NAGLALAKAD na si Zairah palabas ng kanilang street dahil nag-text na si Atty. Ranzel Venecio at naghihintay na ito sa may kanto. Pasado alas-dose na ng tanghali kaya sobrang tirik na tirik na araw at nakaligtaan niyang magdala ng payong sa sobrang pagmamadali. Ilang hakbang na lang siya at namataan niya ang isang magarang kotseng nakaparada sa may gilid ng kalsada. Kinakabahan man siya nang mga oras na iyon, kailangan niyang tibayan ang kaniyang loob. Nagpaalam na rin naman siyang hindi muna makakapasok ngayon.
Pagdating naman niya sa kanto, ibinaba ng driver ang salamin ng kotse nito sa harapan saka niya napagtantong si Attorney Raven na nga ang nagmamay-ari nito. Ngumiti pa ito sa kaniya saka ito sumenyas na sumakay na.
"Hi!" bati niya rito. Maayos na siyang sumampa sa kotse nito.
"Hi!" ganting-bati ng binata.
Noon na niya nasilayan ang maaliwalas na mukha ni Raven. Mas lalong naging attractive ito sa suot nitong puting t-shirt na may nakapatong na denim jacket. Maayos din ang buhok nitong halatang bagong paligo lang. Kahit sinong babaeng makakita sa binata ay hindi maiwasang hindi magkagusto rito. Subalit isinantabi niya ang isiping iyon dahil hindi naman iyon ang sadya niya kung bakit siya sumama rito.
"I'm sorry kung late na akong dumating. Traffic sa dinaanan ko," anito habang nakatuon ang paningin nito sa daan.
"It's okay, Attorney. Nahihiya nga ako dahil sinundo mo pa ako."
"Nahihiya? Don't worry about it. Dapat lang na sunduin kita dahil nangako ako sa boss ko na dadalhin kita sa kaniya."
"Wala pa man ay nagpapasalamat na ako, Attorney."
"Raven. Kaka-attorney mo baka mapanot na ako niyan," birong sambit nito.
Natawa siya. Bentang-benta sa kaniya ang bawat biro nito kaya ang kabang naramdaman niya kanina ay nawaglit na.
HALOS isang oras na bumiyahe sila mula Eastwood City patungong Dasmariñas Village sa Makati. Pumasok ang kotseng kaniyang sinasakyan sa isang malawak, malaki at magarang bahay na napapalibutan ng matataas na pader. Pagkaparada nito at pagbaba nila ng sasakyan ay niyaya na siya nitong pumasok na sila sa loob.
Pigil-hininga ang ginawa ni Zairah nang tuluyang makapasok na siya sa loob ng magarang bahay. Tantiya niya ay napakayaman ng may-ari nito. Inilibot pa niya ang mga mata sa buong paligid at napuna niya ang magagandang mga desenyo, paintings, at mga bagay na babasagin.
"Please sit down and wait for me here. Pupuntahan ko lang ang boss ko."
Tumango lang siya bilang pagtugon.
Tumalikod na ang binata at naglakad paakyat ng pangalawang palapag ng bahay. Nahihiwagaan na siya dahil kailangan pang puntahan ni Raven ang boss nito gayong pwede naman itong bumaba at makipag-usap sa kaniya roon. Totoo nga sigurong isang dragon ang aalagaan ko. Hindi! Hindi ako dapat mag-isip ng ganito at mga biro lang iyon ni Attorney.
"Magmeryenda ka muna, hija!"
Nagulat siyang naroon na ang may edad na babae na hindi man lang niya napuna ang presensiya nito. Tantiya niya ay nasa singkwenta anyos na ito dahil nakikita niya na rin ang mga puti nitong buhok.
"Tibayan mo ang loob mo."
"Ho? A-Anong⸻ibig niyong sabihin?" takang-tanong niya.
Ngumiti lang ito saka ito tumalikod. Na-werduhan tuloy siya sa ginang at nagsimula na namang naging maligalig ang kaniyang puso nang dahil sa kaba.
Pagkaraan ng ilang minuto ay bumaba na si Raven saka siya marahang tumayo.
"Nasa study room ang boss ko. Pag-akyat mo, pakaliwa at sa unang pinto ay ang study room niya."
"Lalapain na ba ako ng dragon?" Idinaan na lamang niya sa biro ang lahat.
"Hmm. Hindi pa naman. Bakit? Gusto mong lapain ka na agad ng dragon?" tanong nito sabay napangiti.
"Huwag muna," tugon niya. Marami pa akong pangarap sa buhay, Attorney.
"Akyat na. Hihintayin na lang kita rito sa baba."
"Sige." Nagsimula na siyang humakbang paakyat.
"Kung kailangan mo ng resbak, nandito lang ako."
Narinig pa niya ang hirit ni Raven bago siya makaakyat ng hagdanan. Hindi na lang niya ito nilingon at alam niyang gusto lang nitong maging kampante siya at huwag kabahan.
Pagdating niya sa second floor ng bahay, hinanap niya agad ang study room na tinutukoy ni Raven. Unang pinto sa kaliwa. Ito na iyon! Pinagmasdan niya ang pinto at ang iba pang mga pinto sa palapag na iyon. Niloloko talaga ako ni Raven. Ito lang naman ang unang pinto sa kaliwa at sa dulo na ang isa pa. Maloko talaga ang lalaking iyon. As is na talagang ito iyon. Makapasok na nga!
Kumatok muna siya bago niya pinihit ang doorknob. Sumalubong agad sa kaniya ang malamig na nagmumula sa aircon at niluwangan ang pinto. Pumasok na siya sa malawak na study room saka isinara ang pinto. Agad niyang inilibot ang paningin sa buong paligid at sa isang office table roon na wala namang nakaupo. Maraming libro ang nakalagay sa shelves at iilang mga paintings sa wall.
Tumikhim muna siya bago nagsalita. "Uhm, may tao po ba rito? Nandito na po ako." Nagbabasakaling marinig siya ng may-ari ng bahay ngunit walang sumagot.
"Maupo ka."
"Ay, nuno!" Gulat siyang napatingin sa kaniyang likuran nang may magsalitang lalaki. Ngunit mas nagulat siya nang makita itong sakay ito ng wheelchair.
"Mukha ba akong duwende?" tanong nito sabay nagsalubong na agad ang kilay nito.
"Ah…s-sorry! Hindi ko po alam na nadiyan na pala kayo, S-Sir," bahagyang nauutal niyang wika.
"Sit down."
Masungit? Nahahalata niyang iba ang dating ng lalaki sa kaniya. Kumilos agad siya at naupo roon. Noon lang niya napagtantong ibang dragon ang tinutukoy ni Raven. Habang nakaupo siya, malaya niya itong napagmasdan. Abala ito sa pagkuha ng mga papel sa table at isa-isang tinitingnan ito ng binata. Oo at binata ang kaharap niya dahil ni isang simbolo na ikinasal na ito ay wala siyang nakita. May maipagmamalaki ang lalaki na halos hindi rin nalalayo sa kagwapuhang taglay tulad ni Raven ngunit mas matipuno lang ito nang kaunti kaysa sa binatang nasa ibaba. Magaganda ang mga mata nitong kulay chestnut brown na may mahahabang pilik-mata, matangos na ilong, mapupulang mga labi at higit sa lahat ang masculine scent nito na nanunuot sa ilong niya. Halos perpekto itong hinubog ng lumikha subalit may isang bagay na hindi niya inaasahan. Na hindi nito magagamit ang mga binti nito sa paglakad. Nakakapanghinayang!