Chereads / He was a cold Knight / Chapter 2 - 2. A Rowdy Night

Chapter 2 - 2. A Rowdy Night

A Rowdy Night

Isang malalim na buntung-hininga ang pinakawalan ni Margaret habang nakababad ang kanyang katawan sa mainit na tubig ng tub. Sa totoo lang, hindi maalis sa isip niya ang matipid na ngiti sa kanya ni Commander Xavier Lionhart at kung ano ang ibig sabihin noon.

Akala nga niya ay magagalit ito kanina dahil pinatulan niya iyong mga haliparot na mga noble ladies na nang-insulto sa kanya. Muli ay napabuntung-hininga siya. Kasunod noon ay nagpasya siyang tapusin na lang ang paliligo at saka na nagbihis ng damit pantulog. Pinatuyo niya ang buhok sa pagpupunas ng tuwalya at kasunod noon ay nagsuklay siya at naupo sa may gilid ng bintana. Maliwanag ngayon ang buwan dahil walang gaanong mga ulap na tumatakip. Magaganda ang bulaklak ng mga pansies na nakatanim sa mga babasaging paso na nasa gilid ng bintana. Nakarinig siya ng tunog ng mga yabag ng mga kabayo sa may kalsada.

Hindi nagtagal ay nakita niya ang mga knights na nagpapatrolya ngayong gabi kasama ang kanilang commander. Biglang tumigil ang kabayong kinalululanan ni Commander Xavier sa may tapat ng bintana niya. Bigla itong napatingala sa kanya.

"Anong ginagawa mo? Bakit hindi ka pa natutulog? Isarado mo na 'yang bintana mo at matulog ka na! Kababae mong tao, gising ka pa ng ganitong oras." ang sermon nito.

Napasimangot si Margaret sa kasungitan ni Commander Xavier Lionhart at padarag na isinara ang bintana ng kanyang silid. Dati naman niyang ginagawa ang pagmamasid sa labas bago siya matulog para magpapaantok. Panira! Sa susunod, padadaanin muna niya ang mga knights na nagpapatrolya o kaya sisiguruhin niyang hindi nila kasama ang masungit nilang commander. Napasimangot siya at naupo sa gilid ng kanyang kama. Kumuha na lamang siya ng libro at nagbasa para magpaantok.

Kinabukasan ay maagang nagising si Margaret. Nagpunta siya banyo para maghilamos ng mukha at magsepilyo. Nagsuklay din siya ng kanyang buhok. Sa totoo lang ay nainis siya kagabi kay Commander Xavier Lionhart. Akala mo kung sino kung makapuna. Pero aaminin niyang ginagawa lamang nito ang trabaho. Kaagad na siyang nagbihis at lumabas na ng kanyang silid. Dumiretso siya sa kusina at nakita niyang naghahanda na ang mga tagaluto ng kanilang kakaining almusal. Naaamoy niya ang nilulutong mushroom soup, ang pinipritong bacons, mga itlog at bagong lutong mga tinapay.

Nagpasya siyang kumuha ng basket at mag-ani ng mga gulay sa may gulayan na nasa likod ng taberna. Ito ang maganda sa pagkakaroon ng sariling gulayan, sariwa ang mga gulay na ipangsasahog sa mga lutuin at nakakamenos siya sa gastos, para sa pagbili ng mga sangkap na kakailanganin sa kusina. Matapos niyang makapag-ani ay ang hardin sa may harap naman ang inasikaso niya. Naggupit siya ng mga halaman at nagtanggal ng mga natuyong bulaklak ng mga rosas. Nagbunot din siya ng mga damo. Sa huli, nanguha siya ng mga sariwang bulaklak na ilalagay na pangdekorasyon sa loob ng taberna.

Kasalukuyan siyang nangunguha ng mga pulang rosas nang muli niyang mapadaan ang mga nagpapatrolyang knights. Kagaya ng dati, nagsibukasan na naman ng bintana ng mga bahay ang mga kababaihang patay na patay kay Commander Xavier Lionhart. Iyong iba nga, nagpunta pa sa may gilid ng kalsada para lang masilayan ang commander. Magagandang lalaki din naman ang mga kasama nitong knights. Kaya lang, nakaaangat lang talaga ang kaguwapuhan nito at ang charisma nitong taglay. Hindi niya iyon puwedeng ikaila. Menos lang iyong kasupladuhan nito at kasungitan.

