Chereads / Lost Soul (Puerto de Cavite Series #1) / Chapter 8 - Ika-pitong Kabanata

Chapter 8 - Ika-pitong Kabanata

"Monica, magmadali ka sa paghuhugas ng pinggan at may ipagbibigay-alam si Don Sergio sa atin," rinig kong tugon ni Barbara sa 'kin mula sa pintuan sa likod-bahay. Bakas sa kaniyang tono ang pagmamadali.Bigla akong nataranta sa inanunsyo niya. Sunud-sunod ko nang hinango ang mga hugasin na nasabon ko na sa dalawang batya sa isa pang tuyong batya. Sinigurado kong ayos ang kanilang pagkakasalansan para naman walang mga gamit na mababasag.Nang mabanlawan ko na ang lahat ng mga pinggan ay itinapon ko na rin ang tubig saka hinugasan ang dalawang batya. Siniguro ko ring naisaayos ko na ang lahat bago ko dinala sa loob ang mga hinugasan ko.Salamat at natapos rin ako! Kahit pa sa paghuhugas ng mga pinggan ay nakakapanibago. Wala kasing gripong tuloy-tuloy sa pagbaba ng tubig, nakaupo rin kung maghuhugas kaya hirap na hirap ako. Sabagay, kapag naman walang tulo, nararanasan ko namang magtipid ng tubig sa ganitong pamamaraan.Nang matauhan ako sa kakaisip ay umakyat na ako . Wala rin namang magbabago sa buhay ko ngayon."Naghihintay sa salas ang Alcalde. Mamaya mo na lamang iyan punasan at itaob," bungad sa 'kin ni Barbara pagkapasok na pagkapasok ko. Nagmadali ako pumuntang kusina para ilagay ang mga hugasin.Tumango na lang ako sa suhestyon niya kaya nagmadali na kami sa pagpunta sa salas. Nakakahiya naman kung amo pa mismo ang naghihintay sa presensya ko. Maingat ako sa paglalakad sa kahoy na sahig ng sala, siniguradong hindi makakalikha ng ingay. Dumiretso kami ni Barbara sa isang sala set na naririto. Magkatapat ang dalawang mahahabang upuang kahoy. May isang upuan rin na nagsisilbing kabisera kung saan kasalukuyang nakaupo ang Alcalde habang nagtsa-tsaa. May isang coffee table rin sa gitna. Lahat ng iyon ay nagkikintaban. Humilera na kami sa linya ni Alana at ni Nanay Conchita."Naririto na po si Monica, Señor," sambit ni Nanay Conchita. Napayuko naman ako sa hiya."Sor-Pasensya na po kung nahuli ako," sambit ko. Hindi ko kayang salubungin ang tingin ni Don Sergio kaya naman sa sahig na lang ako tumitig.Narinig ko ang tunog na inilikha ng pagbaba ni Don Sergio ng kanyang tasang may lamang tsaa sa platitong nasa coffee table."Batid kong ginagawa mo ang iyong trabaho kung kaya't huwag kang humingi ng paumanhin," bagaman naroroon ang awtoridad na boses ni Don Sergio ay sinsero naman ang kaniyang tono. Nakuha ko ng iangat ang tingin kaya nakita kong bahagyang nakangiti ang Alcalde."Bago ko ilahad sa inyo ang aking sasabihin ay nais ko sanang maupo muna kayo sa aking tabi," turo niya sa dalawang mahabang upuang kahoy.Nagkatinginan kaming tatlo nina Alana at Barbara. Alam kong iisa ang nasa isip namin.Sigurado kong nagtataka rin sila gaya ko. Tanging siya at kaniyang mga bisita lang ang puwedeng maupo roon base sa instruksyon ni Nanay Conchita."Huwag na po, Don Sergio. Ayos lamang po sa 'min kung kami'y tatayo sa inyong harapan," tutol ni Nanay Conchita sa ideya nito."Masakit po ang aking batok kung ako'y titingala pa. Nagsusumamo rin ako sa inyong huwag niyo rin sana akong tanggihan," pamimilit pa ni Don Sergio habang hawak-hawak ang kaniyang batok para makumbinsi kami.Napahinga ng malalim si Nanay Conchita, nagda-dalawang-isip sa hiling ni Don Sergio. Sa huli ay dahan-dahan siyang naglakad para maupo, sumunod na rin kaming tatlo."Kung inyo pong mamarapatin, ano