The Commander
Napangalumbaba si Margaret habang nakamasid siya sa kanyang kinauupuan, sa likod ng counter. Sa ngayon ay abala ang mga tao sa loob ng taberna (Bar) na pagmamay-ari niya. Orihinal itong pagmamay-ari ng kanyang Lola Rosanna. Maagang namatay ang mga magulang niya dahil sa isang aksidente. At simula nang mamatay ang mga ito ay ang Lola na niya ang nagpalaki sa kanya. Sa tabernang ito na siya lumaki at nagkaisip. Dahil doon ay sanay na siyang makisalamuha sa iba't-ibang uri ng mga tao na dumarating dito. At simula nang mamatay ang kanyang Lola ay siya na ang namahala sa naiwang negosyo nito.
Ang mga empleyado dito na kinalakihan niya ay pamilya na ang turing niya at ganoon din ang mga ito sa kanya. Naagaw ang pansin niya nang marinig niya ang maiingay na boses ng mga Knights. Kagaya ng dati ay nagtsitsismisan na naman ang mga ito habang nag-iinuman at kumakain, pagkatapos ng kanilang tungkulin.
At ang paboritong topic ng mga ito ay ang istrikto at ang suplado nilang Commander na si Xavier Lionhart. Kilala lang niya ang pangalan ng lalaki pero hindi pa niya nakikita. Ngunit ayon sa mga naririnig niya ay magandang lalaki ito at hindi pangkaraniwan. Bukod doon ay isa itong magaling na mandirigma. Madami itong napatay na mga halimaw at mga kaaway. Isa itong walang-awang mandirigma sa loob ng labanan. Ang sabi-sabi pa ay nagawa nitong makapatay ng dragon at ipinangligo nito ang dugo ng halimaw para makuha ng katawan nito ang lakas at kapangyarihan ng nilalang na iyon.
Marami ang babaing gustung makuha ang atensyon ng Commander ngunit lubha itong mailap. Bukod kasi sa taglay nitong kaguwapuhan ay enteresado din ang mga babae dahil ito ay pamangkin ng hari. Kapatid ng hari ang Dukesa na siyang ina nito. At ayon pa sa bali-balita, maraming babaing tinanggihan ang commander at kabilang dito ang mga babaing maharlika na nais makakuha ng atensyon nito.
Patuloy sa pag-uusap ang mga Knights habang nag-iinuman.
"Hindi ko nga maintindihan si Commander Lionhart eh! Mga babae na ang lumalapit sa kanya eh siya pa ang tumatanggi! Magagandang babae pa naman ang lumalapit at karamihan sa kanila ay galing sa mga maharlikang angkan." ang wika ng isang Knight at saka bahagyang napailing.
Nagsalita naman ang isa pa.
"Kung ako nga ang nasa posisyon niya, baka iba-ibang babae ang kasama ko gabi-gabi!"
Nagtawanan ang iba pang Knights dahil sa sinabi ng kanilang kasamahan at nag-toast pa sila. Napailing na lang si Margaret. Ang hilig talagang magtsismis ng mga lalaki, ayaw lang umamin.
Ngunit ang tawanan ng mga Knights ay biglang nawala nang pumasok sa loob ng pasilidad ang isang matangkad na lalaki na nakasuot ng armour ngunit iba ang desenyo sa pangkaraniwan at mayroon din itong pulang kapa. Maputing-moreno ang kulay ng balat ng lalaki, itim na may pagka-brown ang buhok, bluish-grey ang mga mata, matangos ang ilong at maganda ang korte ng labi na hindi makikitaan ng ngiti. Maging ang ibang mga tao sa taberna na umiinom ay biglang natahimik at napatingin sa bagong dating. Lalo na ang mga kababaihan na wala nang ginawa kundi titigan ang lalaki. Hindi niya masisisi ang mga ito dahil nga guwapo, matikas ang tindig at malakas ang dating.
At ang bagong dating naman, nakatuon ang atensyon sa mga knights na tahimik na umiinom nang dumating siya. Lumakad ito papalapit sa mga knights na akala mo ay mga kuhol na nabatukan. At wala namang ginawa si Margaret kundi ang pasimpleng magmasid kagaya ng ginagawa ng iba. Naisipan niyang itirintas ang kanyang buhok para naman hindi mahalata ang ginagawa niya mula sa kinauupuan niyang puwesto. Bigla namang nagsalita ang bagong dating.
