Chapter 73 - Chapter 73

Dahil sa napansing iyon ni Elysia ay mas minabuti niyang umatras. Inutusan rin niya ang dalawa niyang kasama na umatras ay hayaang kumalma ang kanilang kaharap.

"Kailangan ninyo ng tulong at maibibigay namin 'yon sa inyo. Huminahon ka lang at sabihin sa amin kung ano ba ang nangyari sa inyo," mahinahong saad ni Elysia, subalit tila bingi sa kahit anong paliwanag ang lalaki. Akmang susugod pa ito nang pigilan siya ng batang tinawag ni Zyrran.

"Ravi, tigil," sigaw ng bata at bigla namang tumigil ang lalaki at napaluhod sa lupa. Nakayuko ang ulo nito habang ang sibat naman nito ay nakalapag na sa lupa. Lumapit ang bata at tila inaaral din sila nito.

"Ako si Zyrran, ika-siyam na anak ng Hari ng Ravaryn, nahiwalay kami sa aming grupo habang naglalakbay patungo sa palasyo, isang grupo ng mga nilalang ang umatake sa amin, dahilan upang magkaroon ng laban sa pagitan namin. Gumuho ang niyebe sa bundok kaya hindi na namin nakita kung ano ang nangyari sa aming mga kasama. Nahulog kami ni Ravi rito, nawalan ako ng malay at si Ravi ang nagkubli sa akin para hindi mahanap ng mga nakalaban namin," matatas na wika ng bata. Bagaman may kinang ang kulay ambar nitong mata, napansin ni Elysia ang pag-aalala at pangamba rito.

"Inatake? Saang banda kayo inatake?" tanong ni Elysia at napatingin sa dalawa niyang kasama.

"Papasok pa lamang kami, inatake na kami, at dahil hindi gulo ang pinunta namin dito, minabuti ni ama na iwasan ang mga ito. Doon sa taas ng bangin kami nagpang-abot, kailangan naming makarating sa palasyo para makahingi ng tulong , hindi ko alam kung nakapagtago ba ang mga kasama namin o nahuli sila ng mga kalaban," sabi pa ni Zyrran.

Napabuga naman ng hangin si Elysia at sinenyasan sina Kael at Yraz para ihanda ang mga kabayo nila.

"Sige, sumama na lamang kayo sa amin sa pagbabalik namin sa palasyo," wika ni Elysia at binalingan naman niya ng tingin ang nakaluhod na Demi-beast.

"Ravi, tumayo ka na, tutulungan nila tayo kaya huwag ka nang magalit pa. Hindi sila tulad ng mga umatake sa atin, ramdam ko na mabuti silang tao." Tinapik ng bata ang balikat ng binata at doon lamang ito kumilos para tumayo.

Sa kaniyang pagtayo, ay nilapit naman ni Elysia ang kaniyang kabayo rito.

"Ravi ang pangalan mo 'di ba? Gamitin mo muna itong kabayo ko, alam kung hindi ka papayag na mahiwalay sa binabantayan mo, Kael, maghanda na kayo sa pagbabalik natin sa palasyo." awtoritadong utos ni Elysia at sumampa na siya sa kabayo ni Kael. 

"Sa-salamat." mahinang wika pa ni Ravi at napangiti naman si Elysia nang makita niyang tulungan nito ang bata para makasakay sa kabayo bago ito sumampa. 

"Sumunod lang kayo sa amin, Yraz, sa bandang likod ka at kami ni Kael ang sa unahan, maging alerto tayo dahil hindi natin sigurado kung sino-sino ang nakamasid sa atin," wika ni Elysia na sinang-ayunan naman ng dalawang binata. Pinatakbo na nila ang kani-kanilang kabayo, tulad nang sinabi ni Elysia, nasa likod si Yraz at nasa isang kamay na niya ang kaniyang espada habang alerto sa kaniyang paligid. Dahil si Kael ang may hawak sa kabayo, malayang nahawakan naman ni Elysia ang kaniyang pana.