nga po pala ang inyong ilalahad sa amin, Señor?" lakas-loob na pagtatanong ni Alana.Tumikhim muna si Don Sergio bago magsalita."Sa araw ng mga santo at araw ng mga kaluluwa, nais kong ipaalam sa inyo na maaari kayong lumiban sa trabaho. Kayo'y tao rin at kailangang magnilay. Batid kong ang lahat sa inyo ay nakararanas rin ng pagkaulila sa inyong mga minamahal. At makakabalik rin kayo sa inyong mga tahanan upang makapagpahinga," sinserong saad ni Don Sergio.Natahimik ang lahat. Walang nagsalita kahit isa. Lahat ay nalungkot sa ideyang undas na pala. Napabuntong-hininga na lang ako at bahagyang tumingala."Ngunit Señor-," hindi na natapos ni Alana ang sinasabi niya nang muling magsalita si Don Sergio."Pagkatapos ng undas ay agaran tayong maghahanda para sa paparating na pista. Tiyak na lahat tayo'y magpapagod kaya hayaan niyo muna ang mga sariling magpahinga," dagdag na dahilan pa ng Alcalde Mayor."Kung iyan po ang inyong pasya ay amin rin pong susundin," saad ni Nanay Conchita kahit pa sa tingin ko ay hindi rin naman siya sang-ayon.Sabay-sabay kaming nagsitayuan at namaalam kay Don Sergio na nasa upuan pa rin.Pa-kusina na sana kami nang may mapagtanto ako.Napatitig ako kay Don Sergio, muling iniinom ang kaniyang tsaa. Nakakahiyang isipin na agaran niya akong tinanggap noong isang araw, at ngayon, biglaan siyang magpapabakasyon.Naisipan kong bumalik sa kaniya. Gusto ko mang magbakasyon at humilata na lang ay parang nakokonsensya naman ako. Nagdadalawang-isip na ako kung hahakbang ako pa-abante o hahayaan na lang ang desisyon ng Alcalde. Sa huli, hindi ko namalayan ang sariling muling bumalik kahit pa narinig ko ang pagpigil ni Barbara sa 'kin."D-don Sergio," nag-aalangan kong pagtawag. Ramdam ko ang panghihina ng tuhod ko dahil sa kabang baka pagalitan niya pa ako. Mahirap ring harapin ang isang Alcade, a? Hindi na naman ako makakaatras dahil nandito na ako. Bahala na.Naghihintay siya sa idudugtong kong mga salita kaya hindi na rin ako magpapaligoy-ligoy pa."Gusto ko lang po kasing magtrabaho na lang sa araw ng pahinga na sinasabi niyo po. Kararating ko pa lang po dito ng ilang araw kaya okay-ayos lang po sa 'kin 'yon," bahagya akong nakangiti habang nagsasalita. Kita ko ang pagtataka sa mukha ng Alcalde. Sabagay, sino ba namang nangangamuhan ang tatanggi sa rest day? Malamang ay ako lang."Nakakasiguro ka ba sa iyong pasya?" Takang tanong niya. Isang tango lang ang isinagot ko at saka ngumiti.KATAHIMIKAN ang nangingibabaw sa buong bahay. Tanging ako lang kasi ang kasambahay na nasa Casa Real, wala nang iba.Kahapon, umuwi muna si Nanay Conchita sa Baryo Santa Cruz sa Caridad. Nalaman ko ang impormasyong 'yon mula kay Ate Alana. Samantalang siya at si Barbara naman ay mananatili muna sa isang baryo sa San Roque para sa kanilang araw ng pamamahinga. Kaya sa kabuuan, ako lang ang nandito. Wala rin naman si Don Sergio dahil balita ko, may inaasikaso siya sa Fort San Felipe.Itinuon ko na lang ang atensyon sa paglilinis sa buong bahay. Kaninang umaga, ang dining hall, asotea, sala, at antesala ang pinuntirya ko. Kaya ngayong hapon, humingi ako ng permiso na makapaglinis ng mga kwarto.Maingat ako sa paglilinis lalo na't may mga babasaging gamit dito na naka-display. Pagwawalis, pagbubunot, at pagpupunas ang mga ginagawa ko. Pinaka-iingatan ko rin ang pag-aayos sa altar na bubungad pagka-akyat dito.Sa totoo lang, ngayon ko lang naakyat ang ikalawang palapag. Si Ate Alana