The Goblin Raid
Nakahinga ng maluwag si Xavier nang dumating si Isenbard kasama ang asawa nito at dalawang anak.
"Aherm! Mga binibini! Pasensiya na kung kailangan kong kunin mula sa inyo ang aking commander. Mangyari kasi na ipinapatawag siya ng kanyang ina." ang bungad ni Sir Isenbard.
Gusto sana niyang matawa sa nakita nilang eksena ng asawa niya. Si Commander Xavier Lionhart, nanghihingi ng saklolo dahil kinukuyog ng kababaihan! Pero ngumiti na lang siya, masama kasi ang timplada ni Commander Lionhart base sa ekspresyon ng mukha nito.
Napalayo naman ang mga babae matapos marinig ang sinabi ni Sir Isenbard. Kaagad naman iyong sinamantala ni Xavier, lumayo siya sa mga babae at kaagad na nilapitan ang kanyang comrade. Inayos niya ang nagusot niyang damit, maging ang nagulo niyang buhok. Hindi niya puwedeng harapin ang kanyang ina na magulo ang itsura. Ito pa naman ang Dukesa.
"Salamat. Pupuntahan ko na ang aking ina." ang seryoso niyang wika.
"Sige po, Commander. Hinihintay po kayo ng Dukesa sa may terasa kasama ng inyong ama."
Napatango ng bahagya si Xavier. Lalakad na sana siya paalis pero bigla siyang may naalala.
"Sir Isenbard!" ang bigla niyang wika.
"Sir?" ang napakurap naman na wika ni Sir Isenbard.
Seryosong napatingin si Xavier sa mukha ng comrade niya at bahagyang napasulyap sa mga babaing kumuyog sa kanya kanina. Tahimik lang sila ngayon at tila nahiya nang makita si Sir Isenbard kasama ang asawa at mga anak nito.
"Nakita mo ba si Miss Strauss?" ang bigla niyang tanong.
Napakurap naman si Sir Isenbard dahil seryoso ang mukha ng kanyang commander at mukhang medyo galit.
"Oo, Commander. Sa katunayan, nakasalubong nga namin siya eh. Siya din ang nagturo kung nasaan ka." ang sagot niya.
Napakurap si Xavier. Kung ganoon, ito din ang nagturo sa mga noble ladies na naghahabol sa kanya kung nasaan siya. Kaya nga nagtungo siya sa hardin dahil gusto niya ng katahimikan. Alam niya kasing kukuyugin lamang siya ng mga noble ladies sa kasiyahan na gusto ng kanyang atensyon.
"Nasaan siya?" ang tanong niya.
"Ah, umuwi na Commander."
Napatango na lamang si Xavier at saka na lumakad paalis. Saka na lang niya aasikasuhin ang tungkol kay Miss Strauss kapag hindi siya abala. Sa ngayon ay pupuntahan muna niya ang kanyang mga magulang. Alam niyang may mahalagang dahilan kung bakit siya ipinatawag ng mga ito.
Nakita niya ang kanyang ina sa may terasa, kasama ang kanyang ama at ang hari na kanyang tiyuhin.
"Ipinapatawag niyo raw ako?" ang bungad niya.
Yumuko siya ng bahagya bilang paggalang. Magulang man niya at tiyuhin ang mga ito, hindi maikakaila na may mataas pa rin silang katungkulan. Kailangan niya pa ring gumalang.
"Oo. Mahalaga ang sasabihin ko sayo, aking pamangkin." ang wika ni King Leon.
"Aking, hari sabihin niyo lamang ang inyong mahalagang pakay." ang magalang na wika ni Xavier sa kanyang tiyuhin.
Alam niyang hindi siya basta ipapatawag ng hari kasama ang mga magulang niya kung hindi mahalaga ang kanilang sasabihin.