"Mga ginoo, nandito ako para tingnan kung maayos ang kilos niyo sa lugar na ito. Nabalitaan ko kasi na madalas kayong bumisita sa tabernang ito para kumain at uminom. Gusto ko lang ipaalala na ano man ang gawin niyo ay makakaapekto hindi lang sa akin, kundi sa buong departamento natin. Kaya naman inaasahan ko ang inyong disiplina, nasa oras man kayo ng tungkulin o wala. Maliwanag ba?" ang wika ni Xavier sa kanyang mga subordinates.
Mababa ngunit mariin ang tono ng boses at higit sa lahat... Lalaking-lalaki. Napasaludo naman ang mga knights kay Xavier.
"Maliwanag po, Commander Lionhart!" ang halos sabay-sabay na sagot ng mga Knights.
Ngayon, alam na nilang lahat na totoo nga ang balita na magandang lalaki si Commander Xavier Lionhart. Tahimik lang si Margaret habang nagmamasid kagaya ng iba. Habang itinitirintas niya ang kanyang buhok ay naisipan niyang tingnan ang sariling repleksyon sa bote ng alak. Nakita niya ang itim at aalon-alon niyang buhok na kanyang itinitirintas. Ang mga mata niya na kulay-brown. Ang kanyang balat na maputi ngunit may freckles siyang maliliit sa kanyang mga pisngi at ilong. Mga mumunting tuldok.
Lumakad naman si Commander Xavier sa paligid ng taberna upang tingnang maigi ang lugar. Maiging sinusuri ang paligid. Maliit lang ang taberna ngunit nakaka-relax ang ambeance, marahil ay dahil na din sa mga nakalagay na halaman sa paligid. Malinis din ang lugar. Bukod doon ay palangiti ang mga nagseserbisyong tauhan. Tinawag niya ang isang waiter at tinanong kung sino ang may-ari ng lugar at itinuro sa kanya ang isang babae na nakaupo sa may likod ng counter. Abala ito sa pagtitirintas ng itim na aalon-alon na buhok habang tinitingnan ang sariling repleksyon sa bote ng alak.
Napakunot-noo si Xavier dahil hindi niya inaasahan na bata pa ang may-ari ng taberna at isang... Babae! Matapos makausap ang waiter ay lumakad siya papalapit sa may counter. Ang buong akala niya ay simpleng bartender lamang ang babae ngunit ito pala ang may-ari. Tinambol niya ng bahagya ang counter table upang kuhanin ang atensyon ng dalaga.
Bahagya namang napakislot si Margaret at saka itinigil ang ginagawang pagtitirintas sa kanyang buhok at napatingin sa lalaking tumambol sa counter table. Walang iba kundi Commander Xavier Lionhart. Naupo ito at matamang napatitig sa kanyang mukha ng seryoso. Mukhang totoo talaga ang tsismis na seryosong tao ito. Ganoon pa man ay kumilos siya ng casual lang.
"Magandang gabi po, Sir! Oorder po kayo ng pagkain o iinom lang ng alak?"
Trinato niya ito kagaya ng mga regular na customer na umiinom at kumakain sa kanyang lugar. Ang negosyo ay negosyo. Ganoon kasi siya pinalaki ng kanyang Lola Rosanna.
"Ikaw ba ang may-ari ng lugar na ito?" sa halip ay tanong ni Commander Xavier.
Isang alanganing ngiti ang namutawi sa labi ng dalaga.
"Ako nga po. Simula nang mamatay ang Lola ko, ako na ang namahala dito sa naiwan niyang negosyo. Dito na ako lumaki." ang paliwanag ni Margaret.
Napatango ng bahagya si Xavier sa kanyang narinig.
"Magsabi ka nga ng totoo sa akin... Maingay at magulo ba ang mga knights na nagpupunta dito?" ang bigla niyang tanong.
Napasulyap naman si Margaret sa gawi ng mga knights na umiinom at kumakain sa may mahabang mesa. Iyong iniinom nilang alak, halos hindi na ata nila malulon.
