Pinili kong mag-unat matapos ang mahabang upuan. Kasabay noon ang isang pagkatok mula sa pintuan ng munti kong kwarto."Tuloy po," walang pag-aalinlangan kong sagot.Isang payat at maliit na matanda ang pumasok sa kwarto ko. Nakapusod ang namumuti niyang buhok at nakasabit sa kaniyang ilong ang isang salamin para sa nanlalabong mata. Puting-puti ang kaniyang suot, simula sa pang-itaas hanggang sa mahaba nitong palda. May puti rin siyang belo sa kaniyang ulunan."Nay Fely, sa San Roque po ba kayo?" tanong ko nang kaharapin siya kahit pa alam ko ang sagot. Ngumiti siya sa 'kin."Do'n nga ang punta ko," aniya. "Ayos lang ba kung maiiwan ko muna kayo ni James?" nag-aalala nitong tanong. Isang ngiti ang iginawad ko."Okay lang po, Nay. Ako na rin po ang bahala sa hapunan," pagbibigay ko ng kasiguraduhan sa kaniya. Lumawak ang ngiti niya at natatawa pa ng mahina."Dalaga ka na nga talaga, hija," tugon nito at hinaplos pa ang panga ko. "Maswerte ang mapapangasawa mo ngunit mag-aral ka muna," natatawa niya pang dagdag."Sige na po, tumuloy na po kayo," ako ang natawa sa sinabi niya, iniiwas sa pwede pa niyang idagdag.Sabay kaming bumaba sa sala. Doon ay naabutan kong nakaupo sa mahaba at malambot na sofa ang sampung taong gulang na si James, at nanonood sa flat screen TV ng paborito niyang cartoon series. May mga nakahanda pang merienda sa coffee table. Mukhang walang pinoproblemang project sa school dahil hindi man lang siya nagpapatulong sa akin."James, apo, iwanan ko muna kayo ng ate mo. Hintayin niyo kami ng Mama niyo para sa hapunan," nakangiting sambit ni Nanay Fely. Tango lang ng tango si James. Nagmano na si James sa aming lola at ako naman ang naghatid sa kaniya palabas sa aming bahay.Nanatili kaming nakatayo doon, nag-aabang ng tricycle na pwedeng sakyan ni Nanay Fely."Magsasabay na po ba kayo ni Mama sa pag-uwi?" Kuryoso kong tanong tungkol sa narinig ko kanina."Ang sabi ni Gina sa telepono ay dadaanan niya ako sa simbahan pagkagaling niya sa trabaho sa city hall," aniya.Saktong may napadaang tricycle at siguro'y pabalik sa paradahan sa labas. Pinara ko na iyon.Nang tumigil iyon sa harap ni Nay Fely ay inalalayan ko pa siyang makapasok. Iniwawasiwas niya lagi ang kaniyang kamay kapag ayaw niyang magpatulong gaya nang sa ngayon pero nagiging mapilit ako."Hindi pa naman ako sobrang katandaan para alalayan mo, Remi," pagsasabi ni Nanay Fely na ikinatawa ko na lang."Kuya, sa San Roque Church po si Nay Fely," tugon ko sa driver saka ako nag-abot ng bayad."Apo naman, ako na dapat ang magbabayad. Baka wala ka nang maitatabi diyan sa 'yo," pagsasabi niya pa. Umiling lang ako."Nay, okay lang po. Wala naman po akong paggagamitan ng pera dahil bakasyon ngayon," sagot ko pa. Nagmano na ako bilang pamamaalam. Bumaling muli ako sa driver at nagsalita."Sige po, Kuya. Paki-ingatan po si Nanay," nginitian lang ako ng driver at tumango saka sila umalis. Pinanood ko pa ang tricycle na tumatakbo papalabas ng kalsada hanggang sa mawala ito sa paningin ko.Napatingin ako sa kalangitan at napansing maaliwalas iyon. Hindi na rin katirikan ang araw. Siguro'y hapon na.Tuluyan na akong pumasok sa bakuran ng bahay. Pinagmasdan ko ang patio sa kaliwa na malinis. Naroroon ang mga upuan at coffee table na gawa sa kawayan pati na rin ang isang rocking chair. Sa kanan naman ay mga halamang santan at sampaguita na ala-alaga ni Nanay Fely. Mukhang nadiligan na niya ito para sa hapon dahil basa na ang mga dahon, bulaklak at lupa nito. Tinitigan ko pa