Matapos manguha ng mga bulaklak ay inilagay niya iyon sa mga plorera na nasa mga mesa. Kumain sila ng almusal at naghanda na sa kanilang pagbubukas. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari ngayong araw na naman... Sana lang ay huwag nang pumunta iyong mga feelingerang noble ladies, peste talaga ang mga mapagmataas na mga iyon. Wala namang ibubuga kundi mga bunganga. Hindi na lang niya gaanong inintindi ang mga iyon para hindi siya mawalan ng gana sa pagkain.

Normal naman ang lahat lalo na nang magbukas na sila. Dati pa rin ang kanilang mga patrons. At sa gabi, dumating na naman iyong mga knights para kumain at uminom. At kagaya ng dati, nagtsi-tsismis pa rin tungkol sa kanilang commander. Pinag-uusapan nila iyong mahirap na training na ipinagawa daw nito ngayong araw. At naghahanda sila para sa isang goblin raid sa darating na araw. Isang malayong village ang kasalukuyang pinepeste ng mga goblins. Pagkatapos, napagkatuwaan na naman ng mga knights na pag-usapan ang tungkol sa pambabasted ng mga babae ng kanilang Commander.

Abala sa pagkain ng hinog na strawberries si Margaret nang biglang dumating ang grupo ng mga adventurers. Medyo mayabang ang dating ng mga ito.

Um-order sila ng maiinom at makakakain. Habang nasa mesa ay nagpaparinig ang mga adventurers sa mga knights. Mas magaling daw sila at mas may kakayahan. Kalmado naman ang mga knights at hinayaan na lamang ang mga adventurers. Kahit nagyayabang ang mga ito ay wala naman silang dahilan para patulan ang pagyayabang nila.

Maya-maya pa ay dumating na si Commander Xavier upang tingnan ang mga knights nito. Naupo ito sa may counter table at um-order ng makakakain at maiinom. Ganoon pa man, ito ang naging puntirya ng mga adventurers.

"Iyan, si Commander Xavier? Wala naman iyan eh! Hanggang yabang lang at porma lang." ang wika ng adventurer na may malaking katawan.

Matangkad din ito kumpara kay Xavier pero hindi na lang ito pinansin ng huli. Hindi nagtagal ay medyo nangha-harass na rin ng mga waitresses iyong mga adventurers.

"Miss, huwag ka namang masungit! Halika dito, maupo ka sa tabi ko."

Pero pilit na tumatanggi ng waitress. Dito naman na napagpasyahan ni Margaret na tumayo at lapitan ang grupo ng mga adventurers.

"Mawalang-galang na, pero hindi pinapayagan sa lugar na ito ang pambabastos ng mga empleyado. Irespeto niyo ang lugar, irespeto niyo din ang mga tao dito." ang mariin niyang wika.

Napatingin sa kanya ang grupo ng mga adventurers. Napangisi ang mga ito sa kanya.

"Aba Miss! Hindi ka lang maganda, matapang ka pa! Wala naman kaming pakialam diyan sa sinasabi mo eh! Ang mabuti pa, samahan mo na lang kami dito sa mesa namin at paligayahin!" ang wika ng malaking lalaki.

Tumawa ito maging ang mga kasama. Napatayo nga sila sa kinauupuan at tuluyang hinarap si Margaret, napaatras naman ang huli ngunit matapang siyang tumingin sa mukha ng mga adventurers. Mariin niyang ikinuyom ang kanyang mga kamao. Dito na rin naman nagsitayuan ang mga knights kasama na rin si Commander Xavier.

"Teka lang, hindi naman yata maganda na nambabastos kayo ng isang babae?" ang seryosong wika ni Commander Xavier.

Lumakad siya pasulong at tuluyang hinarap ang grupo ng mga adventurers.

"Commander Xavier Lionhart! Akala mo ba natatakot kami sayo? Baka hindi mo alam, kayang-kaya kitang patumbahin sa isang suntok lang?" ang wika ng malaking lalaki.

Ganoon pa man ay walang katinag-tinag na napatitig si Xavier sa lalaking adventurer. May mas malalaking kalaban na siyang hinarap, hindi pa tao kundi mga halimaw.

"Ang mabuti pa, tumigil na lang kayo sa pambabastos niyo dito. Kumain at uminom na lang kayo ng tahimik para walang problema." ang mahinahon ngunit mariing wika ni Xavier.