"Isang masamang balita ang nakarating sa akin ngayon lang. Isang malayong village ang sinugod ng mga goblins. Mangyari sana na kailangan niyong puntahan kaagad ang lugar upang tulungan ang mga mamamayan doon. Kailangan niyo ding puksain siyempre ang mga goblins doon." ang wika ni King Leon.
Napakurap si Xavier at napangiti. Matagal-tagal na rin noong huli siyang mapasabak sa aksyon.
"Huwag kang mag-alala, ako at ang aking mga knights na ang bahala." ang magalang niyang sagot.
"Commander Xavier, nais ko din sana na alamin mo ang pangangailangan ng mga tao sa village na iyon at nang sa ganoon ay makapagpadala kaagad ng nararapat pang tulong para sa kanila." ang dagdag pa ni King Leon.
"Gagawin ko po." ang magalang niyang sagot.
Napatango ng bahagya si King Leon sa kanyang pamangkin. Siguro nga ay kilala itong malupit, istrikto at masungit. Pero hindi alam ng nakakarami na may puso ito para sa kapwa lalo na sa mga taong nangangailangan.
"At tungkol naman sa pagpapatawag namin sa iyo ng iyong Ina... Mayroon kaming mahalang itatanong sayo." ang wika naman ng Duke.
Napatingin si Xavier sa kanyang ama. Kay Duke Alexander Lionhart.
"Ano po ang itatanong niyo sa akin?" ang napakunot-noo niyang wika.
"Kailan ka ba mag-aasawa?"
Napatanga si Xavier sa katanungang iyon. Napatingin siya sa kanyang ina, halatang naghihintay din ng sagot. Si Dukesa Verina Lionhart.
Samantala... Napainat-ina si Margaret at napangalumbaba sa may bintana habang umiinom ng mainit na tsaa. Nakaligo na siya at nagbihis. Naghahanda na siya sa kanyang pagtulog ngayong gabi. Nagpapalipas muna siya ng oras habang nakatingin siya sa labas. Ang maliit na lampara na nasa mesita niya ang nagsisilbing ilaw ng kanyang silid. Nakita niya na tuloy pa rin ang kasiyahan sa palasyo. Maaga pa para umuwi pero kailangan. Hindi kasi siya puwedeng makita ni Commander Lionhart dahil sa kanyang ginawa. Muli ay napangisi siya sa sarili niyang kalokohan. Matapos niyang ubusin ang iniinom niyang tsaa ay kaagad na niyang isinarado ang kanyang bintana at saka na nahiga sa kanyang ka. Natulog siya.
Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Nananatili siyang nakahiga sa kanyang kama. Hindi naman kasi sila magbubukas ngayong araw. Karamihan kasi sa mga staffs niya sa tavern, siguradong puyat at may hang-over ngayong umaga. Siya lang siguro ang matino dahil siya itong pinakamaagang umuwi kagabi. Hindi nagtagal ay bumangon na rin siya sa pagkakahiga, dumiretso sa banyo at nagsepilyo bago maghilamos ng kanyang mukha. Nagpalit siya ng damit at nagsuklay ng buhok. Lumabas siya ng silid, ang tahimik.
Wala ding tao sa kusina ng ganito kaaga. Panigurado, napuyat at may hang-over din iyong mga cook. Siya na lamang ang gumawa ng sarili niyang almusal. Ham chicken sandwich at nagbrew siya ng maiinom na kape. Napakatahimik ngayong umaga. Matapos niyang mag-almusal ay napagpasyahan niyang ayusin ang hardin ng mga bulaklak sa may harapan. Orihinal na hardin iyon ng kanyang Lola Rosanna. Naroon ang malaking climber rose na pulang-pula at nakakapit sa pader. Marami itong bulaklak at kapareha nito ang puting rosa na isa ding uri ng climber rose. Nagbunot siya ng damo. Malalago ang bulaklak ng mga impatients na nakatanim sa pagitan ng mga rose bushes, maging ang pansies, hitik din sila sa mga bulaklak. Pero ang nakaagaw ng pansin niya ngayong umaga ay ang naglalakihang bulaklak ng puting peonies, may baby pink din at pula.