"Naku, hindi Sir! Ni minsan, hindi sila gumawa ng gulo dito. Sila nga ang dahilan kung bakit tahimik dito eh. Sila iyong sumusuway sa mga lasing na pasaway. Medyo tsismoso lang sila pero hindi naman magulo." ang casual niyang paliwag.
Ganoon talaga eh, madalas na madulas ang bunganga niya. Napataas naman ng kanang-kilay si Commander Xavier matapos niyang marinig ang sinabi ng dalaga. Alam niyang hindi ito nagsisinungaling dahil walang pag-aalinlangan sa tinig nito. At deretso itong nakatingin sa kanyang mukha habang nagsasalita.
"Tsismoso?" ang bigla niyang wika.
Napakagat sa pang-ibaba niyang labi si Margaret. Ayaw niyang ipahamak iyong mga knights dahil bukod sa suki na niya ang mga ito ay kaibigan na rin.
"Naku, Sir! Kung ano-ano lang iyong mga pinag-uusapan nila. Ang mabuti pa, um-order ka na lang ng maiinom na alak saka pagkain. Mag-relax ka lang muna."
Itinuloy niya ang pagtitirintas ng buhok at saka tuluyang nilagyan ng clip para hindi magulo ang kanyang buhok. Napasulyap naman si Commander Xavier sa gawi ng mga knights na tahimik na umiinom ng alak at kumakain. Biglang naging dahan-dahan ang pagsubo at pag-inom ng mga ito ng malamig na malamig na beer na nakalagay sa malaking mug. Muli siyang napasulyap sa babaing kausap niya.
"Sabihin mo, ano ang mga bagay na pinag-uusapan nila? Hindi kaya may nasasabi silang impormasyon na hindi dapat? Katulad ng tungkol sa mga mission namin?" ang seryosong tanong ni Xavier.
Napakurap naman si Margaret pero matapos noon ay napangiti siya.
"Naku, hindi ah? Wala silang nababanggit tungkol sa mga mission. Madalas lang nilang pag-usapan ang tungkol sa buhay-buhay at kung ano ang nangyayari sa paligid. Mukha mang hindi mapagkakatiwalaan iyang pagmumukha ng mga tauhan mo, eh tapat naman sa serbisyo ang mga iyan, Sir!" ang pagtatanggol pa niya sa mga kaibigan.
Isa pa ay totoo naman ang sinabi niya. Ni minsan ay walang binanggit na confidential matter ang mga knights. Nagtsitsismisan lang. Pasimple namang napaubo si Commander Xavier.
"Kung ganoon, ano ang mga bagay na pinag-uusapan nila?" ang bigla nitong tanong.
Bigla namang itinikom ni Margaret ang kanyang bibig habang napatitig siya sa guwapong mukha ng commander. Ang seryoso kasi nito at hindi makikitaan ng kahit na anong emosyon.
"Magsalita ka." ang mariin nitong utos.
Napataas naman si Margaret ng kanang-kilay.
"Mangako ka muna na hindi ka magagalit sa akin at sa mga knights mo." ang pakli niya.
"At sino ka para bigyan ako ng kundisyon?"
Napahalukipkip si Margaret at matamang napatitig sa mukha ng commander. Totoo nga ang sinasabi ng mga tao tungkol dito.
"Hindi mo ito headquarters para utusan mo ako. At sino ako? Ako lang naman ang may-ari ng tabernang ito at ako ang nasusunod dito. Anong pakialam ko kung ikaw si Commander Xavier Lionhart? May rules dito, sumunod ka din."
Itinuro niya ang poster kung saan nakasulat ang mga rules sa lugar. Alam niyang nabigla ang mga tao sa kanyang pagsagot kay Commander Xavier Lionhart pero dapat siyang manindigan dahil teritoryo niya ang lugar. Ganito ang kinalakihan niyang patakaran mula sa kanyang Lola at wala siyang babaguhin. Katabi nga lang ng poster ng rules ng lugar ay ang isa pang poster kung saan nakasulat ang... 'Sampung utos ng mga Lasing.' Nakasulat nga sa pangsampu ang '10. Huwag titikman ang kainuman, hindi siya pulutan.'
Mataman namang napatitig si Commander Xavier sa babaing kaharap niya. Pagkatapos noon ay bahagya siyang napabuntung-hininga. Ito ang unang pagkakataon na may taong sumagot sa kanya at pinapasunod siya sa rules. At babae pa. Nagtataka din siya dahil wala itong ipinapakitang motibo sa kanya. Sanay pa naman siya sa mga babaing lumalapit sa kanya at gusto ng kanyang atensyon.
