Chereads / He was a cold Knight / Chapter 1 - 3. The Gala

He was a cold Knight

brose_fire
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 8.9k
    Views
Synopsis
Commander Xavier Lionhart, the aloof and strict commander of the Knights. He was known as a heart-breaker and he rejected a lot of noble ladies who shows advances. Is there a chance that he was able to be tame?

Chapter 1 - 3. The Gala

The Gala

Napainat-inat si Margaret matapos niyang makapagbihis dahil kakaligo lang niya ngayong gabi. Hindi na nga lang siya nagbasa ng kanyang buhok dahil matagal bago pa matuyo iyon at hindi siya kaagad na makakatulog. Pumunta siya sa may bintana ng kanyang silid at nagmasid sa labas. Ngunit nang marinig niya ang tunog ng mga paa ng kabayo na parating ay nagtago siya sa may gilid ng bintana niya. Sigurado kasing iyong mga nagpapatrolyang knights ang parating. Mahirap nang masita at masermunan ni Commander Lionhart. Ganoon pa man ay napangisi siya nang maalala niya ito. Malaki ang kinita niya sa pustahan ngayong gabi.

Nang marinig niyang nasa malayo na ang mga nagpapatrolyang knights ay muli siyang napatingin sa labas at pinagmasdan ang kalmadong kapaligiran. Maliwanag ang buwan at ito ang nagbibigay ng liwanag sa paligid ngayong gabi. Napangalumbaba siya sa may bintana at pinagmasdan ang mga bulaklak sa kanyang hardin. Karamihan sa kanila ay kulay-puti at maganda ang pagkaka-reflect ng liwanag ng buwan sa mga ito. Alam niyang mas humigpit ngayon sa pagpapatrolya ang mga knights. Nalalapit na kasi ang fiesta sa kanilang lugar.

May gaganapin pa ngang Gala ngunitn nagdadalawang-isip siya kung dadalo o hindi. Bagama't imbitado naman ang lahat sa kasiyahan eh siguradong magiging gabi lamang iyon ng mga mayayaman at mga nobles kagaya ng dati. Sa isang banda naman, babaha ng libreng pagkain at inumin. Kung pupunta siya o hindi, pinag-iisipan pa niyang maigi sa ngayon. Napainat-inat siya at nagpasya na siyang matulog na.

Kinabukasan ay maagang nagising si Margaret, naligo at nagsepilyo bago siya lumabas ng kanyang silid. Itinambak lamang niya ang marurumi niyang damit sa laundry basket. Mamaya lang ay kokolektahin na iyon ng labandera at maglilinis na din ng silid ang kasambahay niya. Paglabas niya ng silid ay nakita niyang nagsilabasan na din ang mga staffs niya. Nagbatian sila habang naglalakad sa may hallway.

"Miss Margaret, pupunta ka ba sa Gala?" ang tanong ng isang waitress sa kanya.

Nakasuot na ito ng uniform.

"Pag-iisipan ko pa. Depende kung sinipag ako." ang balewalang sagot ni Margaret.

"Sayang naman kung hindi ka pupunta, Miss Margaret. Pagkakataon na iyon para makakilala ng mga binata. Malay mo, doon mo na makita ang para sayo, Miss Margaret."

Natawa na lang si Margaret sa sinabi ng waitress. Kaya lang naman siya pumupunta sa Gala ay dahil sa libreng pagkain at inumin. Makakapag-relax din siya sa gabing iyon.

Tuluyan na siyang lumabas at kagaya ng dati, sinalubong siya ng mabangong amoy ng pagkain na niluluto sa kanilang kusina ng mga cook. Hindi siyempre nawawala ang mabangong aroma ng kapeng nilalaga. Tumuloy siya sa kusina at tiningnan ang kanilang niluluto. Omelet, Chicken soup, ham sandwich at fried bacon. Ito din ang menu para sa almusal ng mga patrons nila ngayong araw. Kaagad na siyang kumain ng almusal. Maya-maya kasi ay darating na iyong mga bariles ng alak na in-order niya para sa kanyang tavern. Kasunod din noon ang iba pang supply na kanyang in-order noong nakaraang araw.

Matapos niyang kumain ng almusal ay kaagad siyang nagpunta sa may harap ng tavern at hinintay iyong karwaheng maghahatid ng mga bariles ng alak at iyong isa pang karwahe na para naman sa mga supply ng sangkap ng mga ilulutong pagkain sa kusina.