Naging maayos naman ang kanilang paglalakbay pabalik sa palasyo. Halos hapon na rin nang marating nila ang palasyo at agad na sinamahan ni Elysia ang dalawa patungo sa bulwagan ng hari.

Hindi naman makapaniwala si Ravi nang makaharap na nito ang Hari ng Nordovia. Ang babaeng kanina ay pinagbantaan niya ay isa pa lang prinsesa. Buong pagsisisi siyang lumuhod sa harap ni Elysia upang humingi na paumanhin dito. Maagap naman itong pinigilan ng dalaga dahil naiintindihan niya ito.

"Walang mali sa ginawa mo, prayoridad mo ang kaligtasan ni Zyrran ay kung ako ang nasa kalagayan niya ay paniguradong iyon din ang gagawin ng mga tagabantay ko." Nakangiting wika ni Elysia.

Agad naman niyang binalingan ang batang Demi-beast at umupo sa harap nito upang magpantay ang kanilang tangkad.

"Ligtas na kayo rito, at kasalukuyan na ring pinapahanap ang mga kasama mo sa paligid ng Nordovia." Mahinahong bulong ni Elysia at tumango naman ang bata.

"Salamat, hindi naman ako masyadong nag-aalala, malakas ang kutob kong nakaligtas sila at nagtatago lamang. At kung nagkataon man na nahuli sila, nasisiguro kong mananatili silang buhay." Sagot naman ni Zyrran at napangiti si Elysia. Bagaman may kaunting pag-aalala sa mga mata nito, naroroon din ang malaki nitong tiwala at paniniwala.

"Napakatapang mo naman Zyrran, natutuwa ako. Nagugutom ka na ba? Ano ang nais mong kainin? Magpapahanda tayo sa kusina." Alok ng dalaga at kumislap ang mata ni Zyrran.

Agad itong humingi ng inihaw na karne at sumang-ayon naman si Elysia. Nagpaalam muna siya kay Vladimir upang dalhin si Zyrran sa kusina, habang nanatili naman sa bulwagan si Ravi.

Sa kusina naman ay aliw na aliw si Zyrran habang pinapanood ang mga tao na naghahanda ng kaniyang pagkain.

Panay ang sunod nito sa mga gumagawa sa loob ng kusina. Bahagya namang natawa si Elysia dahil napakainosente ng reaksiyon nito.

"Zyrran, ngayon ka lang ba nakapasok sa kusina?" Tanong ni Elysia.

"Oo, ngayon lang, doon sa amin, wala kaming oras na pumunta sa kusina dahil abala kami sa aming aralin at pagsasanay. Lahat kami." Sagot ng bata at ngumiti naman si Elysia.

"Gano'n ba, nagustuhan mo ba rito?" Tanong ni Elysia at sunod-sunod na tango namana ng tugon ng bata. Ang maamo nitong mata ay kumislap at lalo itong nakadagdag sa pagkagusto ng dalaga sa bata. Para kasi itong isang maamong pusa na punong-puno ng pagkamangha.

Matapos maihanda ang pagkain ni Zyrran at Ravi ay tumulong naman ito sa pagdadala ng pagkain sa hapag. Bitbit ni Zyrran ang isang malaking pinggan na may lamang inihaw na karne habang si Elysia naman ang nagdala ng mga patatas na pinahanda pa niya kay Loreen.

Pagdating sa hapag ay agad namang dinurog ni Elysia ang patatas sa isang malaking mangkok, nakamasid lang sa kaniya si Zyrran at tila nagtataka sa ginagawa niya.

"Gan'yan ba ang pagkain ng mga tao?" Tanong nito. Bahagya pa nitong inaamoy ang dinudurog na papatas ni Elysia.

"Patatas ang tawag dito at oo, pagkain nga namin ito. Bakit, gusto mo bang tikman?" Tanong ni Elysia at napatingala naman sa kaniya ang bata. Natawa naman siya at kumuha ng isang kutsara, saka ito sinandok sa patatas at isinubo sa demi-beast.