"Anong pangalan mo?" ang bigla niyang tanong.
Napakurap naman si Margaret matapos niyang marinig ang tanong ni Commander Xavier.
"Margaret, Sir." ang simple niyang sagot.
"Margaret, ano?"
"Strauss... Margaret Strauss, Sir." ang medyo nahiya niyang wika.
Bahagyang gumalaw ang sulok ng labi ni Xavier.
"Huh, hindi ko akalain na kapangalan mo ang isang maganda ngunit malambot na bulaklak. Pero kabaliktaran ka noon. Miss Margaret... Nangangako ako na hindi ako magagalit sayo at sa mga knights. Susundin ko ang mga kondisyon mo bilang respeto sayo dahil ikaw ang may-ari nitong lugar. Ngayon, puwede mo na bang sabihin sa akin kung ano ang pinag-uusapan ng mga knights?"
(Margaret-other name of the flower plant daisy)
Matamang napatingin si Margaret sa mukha ni Commander Xavier at kasunod noon ay sa mga knights na tahimik na umiinom at kumakain. Napabuntung-hininga siya.
"Oh sige... Mukha namang may isa kang salita eh. Wala namang masyadong pinag-uusapan ang mga knights. Ikaw lang naman ang paborito nilang paksa." ang umpisa niya.
Natigilan naman si Xavier sa kanyang narinig at napataas ng kanang-kilay. Kasunod noon ay pasimpleng napatingin sa mga knights sa may mahabang mesa na nasa kanyang likuran. Nagkanya-kanyang inom ang mga ito ng alak at kasabay noon ay ang pag-iwas ng tingin sa kanya. Matapos noon ay muli niyang ibinaling ang paningin sa babaing kausap niya.
Light brown ang mga mata nito, itim ang wavy na buhok na nakatirintas, maputi at makinis ang balat ngunit ang mukha nito ay may mga maliliit na tuldok ng freckles. Mula sa ilong hanggang sa magkabilang pisngi. Ang labi nito ay namumula-mula katulad ng hinog na strawberry.
"Sabihin mo, ano ang sinasabi nila tungkol sa akin?" ang seryoso niyang tanong.
"Hmm... Wala namang bago eh. Iyong alam na din ng lahat. Malupit kang commander, istrikto, suplado at ang mga salita mo ang batas sa Order of the Dragon Knights. Malupit kang magbigay ng training. At higit sa lahat eh habulin ka ng magagandang babae kasi guwapo ka. Iyon nga lang, isa kang notorious na heart-breaker. Ang dami mo daw binasted na mga babae at karamihan sa kanila ay mga nobles pa." ang kuwento ni Margaret.
Iyon naman ang totoo. Napakurap naman si Commander Xavier sa kanyang narinig. Walang pag-aalinlangan ang kaharap niya. Pinagsaklop niya ang mga palad at napatitig siya dito.
"Wala naman pala akong dapat na ikagalit. Totoo naman ang lahat ng iyon." ang simple niyang sagot.
Bahagya namang nakahinga ng maluwag ang dalaga. Ganoon pa man ay...
"Wala ka bang balak na um-order ng maiinom o kahit na pagkain? Gusto ko lang sanang ipaalala, Sir... Hindi kasi tambayan ang lugar na ito." medyo napatikhim pa si Margaret.
Napakurap naman si Commander Xavier at pasimpleng napasulyap sa poster kung saan nakasulat ang rules. Nakasaad nga doon na hindi tambayan ang lugar, kailangang um-order ng maiinom at makakain.
"Sige, kakain ako at iinom. Bigyan mo ako ng kahit na anong pagkain at ng maiinom na alak. Bahala ka na."
Lihim naman na napangisi si Margaret sa tinuran ng commander. Ibibigay niya dito ang pinakamahal nilang alak at pagkain. Alam naman niyang may pambayad ito kaya, sige lang! Kaagad niyang tinawag ang isa sa kanyang staff at siya na ang bahalang nag-order ng maiinom at makakain ng commander.