Pero pinili niyang pitasin iyong mga puting peonies at pink. Nanguha din siya ng bulaklak ng mga roses. Kasalukuyan siyang namimitas nang makita niyang parating ang grupo ng mga knights. Naka-full armor sila at mukhang may sasabakang labanan dahil may dala din silang karwahe na naglalaman ng mga supplies. Nangunguna sa grupo ang kanilang Commander. Nang matapat ang grupo sa kinaroroonan niya ay mabilis niyang itinakip sa kanyang pagmumukha ang mga hawak niyang bulaklak.
Pinahinto naman ni Commander Lionhart ang sinasakyan niyang kabayo ng matapat siya sa tavern. Nakita niya sa may hardin si Miss Strauss na may hawak na mga bulaklak at nakatakip sa mukha nito. Napakunot-noo siya.
"Miss Strauss!" ang tawag niya.
Maging ang ibang mga knights ay napahinto na rin sa pag-usad at napatingin kay Margaret na tinawag ng kanilang commander. Naaaliw nga sila dahil itinakip nito ang magagandang bulaklak sa mukha.
Napakurap naman si Margaret. Nananatiling nakatakip sa mukha niya ang mga bulaklak na hawak niya.
"A-Ako ba ang tinatawag mo, Sir?" ang painosente niyang wika.
Alam niya ang kasalanan niya kay Commander Lionhart kagabi.
"Bakit, may iba pa bang Miss Strauss dito? Alangan namang si Sir James o kaya si Sir Isenbard ang Miss Strauss?"
Dahil sa narinig ay nagtawanan ang mga comrades ni Xavier. Dahil doon ay ibinaba na niya ang hawak na mga bulaklak at napatingin sa masungit na commander.
"May kailangan ka, Sir?" ang painosente pa ring tanong ni Margaret.
Napakunot-noo tuloy si Xavier at napatingin sa magandang mukha ni Miss Margaret. Ito lang ang natatanging babae na malakas ang loob na kalabanin siya. Malinaw ang ginawa nitong hakbang laban sa kanya kagabi. Matapos niya itong sungitan at paalisin ay itinuro naman siya nito sa mga noble ladies. Ayon, nakuyog siya ng wala sa oras. Nabulabog ang tahimik niyang pag-inom sa hardin.
"Alam mong may kasalanan ka sa akin, kagabi. Humanda ka dahil mag-uusap tayo ng masinsinan pagbalik ko galing sa Goblin Raid." ang seryoso niyang wika.
Napakurap naman si Margaret matapos niyang marinig ang salitang Goblin Raid.
"Goblin Raid?" ang maang niyang tanong.
"Oo. Pupuntahan namin ang isang maliit na village na inaatake ng mga goblins. Pupuksain namin sila sa lalong madaling panahon. At pagbalik ko, humanda ka."
Sutil na napangiti si Margaret.
"Huwag ka nang bumalik kung ganoon." ang mahina niyang wika.
"Anong sabi mo?!" lalong napakunot-noo si Xavier.
Nagkibit-balikat naman si Margaret.
"Sabi mo nga, Sir! Maghahanda ako. Ilang bariles ba ng alak at gaano karaming pagkain ang gusto mo?"
Nagsigawan sa tuwa iyong mga knights na kasama ni Commander Xavier. Pero ang huli, seryoso pa rin ang ekspresyon ng mukha, halatang nainis sa kapilosopohan ni Margaret.
"Niloloko mo ba ako?!"
"Hindi, Sir! Sabi mo maghanda ako eh?"
Napabuntung-hininga ng marahas si Xavier at muling itinuon ang atensyon sa daan.
"Tumahimik na kayo diyan! Umalis na tayo!" sa halip ay binalingan na lamang niya ang mga knights niya.
Pinasibad na niya paalis ang kanyang kabayo. Iyong mga knights naman na medyo nahuli ay...