Hindi nagtagal ay dumating na iyong mga hinihintay niya. Nauna pa nga iyong karwahe na naglalaman ng supply para sa kusina. Siyempre, kinailangan niyang tingnan kung tama iyong mga supply na dumating. Nang makita niyang tama ang lahat ng iyon ay inutusan niya ang mga tauhan niya na dalhin na iyon sa imbakan. Sumunod naman iyong mga alak. Siyempre, binilang niya ang mga bariles kung tama ang mga iyon. Siniguro din niya na tama ang mga dumating na order niyang alak.

Hindi niya basta ipinapasok ang mga iyon sa imbakan ng mga alak. Kailangan muna niya iyong matikman. Ihehelera niya kasi ang mga iyon depende sa tapang, sa lasa at sa kalidad. Mamarkahan niya ng presyo at lebel ang mga iyon bago ilagay sa imbakan. Paborito din niyang parte ito ng kanyang trabaho. Libreng maglasing ng kaunti. Napangisi siya sa isiping iyon at kaagad na kumuha ng maliit na shoting glass.

Habang ginagawa niya ang wine tasting ay eksakto namang napadaan iyong mga nagpapatrolyang knights para ngayong umaga. Siyempre, sinutil na naman siya.

"Miss Margaret! Baka puwede namang mag-apply bilang tagatikim din ng alak? Kahit walang bayad, magtatrabaho ako ng maayos!" ang wika ni Sir Isenbard.

Medyo may kalakihan ang pangangatawan nito at mas matangkad ng kaunti sa iba pa nitong kasama.

"Ako din, Miss Margaret! Baka naman puwede ding magtrabaho, pero tagatikim lang din ng alak!" ang wika ng isa pa.

Si Sir William naman. Nag-react na din ang ibang knights at lahat sila, gustung mag-apply bilang tagatikim ng alak. Ganoon pa man ay nagpaypay lang sa hangin si Margaret.

"Ayaw ko nga! Kayang-kaya ko na 'to. Hay, ang sarap talaga kapag libre ang alak!"

Sutil pa siyang uminom sa harapan ng mga knights. Nakasakay sila sa kani-kanilang mga kabayo. At iyong ginawa niya, hindi na parte ng trabaho niya kundi talagang nang-asar lang siya.

"Aww! Pambihira ka naman Miss Margaret!" napailing at natawa na lamang si Sir Isenbard.

"Oo nga, madaya eh. Kaunting tikim lang naman!" ang wika din ni Sir William.

Ganoon pa man ay napangisi si Margaret sa mga knights. Iniumang niya ang baso niya na nilagyan niya ng kaunting alak mula sa bariles.

"Gusto niyo?" ang nakangiti niyang tanong.

Nakita niya na nagliwanag ang mukha ng mga knights. Pero sa huli ay...

"Bumili din kayo mamaya!" ang sutil niyang wika at saka ininom ang laman ng basong hawak niya.

"Aww! Sutil ka talaga." ang pakli na lang ni Sir Isenbard na napailing.

Nang di inaasahan ay biglang dumating si Commander Xavier Lionhart sakay ng kabayo nito at nilapitan ang mga knights.

"Anong nangyayari dito? Bakit tumigil kayo sa pagpapatrolya?" ang sita nito.

Muntik namang mabulunan si Margaret matapos niyang makita ang knight commander at narinig niya ang seryoso nitong boses. Napahawak siya sa kanyang bibig upang hindi maibuga ang laman ng kanyang bibig. Nalulon din naman niya ang alak kahit nasamid siya ng kaunti.

"Ah, commander! Nagkakatuwaan lang kami ng kaunti. Kinakamusta lang namin ang magandang si Miss Margaret." ang sutil na wika ni Sir Isenbard.

Napatingin naman si Xavier kay Miss Margaret. Namumula ang mukha nito, hawak ang lalamunan at may hawak na shoting glass na walang laman. Sa tabi nito ay hilera ng mga bariles ng alak. Muli ay binalingan niya ng atensyon ang grupo ni Sir Isenbard.

"Bumalik na kayo sa pagpapatrolya at tama na iyang kabalbalan niyo dito. Huwag kayong umakto na parang bata habang nasa tungkulin. Umalis na kayo." ang utos niya.

"Sir, yes Sir!"

Napasaludo si Sir Isenbard kasama nina Sir William at ng iba pang knights. Nagpatuloy na sila sa kanilang pagpapatrolya ngayong umaga. Binalingan naman ni Xavier si Margaret.