Habang naghihintay naman ng order ay pasimpleng nagmasid sa paligid si Commander Xavier. Kung kanina ay sobrang tahimik ay mukhang unti-unti nang bumabalik ang ingay ng taberna. Palibhasa, ang ibang mga tao ay nasasapian na ng espiritu ng alak. Pinakadahilan talaga na nagpunta siya sa lugar na ito ay para tingnan ang mga tauhan niya. Mahirap na at baka gumagawa sila dito ng kabalbalan. Ano mang maling kilos ay makakaapekto sa kanyang reputasyon at sa kanilang departamento. Nararapat lamang na maghigpit siyang talaga.
Hindi niya nakuha ang kanyang posisyon dahil lang sa anak siya ng Duke at Dukesa... Higit sa lahat ay dahil sa pamangkin siya ng hari. Kapatid ito ng kanyang Ina. Ngunit nakamit niya ang posisyon dahil sa sarili niyang pagsusumikap. Dumaan siya sa matinding training noong nagsisimula pa lamang siya. Bata pa lamang siya ay pinangarap na niyang maging pinakamagaling na mandirigma.
At tungkol naman sa pagtanggi niya sa mga babaing lumalapit sa kanya ay may dahilan siya. Alam niyang lumalapit ang mga babaing iyon sa kanya hindi lang dahil sa kanyang pisikal na itsura ngunit... Dahil sa kanyang posisyon at sa kanyang pamilya. Basang-basa na niya ang kilos ng mga babaing may motibo. Bukod doon ay magiging abala lamang ang mga babae sa kanyang trabaho. Mas prayoridad niya ngayon ang kanyang tungkulin. Hindi siya sumabak sa maraming labanan para lang magpabaya dahil lang sa mga babae.
Nawala ang iniisip niya nang maihain na sa kanyang harapan ang pagkain at inumin. Isang uri ng steak na may kasamang inihaw na mga gulay. Ang karne ng steak ay alam niyang mahal dahil ang karne ng baka na ginamit ay inangkat pa sa ibang lugar. Halata din niyang sariwa ang mga kasama nitong gulay. Umuusok pa maging ang gravy. Kinuha naman niya ang baso na may lamang alak. Red wine iyon. Inamoy niya ang alak... Sa amoy palang ay alam na niyang hindi ito basta-basta. Maganda ang pagkaka-brew sa loob ng bariles at isa itong uri ng alak na mataas ang klase.
Napatingin siya sa dalagang may-ari nitong taberna. Alam na alam nito kung ano ang dapat na ibigay para sa isang customer. Ngunit hindi na siya dapat na magtaka. Sinabi nito kanina na dito na ito lumaki sa lugar na ito. Ibig sabihin ay sanay na itong makisalamuha sa iba't-ibang uri ng tao. Sa kasalukuyan ay abala ito sa pagtitiklop ng mga napkins at inilalagay nito ang mga iyon sa isang pahabang basket. Isang bagay lang ang nagtataka siya... Bakit hindi ito nagpapapansin sa kanya? At ito lang ang babaing nakita niya na kaya siyang titigan sa kanyang mga mata. Wala siyang nakita sa mga mata nito kundi katapatan. At mas nagtataka siya dahil hindi ito gumagawa ng paraan para makuha ang kanyang atensyon. Kumikilos ito sa harapan niya ng normal lang.
Napainom ng alak si Xavier at saka na nagsimulang kumain. Hindi na lamang niya inintindi ang mga bagay na kanyang napansin. Siguro ay naninibago lamang siya.
Samantala... Para magpatay ng oras ay naisipan ni Margaret na magtiklop na muna ng mga napkins at ilagay iyon sa parihabang basket. Para kapag may nangailangan na customer ay iaabot na lang o kaya kukunin na lang ng waiter o waitress. Abala siya sa pagtitiklop nang mapansin niya ang ilang grupo ng kababaihan ang dumating.
Base sa kanilang itsura ay mga babaing nobles sila base na rin sa kanilang kasuotan. May mga suot silang alahas at napapalamutian ang kanilang buhok ng mga mamahaling clips na naadornohan ng mga mamahaling kristal. Tatlo ang babae at lumakad sila papalapit sa kinaroroonan ni Commander Xavier na abala sa pagkain at pag-inom.
Kaagad na lumapit ang tatlong babae kay Commander Xavier na tahimik na kumakain at umiinom.