"Miss Strauss, aasahan namin iyan ah? Maghahanda ka pagkabalik namin?!"
"Damihan mo ang pagkain at alak!"
Natawa si Margaret sa naging reaksyon ng mga knights. Wala silang alam sa kung anong kasalanan niya sa kanilang commander.
"Oo, maghahanda ako. Pero, may bayad!" ang sutil niyang wika.
"Aww!" ang nadismayang reaksyon ng lahat.
Tumuloy na ang grupo sa pag-alis papunta sa Goblin Raid at wala namang ginawa si Margaret kundi ang mapatingin sa mga papaalis na Knights. Ganoon pa man, napakagat siya sa pang-ibaba niyang labi. Humanda daw siya pagbalik ni Commander Xavier Lionhart. Napabuntung-hininga siya at pumasok na lamang sa loob ng tavern at inayos ang mga bulaklak sa isang malaking plorera. Matapos noon ay nagpunta siya sa may likod. Kinuha niya ang palaso at pana. Nag-ensayo siya para maglabas ng frustrations. Mukhang nagalit talaga sa kanya si Commander Lionhart. Sigurado siya, may niluluto itong parusa para sa kanya at kailangan niya iyong paghandaan.
Samantala... Tuloy lang sa paglalakbay ang grupo ni Commander Xavier papunta sa village. Magtatanghali na nang makarating sila sa lugar. Doon, nakita nila ang nawasak na mga bahay at iba pang gusali. Nakahilera din ang mga bangkay para sabay-sabay na binabasbasan ng pari. Bata, matanda, babae man o lalaki.
Mariin niyang ikinuyom ang kanyang mga kamao at nagtiim ang mga bagang niya sa kanyang nakita. Kaagad niyang nilapitan ang pinuno ng village at kinausap. Dito niya napag-alaman na nangyari ang pag-atake noong gabi ng gala. At ayon din sa pinuno ng village, nanggaling ang mga goblins sa malapit na kagubatan. Matapos niyang makausap ang village leader ay kaagad niyang pinulong ang mga kasama.
"Susuyurin natin ang gubat at hahanapin ang pugad ng mga goblins. Kapag nakita na natin ang pugad nila, susunugin natin iyon at sasaraduhan ang lahat ng puwede nilang madaanan. Alam niyo naman na madaling napapatay ang mga goblins sa apoy. At malambot din ang parte ng kanilang leeg kaya mabisa din na pugutan sila ng ulo. At tungkol sa pinuno ng mga goblins, ako na ang bahala. Iyong iba naman, maiwan dito at gumawa ng barikada para sa village. Sa palagay ko, dapat ding patayuan ng pader ang buong village upang maprotektahan sila sa iba pang banta. Hindi lang sa mga goblins." ang wika niya.
Nagtaas naman ng kanang-kamay si James at napatingin sa kanyang commander. Ang bilis nitong nakagawa ng plano.
"Sir, paano iyong mga nagbabantay sa may bungad ng pugad? Siguradong may mga goblins na nagbabantay sa kanilang pugad." ang wika niya.
Isang matipid na ngiti ang namutawi sa labi ni Xavier.
"Papainan natin sila ng masarap na inihaw na karne ng boar. Lalagyan natin ng asin, paminta at ang sekretong sangkap na rosemary at chamomile. Makakatulong ang dalawang herbs para makatulog sila at manghina. Mas madali din nating silang mapapatay. Iyong pugad nila, bago natin sunugin... Papausukan natin ng rosemary at chamomile herbs. Kaya iyong mga maiiwan dito, mamitas na ng marami. At iyong iba, sumama sa akin para sa pag-scout sa pugad ng kalaban!"
Siyempre, ang piniling isama ni Xavier ay iyong mga beterano na niyang kasama. Kagaya nina James, Isenbard, William at ang iba pa. Ipinaiwan niya na magbantay sa village iyong mga baguhan at para tumulong na din sa mga tao doon. Gagawa sila ng pansamantalang barikada ngayong gabi.
