto. Napakunot noo ako sa dalawang nurse. Napaismid ako ng lihim dahil sa kinikilig nilang itsura. Nagtutulakan pa kung sino ang unang lalapit sa lalaking kasama ko.

Parang ngayon lang nakakita ng guwapo!

Napabaling ako agad sa kasamang lalaki dahil sa naisip ko. Pilit kong iwinaksi sa isip kong guwapo nga ito. Pinagmasdan ko siya habang kausap niya ang mga nurse. May pamilyar akong pakiramdam sa kanya na hindi ko maipaliwanag.

"Sir, pakitaas po iyong t-shirt niyo." Kasabay ng pagtaas ng kilay ko ang pagsunod niya sa utos ng nurse.

Napalunok ako noong tumambad sa aking paningin ang kanyang perpektong hubog na abs. Ilang beses na akong nakakita ng mga lalaking may abs at toned muscle pero para akong naengkanto pagdating sa kanya. Talagang napatitig ako roon.

"Ganda ba ng view?"

Napaangat ang tingin ko sa kanyang mukha nang magsalita siya. Nakakabanas ang mukha niyang may nang-aasar na ngiti. Tuloy, hindi ko napigilang pulahan ng mukha sa pagkapahiya kaya napaiwas ako ng tingin.

Lalo pang nadagdagan ang pagkapahiya ko noong maghagikgikan ang dalawang nurse. Hindi ko tuloy kayang ibaling ang tingin ko sa kanilang tatlo.

Napasimangot na ako ng husto dahil nagtatagal ang dalawang nurse sa paglilinis ng sugat ng lalaking kasama ko. Kung sana hindi sila nagpapa-cute, madali lang nila matapos ang mga trabaho nila.

Iniikot ko ang itim na bola ng mata ko dahil sa inis sa kanila. Kung puwede lang iwanan ang lalaking ito, kanina pa ako umuwi. Kaya lamang ay utang na loob ko ang buhay ko sa kanya.

Pinaglalaruan ko ang aking mga daliri nang biglang may dumating na dalawang lalaki. Imbes na humahangos at natataranta ay natatawa pa silang nilapitan ang kaibigan nila.

"Parekoy, nangyari sa 'yo?" Tinapik sa balikat ng isang maputi, matangkad at medyo payat na lalaki ang kaibigan nila. Tapos na ang dalawang nurse sa pagbebenda kaya nagpapaalam na ang mga ito.

Kaya lang hindi sila makaalis dahil hinarang sila at kinausap ng isang matangkad, moreno, katamtaman ang pangangatawan at singkit ang mata habang nakangiting nakikipag-usap sa mga nurse.

Lahat sila ay may kanya-kanyang kaguwapuhan. Ang lalaking nagligtas sa akin ay talagang guwapo rin. Pero ang biloy niya talaga kapag ngumiti ang nakabighani sa akin.

"Yssa!" Nagulat ako sa pagtawag niya sa akin. Natatandaan pa niya ang pangalan ko sa club. Samantalang ako hindi ko man lang natanong ang pangalan niya. Nakakahiya dahil dalawang beses na niya akong iniligtas pero hindi ko pa rin siya kilala.

Bumaling ang tingin sa akin ng dalawang kaibigan niya. Ang mga nurse ay nagkukumahog na umalis nang may tumawag sa kanila.

"Woah! May first name basis na ang pagtawag. Kaya ba nandito ka? Galing ng diskarte ah," nakangising saad ng maputing lalaki.

Napanguso ako dahil sa sinabi nito. Magsasalita sana ako ng iminuwestra ni Mr. Biloy ang kamay niya para lumapit ako. Pinaglipat-lipat ko muna ang tingin ko sa kanilang tatlo bago tuluyang naglakad palapit.

"Yssa, right?" Tumango ako. "Ako nga pala ni Alyjah. Ali na lang. Ito si Aiden." Itinuro niya ang nasa kaliwa niya, ang lalaking maputi. "At iyan si Heron," sabi niyang itinuro ang lalaking nasa tabi ko lang nakatayo. Nilingon ko ito at nakatingin rin sa akin ng seryoso kaya napaiwas agad ako ng tingin. Kilala ko sila dahil madalas sila sa club.

"Ako ang dahilan kung bakit narito ang kaibigan ninyo," amin ko sa kanila. Muli kong pinaglaruan ang aking mga daliri.

Biglang humalakhak ang katabi kong kaibigan ni Ali. Si Heron ay naglakad palapit kay Ali.

"Patingin."

Walang pakundangang itinaas nito ang t-shirt ng kaibigan at sinipat ang sugat. Wala naman makikita dahil natatakpan na ng benda.

"Layo sa bituka, hindi mo pa ikakamatay iyan!" Sita niya sa sugat ng kaibigan.

Hindi ako makapaniwalang napatingin sa mga kaibigan niya. Kung sobrang pag-aalala ko at sobrang taranta na, sila parang wala lang na nasaktan ang kaibigan nila. Pinagtatawanan pa nila ito na para bang normal lang ang nangyari. Sabagay, mga lalaki kasi.