"Commander Xavier, nabalitaan namin na nandito ka. Kaya naman naisipan namin na puntahan ka dito. Gusto mo bang saluhan ka namin sa pagkain?" ang wika ng babaing kulay-pula ang damit.
Light-brown ang kulay ng kinulot nitong buhok at pasimpleng nagpaypay.
"Oo nga naman, Commander. Malungkot kumain na mag-isa. At saka bakit ka ba nagpunta sa maliit na tabernang ito? May mas maganda pang lugar kung saan ka puwedeng kumain at uminom." ang wika naman ng babaing nakadilaw na damit.
Nagtiim naman ang mga bagang ni Margaret sa kanyang narinig. Mga antipatika! Ganoon pa man ay mas gusto muna niyang manahimik dahil gusto niyang makitsismis lang. Gusto niya kasing malaman kung totoo ang kinukuwento ng mga knights at ng mga ibang tao na nakasalamuha na si Commander Xavier. Nambabasted daw ito ng mga babae.
Naupo naman sa tabi ng commander ang pangatlong babae na may asul na dress. Tahimik lang si Margaret habang nagmamasid at nagtitiklop ng mga napkins. Para hindi rin halata na nakikitsismis siya. Iyong mga tao din naman sa taberna ay nagmamasid din pero hindi din nagpapahalata. Umiinom, kumakain at nakikipagkuwentuhan pero nakatuon ang mga mata kay Commander Xavier at sa mga babae.
"Commander, ano? Gusto mo bang samahan ka naming kumain dito o gusto mong umalis na lang kasama namin?" ang wika ng babaing may pulang kasuotan.
Akala mo ay kung sino kung magdemand. Ganoon pa man ay nananatiling tahimik si Xavier habang kumakain at umiinom. Sanay na siya sa mga ganitong babae, lalo na iyong galing sa mga maharlikang angkan. Akala mo ay obligado siyang pansinin at pagbigyan ang mga ito. Nangulit pa iyong tatlong babae habang kumakain siya. Napabuntung-hininga ng marahas si Xavier at saka nagsalita.
"Puwede ba, tigilan niyo akong tatlo? Hindi niyo ba nakikita na kumakain ako dito? Wala ba kayong pakiramdam na ayaw ko kayong kausapin? Lumayas nga kayong tatlo sa harapan ko, nawawalan ako ng gana eh!" ang malamig na tugon ni Xavier.
Nakita niyang natigilan ang tatlong babae. Nagkatinginan pa nga ang tatlo at muling napatingin kay Commander Xavier na ipinagpapatuloy ang pagkain ng tahimik.
"Pero Commander Xavier... Ayaw mo bang makasama ang mga babaing katulad namin? Mga noble ladies kami at galing sa mga mayamang angkan. Nagpunta nga lang kami sa munting lugar na ito dahil sayo eh. Di hamak naman na mas maganda na kasama mo kami kaysa sa mga walang-kwentang tao na nandito." ang wika ng babaing nakapula.
Nagpanting naman ang mga tenga ni Margaret sa kanyang narinig. Pero nagpasensiya muna siya. Tsismis muna.
Hindi naman na umimik si Xavier at nagpatuloy na lamang siya sa kanyang pagkain. Ganoon pa man ay muling nagsalita ang isa sa mga babae. Iyong nakapulang bestida.
"Commander Xavier, huwag mong sabihing mas gusto mong makasama ang isang commoner na tulad niya?"
Natigilan si Margaret nang ituro siya ng nakapulang babae at nagtawanan pa ang dalawang kasama nito. Dito na napatid ang kanyang pasensiya.
"Hindi bale nang commoner kaysa naman mukhang tanga at desperada." ang mataray niyang sagot.
Nakita niya na natigilan ang tatlong babae at gulat na napatingin sa kanya. Maging ang ibang mga tao na naroon ay sa kanila na nakatuon ang atensyon. Nabitin naman sa akmang pagnguya ng pagkain si Xavier at napatingin kay Margaret at kasunod noon ay napatingin din sa tatlong-babae.
"Aba, ang lakas ng loob mong sumagot sa amin ah? Isa ka lamang commoner at kami ay mga noble ladies!" ang wika ng babaing naka-asul na dress.