"At ikaw naman, ang aga-aga, naglalasing ka. Itigil mo na nga iyan, kababae mong tao, tanggera ka." ang sermon niya.

Napaismid naman si Margaret nang marinig niya ang sermon ni Commander Lionhart. Ganoon pa man, isang sutil na ngiti ang namutawi sa kanyang labi, medyo may tama na siya ng alak. Kasunod noon ay nilagyan niya ang shoting glass niya ng kaunting wine at saka itinaas iyon.

"Sir, tagay!" ang sutil niyang wika.

Nakita niya ang pagbuntung-hininga ni Commander Lionhart, napailing ito ng bahagya at saka na umalis lulan ng kabayo nito. Nakasuot ito ng armor ngayong umaga. Natawa naman si Margaret sa kabalbalang ginawa niya. Ininom niya ang laman ng kanyang baso. Matapos niyang malagyan ng lebel at presyo ang mga bariles, sinabihan niya ang mga tauhan niya na dalhin na ang mga iyon sa imbakan ng mga alak. Pumasok na din siya sa loob at saka siya napainom ng madaming tubig. Medyo tinamaan siya sa sarili niyang kasutilan.

Kinabukasan ay nanood si Margaret ng patimpalak ng paligsahan ng pagpana sa may plaza. Bahagi iyon ng kanilang kasiyahan para sa pista ng kanilang bayan. At karamihan sa mga kalahok ay mga knights. Siyempre pa, kasama sa hurado ang kanilang commander. Naalala niya iyong engkuwentro kahapon ng umaga. Natawa na lamang siya. Mamayang gabi naman gaganapin ang Gala. Hanggang ngayon ay nag-iisip pa rin siya kung pupunta siya o hindi. Wala naman kasi siyang matinong dahilan para magpunta. Matapos niyang manood ng paligsahan ay napagpasyahan niyang maglibot-libot sa mga tindahan para tumingin ng mabibili.

Sarado ngayong araw ang tavern. Naghahanda kasi ang mga tauhan niya sa pagdalo sa Gala mamayang gabi. Hanggang bukas, sarado sila. Panigurado kasi na magpupuyat sila at magkakaroon ng hang-over. Kasalukuyan siyang namimili ng barbecue nang makita niya ang grupo ng mga knights na naglalakad-lakad. Talagang mahigpit ang siguridad ngayong may nagaganap na kasiyahan sa kanilang lugar. Hindi na lang niya pinansin ang grupo ng mga nagpapatrolya sa lugar. Normal naman kasi iyon at walang kakaiba.

Matapos niyang mamili ay kaagad na siyang naglakad papunta sa may fountain. Doon sa gilid, sa malaking puno ng maple tree niya napiling sumilong. Isinandal niya ang likod sa matabang katawan ng puno at nagsimula nang kumain ng barbecue na nabili niya. Marami ang tao sa paligid. Karamihan nga na nakikita niya ay mga magkasintahan. Napaismid siya, parang sumakit yata ang mga mata niya sa kanyang nakikita. Ganoon pa man, kumain na lamang siya.

Kasalukuyan siyang kumakain nang makita niya ulit ang mga knights na naglalakad-lakad sa lugar. Sa pagkakataong ito, kasama nila si Commander Lionhart.

"Uy, Miss Margaret!"

Napatingin siya sa tumawag sa kanya at nakita niya si Sir James Desmoune. Ito ang second in command. O mas tamang sabihin na ang vice commander. Blonde ang buhok nito at agaw pansin ang asul na mga mata. Palangiti ito, kabaliktaran ng superior nito. At kung kilala si Commander Lionhart na tumatanggi sa mga babae, ito naman ang kabaliktaran. Kilala itong Lady's man o babaero. Pero sa kabila ng lahat ay hindi maikakaila na magaling din itong mandirigma at madami na itong pinagdaanang laban kasama ang commander.

Ang Team nila sa labanan ang pinakamahirap talunin, ayon pa sa mga knights. Nawala ang iniisip niya nang lapitan siya ni Sir Desmoune.

"Miss Margaret, masaya akong makita ka dito. Mukhang masarap iyang kinakain mo ah?" ang nakangiti nitong bungad.

Napangiti siya dito.

"Masaya din akong makita ka. Gusto mo?" ang alok niya.

Isang mahinang-tawa ang kumawala kay Sir James.

"Hindi ako tatanggi!"

"Ako din, Miss Margaret! Puwedeng makahingi?" ang tanong din ni Sir William.

Hindi nila kasama ngayon si Sir Isenbard.

