Chereads / Lost Soul (Puerto de Cavite Series #1) / Chapter 6 - Ikalimang Kabanata

Chapter 6 - Ikalimang Kabanata

Sala-salabat ang mga taong nagsisidaan ngayong umaga, abala sa kani-kanilang ginagawa. Kakaalis lang namin ni Nanay Conchita sa ospital at pareho naming dala-dala ang tampiping ibinigay na ng binibining monghang nagngangalang Rosanna sa akin. Lumiko kami ni Nanay Conchita sa isang eskinita at ilang lakad lang ang aming nagawa ay nakalabas na rin kami doon.Hindi ko inaasahan ang tumambad sa 'kin. Mula sa gilid ay kitang kita ng dalawang mata ko ang San Pedro Apostol Church na dati'y nakikita ko lang sa mga pictures na nakalap ko sa pasi-search. Bukas ang pintuan ng simbahan sa ngayon. Sa tapat naman nito ay malawak na espasyo na sigurado kong plaza ng bayan. May mga damuhan at iilang kapunuan ang nagkalat sa mga gilid nang naturang plaza. Sa pinakagitna ay may simbolong krus na malaki ang sukat.Nilakad namin ang gitna ng plaza, na halos walang katao-tao sa ngayon, patawid sa kabilang gilid."Sa tuwing sumasapit ang dapit-hapon, punong-puno ang plaza mayor ng mga tao, karamiha'y mga binata at dalagang kasapi sa alta sociedad ng bayan," biglaang turan ni Nanay Conchita. Nakuha naman niya ang atensyon ko."Ano po bang meron kapag dapit-hapon na po?" Hindi ko naiwasang magtanong dahil sa kuryosidad.Taka niya akong tiningnan. Bumalik ang tingin niya nang mapansin kong may napagtanto si Nanay Conchita."Nawalan ka nga pala ng alaala," aniya. "Ang mga katulad niyong principalia ay nakikihalubilo sa kapwa niyo principalia sa mga ganoong oras. Nagpapagandahan sa mga kasuotan at alahas. May iba pa ngang nagliligawan na kabataan, mga mapupusok!" Halatang naaasiwa si Nanay Conchita sa ideya ng sinabi niya, lalo na sa pinakahuli nitong sinambit."Maipapayo ko lamang sa 'yo ay huwag ka munang makikihalubilo lalo na't hindi mo pa tukoy ang iyong pagkakakilanlan. Mahirap nang sa 'yo mapukol ang kanilang atensyon dahil sa ngayon ay pinili mong manilbihan sa alcalde mayor," sinserong sambit pa nito.Tumigil kami sa bukana ng isang eskinita. Nakuha ng atensyon ko ang bahay na may dalawang palapag at kahabaan na napapalibutan ng mga lalaking siguro'y bantay. Nakasuot sila ng pang-militar na uniporme. May suot-suot sila sa ulo na pabilog ang hugis at may patusok sa gitna, ang headdress na sigurado kong sumisimbolo sa mga guardia civil. Gumapang ang elektrisidad nang pagkakaba sa buo kong katawan.Sino ba namang hindi matatakot? Noong binasa ko ang sikat na sikat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay nakakatakot talaga sila. Isa sila sa mga dapat kong iwasan.Tumungo sa pinakagitnang pinto si Nanay Conchita na bantay-sarado ng mga guwardiya."Nandiyan ba sa loob ang alcalde?" Tanong ni Nanay Conchita sa isang guwardiya."Opo, Nay Conching. Kasalukuyan po siyang nakikipag-usap sa negosyanteng kaniyang bisita," sagot ng guwardiya. Napatingin siya sa 'kin na ikinagulat ko, nag-iwas na lang ako ng tingin para pahupain ang takot sa loob ko."Sino nga pala po itong kasama niyo?" Pinanliitan ako ng mata ng guwardiya sa kaniyang pagtatanong, akala mong isang kriminal ang nasa harap niya ngayon.Mahinang tumawa si Nanay Conchita para pahupain ang tensyon. Hinawakan niya rin ang kamay ko at nakalma ako sa haplos niya."Huwag mong bigyan ng ganiyang tingin ang binibini. Nawa'y