"Hoy! Hindi mo kami tauhan para manduhan mo dito ah? Akala mo ba susundin ka namin? Hindi kami natatakot sayo, uy! Naging commander ka lang naman dahil sa ama mo ang Duke at tiyuhin mo mismo ang hari! Akala mo naman kung sino kang magaling eh lampa ka. Hanggang porma at yabang ka lang! Akala mo ba hindi namin iyon alam?"

Natahimik ng ilang sandali si Xavier at mariing ikinuyom ang mga kamao. Napansin naman iyon ni Margaret pero nanahimik lang siya at nagmasid sa kung ano ang mga puwedeng mangyari. Pati ang mga bagang ni Xavier, nagtiim din. Hindi naman lingid kay Xavier na may mga taong kumukuwestiyon ng kanyang posisyon. Ilang beses man niyang napatunayan na nakuha niya ang posisyon sa sarili niyang pagsusumikap at kakayahan, hindi pa rin maiiwasan na may mga taong nag-iisip na nakuha niya iyon dahil sa impluwensiya ng kanyang pamilya.

"Halika sa labas." ang bigla niyang wika sa lalaki.

Napangisi naman ang lalaki sa kanya at napatingin ng mayabang sa mga kasama nito at sa mga tao sa paligid.

"Sige! Lumabas tayo para makita ng mga tao kung paano kita paiyakin!"

Hindi na nagsalita si Xavier, bigla niyang hinubad ang suot niyang knight uniform at saka inihagis kay Margaret. Nagulat naman ang huli dahil nag-landing pa sa pagmumukha niya iyong uniform ng commander! Pero mabango ah? Hinawakan niya ang uniform at nakita niyang nakasuot na lamang ng pang-ilalim na sando si Commander Xavier at saka lumakad sa labas ng walang-imik. Nakikita tuloy nilang lahat ang magandang hubog ng katawan nito na madami nang pinagdaanang training at labanan. May mga ilang pilat ito pero hindi nakakabawas sa kaguwapuhan nito. Parang nakadagdag pa nga eh sa appeal ng guwapong commander.

Napasunod naman iyong lalaking adventurer na may malaking katawan sa may labas. Siyempre, napasunod din ang mga knights at iyong grupo ng mga adventurers. Pinaikutan ang dalawa sa may labas ng tavern. Maging ang ibang patrons, napasunod na rin at nagkaroon na ng pustahan!

Siyempre, nakipusta na din si Margaret. At ang pusta niya, na kay Commander Xavier Lionhart. Lamang man sa laki ng katawan ang kalaban pero kilala naman ang kakayahan ni Commander Xavier sa pakikipaglaban. Bata pa lamang ito nang ipasok ng ama nito sa Garisson Knight at nagsanay. At iyong humamon dito, mukhang mamaya nito malalaman ang pagkakamaling nagawa. At dahil napapalibutan ang dalawang lalaki ng mga tao ay kumuha na lamang ng upuan si Margaret at tumuntong doon para makanood ng nalalapit na laban.

Kampante siya sa kakayahan ni Commander Xavier pero isang adventurer din naman ang kalaban nito at mayroon ding kakayahan sa pakikipaglaban. Idagdag pa na mas matangkad at mas malaki din ang pangangatawan. Napangiwi ng bahagya si Margaret.

"Hinati ko dapat iyong pusta ko!" ang mahina niyang wika.

Samantala... Kalmadong hinarap ni Xavier ang Adventurer na humamon sa kanya. Nagkatitigan sila at parehong naghanda sa kanilang laban. Sa kasalukuyan ay tinantantya muna nila ang kilos ng isa't-isa. Maging ang mga tao na nakapaikot sa kanila ay tahimik at nananantya din.

Ilang sandali pa ay naunang kumilos ang Adventurer. Sinugod nito ng suntok si Xavier at yumuko naman ang huli upang iwasan ang suntok na iyon. Matapos iwasan ni Xavier ang suntok ay umatake din siya ng suntok sa mukha nito at tagiliran. Nagulat ang lalaki at napaatras sa kanyang ginawa. Malaki ito pero malalakas ang mga suntok na kanyang pinakawalan. Ganoon pa man ay nagawang gumanti ng suntok ng adventurer sa kanyang mukha at katawan. Napaatras ng bahagya si Xavier pero hindi siya nagpatinag. Muli ay sinugod din niya ng suntok ang lalaki at nagpalitan na sila ng suntok sa mukha at katawan.

Sigawan ang mga taong nakapusta habang nanonood ng mainitang laban. Pati si Margaret, napapasigaw na din habang hawak ang uniform. Malaki din naman kasi ang ipinusta niya sa panig ni Commander Lionhart!