Kaagad na silang lumakad patungo sa gubat. Kalkulado at maingat silang lahat dahil malaki ang posibilidad na nasa paligid lang mga goblins. Ganoon pa man ay mas aktibo sila sa gabi. Kaya naman sa oras na mahanap nila ang pugad nila ngayong araw, bukas ng umaga nila ito aatekehin. Nakarinig sila ng mga kaluskos sa di kalayuan. Pero nang tingnan niya ay isa lamang iyong wild boar. Ganoon pa man, pinatay pa rin niya ito. Magagamit niya ang karne nito bilang pain sa mga goblins. At iyong iba naman, iiihaw nila mamayang gabi para kainin.
Nagpatuloy lang sila sa pagsuyod sa kagubatan hanggang sa makita nila ang mga natuyong patak ng dugo sa lupa. Nagsenyales si Xavier sa mga kasama niya na magdahan-dahan sa paglalakad at nanguna siya sa grupo. Kalkulado ang bawat hakbang na kanyang ginawa habang sinusundan niya ang mga patak ng dugo na kanyang nakita.
Hindi nagtagal ay nakita niya ang isang dungeon at sa bungad noon ay mga nagbabantay na goblins. Nakita niya na may mga ilang mana stones na natural na nakadikit sa may bungad ng dungeon. Napayuko siya at pasimpleng minarkahan ng seal ang lupa. Magsisilbi iyong tracker nila.
"Tahimik kayong umatras, dahan-dahan. Kailangan hindi malaman ng mga goblins na ito ang ating presensiya. Hindi nila susugurin ang village ngayong gabi dahil nakuha sila ng kanilang mga biktima." ang wika niya.
Ayon na din sa utos ni Xavier ay dahan-dahan ngang napaatras ang mga kasama niya. Susundin nila ang plano na kanyang binuo dahil iyon ang pinaka-epektibong paraan para maging matagumpay sila sa kanilang pag-exterminate sa mga goblins. Bonus pang makakakuha sila ng mana stones sa dungeon na pinagkukutaan ng mga ito.
Lumakad na din paatras si Xavier ngunit nananatili ang mga mata niya sa pungad ng nga goblins. Lahat sila ay alerto kahit alam nilang hindi gaanong aktibo ang mga goblins sa araw. Marami na silang karanasan at ang maliit na pagpapabaya, may katumbas na malaking halaga. At masaklap pa doon ay buhay ang nagiging kapalit. Maraming beses na niyang naranasan ang mamatayan ng kaibigan at kasamahan. Pero ibang-iba ang una niyang karanasan nang mapasabak siya sa labanan. Halos lahat ng mga nakasama niya sa Garisson Knight nang nagte-training siya, nakita niyang namatay sa mga sinabakan nilang misyon.
Maingat silang bumalik sa village. At pagkabalik doon ay tinulungan nila ang mga kasama na gumawa ng pansamantalang barikada. Kailangan talaga ng lugar ang matibay na pader. Isasangguni niya ito kay King Leon kaagad. Sina Sir Isenbard naman, nanguha ng karagdagang rosemaries at chamomiles. Alam kasi nila na mas marami ang kanilang kakailanganin. Hindi nila kabisado kung gaano kalawak ang ilalim ng dungeon na kanilang susugurin bukas.
Kinagabihan ay mahigpit silang nagbantay. Relyebuhan silang lahat. Bagama't sinabi niya na hindi susugod ngayong gabi ang mga goblins dahil madami silang nakuhang biktima nitong nakaraan ay hindi pa rin sila dapat na magpakasiguro.
"Commander, mainit na sopas at tinapay."
Napaangat ng tingin si Xavier at nakita niya si Sir James, ang kanyang Second in Command. May hawak itong bowl ng sopas at tinapay.
"Salamat."