ang bahay namin na may kalumaan na ang disenyo, siguro'y pang-1960's pa pero nagmumukhang bago ito dahil kapipintura pa lang nito noong summer. Hindi na ako nagtagal sa labas at pumasok na ako.Hindi pa rin natitinag si James sa kinauupuan. Kung kanina'y TV ang katapat niya, ngayon naman ay ang tablet na nakalaan para sa kaniya. Naglalaro ng isang pambatang application."James, nanonood ka pa ba ng TV?" Bungad ko sa kaniya. Hindi siya nagsalita.Napahinga ako ng malalim at walang pasubaling kinuha ang remote sa lamesa"Papatayin ko na 'to," pagbabanta ko. Sa wakas ay nakuha ko na ang atensyon niya."Wait lang, Ate!" Nakuha niya pang mapabitaw sa kaniyang tablet kaya na-Game Over ang nilalaro niya. Napakamot pa siya ng ulo."May hinihintay akong palabas. Pangit kasi 'yan kaya hindi ako nanonood," depensa pa nito. Nang itapon ko ang tingin sa TV ay napansing ibang cartoon na pala ito.Inilapag ko na lang ang remote sa coffee table saka dumiretso sa kusina para sa merienda kong kape at biskwit na nasa cabinet. Umakyat na rin ako sa kwarto ko at hinayaan na lang sa baba ang kapatid ko.Nang muling maupo sa study table kung saan nakapatong ang maliit na laptop at cellphone ko ay ilang missed video calls na pala ang natanggap ko mula kay Pauline. Ako na ang tumawag sa pamamagitan ng cellphone at ni-turn off ko na lang ang camera. Muli akong tumapat sa laptop kung saan ako nagsi-search ng impormasyon."Rems, bakit naman hindi mo sinasagot yung VC? Kanina pa ako tumatawag!" Animo'y isang nanay na nagagalit sa kaniyang anak ang tono ng boses ni Pauline. Napapalatak na lang ako."Inasikaso ko lang si Nanay Fely. May reklamo ka?" Asik ko sa kaniya. Natatawa siya pero sa nahihiyang paraan."Joke lang naman. Huwag nagagalit," asar niya pa. "Siya nga pala, may info at suggestion sana na gustong i-share si Mich," pag-iiba niya ng usapan."Ano raw?" Kuryoso kong tanong, hindi na pinansin ang nauna niyang sinambit." 'Di ba ang suggestion niya ay yung Cavite Puerto na lang raw yung setting para hindi na tayo lalayo, remember?" Hindi ako sumagot at sa halip ay hinayaan kong magpatuloy siya. Naalala ko na rin ang suhestiyong iyon noong nag-meeting kami sa aming classroom."May ancestral house daw sa labas ng Cavite City, sa Kawit daw. Tapos pagmamay-ari raw 'yon ng mga apo ng isang naging residente dito sa atin. Baka makatulong," aniya."Kailan daw pwedeng pumunta?" walang pag-aalinlangan kong tanong."Sa Thursday daw. Kasi next week 'di ba e Undas tapos sa susunod ay fiesta naman ng Porta Vaga. Pwede nang ngayong week para hindi rin tayo maabala sa November saka sembreak ngayon," mahaba niyang paliwanag. Tumatango-tango na lang ako kahit pa hindi niya ako nakikita.Hindi ko rin maiwasang mapahinga ng malalim. Sa dami kasi ng genre na pwedeng maiwan doon ay kung bakit ba Historical pa. Wala namang kaso sa 'kin ang history dahil magandang usapin iyon, pero practically speaking, sa pagse-search pa lang ay mahihirapan ka na. Paano pa kung gagawa ka ng sariling istorya para sa isang dula? Masiyadong mahirap. Kailangan ng accuracy sa impormasyon."Si Jianna nga pala, may sinabi rin sa 'kin," tumigil siya nang saglitan saka nagpatuloy. "Sabi niya, may tito siyang navy dito. Pwede raw kayong mag-visit sa Fort San Felipe para konsultahin ang lugar. Nagpa-sched na nga siya the same day katulad nang kay Mich," ramdam kong namroblema siya sa sinabi base sa kaniyang tono. Napataas naman ako ng kilay."Wait, so anong uunahing bisitahin? Hindi naman pwedeng