"Ayos lang, kumuha ka din." ang wika niya.

Tahimik naman si Commander Xavier at napailing sa dalawa niyang kasama.

"Mahiya nga kayo. Kayo pa itong nanghihingi sa babae." ang hindi niya napigilang wika.

Nakapagsalita din siya sa huli. Nabitin tuloy sa akmang pagkagat ng pagkain sina James at William. Kaya lang, kaagad din namang nagsalita si Margaret.

"Ayos lang naman. Hindi naman masamang humingi." ang pakli niya.

Dahil sa narinig ay tumuloy na sa pagkagat ng pagkain sina James at William.

"Hmm... Ang sarap! Saan mo ito nabili, Miss Margaret?" ang tanong ni James.

"Ah, doon lang oh!" itinuro ni Margaret ang stall kung saan niya nabili ang barbecue.

Napatingin naman doon ang dalawang lalaki.

"Ayos, pagkatapos ng duty, bibili kami doon mamaya." ang pakli ni Sir William.

"Tama!" ang sang-ayon ni Sir James.

Napangiti si Margaret sa dalawa. Tambayan na kasi ng mga knights ang tavern kaya kakilala na niya ang karamihan sa kanila. Nitong nakaraan lang naman naligaw iyong masungit at istrikto nilang commander. Heto nga at tahimik habang nakamasid lang sa kanilang tatlo habang nag-uusap. Nawala ang iniisip niya nang magsalita si Sir James.

"Miss Margaret, pupunta ka ba sa kasiyahan mamaya? Alam mo na, sa gala?" ang bigla nitong tanong.

Napakurap si Margaret, nginuya muna niya ang kinakain niya bago siya sumagot.

"Depende kung sinipag ako." ang balewala niyang wika.

"Aww! Sayang naman! Balak pa naman sana kitang isayaw mamaya. Magkuwentuhan tayo ng kaunti. Tapos anong malay mo, baka gusto mong sumama sa akin pauwi pagkatapos."

Hindi maiwasan ni Margaret ang hindi matawa.

"Naku, mga ganyang galawan. Halatang may balak na. Hindi uubra sa akin iyan."

Nagkibit-balikat naman si James sa naging reaksyon niya.

"Miss Margaret, hindi mo alam kung ano ang nawawala sayo. Magiging masaya ka sa piling ko."

Magsasalita pa sana si Margaret pero naunahan siya ni Commander Lionhart.

"Sir James Desmoune, mas maigi na magpatuloy na tayo sa pagpapatrolya. At tama na iyang pakikipaglandian mo sa isang sibilyan. Hindi tama lalo na at nasa oras tayo ng trabaho. Alam mong may tamang oras para diyan."

Napatingin si James sa kanyang commander at napangiti. Medyo napansin niya kasi na parang iritable ito.

"Sige, Sir. Pasensiya na."

Ngunit muli niyang binalingan si Miss Margaret. Kinuha niya ang kanan nitong kamay at mabining hinalikan.

"Magkita tayo mamaya ah?" ang napakindat pa niyang wika.

Maganda at matapang na babae si Miss Margaret. Ganoon pa man, alam niyang hindi uubra dito ang mga galawan niya. May reputasyon na kasi siya ngunit, baka lang naman makalusot!

Napailing naman si Margaret at napangiti na lang kay Vice Commande James Desmoune. Nagpaalam na din sa kanya si Sir William Sanders at isang simpleng tango lang ang ibinigay ni Commander Lionhart bago umalis ang grupo.

Kinagabihan ay napagpasyahan din naman ni Margaret na magpunta sa Gala. Paano naman kasi? Lahat ng kasama niya sa tavern, nagpunta. Ayaw naman niyang maiwang mag-isa at magmukmok habang nagsasaya ang lahat. Sayang din naman kasi iyong mga libreng pagkain at alak! Isa pa ay sa palasyo gaganapin ang Gala.

Isang itim na ball gown dress ang napili niyang isuot. Simple lang ang desenyo ng damit ngunit ang mga pinulbos na kristal na ipinalamuti dito... Mistula silang mga bituin na isinaboy sa kanyang damit. Kumikinang sila sa dilim, mas lalo na kapag natatamaan ng ilaw. Ang mismong Lola Rosanna niya ang tumahi noon at nagdesenyo noong nabubuhay pa ito. Bigla na naman tuloy niyang na-miss ang kanyang Lola. Wala yata itong hindi kayang gawin.