Kinuha niya ang iniaalok nitong pagkain at saka na kumain. Naupo sa may tapat niya si James at kumain na rin ng sopas. Katabi nito sina Sir Isenbard at Sir William. Si Sir Isenbard, umiinom ng alak. Pero hinayaan lang niya kasi bitamina na nito ang alak. Isa pa ay isang bote lang naman ang iniinom nito at panlaban iyon sa lamig ng panahon ngayong gabi. Tahimik lang siyang kumain.
"Matanong ko lang, Commander..." ang biglang wika ni James.
Napatingin siya dito at bahagyang natigil sa akmang pagsubo ng sopas.
"Ano iyon?" ang sagot niya bago tuluyang sumubo ng pagkain.
"Ano ba iyong atraso sayo ni Miss Margaret? Bakit parang binantaan mo siya kanina?" ang curious na tanong ni James.
Hindi lang naman kasi siya ang nakapansin. Maging ang iba pang knights.
"Oo nga, Commander? Mabait pa naman iyon si Miss Margaret kahit medyo sutil at masungit kung minsan." ang segunda ni Sir William.
Medyo natawa nga siya nang maalala niya ang kapilosopohan nito kaninang umaga sa kanilang commander. Sila nga, hindi iyon magawa. Hindi naman sumagot si Xavier, napasimangot na lamang siya at napakagat sa hawak niyang tinapay.
Napabuntung-hininga naman si James sa iginawi ng kanyang Commander. Kaibigan pa naman nila si Miss Margaret kaya naman nag-aalala silang lahat. Hindi pa naman nagpapalagpas na hindi magparusa ang kanilang commander. Kaya lang, isang sibilyan si Margaret at higit sa lahat, isang magandang babae.
Natawa naman si Sir Isenbard nang hindi sumagot ang kanilang knight commander. Tumungga muna siya sa maliit na bote ng alak na hawak niya bago siya nagsalita.
"Ako, alam ko kung bakit siya nagagalit kay Miss Margaret." ang natawa niyang wika.
Dahil doon ay natuon tuloy ang atensyon sa kanya ng mga kasama niya, kabilang na ang iba pang knights.
"Sir Isenbard Freestone..." ang nagbababalang wika ni Xavier.
"Commander, nagtatanong lang naman si Sir James. Isa pa, ano namang masama kung sabihin ko ang atraso ni Miss Margaret sayo?" ang kibit-balikat na wika ni Sir Isenbard.
"Ano ba kasi ang atraso ni Miss Margaret sa kanya? Ano bang nangyari sa Gala kagabi?" ang na-curious na tanong ni Sir James Desmoune.
Sutil naman na napatingin si Sir Isenbard sa commander niya. Hindi siya nito makokontra dahil sa kanilang apat, siya itong senior. Mas marami siyang karanasan pero aaminin niyang sa kakayahan ay lamang talaga si Xavier sa kanilang lahat.
"Kinuyog kasi kagabi ng mga noble ladies si Commander. Itinuro siya ni Miss Margaret na nasa hardin siya at umiinom ng tahimik. Alam niyo naman itong si Commander, ayaw sa maingay, ayaw sa kasiyahan. Kung hindi lang siya puwedeng dumalo eh hindi naman talaga ito pupunta eh. Siguro, sinungitan niya si Miss Margaret, ayon... Mukhang nakakita ng katapat!" ang natawang kuwento ni Sir Isenbard.
Natawa tuloy sina James at William, kasama na ang iba pa.
"Hay naku, Commander! Hindi mo dapat sinusungitan iyon si Miss Margaret, gumaganti talaga iyon. Saka, maliit na bagay lang naman ang nagawa niyang kasalanan, patawarin mo na lang." ang natawang wika ni James.
Napailing si Xavier.
"Kung palalagpasin ko siya, puwede niya iyong ulitin."
Napabuntung-hininga si James habang nakatitig sa kanyang commander.