ang naka-assigned sa ibang mga kwarto, habang si Nanay Conchita naman ang naglilinis sa kwarto at opisina ni Don Sergio.In-straight ko pa ang likuran at mga braso ko para mag-unat. Napansandal rin ako sa pader para doon ilagay ang lakas ko. Pero sa halip na ma-relax kahit saglit, nagulat ako ng papatumba na ang likuran ko. Kung gano'n, hindi pala pader ang nasandalan ko kundi pinto!Natuliro ako ng ilang segundo bago ko naatras ang isa kong paa para balansehin ang sarili."Napapagod na nga ako, muntik pa akong matumba," wala sa sarili kong reklamo.Nang pumihit ako patalikod para makita kung nasaang kwarto ako ay nanlaki ang mga mata ko sa kaba.Ang kwarto ng Alcalde Mayor!Wala mang masiyadong liwanag sa loob ng kwarto pero kitang-kita ko ang buong kwarto. Ang malaking cabinet ang una kong namataan. May dalawang upuang magkatapat ang napapagitnaan ng isang bilog na lamesa ang nasa bintana. Isang malaking kama ang naririto, kasalukuyang magulo. May landscape painting rin sa ibabaw. Dalawang bedside table ang nasa magkabilaan. Isa sa kanila ay may nakapatong na lampara habang ang isa ay nakapukaw ng aking atensyon kaya dahan-dahan akong lumapit doon.Isang litrato. Isang litrato ang namataan ko doon. Hinawakan ko ito para pagmasdan nang mabuti.Nakatayo si Don Sergio sa likod ng dalawang babaeng nakaupo sa magarang upuan. Ang kaniyang kamay ay nakahawak sa balikat nila. Ang nasa kanan ay may katandaan na, ngunit masasabi kong maganda ito dahil sumisigaw sa kaniya ang pagka-mestisang Español. Magara ang suot nitong baro at saya. Kitang-kita ko rin ang bilog na pendant ng kwintas katulad ng ibinigay sa 'kin noon ni Sister Rosa noong nasa ospital pa ako. Gano'n rin naman ang isa pang babae. Kahit pa hindi ayos ang kulay ng picture, hindi ko maitatangging maganda ang babaeng ito. Napakaamo ng kaniyang mukha at detalyado rin iyon. Kasing ka-edaran siya ni Barbara sa picture na 'to.Isang bagay lang ang naiisip ko kung sino sila. Sa kabila noon, isa ring tanong ang umusbong sa isip ko."Iyan ang aking pinakamamahal na katipan at unica hija," ang malalim na boses ng Alcalde ang narinig ko. Agad kong nabitawan ang picture at ibinalik iyon sa lamesa."S-señor," kabado kong pagtawag. Hindi ko alam kung ano ang tingin na ibinibigay ang Alcalde pero isa lang ang sigurado ko. Siguradong lagot na talaga ako. Dali-dali akong lumabas ng kaniyang silid."P-pasensya na po sa panghihimasok sa inyong kwarto," natatakot ko pang dagdag. "Naririto po ako para sana maglinis kaya ipagpaumanhin niyo po kung agad-agad akong pumasok," nakayuko na ako sa pagdaragdag ng dahilan.Naglakad siya papasok ng kaniyang kwarto at dumiretso sa bedside table, ramdam ko ang sariling binti na parang bibigay. Napapikit ako sa sandaling 'to. Hindi ko alam ang gagawin."Gaya nga ng aking sinasambit, ginagawa mo lamang ang iyong trabaho. Hindi ako nagagalit sa iyong ginawa dahil batid kong wala kang masamang hangarin," aniya.Napabuga ako ng pigil na hininga sa sinabi niya. Akala ko naman ay pagbubuhatan niya ako ng kamay.Pumasok siya sa kaniyang kwarto, habang ako ay nanatili sa hallway ng ikalawang palapag. Kinuha niya ang picture sa ibabaw ng bedside table at saka tinitigan ito. Kita ko sa kaniyang mga mata sa unang pagkakataon ang pagkalungkot na hindi ko naman maintindihan."Monica, may nais sana akong ipag-utos sa iyo," sambit nito nang hindi napuputol ang tingin sa litrato."A-ano po 'yon?" maingat kong pagtatanong"May