Itinigil ni Margaret ang ginagawa niyang pagtitiklop ng mga napkins at hinarap ang tatlong babae. Lumabas siya ng counter at bahagyang inilislis ang manggas ng suot niyang damit.
"Wala akong pakialam kung mga noble ladies kayo! Nandito kayo sa teritoryo ko, matuto kayong gumalang! Lumayas na nga lang kayo, nakakagulo kayo dito eh!" ang mataray niyang wika.
"Aba, sino ka ba para magpalayas sa amin?!" ang medyo mataas na boses na wika ng babaing dilaw ang kasuotan.
Napataas ng kanang-kilay si Margaret at saka napamaywang.
"Ako lang naman ang may-ari ng lugar na 'to! Ngayon, kapag hindi kayo lumayas na tatlo... Hindi ako mangingiming suntukin iyang mga pagmumukha niyo at sisiguruhin kong mahihiya kayong humarap sa salamin!" ang banta niya.
Pero hindi siya nagbabanta lang. Napakurap naman si Xavier at matamang napatitig sa grupo ng tatlong babae at kay Margaret. Nakaporma na nga itong susuntok at halatang hindi nagbibiro. Mukhang wala itong takot at pakialam kung mga noble ladies ang tatlong babae.
Muli namang nagsalita si Margaret.
"Akala niyo bang tatlo, nagbibiro ako? Isa pa, ano kayang sasabihin ng pamilya niyo ngayon sa inaasal niyo? Naturingan kayong galing sa may estadong angkan pero umaakto kayo ngayon na walang pinag-aralan. Lumalandi pa kayo sa lalaki sa harapan ng maraming tao. May mga bata pa namang nakakakita. Para kayong mga babaing nakawala sa brothel!" ang prangka at nang-iinsulto niyang wika.
(Brothel-bahay-aliwan)
Nakita niya natigilan ang tatlong babae sa kanyang sinabi. Ayon nga at nanlalaki ang mga mata nila. Humakbang siya ng pasulong.
"Ano, suntukan na lang tayo dito para masaya!" ang hamon pa ni Margaret.
Humakbang siya ng pasulong ngunit napaatras ang tatlong-babae.
"Gusto niyo ng away, di ba? Hindi ako kuntento kung salitaan lang tayo, mas masaya kung may suntukan!"
Iyong ibang mga tao na sugsog, nagsigawan pa. Talagang gustung makakita ng aksyon.
"Suntukan na 'yan!" ang sigaw ng lalaking medyo lasing na.
"Huwag lang kayong umiyak, hindi ito drama!" ang wika ng isa pang lalaki.
Kilala ng mga tao si Margaret dito sa teritoryo niya. Pinalaki kasi siyang hawakan ang kahit na anong sitwasyon lalo na sa mga medyo magulong lasing. Ibig sabihin, marunong siyang magtanggol ng kanyang sarili.
Muling humakbang ng pasulong si Margaret at napaatras naman ang tatlong babae. Hindi nagtagal ay nagkatinginan ang mga ito at saka nagpasyang umalis.
"Hmp! Commoner!" ang wika ng naka-asul na dress.
Napailing naman si Margaret dahil hindi siya naiinsulto na matawag na commoner dahil totoo naman iyon.
"Sige, magsalita kayo baka bigla ko kayong habulin at sabunutan hanggang makalbo!"
Umakma siyang tatakbo at ipinadyak ang mga paa niya sa kahoy na sahig at nakita niyang natakbuhan palayo ang tatlong babae. Sa mga lalaki nga, hindi siya natatakot... Sa mga babaing iyon pa kaya na walang alam sa pagtatanggol sa sarili?
Natawa ng mahina si Margaret matapos niyang makita na nagtakbuhan ang tatlong-babae. Napabuntung-hininga siya.
"Akala niyo uubra kayo sa akin ah?" ang mahina pa niyang wika.
Matapos noon ay muli niyang itinuon ang atensyon sa loob ng pasilidad. Nakita niya ang mga tao na matamang nakatingin sa kanya. Napakurap siya at saka ipinalakpak ang mga kamay.
"Anong tinitingin-tingin niyo diyan?! Tapos na ang palabas! Magsiinom at pagsikain na kayo!" ang mataray niyang wika.