alam mo ang salitang paggalang," tahasang sabi ni Nanay Conchita na para bang hindi natatakot sa kaharap niya. Napakamot naman sa batok ang may kabataang guwardiya. "Siya ang papalit kay Ising sa paninilbihan sa Casa Real. Huwag kang mag-alala at siya'y ihaharap ko sa alcalde. Sa ngayon ay sa likod ko muna siya idadaan. Kaya't kung iyong mamarapatin ay lilisan muna kami," panghuling sagot ni Nanay Conchita at iginaya ako sa entrada ng Casa Real. Sa entrada, may iba't ibang pinto. Tinuro ni Nay Conching kung nasaan ang bodega, imbakan ng mga pagkain, pati na rin ang sarili naming kusina. May mga bench pa na maaaring pahingahan ng mga manggagawa. Ang kwadra naman ay sa labas maa-access. Samantala, may pinto papuntang likod bahay para sa mga gawaing paglalaba at paghuhugas ng pinggan. Doon matatagpuan ang imbakan ng mga tubig at maaari ring magsampay doon. Sa kabuuan, ang unang palapag ay maaliwalas tingnan. "Nay Conching!" Gulat na anas ng babae mula sa engrandeng hagdan. Kinuha niya ang kamay ni Nanay Conchita at nagmano. "Naulinagan kong may bisita si Don Sergio. Sino ang kaniyang panauhin?" Tanong ni Nanay Conchita."Si Don Franco Peña po, ang may-ari ng bahay-panuluyan sa Calle Soledad. Aligaga po kami sa pwedeng ihanda kaya't nagpapasalamat akong nandito na kayo," sagot nito. Napailing na lang si Nanay Conchita."O siya, ito nga pala si Monica. Siya ang bago nating makakasama," pakilala sa 'kin ni Nanay Conchita. "Ihatid mo muna siya sa kwarto upang maisaayos niya ang kaniyang mga gamit," dagdag pa niya at saka inabot sa babae ang tampiping hawak niya."Hija, sumama ka muna sa kaniya. Mamaya ay ipatatawag kita para iharap kay Don Sergio pagkaalis ng ating bisita. Sa ngayon ay aasikasuhin ko lamang sila," baling niya sa 'kin.Iginaya ako ng babaeng kausap ni Nanay Conchita sa pinto kung saan matatagpuan ang kusinang 'yon. May lutuan, lamesa't upuan, at lalagyan ng ilang gamit. Dalawang pinto ang makikita sa kusina, isang para sa banyo at isang para sa kwarto. May dalawang papag sa kwartong ito at maayos na nakasalansan ang mga unan at banig doon. Agaw pansin rin ang isang lampara na nasa isang lamesa rito. May kahong gawa sa kahoy ang pwedeng lagyan ng mga damit namin Samantala, ang liwanag naman ay tumatagos mula sa isang bintana sa kwartong 'to. Sa kabuuan ay malinis ang buong kwarto kahit simple ito.Inilapag na ng babae ang tampipi sa papag kaya gano'n rin ang ginawa ko."Ito ang magiging silid niyo ni Nay Conching," panimula ng babae. "At siya nga pala, ako si Barbara. Ikinagagalak kong makilala ka," masaya niyang tugon."Erem—" hindi ko natuloy ang sinasabi nang mapagtantong hindi ang orihinal kong pangalan ang dapat kong ilahad."M-monica," alangan ko pang pagpapakilala saka inilahad ang kamay ko. Wirdo niyang tiningnan iyon, nagtataka kung para saan 'yon. Sa halip na ituloy ang pakikipag-shake hands, napakamot na lang ako sa batok."Maiwan muna kita riyan. Baka mamaya ay kailanganin ako sa taas," paalam nito at umalis na sa kwarto.Kakapalan man ng mukha kung ituturing, pinili kong humiga na muna sa papag. Ramdam ko ang katigasan at lamig noon, gano'n pa man ay wala akong pakielam dahil wala naman akong magawa. Kung nasa bahay ako ngayon, sa panahon ko, siguradong nagsi-cellphone lang ako, nagsi-soundtrip, nagbabasa, o natutulog sa malambot na kama.Napabuntong-hininga