Samantala... Nang tinangkang sipain ng Adventurer si Xavier ay kaagad siyang umiwas. Tumalon siya paatras at kaagad na tumakbo paikot sa lalaki. At nang magawa niyang maikutan ito ay mabilis niyang sinunggaban ang leeg ng Adventurer at saka ini-lock ng mahigpit upang masakal ito. Mistula siyang bata na nasa likuran nito.

Pinilit na nagpumiglas ng Adventurer sa ginawa niyang lock pero lalo niyang hinigpitan ang mga braso niya sa leeg nito. Hinawakan nito ang mga braso niya at pilit iyong inaaalis sa pagkaka-lock sa leeg nito. Nakita niya na nahirapan na itong huminga kaya lalo niyang hingpitan ang pagkakasakal dito.

Lalong nagsigawan ang mga tao. Akma sanang makikialam ang kagrupo ng Adventurer pero humarang naman ang mga knights na tauhan ni Xavier. Medyo nagkaroon na ng riot sa pagitan ng mga knights at grupo ng mga adventurers. Mas lumaki din ang pustahan ng mga taong nanonood! Hindi na lang ito tungkol sa laban ni Commander Xavier laban sa Adventurer kundi maging sa mga kagrupo din nito.

Siyempre, nakipusta din si Margaret at sa mga knights siya pumapanig. Hindi lang dahil kaibigan niya ang mga ito kundi alam din naman niya ang kanilang kakayahan.

Samantala... Abot-abot na ng malaking Adventurer ang kanyang paghinga. Kahit na anong gawin nitong pagpalag ay hindi nito matanggal ang mahigpit na pagkaka-lock ni Commander Lionhart sa leeg nito. At ang mga kasamahan nito, kasuntukan na rin ang mga knights na tauhan ng commander. Hindi sila hinayaang makialam sa laban!

Hindi nagtagal ay naubusan na ng hangin ang lalaki at saka na bumagsak sa lupa. BLAG! Gumawa ng malakas na ingay ang pagkakabagsak nito na siyang dahilan para kumuha ng pansin ng lahat. Dahil sa nangyari ay napatigil sa pakikipagsuntukan ang mga kasama nito sa mga knights. Gulat silang napatingin kay Xavier na nananatiling nakatayo habang ang malaki nilang kasama, na siyang tumatayong pinuno, wala nang malay at nakadapa sa lupa. Namumula ang leeg nito.

Napatingin si Xavier sa mga adventurers. Hindi pa rin niya ibinababa ang kanyang guard.

"Sinong susunod sa inyo?" ang simple niyang tanong.

Nakita niya na may pasa at galos na din sa mukha ang mga kagrupo ng nakalaban niyang lalaki, maging ang mga tauhan niya. Hindi niya gaanong napansin pero mukhang naglaban din ang grupo. Ganoon pa man ay tahimik na dinaluhan ng mga adventurers ang walang-malay na pinuno ng mga ito.

"Huwag kayong mag-alala, buhay pa siya. Hindi ko binali ang leeg niya kahit puwede kong gawin." ang malamig niyang wika.

Napatingin ang mga ito sa kanya. Totoo naman ang sinabi niya. Kaya niyang baliin ang leeg ng kanyang kalaban. Pero hindi naman kasi siya pumapatay sa mababaw na dahilan.

"Salamat, Sir." ang wika sa isa ng mga adventurer.

"Magbayad na lang kayo at umalis. Hindi muna namin aarestuhin ang grupo niyo. Pero kapag naulit ang pambabastos niyo sa mga tao sa lugar na ito, higit sa lahat ay ang pambabastos sa akin at sa mga knights... Ikukulong ko kayo sa dungeon at gagawing pain sa mga halimaw." ang seryoso niyang wika.

"H-Hindi na po mauulit, Sir! Pasensiya na po, nadala lang kami sa alak!" ang wika pa ng lalaki.

Alam naman ng lahat na hindi naman iyon dala ng alak. Hindi pa naman sila lasing. Talagang nagyabang lang sila at naghamon. Minaliit din nila ang kakayahan niya at ng kanyang mga knights. Ganoon pa man ay pinalagpas na lamang iyon ni Xavier. Tumango na lamang siya ng bahagya.