Bahagya nga lang siyang natigilan nang makita niyang nakatitig sa kanya si Commander Xavier Lionhart. Tahimik ito habang hawak ang basong may lamang alak. Tapos na itong kumain. Hindi nga lang makikitaan ng ano mang emosyon ang mukha nito. Blangko itong nakatitig sa kanya.
Ganoon pa man ay binalewala na lamang niya ang titig na iyon. Baka ngayon lang ito nakakita ng ganitong eksena dito sa taberna. Sabagay, ito ang unang beses na nagpunta ito dito sa lugar upang tingnan ang mga knights nito. Lumakad siya pabalik ng counter at naupo sa dati niyang puwesto. Napili na lamang niyang kumain ng hinog na strawberries na nasa maliit na basket na nasa kanyang tabi upang magpatay ng oras. Maya-maya lang ay oras na naman ng kanilang pagsasara.
Napainom naman sa kanyang hawak na baso si Xavier. Napailing siya ng bahagya. Susuntukin nga ba ni Margaret ang mga babaing iyon kahit na alam nitong mga noble ladies sila? Na-curious at na-amuse siya sa eksena na kanyang nasaksihan.
Ilang sandali pa ang lumipas at nagsimula nang magsi-alisan ang mga tao sa loob ng taberna. Ang ilan ay solo ngunit ang karamihan ay grupo kung saan inaalalayan ang isa't-isa sa hirap ng epekto ng paglalasing. Iyong iba nga ay nagtatawanan pa habang bumabagsak ang grupo nila ngunit tuloy lang sila sa pagbangon.
Samantala... Nagsimula naman nang magligpit si Margaret ng mga baso at mugs na wala nang laman. Inilagay niya iyon sa isang tray at ipinadala sa staff niya papunta sa kusina. Kinolekta din niya ang mga basyo ng bote ng alak na wala nang laman upang dalhin sa may likod ng taberna. Kokolektahin ang mga iyon bukas ng umaga.
Ganoon pa man ay naagaw ang pansin niya dahil nakita niyang hindi pa rin umuuwi si Commander Xavier Lionhart kahit karamihan sa mga knights ay umuwi na. Hindi nga sila nagpakalasing ngayong gabi dahil sa presensiya nito. Ganoon pa man ay itinuloy na lamang nila ang pagliligpit. Ilang sandali pa ay nag-iisa na lamang itong naiwan. Hindi naman na nakatiis si Margaret, nilapitan na niya si Commander Xavier na nananatili sa kinauupuan nitong puwesto. Tumikhim muna siya upang kuhanin ang atensyon nito. Napatingin ito sa kanya.
"Mawalang-galang na, Commander Xavier Lionhart... Pero magsasara na kami." ang wika niya dito.
Napakurap si Commander Xavier sa kanya at matamang napatitig sa kanya at walang kaemo-emosyong sinabi na...
"Alam ko."
"Kung ganoon ay pasensiya na kung kailangan kitang paalisin para makapagsara na kami at maisarado ng maayos ang taberna." ang wika niya.
Napatayo sa kanyang kinauupuan si Commander Xavier at napatingala si Margaret dito... Putek! Ang tangkad! Hanggang dibdib lang siya ng lalaki. Tahimik na tumitig ang binata sa kanyang mukha. Maging ang ibang empleyado ay napatigil sa ginagawa nang makita nila ang eksena. Ganoon pa man ay hindi nagpatinag si Margaret. Deretso din siyang tumitig sa mukha ni Commander Xavier, ipinakita niya na hindi siya natatakot dito.
At matapos ang ilang segundo ay isang matipid na ngiti ang namutawi sa labi ni Commander Xavier Lionhart. Kasunod noon ay walang-imik itong lumakad paalis.
Isa namang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Margaret matapos lumakad paalis ng misteryosong commander. Kung tutuusin eh wala siyang laban dito kahit marunong siya ng self-defense. Kayang-kaya siya nitong buhatin at ihagis sa laki ng bulas nito. Bukod doon ay ang fit ng pangangatawan nito dala ng matinding training at digmaang pinagdaanan.
Pagkaalis nito ay kaagad na niyang ipinagpatuloy ang paglilinis kasama ng mga empleyado niya. Matapos nilang maglinis ay kumain sila ng hapunan at wala silang pinag-usapan kundi ang pagbisita ng misteryosong commander sa kanilang lugar.