Chereads / Anak ng Kalikasan / Chapter 47 - Chapter 13

Chapter 47 - Chapter 13

Sa pagtahak nila sa daan patungo sa bayan ng Bayumbon ay pansin na pansin nila ang panunuyot ng lupa doon. Nagtataka naman si Amante dahil noong isang buwan lamang ay hindi ganito ang  sitwasyon ng lugar. Sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakad ay doon nila nakitang pati ang buong bayan ng Bayumbon ay tila ba nalugmok sa isang sumpa.

Dahil dito ay, nagmamadali nilang tinungo ang bahay ng kakilala ni Amanate. Sa kanilang p agdating doon ay nakita niyang nakapila ang mga tao sa mumunting bahay nito.

"Siya nga pala, isang albularyo ang kaibigan kong si Manuel. Siya ang nag-iisang albularyo dito sa Bayumbon. Hindi ko alam kong ano ang nangyari dito, ang huling punta ko rito ay hindi naman ganito ang bayan." Nakakunot ang noong wika ni Amante. Nababalot din ng pag-aalala ang buong pagkatao niya para sa kanyang kaibigan.

"May isang sumpa ang bumabalot sa buong paligid. Hindi ito gawa ng mga mambabarang dahil ang sumpang ito ay tila ba nanggagaling mismo sa lupa." wika pa ni Mina.

"Kung tama ang hinala ko maging ang mga palayan nila at mga sapa at ilog sa lugar na ito ay natutuyot na din. Susubukan kong humingi ng tulong sa mga diwata upang masulosyunan ito ngunit kailangan muna nating malaman kung sino ang gumagawa ng sumpang ito." wika pa ni Mina habang tila inaamoy nito ang tuyot na lupa na kanyang dinampot.

Dahil dito ay tinungo na nila ang bahay ng kaibigan ni Amante. Natagpuan nila itong nakaupo sa isang bangko sa labas ng bahay nito habang tinitingnan nito ang isang batang nagpapagamot sa kanya. Rinig na rinig ni Mina ang ginagawang pag-uusal nito habang nagpapalipad hangin sa buong paligid. Simpleng mga usal lamang ito ngunit masasabi ni Mina na lahat ng ito ay mabisang pantaboy sa masasamang elemento at nagbibigay ng proteksyon sa mga taong nalalapatan nito.

Matiyaga silang naghintay hanggang sa matapos ito sa panggagamot. Hindi na muna nagpresenta si Mina dahil isang kabastusan ito para sa mga tulad ni Manuel. Bilang respeto na rin ito at simpleng pagpapahalaga sa pagkakaibigan nila ni Amante.

Halos papalubog na ang araw nang matapos nitong gamutin ang huli nitong pasyente. Nag-inat ito ng katawan at parang doon lamang nito napasin ang kanilang pagtayo sa harap ng bahay nito.

"O, Amante napadalaw ka?" tanong nito sabay lapit sa mga ito. "Sino itong mga kasama mo?" tanong nito habang titig na titig ito kay Mina. Kumunot ang noo nito at tumingin kay Gorem at Isagani. Agad niyang napansin ang pagiging kakaiba ng mga ito. 

"Manuel, pasensiya na kung hindi ako nakapag-abiso. Siyanga pala mga bago kong kaibigan. Ito si Isagani, isang gabunang aswang, si Gorem naman isang kalahating engkanto. At ito naman si Mina, isang babaylan." pakilala ni Amante sa mga ito.

Agad na nanlaki ang mata ni Manuel nang marinig nito sa kaibigan na isang babaylan si Mina. Napakabata pa kasi nito para maging isang ganap na babaylan. Malalamang ay binibiro lamang siya nitong si Amante dahil malimit na itong gawin ng binata sa kanya.

"Pasok muna kayo. Mahirap nang maabutan ng pagsapit ng dilim sa labas." Wika pa nito at pinapasok na sila Mina sa bahay bago isinara ang pintuan nito at mga bintana.

"Ano bang nangyari sa lugar na ito. Kamakailan lang hindi ito ganito ah?" Tanong ni Amante sa kaibigan.

"Napakabilis ng pangyayari Amante, maging ako ay hindi nakapaghanda. Hindi ko ito nagawang pigilan dahil kulang ang lakas ko. " Panimula ni Manuel

"Nagsimula ito, nang minsang may nakasagutan si Mang Aris na tatlong dayo. Dalawa rito ay matanda, ang isa naman ay hindi namin makilala dahil nakatalukbong ito. Hindi ko din mawari kung babae ba ito o lalaki. Konting di pagkakaintindihan lang sana iyon at maaari pang maayos sa pag-uusap ngunit kinahapunan, biglang nagkasakit si Mang Aris at hindi na ito inabot ng umaga." Kuwento ni Manuel.

"Si Mang Aris, yung magniniyog?" Muling tanong ni Amante, dahil hindi ito makapaniwalang may nakaaway ito dahil isa si Mang Aris sa mga taong hindi mahirap pakisamahan.

"Oo, nagulat din ako dahil galit na galit si Mang Aris noong araw na iyon. Ayon sa mga nakakita, itong mga dayo raw ang nauna, pilit nilang sinisira ang mga niyog na nakatanim doon sa ibayo. At kung ano-ano rin ang mga itinatanim nito sa lupa. Hindi ko nagawang matulungan si Mang Aris dahil napakatindi ng sakit na nakuha nito. Mailigtas ko man ang katawan niya, wala na ang kaluluwa nito. Parang isang buhay na manika na lamang ito. Maging ang anino nito ay naglaho na din. " Wika pa ni Manuel at nagkatinginan si Mina at Amante.