Medyo hirap ang grupo na buhatin ang kanilang pinuno dahil sa malaki nitong pangangatawan. Kagaya ng iniutos niya, nagbayad na ang grupo ng mga adventurers at umalis sa lugar. Nakabantay siya at ang mga tauhan niya sa buong sandali kaya wala silang nagawa kundi ang sumunod.

At dahil natapos na ang labanan at ang pangyayari ay naayos na... Nagsibilang na ng pera ang mga taong nagpustahan at bumalik na din sa kanya-kanyang mesa. Ipinagpatuloy na lamang nila ang naudlot na pag-inom at pagkain.

Kasalukuyan namang nagbibilang ng napanalunang pera si Margaret nang lapitan siya ni Commander Xavier Lionhart. Masaya siya dahil malaki-laki ang perang napanalunan niya ngayong gabi. Ilang baryang ginto ang binibilang niya, mga mga pilak din at ilang bronze.

Natigil nga lang siya sa pagbibilang ng makarinig siya ng tikhim. Nang mapaangat siya ng tingin ay nakita niya ang seryosong mukha ni Commander Xavier na nakatitig sa kanya. May mga pasa ito at galos sa mukha.

"Ang uniform ko." ang prangka nitong wika sa kanya.

Iniabot ni Margaret ng tahimik ang uniform na isinampay niya sa upuang kinauupuan niya. Tahimik itong kinuha ni Commander Lionhart at muling isinuot. Kaagad din niyang inilagay ang mga baryang ginto at ang iba pa sa kanyang coin purse at itinago sa bulsa ng kanyang damit.

"Sir, mukhang kailangang gamutin iyang mga pasa at galos mo ah?" ang puna ni Margaret.

Gusto lang naman niyang gumanti ng utang na loob. Pinalayas nito at tinuruan ng leksyon iyong mga mayayabang at aroganteng adventurers na nambastos sa kanya at sa waitress. Bukod doon, kumita siya ng malaking pera ngayong gabi dahil pumusta siya dito at sa mga knights.

"Hindi na, ayos lang ako." ang maikling wika naman ni Xavier.

Muli nalang niyang itinuon ang atensyon niya sa kanyang pagkain. Ganoon pa man, inilabas ni Margaret ang maliit na medicine box, na nasa ilalim ng counter table at napatingin sa mukha ng commander.

"Huwag mong sabihing natatakot ka sa kaunting hapdi ng gamot?" ang nakakaloko niyang tanong.

Natigilan si Xavier sa naging tanong ng babae. Nakita niya na napatingin sa kanya ang mga knights at ang ibang tao sa loob ng tavern. Napabuntung-hininga siya.

"Hindi ako natatakot." ang sa wakas ay wika niya.

"Kung ganoon, hindi ka dapat na tumanggi na gamutin iyang mga galos at pasa mo sa mukha. Iyan lang ang puwede kong magawa para makabawi kahit paano sa nagawa mong tulong ngayong gabi." ang paliwanag ni Margaret.

Baka kasi nag-iisip ng kung ano, kaya tumatangging ipagamot sa kanya ang mga munti nitong galos at pasa sa mukha. Mabuti nga at hindi nasira ang guwapo nitong mukha dahil sa nangyaring laban kanina.

"Huh, bahala ka kung ganoon." ang wika na lamang ni Xavier.

Ayaw niyang isipin ng mga tao na naduduwag siya sa simpleng hapdi na dulot ng gamot at may dahilan naman ang dalaga sa intensyon nito. Binuksan naman ni Margaret ang medicine box. Kumuha siya ng bulak at nilagyan ito ng medicinal potion na nasa maliit na bote.

Lumabas siya ng counter table at naupo sa may tapat ni Commander Xavier at sinimulang gamutin ang mga galos sa mukha nito. Pareho lang silang tahimik sa buong sandali. Napakunot-noo naman si Xavier habang napatitig siya sa magandang mukha ni Margaret na tahimik na ginagamot ang mga galos niya sa mukha. Hinayaan lang niya ito.

Hindi nagtagal ay natapos na din si Margaret at nilagyan niya ng mga bandages ang mga ilang galos sa mukha ng commander. Matapos noon ay tahimik siyang bumalik sa loob ng counter at isinara ang medicine box. Itinapon din niya ang mga bulak na ginamit sa basurahan. Nagsalin siya ng alak mula sa bariles. Inilagay niya iyon sa isang mug at saka ipinadulas sa may counter table papunta kay Commander Lionhart. Nagtataka namang napatingin ang huli sa kanya at napakunot-noo.