Nanlaki ang mga mata nito at nangislap ang mga mata.

"Ang sarap naman. Ganiyan pala ang lasa ng patatas? Hindi ko alam na masarap pala."

"Oo at mas masarap 'yan kasama ng inihaw na karne at masustansiya rin. Halika na, tawagin na natin si Ravi. Makakasama rin pala natin sa pagkain ang mga anak namin. " Masayang wika ni Elysia. Oras na kasi ng hapunan nang mga oras na iyon at siguradong tapos nang maglinis ng katawan nag mga bata. Tumango lang naman si Zyrran at sumunod na sa dalaga.

Naging kakatuwa ang reaksiyon ng mga bata nang makita nila si Zyrran at Ravi sa hapag-kainan. Bukod sa pagkamangha, nababanaagd rin ni Elysia mag takot sa mga mata nito.

"Mga bata, ito si Zyrran at Ravi, galing sila sa maharlikang angkan ng mga Ravaryn, o mga demi-beast. Panauhin sila ng Papa Vlad niyo kaya maging mabuti kayo sa kanila, ayos ba 'yon?" Tanong ni Elysia.

"Mama Ely, hindi ba sila nangangagat?" Inosenteng tanong ni Miguel.

"Hindi kami nangangagat ng kaibigan." Sagot ni Zyrran.

"Pero nangangagat pa rin kayo?" Muling tanong nito Na ikinatawa na lamang ni Elysia. Hinaplos niya ang ulo ni Miguel at sinabihan na itong kumain at mamaya na sila makipaglaro kay Zyrran.

Matapos ng hapunan ay saglit pang nakipag-usap si Zyrran sa mga bata, sumama ito sa kanilnag silid at doon nakipaglaro sa mga ito.

Samantala, naging seryoso naman ang naging usapan sa pagitan ni Elysia, Ravi at Vlad sa bulwagan ng trono.

Tinalakay nila ang nangyaring pagsalakay sa kanila habang naglalakbay patungo sa Nordovia. Ayon kay Ravi, mga halimaw na may wangis ng paniki ang umatake sa kanila. Nakakpaaglakad ito sa lupa at nakakalupad rin ng mabilis sa ere. Ang ulo nito ay sa paniki, may matatalas itong ngipin na kahalintulad ng sa mga bampira, namumula rin ang mga mata nito at may payat na pangangatawan. Ngunit sa kabila nito, ay malalakas din ito. Kaya nilang wasakin ang karwahe gamit lamang ang matatalas nilang mga kuko. Baluktot rin nag mga binti nito pasimula sa bandang tuhod. Malalaki naman ang mga paa nito na kawangis ng sa mga ibong mandaragit.

"Mga Chiroptera, mukhang nagtagumpay si Vincent na gisingin ang natutulog nilang angkan." Saad ni Vladimir at nanlaki ang mga mata ni Ravi

"Iyan ang mismong katagang narinig ko kay Haring Leodas nang sapilitan niya kaming ipagtabuyan noong nagkakagulo na. Gumuho ang niyebe sa itaas na siyang naghiwalay sa amin. Napasama kami ni Zyrran sa pagguho at hindi na namin nakita ang mga sumunod na nangyari," dagdag na salaysay ni Ravi.

"Vlad, ano ang mga Chiroptera?" Naguguluhang tanong naman ni Elysia. Bago sa pandinig niya ang mga nilalang na iyon.

"Ang mga Chiroptera ay mga mabababang uri ng bampira. Bagaman nasa ibaba sila ng mga bampira, malalakas at mabibilis ang mga uri nila. D*go rin ang pangunahing pagkain nila at higit silang mas hayok kumpara mo sa mga bampira. Gabi lamang kung umatake ang mga ito at para rin silang mga lobo, hindi umaatake nang nag-iisa." Sagot naman ni Vladimir at napatulala naman si Elysia.