Naging mahaba ang kanilang gabi, matapos ang laban at ang pagsusunog nila sa katawan ng mga chiroptera ay nanatiling gising si Elysia upang samahang magluksa ang mga tao.
"Mahal na prinsesa, nagluto kami ng sopas. Kumain muna kayo." Alok ng isang dalaga. Napangiti naman si Elysia at tinanggap ang mangkok ng sopas na ibinibigay nito.
Marahan niyang ininom iyon habang nakatingin lang sa kaniya ang dalaga nang may paghanga. Nang mapansin naman ito ni Elysia ay agad siyang napalingon rito at ngumiti.
"May problema ba?" Tanong niya.
Mabilis na umiling ang dalaga at ngumiti.
"Wala naman Mahal na Prinsesa. Namamangha lang pi ako sa katapangan niyo. Hindi lang kayo maganda, napakatapang at napakalakas niyo rin. Natalo niyo ang mga halimaw na iyon kanina." Tugon ng dalaga.
"Minsan din akong naging mahina, hindi ako malakas at hindi ako matapang. Kailangan ko lang gawin iyon dahil, responsiblidan ng kaharian ang pangalagaan kayo." Saad ni Elysia at marahang ipinatong sa lapag ang mangkok ng sopas.
"Ang talim ng espada ay hindi tatalim kung hindi mo hahasain. Katulad din ito ng kakayahan nating mga tao, o ng kahit ano pang nilalang. Hindi tayo lalakas at magiging magaling kung hindi tayo sasanayin." Dagdag pa ni Elysia.
Natahimik na ang dalaga at muli nang nagpahinga si Elysia sa kaniyang kinauupuang bangko. Hindi na niya namalayang nagawa na pala niyang makatulong nang nakaupo. Pagmulat ng mata niya ay naririnig niya ang mga usapan ng tao sa kaniyang paligid, tirik na rin ang araw sa kalupaan at agad niyang napasin ang nakabalot na kumot sa kaniyang katawan. Tumayo siya at bahagyang nag-inat bago dinampot ang kaniyang pana at isinukbit naman sa balikat ang sisidlan ng kaniyang palaso. Paglabas niya sa tolda at nakita na niyang naghuhukay ang mga kalalakihan sa 'di kalayuan.
"Magandang umaga, mahal na Prinsesa. Hindi ka na namin ginising dahil alam naming pagod kayo sa naging laban kagabi. Nagdesisyon ang mga tao na ilibing malapit rito ang kanilang mga yumaong kaanak, sila na raw ang bahalang maghukay kaya hindi na kami tumutol," ulat ng kawal at tumango naman si Elysia.
Tahimik lang ang buong lugar ngunit bakas pa rin sa lupa ang labanang naganap noong nagdaang gabi. Naroroon pa rin ang mga mantsa ng dugo ng mga chiroptera at mula sa kaniyang kinatatayuan, kitang-kita niya ang malaking butas na noo'y umuusok pa.
"Babalik sila, kaya maghanda kayo, patibayin niyo ang tolda, utusan ang ibang kalalakihan na manguha ng malalaking kawayan at iyon ang gagawin natingbakod laban sa kanila. Siguradong nagpupuyos sa galit ngayon ang hari ng mga chiroptera dahil marami ang nalagas sa kaniyang mga kampon," utos ni Elysia.
"Masusunod po Prinsesa," tugon naman ng kawal at patakbong nilapitan ang mga kasamahan upang ibahagi ang utos ng dalaga. Sunod na kinausap niya ang mga Yuri na siyang gagawa ng matibay na lubid na gagamiting pantali sa mga kawayan.
"Magandang ideya ang naiisip mo prinsesa, sasabihan ko ang iba para makakuha ng maraming baging sa kalapit na gubat." wika nito bgo umalis sa harapan ng dalaga. Bumuga naman ng hangin si Elysia at napatingala sa langit.
"Mahaba pa ang oras, marami pa kaming magagawa bilang paghahanda. Lira, naririnig mo ba ako, puntahan mo si Raion at sabihan mo siyang hatiin ang mga manunugis, ang kalahati ay tipunin na niya ng palihim sa palasyo, ang kalahati ay papuntahin sa Targus." Wika niya at lumabas naman si Lira mula sa kaniyang kuwentas.
"Sigurado ka na ba sa desisyon mo prinsesa?" tanong ni Lira.
"Oo, sigurado na ako. Magmadali ka na, para makabalik ka kaagad." sagot naman Elysia.
Tumango at bigla namang naglaho sa harap ni Elysia si Lira. Muli siyang bumuntong hininga at ipinilig ang ulo upang kalmahin ang sarili. Oo nga't kinakabahan siya, subalit walang maidudulot iyon kun'di panghihina kaya mariin niyang ipinagdamot sa sarili ang matakot.
Mabilis na naisagawa ng mga tao ang kaniyang iniuutos, nagbuklod ang mga ito at tulong-tulong na trinabaho ang lahat ng kailangang gawin. Matagumpay nilang naipalibot sa tolda ang mga kawayan bilang bakod at kakasapit lang ng hapon nang dumating ang grupo ng mga manunugis na pinangungunahan ni Tandamg Gwirem.
"Ano ang sitwasyon dito, Elysia?" Agap na tanong ng matanda. Tila nagkaroon naman ng liwanag sa mga mata ni Elysia nang makita ang matanda.
"Lolo, mabuti naman at sumama kayo rito. Hindi ko po alam kung ano ang magiging sitwasyon mamaya, pero sa kasalukuyan, nagpatayo ako ng bakod para sa mga tao sa loob ng tolda. Sa ikatlong araw pa ililibing ang mga nasawi, kaya hindi ko pa alam kung makukumbinsi ko na silang lisanin ang Targus. Maaaring sumalakay ulit ang mga kalaban mamaya dahil wala silang nakuhang pagkain kagabi." Anunsyo ni Elysia.