ipagpabukas yung isa dahil naka-sched na nga," ako ay namroblema na rin sa sinabi niya. Wala man lang nag-chat sa 'kin sa gagawin. Kahit man lang sana ay nagpaalam para ma-settle."Ang suggest naman ulit ni Ji, kayo daw sa Fort San Felipe, kami do'n sa may ancestral house."Sumang-ayon ako sa gusto nila. Wala naman din akong magagawa dahil nandiyan na 'yan.DUMATING ang araw ng Huwebes at hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Hangga't maaga pa ay kumilos na ako para sa pag-alis ko."Nay Fely, aalis po muna ako. Para lang po sa project," paalam ko sa aking Lola na kasalukuyang nakaupo sa sofa at nagbuburda. Katabi niya si James na naglalaro ulit sa kaniyang tablet."Jusmiyo! Bakasyong-bakasyon, may project kayo?" Pangunguwistiyon ni Nay Fely. Nabitawan niya pa ang binuburdang tela. Napakamot na lang ako ng batok.Kahit naman ako, ayokong lumabas ngayon. Pero dahil kailangan, wala akong magagawa."Gano'n po talaga, Nay, e," tugon ko na lang."Saan ka ba paparoon, hija?" Aniya."Sa PN lang po," nahihiya ko pang sagot."Sigurado ka bang kaya mo mag-isa? Siguro nama'y may mga kasama ka, hindi ba?" Sa pagkakataong ito, punong-puno ng pag-aalala ang kaniyang tono. Tila natatakot. Ngumiti ako nang malamlam saka sumagot."Kaya ko na po. Huwag na po kayong mag-alala," sambit ko upang mapanatag siya sa kung ano man ang kaniyang iniisip."O siya, lumisan ka na at baka mahuli ka pa,"sabi na lang niya kaya naman ay nagmano na ako at umalis na sa bahay.Pinili kong lakarin na lamang ang papuntang highway. Nang makarating doon ay swerteng may papadaang jeep at papunta ito sa parke kaya hindi na ako nagdalawang-isip na doon na lang sumakay.Habang binabaybay ang daan, hindi ko maiwasang pagmasdan ang paligid. Puno ng pamilihan ang unang pupukaw sa mga mata mo. May ilang modernong establisyimento rin na nakatayo.Lumampas na ang sinasakyan ko sa mga 'yon at napadaan na kami sa simbahan ng San Roque, isang may kataasang gusali at kulay abo ang harapan nito. Sarado ngayon ang malaking pintuan nito sa pinakagitna, gano'n din ang maliliit na mga pintuan nito sa gilid.Hindi rin naman nagtagal at sa wakas ay nasa PN na ako. Ang seawall ang unang madadaanan kung saan madalas tumambay ang mga tao pagsapit ng hapon hanggang gabi. Nang malapit na ang jeep sa Samonte Park ay pumara na ako at bumaba.Unang bubungad sa parke ay ang statue ng isang tao kung saan hinango ang pangalan ng parke. Nilakad ko ang direksyon papunta sa may marker ng 1872 Mutiny dahil doon ang usapan namin ng apat ko pang kaklase.Gaya ng inaasahan, walang pamilyar na mukha ang namataan ko. Tanging mga batang naglalaro lang ang mga tumatambay doon. Mayroon ring mga namamahingang matatanda sa ilalim ng mga puno sa pamamagitan ng mga folding beds.Umupo muna ako sa tapat ng marker at nagmuni-muni sa paligid. Sa kabilang dako ng marker na 'to ay ang istatwa ni Dr. Jose Rizal. May playground rin na nasa kaliwang bahagi nito. Ang daan naman sa pakaliwa pa ay patungo sa lumang fountain ng parke, marumi na iyon at hindi na naalagaan.Tunog naman ng bola ang maririnig sa bandang basketball court sa kanan. Puno ng mga kabataang lalaki na naglalaro doon. Naroroon rin ang isang replica ng isang lumang chapel ng Porta Vaga, ang patron ng siyudad at ng buong probinsya ayon sa mga kwento ni Nanay Fely.Hindi ko namalayan ang sarili kong napalakad doon. Tumayo lang ako sa tapat noon at tinitigan ang kabuuan nito.Katulad na katulad nito ang nakita kong mga litrato ng lumang kapilyon. Ang