ipapakuha ako sa 'yong importanteng bagay," sagot niya sa 'kin habang binibigyan ako ng mapait na ngiti.KASALUKUYAN kong binabaybay ang isang kalye papuntang Plaza Soledad. Dahil sinabi ng Alcalde na doon ko raw makukuha ang "importanteng" bagay.Dapit-hapon na ngayon. May kalamigan ang simoy ng hangin sa ganitong panahon. Mapapansing may mga kasing-kaedaran ko na naglalakad papuntang Plaza Mayor. Mukhang tama si Nanay Conchita sa sinasabi niya. Nakikipag-socialize ang mga taong may karangyaan sa isa't isa sa ganitong oras. Napailing na lang ako sa ideyang 'yon. Pero siguro naman ay magmimisa sila ngayon dahil bukas ang simbahan ng San Pedro Apostol at araw ng mga santo ngayon."Tila may isang binibini ang may malalim na iniisip," rinig kong tugon ng isang pamilyar na boses ng lalaki. Napatigil ako sa paglalakad at napalingon sa kaniyang direksyon. Nakataas ang kilay kong sinalubong ang tingin niya."Ikaw na naman?" sarkastiko kong tanong. Sa halip na ma-offend siya ay nakuha pa niyang ngumiti.Nababaliw na nga siya."Ako nga ito, Binibini. Natutuwa ang aking loob na ako'y iyong natatandaan," masaya niyang saad. Napailing na lang ako.Kaysa sa makipag-usap sa kaniya ay nilayasan ko na lang siya kahit pa alam kong kabastusan 'yon. Pero kahit na nagpatuloy ako sa paglalakad ay nakasunod na naman siya sa 'kin."Maaari ko bang malaman kung saan ka paparoon?" kuryoso niyang tanong sa gitna ng aming paglalakad."Wala ka na ro'n," pambabara kong sagot. "Ikaw ba, wala ka bang ginagawa sa buhay mo at para kang kabute na sumusulpot sa kung saan palagi?" Ako naman ang nagtanong sa kaniya."Mayroon naman akong ginagawa. Kaya lamang, tila pinag-iisa ng tadhana ang ating mga landas," hindi natitinag ang masaya niyang boses sa pagsagot sa 'kin.Pinili kong huwag na siyang pasaringan ng mga salita. Mukhang lahat ng sasabihin ko ay may isasagot siya kaya hindi siya natitinag."Nais kong samahan ka kung saan ka man paparoon," pakiusap niya pa. Saglit akong napatingin sa kaniya sa nawi-wirduhang paraan.Pagkarating namin sa Plaza Soledad, hinanap agad ng mga mata ko ang pinapasadya ng Alcalde Mayor. Natagpuan ko ito malapit sa simbahan ng Ermita. Hindi ko inalintana ang nakasunod na lalaki nang nilalakad ko ang daan papunta sa aking sadya."Manong, Ale, magandang araw po" pagbati ko sa dalawang taong nakaupo sa isang bangkito, katapat ang kanilang mga itinitinda. "Naririto po ako para sa bibilhing puting rosas ng Alcalde," halos pabulong na dugtong ko."Ikaw ba ang isa sa katiwala ng Alcalde?" paniniguro pa ng matandang babae. Tango lang ang isinagot ko."Pedring, mahal, ang mga puting rosas sa iyong gilid. Iabot mo sa binibini," utos niya sa matandang lalaki. Kung gano'n ay mag-asawa pala sila? Ang cute naman."Binibini, ito na ang mga rosas para sa Alcalde," tugon ni Tatay Pedring sabay abot sa 'kin ng bungkos ng bulaklak na 'yon na naka-dyaryo. Agaran ko rin namang iniabot ang bayad na ipinabibigay ni Don Sergio."Salamat po sa inyo," nakangiti kong tugon.Ibinalik ng dalawang matanda ang ngiti na iginawad ko. Sabay rin silang napalingon sa kasama ko."Se-Ginoo, nais niyo rin po bang bumili para sa isang binibini?" magiliw na pang-aalok ng matandang lalaki. Ramdam kong pinaghihinalaan niya kaming magkarelasyon pero hindi ko na 'yon pinanood.Ito na ang pagkakataong pwede na akong humiwalay sa lalaking 'to. Bago umalis ay minabuti ko munang magpaalam."Nay, Tay, magpapaalam na po ako. Maraming