Namayani ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Si Mira na naghihintay sa kasagutan nito ay napapakuyom na sa kaba. Habang ang babae namang kausap niya ay napabuntong-hininga habang malalim na pinag-iisipan ang kaniyang magiging desisyon.
Mayamaya pa ay muli niya itong narinig na mangusap sa kaniyang isipan sa pagkakataong ito ay agad na isiniwalat ng babae ang lahat ng alam nito tungkol sa organisasyon ng Orion. Sa bawat paglalahad nito ng impormasyon ay siya namang panginginig ng katawan ni Mira. Tila ba biglang lumamig ang buong paligid ngunit may gabutil na pawis ang namumuo sa kaniyang noo at likod.
Matapos ang pag-uusap na iyon ay kusang bumigay ang tuhod ni Mira, kung hindi siya naalalayan ni Sebastian ay paniguradong napaupo na siya sa kalsada.
"Mira, ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong ni Sebastian. Mabilis niyang inalalayan si Mira at nilisan na nila ang lugar nang makalayo na sila ay doon lamang kumalma si Mira. Naglalakad sila pabalik sa hotel at unti-unting inilalahad ni Mira ang mga bagay na napag-usapan niya at nang kausap niya sa isiapan. Napapailing lamang si Sebastian dahil higit iyon sa kaniyang inaasahan.
Sino ang mag-aakalang ang isang pilantropo pala ay isang taong ganid sa kapangyarihan at kayamanan. .
Nang makabalik na sila sa hotel ay agad din nilang iniligpit ang kanilang mga gamit para makauwi. Hindi naman nagtanong ang mga ito kung bakit biglaan naman ang desisyon nilang umuwi.
Pagdating sa mansyon ay doon na nang-usisa si Leo sa desisyon ni Sebastian.
"Bro, anyare? Akalab ko ba magmamatyag pa tayo, wala pa tayong impormasyon." Saad ni Leo, umupo naman sa sofa si Sebastian at napabuntong-hininga.
"Hindi na kailangan, dahil alam na namin kung sino ang leader ngayon ng Orion. Nakausap ni Mira ang isa sa mga bihag na nasa loob. Tama ang hinala natin na nasa ibaba sila ng Regal Plaza. Ito din ang dahilab kung bakit hindi natin sila mahagilap noon. " Tugon ni Sebastian na ikinagulantang ng kaniyang mga kaibigan.
"Nakausap? Paano?" Tanong ni Leo at marahang itinuro ni Sebastian ang kaniyang ulo. Agad namang naunawaan ni Leo ang nais ipabatid ng kapatid.
"Sino ang lider nila, kilala ba natin?" Tanong ni Carlos at tumango si Sebastian.
"Kilalang-kilala, dahil madalas natin siyang nakakasalamuha, lalo na sa mga charity events. " Sambit ni Sebastian at napalatak si Jacob.
"Don't tell me, it's Alejandro Bernardo?" Hula na tanong ni Jacob habang inaalis ang suot niyang salamin
"The one and only, sino ba sa mga kilala natin ang mahilig sa mga ganyang events." Sagot ni Sebastian.
"Siya ang puno at dulo ng organisasyon. Ang mga batang dinudukot nila ay tinuturukan nila ng ng kung ano-anong gamot upang magkaroon ang mga ito ng mga natatanging abilidad, at kapag failed ang expirement, namamatay ang mga bata, kapag naman tagumpay, pinapalaki ito at ginagamit na parang isang robot. Yun ang sabi sa akin ng nakausap ko." Wika ni Mira habang inaalala ang mga katagang binitawan ng kaniyang kausap.
"Bukod pa roon, nariyan din ang mga tinatawag nilang naturals, ito iyong mga taong likas na may natatanging abilidad. Higit iyong mahalaga kay Alejandro dahil iyon ang pinagkukunan niya ng dugo na siyang nagsisilbing kuhanan niya ng kaniyang lakas." Dagdag na saad ni Mira.
Napatayo naman si Leo at nagapabalik-balik sa paglalakad, animo'y may malalim na iniisip.
"Ano iyon, bampira?" Tanong ni Carlos.
"Hindi, may kinukuha siyang mga particles na nag-e-exist lamang sa dugo ng mga taong likas ang abilidan sa katawan. Iyon ang dahilan kung bakit nais nilang makuha si Dylan. Si Aya ay isa ring naturals, nasabi ko sa kaniya kung paano ko nakuha si Aya at isa lang ang sagot niya. Pinatakas ng isa sa mga kapatid niya ang isang batang babae nang malingat si Alejandro at base sa kaniyang deskripsyon ay si Aya nga iyon." Salaysay ni Mira at muling namayani sa kanila ang katahimikan.
Walang nais na magsalita nang mga oras na iyon. Tila na pinoproseso pa nila ang mga impormasyon nalaman nila. Tahimik naman si Dylan at malalim din ang iniisip.
"Naalala ko na, Mama yung babaeng huli kong kasama bago kita makita ay kamukhang-kamukha mo. Akala ko noong una ay ikaw siya kaya kita tinulungan." Basag ni Aya sa katahimikan nila. Sumikdo naman ang dibdib ni Mira at agad na nilapitan si Aya.
"Sigurado ka Aya?"
"Opo Mama, sigurado ako. Medyo may edad lang siya ng konti sayo pero kamukha mo siya. Mahaba at itim ang buhok niya na medyo kulot katulad nang sa iyo Mama." Tugon ni Aya. Agad ding lumapit si Gunther at dinukot sa bulsa ang kaniyang pitaka. Hinugot niya mula roon ang isang maliit na litrato na palagi niyang dala at ipinakita iyon kay Aya.