hugis ng lumang simbahan, patio, at bell tower ay kapareho. Ang kaibahan lang, mas maliit lamang ito sa siguro'y taas ng simbahan.Sa simbahan ng San Roque, may maliit ring replica ang naturang simbahan. Makailang beses ko na atang nabasa ang maikling impormasyon tungkol doon. Kailan ko lang hinalungkat ang iba pang impormasyon dahil sa suhestyon ng kaklase ni Pauline."Ineng, pwede bang magtanong," isang boses ng matandang babae ang nagpatigil sa 'kin sa pagmamasid sa Ermita. Lumingon ako sa aking kaliwa at namataan doon ang nagtanong.May kaliitan at katabaan ang ale. Mukhang nasa seventy years old na dahil sa tono ng kaniyang boses kanina at sa postura niya ngayon. Nakasalamin rin ito at mukhang hindi na rin makaaninag. May balabal rin sa kaniyang ulunan na siguradong panangga ni Lola sa init ng araw. Maluwang na kulay kremang t-shirt at kulay pula at bulaklaking saya ang kaniyang suot. Halatang nanginginig ang kamay nitong hawak-hawak ang isang de-keypad na cellphone sa kanang kamay at nakasabit sa kaniyang kaliwang braso ang bag na gawa sa hinabing buri."Ano po 'yon, Lola?" Magalang kong tanong."Alam mo ba kung nasaan ang Simborio?" Natigilan ako sa tinanong ng Ale. Pamilyar ang lugar na sinabi niya sa 'kin."Ang tinutukoy niyo po ba ay ang Santa Monica? Yung tore po?" Ako naman ang nagbalik ng tanong sa Ale. Ang kaibahan nga lang ay puno ako ng pagtataka."Iyon ba ang totoong pangalan noon?" Napatango na lang ako.Base sa nakalap kong impormasyon, isa ang simbahan ng Santa Monica taong 1910 sa mga gusaling nasa loob ng "Cavite Puerto". Noon ay una itong naging San Nicolas Church and Convent taong 1660's. Sa kasamaang palad, nasira ang simbahan noong World War II at tanging bell tower na lang ang natira."Malapit kasi doon ang tinitirhan ng kakilala ko. Saan ba ako pwedeng dumaan? Tatlong daanan kasi ang mayroon dito," halatang namomroblema ang Ale base pa lamang sa tono nito. Napatingin ako sa isang kalye sa kaliwa kung saan pabalik ang mga jeep sa parke. Naroroon rin ang kasalukuyang chapel ng Porta Vaga, at ang Hall of Justice at City Hall. Sa kanang bahagi naman malapit sa building ng red cross ay may daanan din doon. Dumako ang mata ko sa pinakamalapit na kalye na nasa gitna at dito kasalukuyang dumaraan ang jeep papunta sa may direksyon ng naval base."Doon po kayo pwedeng dumaan. Sa pangatlong kanto po, makikita niyo po do'n ang tore. Baka po doon niyo makikita ang bahay ng kakilala niyo po," sambit ko.Napasapo naman si Lola sa kaniyang noo at napabuga ng hininga."Salamat talaga sa 'yo, hija. Pasensya ka na't naabala pa kita," tumigil siya sa pagsasalita at may kinuha sa kaniyang bag."Tanggapin mo na 'to bilang pasasalamat ko," aniya sabay abot ng ilang pirasong suman. Gusto ko mang tanggihan ang alok ng Ale dahil hindi naman ako humihiling ng kapalit ay hindi ko naman gustong sirain ang kaniyang ngiti. Malugod kong tinanggap iyon."S-salamat po," nag-aalangan ko pang sagot."Salamat ulit, hija. Mauuna na ako," aniya at nilampasan na ako.Pinanood ko ang ale na maglakad at napansin kong mabagal ito. Mukhang siya lang talaga mag-isa at parang hindi ako makahinga sa nasasaksihan. Pinili kong daluhan siya dahil na rin sa bigat sa puso na nararamdaman ko.Hindi pa naman siguro dadating ang mga kaklase ko. Tatawag na lang ako mamaya."Lola, sasamahan ko na lang po kayo sa pupuntahan niyo," alok ko ng tulong sa kaniya. Iwinasiwas niya ang kamay."Huwag mo na akong intindihin. Sapat na ang naitulong mo sa akin," pagtanggi