"Malaki ang napanalunan ko sa pusta. Tanggapin mo na lang. Tip ko sayo iyan." ang simpleng wika ni Margaret.

"Salamat. Hindi ka na dapat nag-abala."

Napahalukipkip naman si Margaret.

"Hindi iyan abala kundi pasasalamat."

Napatango na lamang ng bahagya si Xavier bilang pagsang-ayon. Medyo galante pala si Miss Strauss. Binalingan naman ni Margaret ang mga tauhan niya sa tavern.

"Isang libreng mug ng alak para din sa mga knights!" ang anunsyo niya.

Ayon, nagsigawan sa tuwa ang mga knights.

"Miss Margaret, salamat!" ang wika ng isa sa mga knights.

Nagpasalamat din ang iba sa kanya. Napangiti si Margaret.

"Huwag niyong isipin na masyado akong galante. Pinagkakitaan ko kayong lahat ngayong gabi." ang nakakaloko niyang wika.

Ganoon pa man ay nagtawanan ang mga knights sa tinuran niya. Nag-cheers pa nga ang mga ito sa tuwa nang dumating na ang mga libreng alak para sa kanila. Tag-iisang malaking mug lang naman sila.

Normal na ulit ang lahat. Hindi nagtagal ay nalasing na rin ang ibang patrons. Nagsimula na silang magkuwento ng madrama nilang buhay, may kasama ding aksyon ang pagkukuwento. At iyong iba naman, naalala ang sakit ng pagkabigo ng unang pag-ibig. Umiyak at nagdrama. At ang pangatlo naman, nagtapat na ng nararamdaman sa mga magagandang waitresses. Siyempre, hindi rin naman nakaligtas si Margaret. Minsan nga, halos araw-araw siyang nakakatanggap ng proposal sa mga lasing na patrons ng kanyang tavern.

"Mish Mhargharet, tanggapin mo lhang ang iniaalok kong pag-ibig... Ibibigay ko shayo ang mga bituin sha langit!"

Napaismid na lang na napatingin si Margaret sa lasing na lalaki na lumapit sa may counter table at nagtatapat na naman ng pag-ibig. Pero kinabukasan, wala na namang maalala. Tahimik naman si Xavier, unti-unting iniinom ang alak na nasa malaking mug. Nagmamasid siya sa lasing na patron at kay Miss Strauss.

"At paano mo naman ibibigay ang mga bituin sa akin eh nasa langit sila?" ang sutil na wika ni Margaret.

Sanay na sanay na siya sa mga ganitong eksena. Nakita niya na natigilan ang lalaki sa kanyang tanong.

"Miss Margaret, shushungkitin ko ang mga bituin para shayo! Hik!"

"Oh? Sige nga, paano naman maaabot ng panungkit mo ang mga bituin sa langit eh ang taas-taas nu'n?" ang nanunubok niyang tanong.

"Miss Mhargharet, gagawa ako ng panungkit gamit ang muscles ko!" ang mayabang na wika ng lalaki.

Maging ang ibang mga tao sa loob ng tavern, naaaliw na nanonood na sa kanila.

"Alam mo, hindi naman gawa sa muscles ang panungkit eh. Gawa iyon sa mahabang kahoy at tali." ang pagtatama niya.

Natawa ang ibang mga tao na nakikinig. Natigilan naman ang lasing at napapakurap na napatingin kay Margaret.

"Miss Mhargharet. Nakikita ko sha mga mata mo ang mga bituin." ang makulit pang wika ng lalaki.

Naiirita na medyo natatawa na lang si Margaret.

"Mga bituin ng espiritu ng alak ang nakikita mo." ang medyo sutil niyang wika.

Mayroong isa sa mga knights ang medyo naibuga ang iniinom na alak. Nabitin naman si Xavier sa pag-inom sa baso niya. Tiyak na nabulunan siya kung sakali. Ganoon pa man, pinanatili niyang maging kalmado at tahimik na magmasid lang.

Nagpasya naman si Margaret na tapusin na ang kalokohan ng lasing.

"Oh sige, para maniwala akong seryoso ka talaga, lumakad ka nga ng diretso diyan sa may gitna ng dining hall. Dapat hindi ka gumegewang ah?" ang hamon niya.

"Para shayo, Miss Mhargharet!" ang mayabang na wika ng lasing.

Tumingin ito sa may gitnang bahagi ng dining hall ng tavern. Kasunod noon ay dahan-dahan at gumegewang na lumakad. Hindi pa man ito nakakalahati ay bigla na itong natumba dala ng kalasingan. Natawa na lamang ang mga tao dito. At iyong mga kaibigan ng lalaki, natatawa na lamang itong binuhat at iginilid sa may lamesa nila.