"Mina, isa sa mga kakayahan ng manggagaway ang pagbibigay ng sakit sa pamamagitan ng pagturo dito. At ang pagkuha ng anino at kaluluwa ay isa rin sa mga kakayahan nito. Ang hula ko, isa sa tatlong nakaalitan ni Mang Aris ay isang manggagaway." Wika ni Amante.

"Ganoon ba, parang may hinala na ako kung sino ang nilalang na kasama nung dalawa. Marami pa bang may sakit sa bayan?"

"Marami pa, nauubusan na rin ako ng mga halamang gamot. Kung mapapansin niyo lahat ng lupa sa parteng ito hanggang doon sa kabundukan ay tuyo na. Lahat ng halamang gamot na kailangan ko ay namamatay dahil sa tagtuyot. "

"Kaya kitang bigyan ng mga halamang gamot na kailangan mo. Pero kakailanganin ko ang tulong mo, ikaw ang maglalapat ng gamot at ako ang bahala sa kailangan mo. Kapag lahat ng tao ay magaling na. Magsasagawa ako ng seremonya sa pagtawag sa mga diwata upang malunasan natin ang sumpang iniwan ng inyong naging kalaban. " Lahad ni Mina sa kanyang plano.

"Sigurado kang kakayanin mo?"

"Huwag ka nang magduda Manuel, yung mga kaangkan kung mambabarang singalit lang ni Mina." Tatawa-tawang wika ni Amante.

"Loko ka, bakit hindi mo sinabi. Pasensiya ka na Mina, ang buong akala ko talaga ay nagbibiro lang itong si Amante. " Kakamot-kamot na wika ni Manuel. Natatawa lang naman si Mina sa kakulitan ng dalawang magkaibigan.

Pagsapit ng dilim ay maigi silang nakiramdam sa kanilang paligid. Ayon kasi kay Manuel na sa tuwing gabi ay tila ba may mga hayop na gumagala sa buong bayan. Simula noong may umatake sa isang lasing na nasa labas ng bahay nito ay hindi na nila nagawang lumabas tuwing gabi sa takot na baka atakihin rin sila ang kung anong nilalang na gumagala sa tuwing sasapit ang dilim.

Hindi naman maipaliwanag ni Isagani ang nararamdaman niyang init sa kanyang katawan. Para bang sinisilaban ang kanyang buong pagkatao habang dahan-dahang lumalalim ang gabi. Animo'y may tumatawag sa kanya na pilit siyang pinagpapalit ng anyo.

Agad naman iyong napansin ni Mina kung kaya agaran din ang paglapit niya sa binata na noo'y nakatingin sa bintana ng bahay.

"Ayos ka lang?" Tanong niya rito nang mapansin ang pagiging balisa nito.

"Hindi ko din alam, kanina pa ako hindi mapakali. Mina, kapag nagpalit ako ng anyo, huwag niyo akong susundan sa labas, isarado niyo ang bintanang ito. Hindi ko alam kung ano ang tumatawag sa akin, tila ba mababaliw ako kapag hindi ko ito tutugunin. " Wika ng binata. Hindi kaagad nakasagot si Mina dahil sa pag-aalala. Noon lang kasi niya nakitang nagkaganoon amg binata. Ni minsan ay hindi niya ito nakitaan ng takot ngunit sa mga oras na iyon ay bakas sa pagmumukha nito ang takot at pagkabahala.

"Wala ba akong maitutulong?" Tanong ni Mina at umiling lang ang binata. Nagkikiskisan na ang mga ngipin nito sa pagpipigil. Nakakalmot na rin nito ang kanyang balat.

" Huwag kang mag-alala, babalik ako agad." Wika nito at inilapat nito ang kanyang kamay sa ulo ng dalaga. Hindi pa man din nakakasagot ang dalaga ay bigla nitong binuksan ang binatan at tumalon roon. Napatulala lamang si Mina dahil sa bilis ng mga pangyayari. Nahimasmasan lamang siya nang muking maisara ni Manuel ang bintana.

"Anong nangyari kay Isagani Mina?" Agarang tanong ni Amante. Hindi na iyon nasagot ni Mina dahil siya man ay hindi niya alam ang kasagutan roon.

Samantala, tuluyan na ngang naging aswang na lipad si Isagani. Inililibot niya ang kanyang paningin sa buong paligid upang sipatin ang nilalang na nagpapasama ng kanyang pakiramdam.

Sa kanyang paglilibot ay doon niya nakit ang isang matandang huklubang unti-unting naglalaho sa kanyang paningin. At sa kinaroroonan nito ay may isang lamang-lupa na halos wala nang buhay.

Kasabay ng paglaho ng hukluban ay ang pagpawi ng kanyang nararamdamang pagkabalisa. Naging magaan na din ang kanyang pakiramdam kung kaya't minabuti niyang lapitan ang naghihingalong lamang-lupa.

Sa kanyang paglapit ay nakita niyang unti-unti na din nawawala ang ulirat nito. Ngunit bago paman ito nawalang ng huli nitong hininga ay meron pa iting naibulong sa kanya. Nanlaki ang kanyang mga mata sa nalaman at agaran siyang bumalik sa bahay ni Manuel.

Pagdating doon ay ahad niyang tinawag ang dalaga uoang pagbuksan siya ng pinto nito. Nang tuluyan na nga siyang makapasok ay agad naman noyang isinalaysay ang kanyang mga nakita.

"Hindi lamang basta sumpa ang nangyayari sa buong bayan ng Bayumbon. Ito ay kagagawan ng isang hukluban. Nakita ko itong may pinapatay na lamang-lupa. Meron itong naibulong sa akin na lubos kong ikinagulat. " Salaysay ni Isagani. Tahimik namang naghihintay sila Mina sa mga susunod na sasabihin ng binata.