"Gago!" asik ni Ali sa kaibigan niya. Napatampal naman sa noo si Aiden habang tumatawa.

Nang ibaling sa akin ni Ali ang kanyang tingin. Matipid ko siyang nginitian.

"Mauna na nga kami, iniwanan ko tuloy si Kishia sa hotel para lang mapuntahan ka rito dahil akala ko naghihingalo ka na!" Halatang dismayado na saad ni Heron at nagpatiuna nang umalis.

"Kaya mo naman magmaneho hindi ba? Dala mo naman ang kotse mo?" Tumango si Ali sa tanong ni Aiden. Kaya naman nag-umpisa na rin itong maglakad paalis. "May meeting ako na maaga. Pinuntahan lang talaga kita dito," paalam nito na hindi man lang bumaling ng tingin. Nakatalikod na nagsasalita. Kaya pala nakabusiness attire ito. Hindi katulad noong isa na nakaplain t-shirt na gusot pa at ripped jeans.

Bumaba na at tumayo si Ali sa kinauupuan na kama ng hospital. Nang bigla itong mapangiwi. Agad ko siyang dinaluhan at inalalayan.

"Okay ka lang?" Nagkatitigan kami pero agad akong nag-iwas dahil sa kaba sa pagkakadaiti ang aming mga balat. Hindi ko talaga maintindihan ang aking sarili. Attracted yata ako sa kanya.

"Okay lang. Nabigla lang yata pero ayos naman." Umayos siya ng tayo kaya bumitiw na rin ako.

"Salamat ha. Kung hindi dahil sa iyo baka napahamak na ako,"sabi kong nanginginig ang boses. Nang hawakan niya ako sa balikat. Tiningala ko siya, sumikdo bigla ang puso ko nang magtamang muli ang aming mga mata.

"Walang anuman. Kahit sino naman siguro tutulong kapag sila ang nakakita sa magandang dilag na nangangailangan ng tulong," palatak niya na ikinangiti ko. "Oh siya, sabi mo kailangan mong pumunta sa heart center. Gusto mo bang ihatid na kita?"

Nagsimula na siyang maglakad habang nakasunod lang ako. Tumigil ako at naramdaman niya iyon kaya naman muli niya akong binalingan ng tingin at naghihintay ng sagot ko.

"Hindi na, ayos lang ako. Mauna ka na at ng makapagpahinga ka naman. Salamat ulit, Ali. Hindi ko man lamang mabayaran itong pagpapagamot mo," ika kong nahihiya na naman dahil hanggang pasasalamat lang talaga ang kaya kong ibigay sa pagliligtas niya ng aking buhay. Hindi ko siya mababayaran o kahit gastusan man lamang ang pagpapagamot niya rito ngayon.

Ngumiti ito sa akin dahilan ng paglabas ng biloy niyang hindi ko nakalimutan kahit sa unang pagkikita namin.

"Malay mo mangailangan din ako. Doon na lamang kita sisingilin."

Hindi makapaniwala ang tinging ipinukol ko sa kanya, napalabi ako. Tinawanan tuloy niya ang itsura ko.

"But don't worry for sure hindi pera ang sisingilin ko," pagkasabi noon ay naglakad na siya palayo sa akin. Hindi na ako muling tinapunan ng tingin.

Napabuga ako ng hangin at nagsalubong ang kilay habang pinoproseso sa utak ko ang sinabi niya. Pilit inaalisa.

Marahan akong naglalakad sa lobby ng hospital nang bigla na lang may humila sa akin sa isang sulok. Nanlaki ang aking mga mata habang nakatakip ang kamay ng mapangahas na nilalang sa aking bibig. Walang nakakita dahil mabilis ang kikos nito at mabilis rin niya akong naikubli.

"Ano'ng ginagawa mo?" Singhal ko sa kanya nang sa wakas ay alisin niya ang kanyang kamay sa bibig ko. Matalim ang tingin niya sa akin pero kababanaagan naman sa mga mata niya ang pag-aalala.

"Ikaw, anong ginagawa mo?" Galit na bulyaw niya sa akin. Pinalis ko ang kamay niyang nakahawak sa kamay ko pero lalo lamang niyang inilapit ang katawan niya sa akin. Sa pagkakataong ito hawak na niya ako sa magkabilang balikat at naninimbang ang tingin. "Muntik ka nang mapahamak! Kailangan mo pala ng pera, bakit hindi ka nagsabi? Akala ko ba umalis ka na sa isang trabaho..."

"Hindi kita naging kaibigan para hingan ng pera. Kaya kong kumita sa paraang gusto at alam ko!" Itinulak ko siya ng bahagya para makalaya sa pagkakapinid niya sa akin sa pader.

"Hindi ko gustong may mangyari sa iyong masama, Ely. Makinig ka naman sana," wika niyang may pagsusumamo na sa tinig. Bumuntong hininga ako bago siya muling harapin.

"Huwag kang mag-alala. Hindi ako mapapahamak, mag-iingat na ako." Nagpaalam ako at iniwanan siya. Hindi ko na siya binigyan ng pagkakataon pa para magsalita.

Ayaw kong magkautang ng loob. Maging ikaw pa!