nito.Nang makalagpas na ang isang jeep papasok sa kalye na amin ring dadaanan ay tumawid na kami ng Ale doon. Hindi na siya nagsalita pa nang maging mapilit ako.Maswerte ako at natatakpan ng makapal na ulap ang araw kaya hindi nasusunog ang balat ko habang naglalakad. Sinasabayan ko ang mabagal na paglakad niya.Habang sinusuyod namin ang tahimik na daan, panay naman ang kwento ng nagpakilalang si Lola Susana patungkol sa kaniyang mga anak. Ramdam ko ang kaniyang tuwa sa pagmamalaking nakapagtapos ng pagkaguro ang kaniyang dalawang anak na babae dahil sa mga tinda niyang kakanin at sa pagkakarpintero ng kaniyang asawa. Inihayag niya rin kung paano napaibig ang asawa dahil sa kaniyang mga lutuin."Ikaw hija, natutunan mo na ba kung paano magluto?" Kuryosong tanong ni Lola Susana sa 'kin."Opo. Natuto po ako sa Lola ko. Pero iilang putahe lang po ang kaya ko," nahihiya kong pagtugon. Naramdaman ko ang marahang pagpisil ni Lola Susana sa braso kong umaaalalay sa kaniya."Siguradong masusungkit mo ang puso ng sinumang binata na iibigin mo," masaya niyang tugon. Agad na nanlaki ang mga mata ko at lalo pang tumawa si Lola Susana."Sa reaksyon mong iyan, mukhang hindi ka pa pumapasok sa kahit anong relasyon," suspetya nito na nagpatango sa 'kin. "Mabuti muna 'yan. Mag-aral ka muna at magtapos para sa hinaharap mo at ng pamilya mo," pangaral niya pa at tumango muli ako.Malapit na kami sa pangatlong kanto kung nasaan ang Simborio. Napabitaw muna sa akin si Lola Susana para ayusin ang nasa loob ng kaniyang buring bag. Ako naman ay piniling obserbahan ang paligid.Sa kabilang kalsada, may mga batang nasa edad na pito hanggang sampu naglalakad na siguro'y patungo sa parke base na rin sa dalang bola ng isa sa mga kasamahan nila.Sa hindi inaasahang pagkakataon, nabitawan niya ang bola. Tumalbog iyon at gumulong patungo sa kalsada. Humiwalay siya sa mga kasama at pumunta sa gitna ng kalsada. Nag-aalala akong tumingin sa likuran. Nanlaki ang mga mata kong napatingin sa isang motor na mabilis ang pagpapatakbo patungo sa kaniya.Dumagundong ang buo kong sistema at hindi ako nagdalawang isip na dumalo sa kaniya at itulak siya pabalik sa gilid ng kalsada. At sa loob ng maikling segundo, naramdaman ko ang init na dala ng metal sa aking tagiliran, buong lakas ako nitong naitulak. Napapikit ako sa sakit.Mabilis ang mga pangyayari. Kung kanina lang ay lumilipad ako sa ere ay ngayon nama'y mabilis ang pagpapa-ikot-ikot ko sa mainit na lupa. Hanggang sa matihaya ako doon.Para bang namanhid ang buo kong katawan. Mabigat na rin ang ulo kong kanina'y humampas ng malakas sa matigas na kalupaan. Para akong hinihipnotismo dahil wari bang umiikot ang mundo sa 'kin. Ang paghinga ko naman ay dahan-dahan at malalim ang aking pinaghuhugutan dahil sa hindi pagdaloy ng hangin nang mabuti sa 'king katawan. Ramdam ko ring may likido na ang aking ulo dahil damang-dama ko ang init noon sa aking anit at buhok.Ngayon ay kasalukuyan kong hinaharap ang kalangitan at pilit na nilalabanan ang mga mata kong nagpupumilit na pumikit.Ilang saglit pa, kahit anong laban ko sa aking sarili, wala akong magawa nang kusang tumiklop ang talukap ng aking mga mata. Isang malalim na hininga ang aking ginawa.Isa lang 'tong aksidente at kakayanin ko ito. Malaki ang tiwala ko sa tadhana na hindi pa ito ang huli. Malaki ang tiwala at pananalig ko sa Diyos na ililigtas niya ako.Sa pagkakataong 'to, pinili ko munang bitawan ang huling hininga ko bago ako tuluyang mawalan ng malay.