Nagsuot siya ng simpleng hikaw, isang diamond earings na minana din niya sa kanyang Lola. Iniayos niya ang kanyang buhok. Tinirintas niya iyon at tinalian ng asul na laso. Nilagyan din niya ng clip na hugis rosas at asul ang clip na iyon. Naglagay siya ng kaunting kolorete sa mukha at pula ang naisip niyang ipahid sa kanyang labi.

Sa kasalukuyan ay nasa loob na siya ng kasiyahan. Kanina lang ay madami ang nagpapakilala sa kanya. Kaya lang, kapag mas tumatagal na ang kanilang pag-uusap ay bigla na lang nagyayaya ang mga ito sa kung saang lugar. Partikular na sa kanilang mga bahay. At ito na rin ang punto na magpapaalam siya at iiwas. Halata naman kasi ang dahilan ng mga lalaking iyon. Napabuntung-hininga siya.

At kanina din ay isinayaw siya ng mga kakilala niyang knights na mga kaibigan na din niya. Kabilang na doon si Vice Commander James Desmoune. Pero hindi naman siya nito niyaya sa kung saan, naging maginoo ito. Ayon nga at napapaligiran na ng mga kababaihan. Masaya na ito sa buhay. Siya naman ay pagod na. Magpapahinga muna siguro siya at magpapababa ng tama ng alak bago siya uuwi.

Madami na siyang nakain kanina at mas madami ang kanyang nainom. Pero, hindi pa siya lasing. Matibay kaya siya dahil lumaki siya sa tavern! Napatingin siya sa paligid, abala nang nagsasayawan ang mga tao sa dance floor. Napabuntung-hininga siya nang makita niya ang grupo ng mga kalalakihan na gustung lumapit para makipagsayaw. Masakit na ang mga paa niya. Isa pa, alam naman niya ang balak nila. Isasayaw siya, makikipagkilala, makikipag-usap at sa huli ay magyayaya na. Napainom siya sa hawak na goblet at napatingin sa paligid.

Napagpasyahan niyang magtungo na lang sa hardin ng palasyo para makapalakad-lakad. Kailangan din naman kasi niya ng hangin. Nakahinga siya ng maluwag nang makapasok siya sa hardin. Napangiti din siya nang makita niya ang mga naggagandahang bulalak na naroon. Dahan-dahan siya sa paglalakad dahil inaamoy-amoy pa niya ang mga magagandang bulaklak na kanyang nadaraanan. Partikular doon ang mga roses na iba't-ibang kulay at laki. Pinakamarami ang puti. May mga lavender din doon at mga lilies.

Napahinto siya sa paglalakad nang mapansin niya sa may gilid ng fountain ang isang bulto ng tao. Nakita niya na nagsasalin ito ng alak sa baso at tahimik na umiinom. Dahil curious siyang makita iyong tao ay lumakad siya papalapit dito. Bahagya nga lang siyang nagulat nang makita niyang si Commander Lionhart pala iyon. Kaya pala hindi niya ito nakita sa loob ng kasiyahan. Maski iyong mga babae, hinahanap din ito pero hindi mahagilap. Kapwa sila natigilan nang makita ang isa't-isa.

Nabitin sa akmang pag-inom ng alak si Commander Lionhart. Kunot-noo itong napatingin sa kanya.

"Anong ginagawa mo dito?" ang seryoso nitong tanong.

Napakurap naman si Margaret. Medyo hindi niya kasi inaasahan na si Commander Lionhart pala ang taong nandito sa may hardin at umiinom na mag-isa. Akala niya ay ibang nobleman na ayaw din ng maingay na kapaligiran.

"Uhm, nagpapahangin lang." ang maikli niyang sagot.

Nananatili ang pagkakakunot ng noo nito. Hanggang sa bigla ulit itong magsalita.

"Lumayas ka nga. Iwanan mo akong mag-isa."

Nanlaki ang mga mata ni Margaret sa kanyang narinig at napatingin pa sa kanyang likuran pero silang dalawa lang talaga ang tao doon.

"Hindi mo ba ako narinig? Lumayas ka at iwanan mo akong mag-isa!" ang masungit pang wika ni Commander Lionhart.

Napabuntung-hininga si Margaret. Gusto lang din naman niyang magpahangin sa hardin.

"Eh di lumayas!" ang napasimangot niyang sagot.

Kaagad na siyang tumalikod at naglakad paalis ng hardin. Sa kanyang paglalakad palabas ay nakakadama siya ng inis. Wala naman siyang ginawa na kahit na ano pero basta na lang siya pinalayas. Bigla siyang napakurap, isang nakakalokong ngisi ang namutawi sa kanyang labi. Gaganti siya! Napahagikgik pa siya sa kanyang naisip.