"Talagang nagigung seryoso na si Vincent, huminahon ka lang Elysia, ang Targus ang kanilang sinasalakay dahil mas marami ang mga tao rito na pangunahin nilang pagkain. At nakasisiguro rin ako na handa na ang iba pang mga bayan kung sakali. Nagpakalat na rin ang hari ng mga kawal niya sa buong Nordovia at nararamdaman kong pinakikilos na rin niya ang mga alagad niyang kagigising lang." Wika naman ni Tandang Gwirem.
Saglit na kumunot ang noo ni Elysia sa sinabi ng matanda, pero dahil si Vlad iyon, panatag ang loob niyang malaki ang maitutulong nito sa problema nila.
"Lolo Gwirem, sinubukan ko sa mga palaso ang sinasabi niyong pagsasanay pero hindi ako nagtagumpay. Napakahirap at hindi ko makontrol ang apoy." Saad ni Elysia at napatingin naman sa mga mata niya ang matanda.
Pakiramdam ni Elysia ay tila tumagos nagnmga titig nito sa kaniyang kaluluwa. Nahigit niya ang hininga at napawi lamang iyon nang ngumiti si Tandang Gwirem sa kaniya.
"Nasubukan mo bang gamitin sa mga palasong pag-aari mo? Minsan nasa materyales rin kung nais mong magtagumpay. Kung tama ang pagkakaintindi ko, ordinaryong palaso lamang ang ginamit mo sa pagsasanay."
"Tama po kayo, natatakot po kasi akong gamitin ang mga palaso ko dahil hindi na sila maibabalik kapag natupok ng apoy." Sagot ng dalaga at natawa naman ang matanda.
"Gawa sa kahoy ang mga ordinaryong palaso, ano ang aasahan mo kapag dumaan ang apoy roon?" Humahalakhak na tanong ni Tandang Gwirem.
Napakamot naman sa ulo si Elysia at nakita niyang dinampot ng matanda ang isa sa mga palaso niya.
"Ang mga palasong hawak mo, bagaman gawa rin sa pinaghalong metal at kahoy, hindi ito ordinaryo. At batid kong, hindi rin nauubos ang laman ng sisidlang ito. Minsan ko na rin itong nakita at ang unang taong nakita kong gumamit nito ay ang iyong ama. Kaya alam kong hindi ito kayang tupukin ng apoy, maliban syempre sa apoy na tangan ng lumikha rito." Paliwanag ng matanda.
"Minsan masyado tayong nabubulag ng ating takot at dahil doon ay hindi natin sinusubukan at nananatili tayong hindi nagtatagumpay. Takot tayong sumubok kaya hindi natin malalaman ang resulta, isa 'yan sa kahinaan ng tao. Bakit hindi mo subukan," pag-uudyok ng matanda sa dalaga.
Napatingin naman si Elysia sa palasong hawak ni Tandang Gwirem. Marahan niya itong kinuha sa matanda at pinakatitigan iyon. Itinuon niya ang buong atensiyon doon, maya-maya pa ay naramdaman niya ang pagdaloy ng pamilyar na init sa kaniyang mga kamay patungo sa hawak na palaso.
Ilang sandali pa ay nagliyab ang apoy sa palaso at tila unti-unti itong kinain hanggang sa mabalot ng apoy ang kabuuan nito. Subalit, sa pagkamangha ni Elysia, hindi ito naging abo o kahit magkaroon man lang ng bakas ng pagkasunog. Sa halip, at tila sumasayaw lang ito sa palibot ng palaso.
"Nakita mo na, walang mawawala kung susubukan mo, mabigo ka man sa una, ang mahalaga ay sinubukan mo at napatunayan mo kung tama ba o mali ang desisyon mo. Huwag mong pairalin ang takot sa paggawa ng desisyon dahil iyan ang unang magiging sanhi ng iyong pagbagsak. Hangga't hindi ang buhay mo ang kapalit ay subok lang ng subok." Nakangiting wika ng matanda at napangiti na rin si Elysia.
Dahil sa bagong natuklasan ay nabuhayan siya ng loob na makakaya na nila ang laban mamayang gabi. Sigurado siyang magpapadala si Vincent ng mas marami at mas malalakas na kampon niya.
Sumapit nang muli ang dapit-hapon at muli nang nagtipon-tipon ang mga kawal ni Elysia sa palibot ng tolda. Dahil naroroon na ang lahat ng mga tao, ay iyon ang naging sentro ng kanilang grupo. Nang mga pagkakataong iyon ay kasama na nila ang mga manunugis na nasa unahang hanay, si Elysia naman ay kabilang sa mga Archers na nasa taas ng ginawa nilang bakod, habang nasa likod naman ang mga kawal bilang proteksyon ng tolda.
May mga sulo rin na nakalagay sa taas kung saan nagliliyab na ang mga apoy. Tulad kahapon ay pangunahing depensa at opensa nila ang apoy.
"Maghanda ang lahat, lahat ng makakaalpas sa aming hanay, ang pangalawang hanay ang aatake sa kanila. Ang nasa likuran ang magiging panghuling depensa natin, ang mga nasa itaas ang siyang aatake sa mga Chiroptera na nasa ere. Ang mga nasa baba naman ang tatapos sa mga hindi namin mapupuruhan. Wala tayong ititirang buhay sa kanila, lahat sila ay tatapusin na natin sa lugar na ito. Teritoryo natin ang Targus at wala silang karapatang maghasik ng lagim dito." Sigaw ni Elysia. Umalingawngaw ang kaniyang boses sa paligid at maging ang mga nasa loob ay naantig rin aa sinabi ng prinsesa.