na lang ako. Napapaisip kung kumusta na ba sila Mama, James, at Nanay Fely. Ano kaya ang reaksyon nila nang malamang naaksidente ako? Na nawala ako sa kanila? Hindi ko alam kung dito na ba ako tatanda at mamamatay. Sana ay makita ko pa sila. Sana ay makabalik ako roon kung pwede pa akong makabalik kahit pa imposible.Sana ay gabayan mo rin po ako, Papa. Dahil wala pong ibang nananaig sa 'kin kundi takot."BINIBINI, gumising na po kayo riyan," tinig ng isang babae ang umistorbo sa 'kin. Pagkamulat ko ay namataan ko ang isang babae na hindi pamilyar sa 'kin.Bumangon ako at hindi tinanggal ang tingin sa kaniya. Nakuha ko pang ayusin ang pagkaka-pusod ng buhok ko."Ipinag-uutos ng Alcalde na kayo'y humarap sa kaniya upang magpakilala," sa sinabi niyang 'yon ay bigla akong natauhan at nagsuot ng tsinelas.Naalala ko nga palang maninilbihan ako at hindi ako isang bisita."P-pasensya na," panimula ko. "Hindi ko alam na nakaidlip ako," pagdadahilan ko pa. Totoo naman ang sinabi ko. Hindi ko naman talaga namalayang nakatulog ako dahil sa pag-iisip ng kung ano-ano.Inayos ko ang nagusot kong damit, pati na rin ang mukha ko kung may muta ba."Siya nga pala, ako si Alana, isa rin sa mga makakasama mo sa paninilbihan," mahinhing tugon niya.Muli ko siyang tinitigan upang matandaan kung sino siya. Maamo ang kaniyang mukha na tumutugma sa kaniyang boses. Bagaman isang morena ay masasabi kong maganda siya. Mula sa maliit niyang mukha, maliit na ilong, bilugang mata at manipis na labi. At naalala kong isa siya sa mga nandoon kanina sa kusina pagkadating namin ni Nanay Conchita dito. Ilang pulgada lang ang tangkad ko sa kaniya pero kagaya ng suspetya ko kanina, hindi ako pwedeng magkamali na nasa 30's na siya.Ang babaeng naghatid sa 'kin dito kanina ay Barbara. At itong sumusundo sa 'kin ngayon ay Alana."Nice to—" hindi ko na naman natuloy ang pagsasalita dahil sa pagi-English. "Ang ibig kong sabihin, ikinagagalak kong makilala ka," sabi ko na lang. Natigilan pa ako sa pwedeng sabihin bago muli akong nagsalita."Monica naman ang ngalan ko," maingat kong pagpapakilala."Marahil ngayon ay kinakabahan ka ngunit h'wag kang mag-alala't mabait naman ang alcalde," nakangiti niyang sambit.Lumabas ako sa quarters namin at iginaya ako ni Ate Alana sa engrandeng hagdan ng Casa Real. Nang makaakyat,, tinuro ni Ate Alana ang mga bagay-bagay sa Casa Real. Ang entrada sa ikalawang palapag ay ang antesala. May mga upuan na mahahaba o 'di kaya'y pang-isahan, mga coffee tables, mamahaling mga muwebles, paintings, at piano. Sa pinto na makikita pagkaakyat ay ang salas. Kasalukuyan itong nakabukas at makikita ang parehong furnitures ng antesala na mga upuan at coffee table. Sa kaliwa pagkaakyat ng Casa Real ay ang opisina ng alcalde. Kumanan kami at namataang may apat pang pinto na sinabi ni Ate Alana na mga kwarto at isa roon ay silid-dasalan. Sa malayo ay may dalawang pinto. Isa sa hapagkainan at isa sa asotea. Pumasok kami sa kuwarto ng hapag."Narito na po siya, Don Sergio," ani Ate Alana.Pagkapasok at makikita ang lawak ng hapagkainan. May mga muwebles pa rin sa paligid. Sa isang gawi ay may pinto pa. Siguro iyon ang kusina para sa itaas.Nagawi ang tingin ko sa mahabang lamesa. Naroroon sa isa sa kabisera ang isang lalaking may katandaan na rin. Siguro ay wala na ang kaniyang bisita. Pormal na pormal