salamat po uli," huling salita ko at saka agarang umalis sa kanila.Minabuti kong dumaan na lang sa may kalye ng pamilihan. Sakto namang matao kahit pa araw ng mga santo at maggagabi na. Nakakasiguro akong kahit sumunod siya ay hindi niya na ako mahahagilap.Sari-sari ang mga nagtitinda rito, katulad pa rin nung unang araw na namili ako dito. Sa oras na ito ay naririto na ang mga nagtitinda ng gulay at prutas. May mga ilang establisyimentong nagsasara na, habang ang mga may kinalaman sa pagkain ay hindi pa nagsasara.Sabagay, malapit na rin ang oras ng hapunan. Mabuti na lang, bago ako umalis ay nakapagluto na ako ng Adobong Manok at kanin.Sa paglalakad, hindi ko maiwasang hindi isipin ang tungkol sa mga rosas na hawak-hawak ko ngayon. Ang sabi ni Don Sergio ay importante itong bagay. Ipinag-utos niya 'yon habang hawak-hawak yung picture. Siguro ay para 'to sa asawa't anak niya. Nasaan kaya sila?Saglit akong napatigil sa isang gilid nang may dumaang kalesa para hindi ako mahagip nito."Bi-binibining Monica," hingal na hingal na pagtawag ng pamilyar na lalaki."Wala ka bang balak umuwi?" gulat na bungad ko sa kaniya. Nakuha niya pa palang makasunod sa 'kin. "Mauuna na ako dahil may hinahabol akong trabaho," dagdag ko at muling lumakad nang makalagpas na ang kalesang dumaan."Hayaan mong samahan kita sa paglalakad hanggang sa Casa Real. Nais ko ring tulungan ka sa dala-dala mong mga rosas, maaari ba?" halos magmakaawa na ang lalaking 'to sa pagsasalita.Hindi ko alam kung seryoso talaga siya. Dalawang beses ko pa lang siya nami-meet pwera pa nung galing ako sa ospital, pero sa lahat ng iyon ay sumasakit talaga ang ulo ko dahil sa kulit niya.Para hindi na ako matagalan sa labas, walang pasubali kong iniabot sa kaniya ang mga hawak-hawak ko. Pinanood ko siya kung paanong namroblema siya sa paghahawak noon kaya natatawa ako, natatakot kasi siya na baka matusok siya ng ilang tinik na hindi na natanggal.Napapatingin ako sa kaniya dahil hindi pa rin siya magkamayaw sa mga bagay na dala-dala niya."Kumusta naman ang iyong paninilbihan sa Casa Real? Hindi ka ba nahihirapan?" usisang tanong niya. Muntik na akong mapatanong kung paano niya nalaman kung saan ako nagtatrabaho pero bigla kong naalala na nabanggit ko pala ang "Alcalde" sa bilihan ng bulaklak kanina. Umiling ako bilang sagot."Hindi naman," tugon ko. "Nakasanayan na rin siguro kaya gano'n," kibit-balikat ko pang dugtong.Nasanay ako habang lumalaki na gumagawa ng household chores. Bukod sa tinuturo 'yon sa eskwelahan, inaaalalayan ko rin si Nanay Fely sa bahay dahil wala rin naman si Mama at nagtatrabaho. Kung nahirapan man ako, 'yon ay sa pamamaraan kung paano nila tinatapos ang gawain. Lalo na sa pagluluto. Mabuti na lang, si Ate Alana ang gumabay sa 'kin sa pagluluto sa palayok at pugon dahil kahit ilang araw pa lang ako dito ay madali ko naman 'yong natutunan.Napadaan kami sa Plaza Mayor. Gaya ng inaasahan, maraming tao ang naririto ngayon. Ang iba naman ay pumapasok sa simbahan para sa umpisa ng panggabing misa para sa okasyon ngayon.Naramdaman kong parang lumiliit ang mundo ko nang mahalata ko ang ilang tingin ng mga tao, lalo na ng mga dalaga sa direksyon namin.Sinasabi ko na nga ba, mai-issue ako sa lalaking 'to."Huwag mo na lamang pansinin ang mga matang nakabantay sa atin," paalala niya sa akin kaya napatingin ako sa kaniya. Nakita kong diretso ang kaniyang tingin sa direksyon ng Casa Real sa kalayuan, hindi alintana