Mabilis na dumaraan ang bawat araw, habang abala ang lahat sa Nordovia para sa koronasyon ni Elysia bilang Reyna. Nanggagalaiti naman sa galit si Vincent sa palasyo nito, Ilang araw na rin silang naghahanda para mapasok nang sapilitan ang palasyo ng Nordovia upang pabagsakin ang kapatid niyang si Vladimir at pasalangin ang magiging reyna nito.
Ngunit sa halip na magtagumpay, ilang beses na rin siyang nabigo. Ang huling pinadala niya ay matagumpay na nadidispatsa ng kung sino sa hangganan pa lamang ng kaharian.
Walang paglagyan ang galit ni Vincent at kulang na lamang ay umusok ang ilong nito dahil sa matinding poot na namumuo sa kaniyang dibdib. Tahimik na nakayuko lamang ang mga naroroon, takot na baka sila ang mapagbuntunan ng galit nito.
"Mga walang silbi! Lahat kayo mga inutil!" Nagpupuyos na sigaw ni Vincent. Nagbabaga ang mga mata nitong nakatitig sa kaniyang mga kampon. Hindi lamang siya dahil maging ang hari ng mga chiroptera ay halos manggigil sa galit.
"Napakalaki ng bilang na nabawas sa mga alagad ko Vincent at dahil iyon sa babaeng nagngangalang Elysia. Marapat lamang siguro na ibigay mo siya sa akin dahil ako ang magpapahirap sa kaniya." Mahinahon ngunit bakas sa boses nito ang panggigigil.
"Pagsisisihan niyang si Vladimir ang pinili niya. Humanda siya dahil sa oras na makuha ko siya, ipapalasap ko sa kaniya ang hirap na dadanasin niya sa impy*rno." marahas na wika ni Vincent, pagkuwa'y padabog siyang umupo sa kaniyang trono at masamang tinitigan ang hari ng mga chiroptera.
"Ano ang naiisip mong plano?" tanong ng hari ng mga chiroptera, napangisi naman si Vincent at bigla-biglang humalakhak.
"Bakit nga ba hindi ko naisip ang bagay na ito? Ipatawag ang lahat ng salamangkero. Hindi natin mapapasok ang Nordovia gamit ang sarili nating mga tao, bakit hindi natin gawing kampon ang mga naroroon na sa loob?" Humalakhak ng malakas si Vincent at nagkatinginan naman ang mga pinuno na kasama niya sa loob ng bulwagan ng kaniyang trono.
Isang masamang balak ang namuo sa kaniyang utak at walang kaalam-alam ang grupo ni Elysia rito.
Samantala, payapang naghahanda ang lahat, hindi batid ang masamang balak ng kanilang kalaban. SI Elysia naman ay tahimik na nagninilay sa loob ng kaniyiang silid kasama si Lira. Bagaman walang ginagawa, sinusubukan niyang pagtibayin ang kaniyang kaisipan upang maihanda ito sa darating na koronasyon. Ilang araw na lang at kokoronahan na siyang bilang reyna pero batid niyang bago maganap iyon, paniguradong manggugulo si Vincent at angmga kampon nito. Sa kung paanong paraan, hindi pa niya alam, pero gayunpaman, nakahanda na sila sa kung anong darating na unos sa kaharian.
"Prinsesa, may nararamdaman akong panganib na nagbabadya, hindi ko alam kung kailan pero siguradong bago ang koronasyon, lulusob ang kalaban." wika ni Lira nang magmulat ito ng mga mata.
"Nakita mo ba kung saan sila manggagaling?"
Umiling si Lira. "Hindi po prinsesa, malabo ang lugar at anino lamang ang aking nakikita. Manggagaling sila sa lahat ng direksyon, ang pinagtataka ko lang, matagal nang nakahanda ang hukbo ni Haring Vlad sa mga hangganan. Paano silang makakalusot. Ibig sabihin ba nito, malakas ang makakalaban natin at magagawa nilang talunin ang mga nagbabantay sa hangganan?"
"Impopsibleng matalo ang mga tauhan ni Vlad, paniguradong may gagawin si Vincent. Kailangang malaman ito ni Vlad, upang mabigyan niya ng babala ang mga tao sa hangganan," wika ni Elysia at bumaba sa higaan.
Dali-daling naglakad si Elysai palabas ng silid patungo sa bulwagan, kung saan naabutan niyang nag-uusap-usap si Vlad, Luvan at Loreen. Napatingin pa ang mga ito sa kaniya nang makapasok siya.
"Bakit Elysia?" agap na tanong ni Vlad. Tuloy-tuloy na lumapit si Elysia at tumayo siya sa harap ni Vladimir, bakas sa mukha ang pag-aalala.
"Isang pangitain ang nakita ni Lira, at may kinalaman ito sa mga tauhan at kawal mong nagbabantay sa hangganan ng Nordovia," panimula ni Elysia, siya rin namang paglitaw ni Lira mula sa balikt ng dalaga.
"Malabo ang nakikita ko, pero sigurado akong tagasunod ang mga iyon ni Vincent bukod sa nasa lupa, may nakikita rin akong nasa himpapawid at papasugod sila sa palasyo. Hindi ko alam kung ano ang eksaktong araw pero ang sigurado, bago ang koronasyon magaganap ang isang delubyong gawa ng ating mga kalaban." Saad ni Lira.
Nagkatinginan naman si Luvan at Loreen dahil sa narinig.
"Vlad, ito na nga ang sinasabi kong nararamdaman ng punong salamangkero. Kaparehas ng pangitain ni Lira. Siguradong may binabalak si Vincent at iyon qng dapat nating paghandaan," sang-ayon ni Loreen. Ngumiti naman ang ginang kay Elysia at marahang tinapik ang maliit na katawan ni Lira.