ang kasuotan nito. Simula sa paggalaw niya ng pilak na kubyertos hanggang sa tindig niya habang nakaupo ay mahahalatang may mataas itong posisyon. Malamang ay mula 50's ang kaniyang edad dahil iyon sa marka sa kaniyang noo, gano'n na rin ang kaniyang bigote. Gayunpaman, matikas pa rin ang pangangatawan nito. Mestisong Kastila siya at hindi ako pwedeng magkamali tungkol sa bagay na 'yon.Nasa gilid niya ngayon si Nanay Conchita, gano'n na rin si Barbara. Kata-katabi ko naman si Alana."Don Sergio, nariyan na pala siya," ani Nanay Conchita. Sinenyasan niya ako para magsalita."M-magandang araw po, D-don Sergio," utal-utal na panimula ko. Sa palagay ko ay parang may bumara sa lalamunan ko kaya pinili kong lunukin ang sariling laway.Nag-angat siya ng tingin sa akin kaya mas dumoble pa ang kaba ko."Ako po pala si—" bigla akong natigilan sa gitna ng pagsasalita lalo na nang masalubong ko ang tingin ng Alcalde. Napaisip ako sa dapat sabihin.Samantala, kita ko mula sa aking kinatatayuan na nine-nerbyos si Nanay Conchita kaya muli akong huminga ng malalim."A-ako po si Monica. M-Monica del Rosario po. Labinwalong taong gulang na," kabado kong dugtong.Diretsong-diretso ang pagtayo ko para suportahan ang aking tindig. Hindi ko na talaga kayang magsinungaling.Ang sabihing may amnesia ako sa mongha ay kasinungalingan na. Paano pa kaya 'tong pagsasabi ng hindi ko naman talaga identity hindi lang sa mga ka-trabaho ko pero pati na sa Alcalde Mayor ng probinsya ng Cavite? Pero wala naman akong magagawa. Dapat ko 'tong panindigan.Malamlam akong tinitigan ng Alcalde, siguro ay sinusuri kung totoo ba ang mga pinagsasasabi ko. Ibinaba niya ang hawak-hawak na kubyertos sa kaniyang plato at napahalukipkip. Mas nakakakaba ang mga galawan niya ngayon dahil para siyang research teacher na handa akong gisain sa research defense."Ang turan ni Nay Conching na ika'y kaniyang malayong kamag-anak sa Morong. Ano ang iyong dahilan kung bakit ka naparito?" usisa pa ng Alcalde. Napahinga ako ng malalim at muling napatingin kay Nanay Conchita. Binigyan niya lang ako ng ngiti.Muling bumalik ang tingin ko kay Don Sergio."S-sa totoo lang po, u-ulila na po ako," tugon ko at yumuko para masuportahan ang sinabi ko. Pampadagdag sa pag-arte. Pero ang isa pang dahilan, napayuko ako dahil hindi ko kayang salubungin ang mata ng alcalde habang nagsisinungaling. "Naparito po ako upang m-makipagsapalaran. Kaya naman po ay hinanap ko si Nanay Conchita," dagdag ko pa.Narinig kong napatikhim si Don Sergio kaya't napatingin ako sa kaniya."Lo Siento (I'm sorry)," nadama ko ang lungkot sa boses niya kahit hindi ko naman naintindihan ang sinabi niya. Tumayo na si Don Sergio sa kaniyang kinauupuan, agad siyang bumaling."Ako'y magpapahinga muna sa itaas. Kung sakaling may bisita, ituloy niyo po siya sa aking opisina at agad rin po ninyo akong tawagin," habilin nito."At saka mag-tanghalian na rin kayo at paki-hatiran din ang mga guardia civil sa labas. Buenas tardes (Good Afternoon)," dagdag pa ng alcalde. Pinanood ko siyang tinungo ang hagdan paakyat hanggang sa mawala siya sa aking paningin."Halika na't ligpitin ang pinagkainan ni Don Sergio at hatiran ng pagkain ang mga guardia civil, saka tayo kakain ng tanghalian sa kusina," biglaang sambit ni Nanay Conchita para pahupain ang katahimikang idinulot ng inakto ni Don Sergio.