ang ibang tao."Hindi ba't iyan ang binatang Mercado?" rinig kong usapan ng isang grupo ng kababaihan kahit pa natatakpan ng abaniko nila ang kanilang mga bibig."Tama. At sino kaya ang kaniyang kasamang dalaga?"Halos magpintig ang tainga ko sa mga taong 'to. Harap-harapan kami kung pag-tsismisan ng mga tao. May ilan pa nga akong naririnig na panlalait sa 'kin pero pinili kong manahimik.Narating namin sa wakas ang tapat ng Casa Real kung saan naroroon pa rin ang mga guwardiyang kanina pa nagbabantay dito."Batid nating dalawa na tayo'y magkaibigan lamang at wala tayong ginagawang masama kaya't huwag kang mangamba," aniya. Alam kong pinapakalma niya lang ako pero hindi naman ako apektado sa sinasabi nila. Nakakainis lang talaga ang mga tao at masiyadong mai-issue. Wala rin palang pinagbago simula sa panahong 'to hanggang sa pinagmulan ko. Napailing na lang ako sa naisip."Wala akong pakielam sa kanila," sagot ko na lang. "Salamat sa pagtulong," wala sa sarili kong tugon. Kahit ako ay nagulat na lang sa sinabi ko kaya napangiti siya. Ibinigay naman sa 'kin ang bungkos ng puting rosas."Ibinilin nga pala nina Tatay at Nanay na ibabad mo iyan sa tubig upang hindi kaagad malanta," payo nito patungkol sa rosas. Magpapaalam na sana ako nang bigla na naman siyang magsalita."Siya nga pala," panimula nito. "Hindi ba't noong huli tayong nagkita at namaalam sa isa't isa ay may ipinangako ka sa akin?" tanong nito na nagpagulo sa isip ko. Ako? Nangako sa kaniya?"Nakakalungkot naman na iyong kinalimutan ang bagay na 'yon," halatang umaarte lang siya habang nagsasalita kaya napapaisip talaga ako sa pinagsasabi nito."Kung nililinaw mo sana ang mga bagay-bagay ay may maaalala ako," naaasar kong sagot. "Ano ba kasi 'yon?" tanong ko. Alam ko ay wala talaga pero kailangan ko siyang tanungin para makapasok na ako sa loob."Ang pangalan ko," sagot niya na nagpataas ng aking kilay. Pangako patungkol sa pangalan niya?"Sinabi ko sa 'yo noon na nais kong marinig ang tinig mong tinatawag ang aking ngalan ngunit kahit pati iyon ay iyong nakalimutan," nagtatampo pa niyang dagdag. Para siyang bata ngayon na masama ang loob, iwas ang mga mata sa 'kin."Pangalan?" pag-uulit ko. Grabe naman palang hiling 'yon. Kahit ang mga balahibo ko ay nagtaasan. Pero mukhang kailangan kong tumupad sa hindi ko naman talaga ipinangako para hindi niya na ako pigilan.Napaisip naman ako kung anong pangalan niya. Namumukhaan ko siya kaya ko siya kinakausap pero nakalimutan ko na talaga ang pangalan niya. Nakatitig ako sa kaniya nang hindi man lang nagsasalita para matandaan ko siya ng lubos.Joa..."Joaquin?" nag-aalinlangan kong pagtawag. Ang nakaiwas niyang tingin sa akin ay bumalik nang tinawag ko siya. "'Yon ba ang pangalan mo?" maingat ko pang pagtatanong. Nag-ngiting aso siya sa itinanong ko at napatango."Mabuti naman at iyo pang natatandaan ang ngalan ko," aniya. Nagtataka ko siyang tiningnan. "Kung gayon, ako'y mauuna na.""S-salamat ulit," tugon ko na lang.Maya-maya pa, isang kalesa ang napadaan sa kalye at tumigil sa tapat ng Casa Real.Kung gano'n, may bisita?"Ginoong Joaquin, mauuna na ako sa loob, mukhang may bisita ang Alcalde. Bye," mabilisan kong tugon at agad na pumasok ng Casa Real.Hindi na siya nagsalita o naghabol. Mabuti naman. Mukha siyang masaya ngayon kaya pati ako ay nahahawa.Ngayon, matapos sundin ang utos ni Don Sergio at may isang kabuteng sumulpot, isang bisita naman ngayon ang aasikasuhin ko.