"Palibhasa, hindi mo pa talaga kilala si Miss Margaret ano? Alam mo, kahit parusahan mo pa iyon, gagawin pa rin iya iyong ginawa niya sayo. Tandaan mo, hindi siya katulad ng mga noble ladies na naghahabol at nakakasalamuha mo. Marunong iyong manuntok, mambato ng kutsilyo, marunong siyang pumana at manipa. Pero maganda siya... Marami nga sa amin, gustung makuha ang matamis niyang Oo. Saka suwerte kapag isa sa amin ang napangasawa siya. Libre ang inom sa tavern, libre pa ang masarap na pagkain!" ang natawang wika ni Sir James.
"Tsk! Kababawan." ang komento ni Xavier.
Ganoon pa man ay sutil na napatingin si James sa kanyang commander.
"Pero ito, usapang lalaki, Sir. Umamin ka, maganda naman talaga si Miss Margaret, hindi ba? Sa buong buhay mo, saan ka nakakita ng babaing katulad niya? Matapang, marunong ipagtanggol ang sarili."
Napakunot-noo si Xavier at napatingin siya kay Sir James. Natawa naman si Sir Isenbard at napainom ulit sa bote ng alak na hawak niya.
"Kaya nga ako, minamahal ng husto ang asawa ko. Magaling iyon mambato ng plato kapag nagagalit!" ang natawang wika ni Sir Isenbard.
Dahil doon ay nagtawanan ang mga kasamahang knights nila sa kanilang narinig. Mas matangkad at mas malaki ang pangangatawan ni Sir Isenbard sa kanilang lahat. At tanging kina Commander Lionhart at Vice Commander Desmoune lang tumatanggap ng utos. Pero huwag ka, iba na ang usapan kapag ang asawa na nito. Isang tingin lang, tiklop na si Sir Isenbard!
At nakilala lang naman nito ang maganda nitong asawa na si Lady Jean sa tavern mismo nila Margaret. Nabubuhay pa ang Lola ni Margaret noong magkakilala sila at hindi pa commander noon si Xavier.
"Alam mo, Commander Xavier ah... Minsan, nakikita natin ang mga katapat natin sa hindi inaasahang pagkakataon. Malay mo, panahon na para mapaamo ang mailap mong puso! Tingnan mo ako, unang beses na nakita ko si Jean sa tavern, tinamaan na ako. Pangalawang beses na nagtagpo kami, talagang nasabi ko na, siya na nga! Ayon, pangatlong araw pa lang eh pinuntahan ko na mismo sa bahay nila at nagdala ng dowry. Wala nang ligoy-ligoy, hiningi ko na sa pamilya niya ang kanyang kamay. Kung ayaw sa akin, dukutin! Pero pumayag naman. Prinangka nga lang ako na nagpakapraktikal daw siya para sa pamilya niya. Pero tingnan mo, hanggang ngayon kami pa rin. At ramdam ko ang pagmamahal ng asawa ko, tama ang desisyon ko. Kung alam niyo lang kung paano siya mag-asikaso sa akin at sa mga anak namin kahit may mga kasambahay kami. Kaya kahit asarin niyo akong takot sa asawa ko? Hindi ako napipikon! Alam niyo kung bakit? Mas takot akong mawala siya sa akin."
Medyo may tama na ng alak si Sir Isenbard kaya medyo madaldal na din.
"Mawalang-galang na, Sir Isenbard! Magpasintabi ka naman sa amin! Wala pa po kaming mga asawa na nagmamahal sa amin! Wala pa kaming uuwian!" ang sutil na wika ni Sir James.
"Tama!" ang sang-ayon ni Sir William.
Dahil doon ay nagtawanan silang lahat kasama na si Sir Isenbard. Si Xavier naman, napangiti na lang ng matipid habang nakamasid at nakatitig sa mga kasama niya. Maganda na din itong ganito, hindi sila mababagot sa pagbabantay ngayong gabi.