Pagkalabas niya ng hardin ay nakita niya ang ilang kababaihan na kanina pa naghahanap kay Commander Lionhart. Nilapitan niya ang mga ito.

"Mawalang-galang na, mga binibini... Hinahanap niyo ba si Commander Lionhart?" ang bungad niya.

Kaagad na napatingin ang mga ito sa kanya. Nakita niya ang pagliliwanag ng kanilang mga mukha.

"Oo, binibini. Kanina pa namin siya hinahanap. Gusto pa naman sana naming magkaroon ng pagkakataon na makausap man lang siya upang mas makilala." ang wika ng isa sa mga binibi.

Dito mas lalong lihim na napangisi si Margaret at napatingin sa grupo ng mga babae. Marami pa naman sila at alam niyang gagawin nila ang lahat, mapansin lang ni Commander Lionhart. Bakit hindi? Ito ang anak ng Duke at pamangkin ng hari. Tanyag din ito bilang magaling na mandirigma at magandang lalaki...

"Nasa hardin siya. Naglakad-lakad ako kanina at nakita ko siya doon. Ang mabuti pa, samahan niyo siya doon. Mukha nga siyang malungkot eh at nagmumukmok."

Kunwari ay naaawa siya kay Commander Lionhart para naman mas ganahan ang mga babae na kuyugin ito doon sa hardin.

"Ah ganoon ba?! Sige, salamat! Pupuntahan na namin siya! Nasa hardin daw si Commander Lionhart!" ang wika ng binibining kausap niya.

Dahil malakas ang tinig nito ay narinig na din iyon ng iba. Ayon, nagtakbuhan papunta sa may hardin iyong mga babae. Panay ang sigaw ng 'Commander Lionhart'.

Nananatili naman sa may bungad si Margaret. Hindi nagtagal ay narinig niya ang malakas na boses ng commander at boses ng mga babae.

"T-Teka lang, s-sandali!..." ang malakas na sigaw ni Xavier.

Medyo kinuyog na siya ng mga kababaihan habang nakaupo siya sa may gilid ng fountain at tahimik na umiinom. Nabigla nga siya sa kanilang pagdating at may ideya siya kung sino ang may kagagawan nito.

"Commander Xavier, hindi mo kailangang malungkot! Sasamahan ka namin!"

"Oo nga!"

Sinubukang itulak ni Xavier ang mga babaing gustung lumapit sa kanya kaya lang ay madami sila.

"T-Teka lang! Huwag niyo akong kuyugin!"

"Commander Xavier, huwag kang mag-alala, sasamahan ka naming uminom dito!"

"Oo nga, makikipagkuwentuhan kami sayo!"

Hindi maawat ni Xavier ang mga babae at sa huli ay...

"S-Saklolo!"

Nang marinig naman ni Margaret ang sigaw na iyon na bahagyang natatabuhan ng maiingay na boses ng kababaihan ay isang ngiti ng tagumpay ang namutawi sa kanyang labi. Isang matamis na paghihiganti ang naisakatuparan niya ngayong gabi!

Tumuloy na siya sa pag-alis ngunit naudlot iyon nang makasalubong niya si Sir Isenbard, kasama nito ang asawa at dalawang anak.

"Miss Margaret, nakita mo ba si Commander Lionhart?"

"Oo, bakit?" ang tanong niya.

"Pauwi na sana kami eh. Kaso, nakiusap ang Dukesa na hanapin ko siya. Nasaan ba siya? Kanina pa kasi siya hindi nagpapakita sa kasiyahan."

Umakto ng casual si Margaret.

"Hmm... Naglakad-lakad ako kanina sa may hardin. Nandoon siya." ang simple lang niyang wika.

Siyempre, hindi niya sinabi kay Sir Isenbard na kinukuyog na ito ng mga babae doon.

"Ganoon ba? Maraming salamat, Miss Margaret. Sige, pupuntahan ko na siya."

"Wala iyon. Sige, aalis na din ako." ang wika niya.

Tama! Dapat na talaga siyang umalis dahil siguradong malalagot siya kapag nagkita sila ngayong gabi ni Commander Lionhart! Napagpasyahan ni Margaret na umuwi na. Mas ligtas siya sa kanyang bahay. Ganoon pa man, hindi nawawala ang nakakalokong ngiti sa kanyang labi.