"Kung gano'n, hihintayin natin sila. Uncle, ilalatag natin ang plan b. Siguro naman matutuwa si Vincent sa ihahanda natin para sa kaniya." Nakangising wika ni Vladimir na tinanguan naman ni Luvan.
Nakahinga naman nang maluwag si Elysia dahil batid niyang may plano rin si Vlad. Magaan na ang loob niya nang lisanin ang bulwagan. Sa pagkakataong iyon, tahimik na silang bumalik sa silid para muling ipagaptuloy ang kaniyang pagninilay.
Kinabukasan, dahil wala na siyang gaanong gagawin kun'di ang hintayin ang koronasyon, minabuti naman niyang pulungin ang mga Yuri.
"Tuso talaga ang anak ng hari na si Vincent. Malayong-malayo sa ugali ni Haring Vladimir. Pero Elysia, sigurado ba siyang makakaya niyang linlangin ang kapatid niya. Sa pagkakaalam ko, malalakas ang mga salamangkero sa panig ni Vincent, bukod pa roon, bihasa sila sa itim na mahika na kayang linlangin kahit ang mga mata ng mga Diyos." Tanong ni Gwirem, hinihimas nito ang mahabang balbas habang tila nag-iisip ng malalim.
"Sa tingin ko po ay may plano rin si Vlad, pero Lolo, para makasiguro, nais ko sanang magpadala ng magmamatyag sa mga hangganan. Kahit sa malayo lang, ang mahalaga malaman natin ang galaw ng ating kalaban." Suhestiyon naman ni Elysia.
"Posible naman ang nais mo Elysia, hayaan mo at ipapadala ko ang mga bihasa nating mensahero. Bibigyan kita ng espesyal na komunikasyon sa kanila, upang direkta kang makahingi ng ulat at makapagbigay ng utos sa kanila." wika ni Gwirem.
"Maraming salamat po Lolo Gwirem, malaking tulong po sa amin ito." Napangiti si Elysia dahil sa naging desisyon ng matanda. Matapos makipag-usap rito, tinawag naman siya ni Olivia at dinala sa bahay nito.
"Mag-isa ka lang bang nakatira rito?" nagtatakang tanong ni Elysia.
Ngumiti naman si Olivia at tumango, umupo ito sa nag-iisang higaan sa nag-iisang silid sa bahay na iyon. Hindi ito kalakihan at kasyang-kasya lamang na tirahan ng isng tao.
"Hindi tulad ng iyong ina, hindi ko na binalak ang magkaroon ng pamilya. Naging kaibigan ko ang mama mo dahil sa pagiging manunugis niya, at ako naman bilang isang yuri na naging tagapagsanay niya. Sa katunayan, is ang iyong ina sa mga naging estudyante ko, hindi naman siguro lingid sa 'yo ang kaibahan ng daloy ng oras sa buhay naming mga yuri sa mga tulad niyong tao." Nakangiting wika ni Olivia. May kung ano itong hinatak mula sa ilalim ng kama at bumungad sa kaniya ang mahaba at malaking, lumang kahon.
Napakunot naman ang noo ni Elysia nang makita ang simbolo sa kahong iyon. Pamilyar ito at pakiramdam niya ay minsan na niya itong nakita. Ang nakakapagtaka lang, hindi niya maalala kung saan.
"Ang bagay na ito ay iniwan sa akin ng iyong ina bago maganap ang huling laban na siyang ikinamat*y nila ng iyong ama." Binuksan ni Olivia ang kahon at tumambad kay Elysia ang isang mahabang espada, hindi ito kalakihan ngunit kakaiba ang haba nito. Nang hugutin ito ni Olivia mula sa taguban nito, nasilayan niya ang purong itim nitong talim. Kakaiba ang pagkaitim nito dahil parang gawa ito sa makinang na batong kulay itim. Nang ibigay naman ito sa kaniya ni Olivia, naramdaman niya agad ang kakaibang bigat ng espadang iyon, salungat sa laki nito.
"Kay Mama ang espadang ito?" naluluhang tanong ni Elysia.
"Oo, isa iyan sa pinakaiingatan niya at ang bilin niya sa akin, sa oras na matagpuan mo na ang sarili mo, ibigay ko ito sa 'yo. Alam kong alam mo na ang tunay mong pagkatao, ang pagkatao mong ibinigay sa iyo ng iyong ama., Kaya alam kong oras na rin para mapasa iyo ang sandatang iyan." saad naman ni Olivia.
Muling ibinalik ni Elysia ang espada sa kaluban nito at marahan niyakap iyon.
"Masaya akong nakilala kita Elysia, ikaw ang katunayan na minsan kong naging kaibigan ang iyong ina. Nawa'y maging masaya ka sa buhay na pinili mo." mahigpit na yakap ang iginawad ni Olivia sa dalaga. Masayang tinugon naman ni Elysia ang yakap ng babae at nangako rito.
Hapon nang magdesisyong umuwi si Elysia. Dala na niya ang espadang pamana sa kaniya ng kaniyang Ina. Sa pagkakataong iyon, naroroon ang kasabikang magamit ito. Hindi man siya sigurado, alam niyang matututunan rin niya ang paggamit rito. At ayon pa kay Olivia, manunugis lamang ang may alam kung paanong ginagamit at kung ako ang tunay na kakayahan ng espadang iyon.
At ang unang pumasok sa isip niya ay si Luvan na siyang kasalukuyang pinuno ng mga manunugis.