"Siya ba ang babaeng iyon Aya?" Mahinahong tanong ni Gunther. Inabot ni Aya ang litrato at maigi niya iyong tinitigan. Nanlaki ang mga mata niya at sunud-sunod na tumango.
"Opo, opo, uncle siya nga po, hindi ako pwedeng magkamali, meron siyang maliit na hugis paru-parong marka sa ilalim ng kaniyang tenga." Sagot ni Aya at napaluhod si Gunther dahil sa nalaman.
Alam niya ang tungkol sa birthmark na iyon ng kanilang ina dahil madalas itong mabanggit sa kaniya ni Liam noon. Napatitig siya kay Mira at bahagyang tumango.
"Si Mommy ang nasa loob Mira. Hindi kaya siya rin ang nakausap mo?" Tanong ni Gunther. Napailing si Mira dahil maging siya ay hindi sigurado kung si Allena nga ang nakausap niya.
"Hindi ako sigurado Kuya, hindi ko na naitanong pangalan niya. " Malungkot na wika ni Mira. Ngumiti naman si Gunther at hinaplos ang buhok niya.
"It's alright Mira, sapat na ang masiguro natin na nasa loob nga siya at buhay, ngayon mas kailangan nating mag-ingat uoang matagumpay tayong makapasok roon at mailabas si Mommy at ang iba pang mga bihag. " Saad ni Gunther na agad din sinang-ayunan ng grupo ni Sebastian.
Samantala, sa kabilang banda naman ay hindi pa rin makapaniwala si Allysa sa kaniyang nagawa. Sino ang babaeng nakausap niya.
"Lena, gising ka pa ba?" Mahinang tawag niya sa kapatid na noo'y nasa kabilang kwarto lang.
"Gising pa ako. Bakit Lysa?" Tanong ni Allena sa kapatid.
"Lena, may nakausap akong tagalabas, siya ang nakakuha sa batang pinatakas mo. Hindi ko alam kung paano pero, mukhang katulad din natin siya. Malinaw ang koneksyon namin at halatang nasa labas lang sila malapit dito. Lena may pag-asa na tayong malalabas sa malaimpy*rnong lugar na ito. Maililigtas na natin si Allyana." Umiiyak na wika ni Allysa bakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala at kagalakan.
"Sigurado ka? Kamusta ang bata?"
"Mukhang nasa mabuting kamay ang bata. Ramdam ko ang busilak na kalooban ng taong nakausap ko. Sabi niya matagal na nilang hinahanap ang Orion para pabagsakin. Lena, makikipagtulungan ako sa kanila para makaalis na tayo rito." Nasasabik na wika ni Allysa.
"Oo, aalis tayo rito. Makipag-ugnayan ka ng palihim sa mga taong nasa labas. Sabihin mo ang lahat. Nais ko nang makalaya at makita ang mga anak ko. "Wika ni Allena habang humihikbi. Natigil lamang sila sa pag-uusap nang maulinigan nilang may paparating sa kanilang kulungan.
"Mukhang hindi na magtatagal ang isang ito, boss. Paano kapag humingi pa ang mga taga laboratoryo?" Narinig nilang tanong ng isang lalaki. Solidong bakal ang kanilang kulungan at meron lamang itong maliit na bukasan na siyang nagsisilbing bintana ng naturang lugar kaya naman hindi nila kita kung sino ang dumadaan. Ngunit dahil likas sa kanila ang may malakas na pakiramdam, malayo pa lamang ay alam na nilang may dadaan o paparating na tao sa kanilang kulungan.
"Eh di yung dalawang babae, hindi ba't iisa lamang ang dugo nila?" Suhestiyon ng isa.
"Gag* nahihibang ka na ba, nakalimutan mo bang bawal galawin ang dalawang iyon. Kaya dapat talaga mahuli natin yung Dylan at maibalik dito ang batang babae. " Wika naman ng isa.
Maya-maya pa ay marinig ni Allena na tila binubuksan ang kaniyang kulungan. Bumukas ng bahagya ang pinto at may kung ano itong itinulak papasok ng kaniyang silid. Nagulantang pa si Allena nang makita ang katawan ni Allyana na halos duguan at puro pasa dahil sa paulit-ulit na pagturok ng injection sa kaniyang balat. Halos hindi na rin gumagalaw ito kaya naman mabilis niyang nilapitan ito at tinulungan.
"Bilin ni Bos Alejandro na ipaalala sa iyo na kapag itinakas mo dito ang babaeng iyan, yung kapatid mo sa kabila ang isusunod namin." Banta ng lalaki bago isinara ang pinto ng kulungan niya. Gigil na ibinato ni Allena ang kaniyang sapatos sa mga ito subalit tumama lamang iyon sa malamig na pintong gawa sa bakal.
"Lena, nariyan na ba si Yana?" Alalang tanong ni Allysa.
"Oo, pagpahingain muna natin siya hanggang makabawi siya." Sagot ni Allena. Hindi na niya idinetalye sa kapatid ang lubha ng sitwasyon ni Allyana dahil ayaw din niyang nag-aalala ito. Marahan niyang pinahiga si Allyana sa higaan niya at nilinis ang mga sugat nito gamit ang malinis na tubig. Marahan niyang pinunasan ang katawan ng kaniyang kapatid. Kahit wala itong lakas ay napapaigtad ito at napapangiwi kapag nadadampi sa sugat nito ang bimpo na gamit ni Allena.
"Tiisin mo lang muna Yana, malapit na tayong makaalis sa lugar na ito. Muli mo nang makikita ang napakagandang mundo sa labas. Patawad, kung hindi ka namin iniwan noon, hindi ka maghihirap ng ganito sa kamay ni Alejandro. Patawarin mo ako Yana." Humihikbing wika ni Allena sa kapatid.