Maya-maya pa, nagsimula nang magsi-uwian ang mga tao. Iyong mga bumagsak, binuhat na ng mga kasama. At karamihan naman eh nag-aalalayan at nagkakantahan habang susuray-suray na umaaalis. Iyong mga knights, natatawa na lang. Medyo may tama na din sila pero hindi iyong tipong lasing na lasing. Napatayo na din ang mga ito at muli ay nagpasalamat sa isang mug ng libreng alak na ibinigay niya.

Nagsimula na ding maglinis ang mga tauhan niya sa tavern at tumulong na din siya para mas mapabilis ang kanilang pagsasara ngayong gabi. Nananatili naman sa kanyang puwesto si Xavier at nagmamasid lang. Napansin iyon ni Margaret pero hindi na lang niya binigyan ng pansin.

Heto na naman... Kahit na alam na ni Commander Lionhart na nagsasara na sila ay hindi pa rin ito umaalis sa kinauupuan. Kagaya lang ito kagabi. Tumuloy lang siya sa pagkolekta ng mga baso at plato sa mga bakanteng mesa kasama ng mga tauhan niya. Abala na ang mga tagahugas sa may kusina at tumulong na din ang iba pa dito para mas mapabilis ang trabaho. Muli ay nilapitan niya si Commander Lionhart upang ipaalala na magsasara na sila.

"Sir, magsasara na po kami." ang paalala niya.

Napakurap naman si Xavier. Napatingin siya sa mukha ni Margaret. Kasunod noon ay tumayo siya sa kanyang kinauupuan.

"Alam kong magsasara na kayo. Nandito ako para siguruhin na wala na talagang manggugulo. Baka kasi bumalik iyong mga adventurers." ang pakli niya.

Napakurap si Margaret matapos niyang marinig ang sinabi ni Commander Lionhart.

"Hindi na sila babalik. Pinatulog mo iyong pinuno nila at sinabihan mo na din na aarestuhin kapag nanggulo pa sila. Isa pa, puwede mo silang tanggalan ng lisensiya bilang mga adventurers kapag umulit pa sila." ang wika niya.

Puwede ngang gawin ni Commander Lionhart pero nagbigay lang ito ng babala sa mga mayayabang at aroganteng adventurers na iyon.

"Tama ka. At hindi ko lang sila tatanggalan ng lisensiya, ikukulong ko sila at gagawing pain sa mga halimaw."

Bahagyang napangiwi si Margaret. Totoo nga ang sinasabi ng mga knights na malupit nga si Commander Lionhart.

"Pero naging mabait ka pa rin sa kanila at nagbigay lang ng babala sa ngayon. At salamat ulit sa ginawa mo kanina."

"Tsk, ginawa ko lang ang tama. Sige, aalis na ako para hindi na ako makaabala sa pagsasara niyo. Magpahinga na kayo pagkatapos at matulog ng maaga. Lalo ka na. Baka makita na naman kitang gising habang nagpapatrolya kami." ang sermon ni Commander Xavier Lionhart.

Medyo napaismid naman si Margaret, nasermunan siya. At kung makapagsalita, akala mo ay tatay.

"Oo na po, maaga na pong matutulog." ang sang-ayon na lang niya.

Hindi umimik si Commander Xavier. Bagkus ay lumakad na ito paalis. Iyon na din ang hudyat para mas bilisan na nila ang kilos at tuluyan nang maisara ang tavern. Nang maisarado niya ang maindoor ay tumuloy na siya sa kusina. Doon ay kumain sila ng hapunan nang magkakasama. Hindi lang naman siya ang kumita sa pustahan ngayong gabi. Iyong iba naman na tauhan niya, medyo luhaan. Paano, sa kabilang panig naman kasi pumusta!

Tuluyan namang nagtungo si Xavier sa Garisson Knight Headquarters at naghanda na para sa kanilang pagpapatrolya ngayong gabi. May mga itatalaga din siya para sa mga maglilibot sa kalsada sa madaling araw. Rotational ang ginagawa niyang schedule ng mga tauhan niya para hindi rin sila mapagod. Iba ang pang-umaga, pangtanghali, panggabi at pangmadaling-araw. Sa umaga at sa gabi siya sumasama sa pagpapatrolya. Pero may oras na nagroronda din siya kasama ng mga tauhan niya sa madaling-araw. Ginagawa niya ang lahat ng ito dahil prayoridad niya ang kaligtasan ng mga mamamayan.

At iyong mga nakasagupa nilang mga adventurers, mukha sigurong natuto na ng leksyon. Nawala ang iniisip niya nang makita niya ang grupo ng kalalakihan na nakaharang sa kanyang daraanan. Sila iyong mga Adventurers! Hindi nga lang nila kasama ang kanilang pinuno na nakasagupa niya kanina. Siguradong nanghina ito ng husto sa ginawa niyang pananakal.

"Commander Lionhart! Akala mo ba hindi namin igaganti ang pinuno namin? Humanda ka dahil walang tutulong sayo dito! Lagot ka sa amin!" ang wika ng isa sa mga Adventurers.

Ganoon pa man ay kampanteng napatingin lang si Xavier sa apat na lalaki. Hindi pa rin talaga nagtatanda ang mga ito matapos ng mga nangyari kanina. Nanatili siya sa kanyang kinatatayuan at hinintay silang sumugod. At nangyari nga ang inaasahan niya.

Sinugod siya ng apat na lalaki ng sabay-sabay at nakipagsabayan siya. Sa pagkakataong ito ay seryoso na siya. Bago pa siya masuntok ng lalaking nanguna sa pagsugod ay inunahan na niya ito. Isang solidong suntok ang ipinatama niya sa mukha nito na siyang dahilan para tumilapon ito. Naglagay na kasi siya ng malakas na puwersa. Iyong dalawa namang kasunod nito, sabay niyang hinawakan ang kanilang mga kamao sa magkabila niyang kamay upang sanggain ang kanilang nga atake.

Mariin niyang ikinulong ang mga kamao nila sa kanyang palad at dinurog ang mga iyon gamit ang kanyang lakas. Hindi nila yata nila naiintindihan, tuwing nakakapatay siya ng halimaw sa mga nakaraang laban niya, patuloy siyang lumalakas. Kinukuha ng kanyang katawan ang kanilang lakas at kakayahan. Isa iyong natatanging kakayahan ng kanilang angkan ngunit isa lamang sa kada-henerasyon ang nakakakuha ng kakayahang iyon. Iyon ay ang mga panganay na anak na lalaki lamang.

Nakita niyang napangiwi ang dalawang lalaki sa sakit at walang anuman niyang hinila at binuhat ang mga ito at saka inihagis. Nitong huli ay nakapatay siya ng dragon na siyang pumepeste sa isang nayon na nasa bundok. Isa iyong ahas-dragon na bumubuga ng apoy at malakas din ang pangangatawan. Ang balat nito, hindi basta natatalaban ng kahit na anong sandata. Kaya nga ang balat nito ang ginawa niyang armor. At kung paano niya ito natalo? Malambot ang parte ng lalamunan nito at ang loob ng katawan. Nagpakain siya at mula sa loob ng katawan nito, gamit ang espada niya, doon niya ito pinatay. At dahil sa nangyari, literal na naligo siya sa dugo ng ahas na dragon. Dito, mas lalong nakuha ng kanyang katawan ang lakas at kakayahan nito.

Iyong pang-apat na lalaki naman na susugod din sana sa kanya ay natigilan. Mukhang nakita nito na hindi pa niya inilabas kanina ang totoo niyang lakas. Hanggang ngayon naman, hindi pa niya inilalabas ang tunay niyang kakayahan. Lumakad siya pasulong at napaatras ang lalaki. Iyong sinuntok niya kanina na tumilapon, hanggang ngayon ay walang-malay. Iyong dalawa nitong kasamahan, parehong durog ang kanan nilang mga kamao at nananakit ang katawan dahil bumangga ang katawan nila sa pader na nasa tabi nang ihagis niya.

"Ano, susugod ka?" ang malamig niyang tanong.

Tahimik na napailing ang lalaki at takot na napatakbo paalis. Napabuntong-hininga na lamang si Xavier. Hindi naman siya naghahanap ng away, kaya lang, siya itong hinahanap ng mga taong aaway. Palibhasa kasi, akala nila ay nakuha niya ang posisyon dahil sa kanyang ama at tiyuhin. Ipinagkibit-balikat na lamang niya ang isiping iyon. Tumuloy na lamang siya sa paglakad papunta sa Garisson Knight. Sasamahan pa niya sa pagroronda ang mga tauhan niya ngayong gabi.