Kinabukasan, maagang nagising si Casmin dahil sa sinag ng araw mula sa kanyang bubong.
"Parang ayaw ko na sa kwarto na ito. Tumatagos ang liwanag ng araw dahil sa salamin na bubong." Sambit niya habang tinatakpan ang mga matang natatamaan ng liwanag.
Tinatamad siyang umupo at humikab. Nag-unat ng mga braso bago bumaba sa kama at nagtungo sa banyo.
"Woah. Ang ganda pala talaga nang malinisan na." Namamangha siya sa paligid dahil may kakaibang mainit na hot spring sa gitna ng silid. Umuusok ang tubig sa paliguan na ito at tamang-tama lamang ang init ng tubig para sa katawan. Nagmumula ang tubig sa maliliit na bukal sa gitna ng pool na siyang ipinagtataka ni Casmin kung paano ito nagawa sa kwarto na nasa attic.
Sa gilid ng paliguan na ito ay ang isa pang bath tub na gawa sa puting bato. Makinis ang bawat bahagi nito at may switch kung saan pwedeng painitin o palamigin ang tubig. Iniisip niya kung paano pa rin ito gumagana gayong matagal ng inabandona ang bahay.
Pinili niya ang maliit na bath tub na gawa sa puting bato at pinuno ito ng tubig.
Habang naliligo, pinagmamasdan niya ang ilang sulok ng silid at may nakikita siyang iilang mga dumi na di niya natanggal kahapon.
"Hay naku. Maganda nga ang lugar pero ang lawak naman ng lilinisan ko." Sambit niya at inihiga ang katawan.
Napatigil siya sa ginagawa dahil sa mga kaluskos na naririnig. Napalingon siya sa isa pang paliguan ngunit wala siyang nakitang ibang tao maliban sa kanya. Ngunit naririnig pa rin ang tunog ng tubig na tila ba may iba pang naliligo bukod sa kanya.
Ilang sandali pa'y nakarinig siya ng tunog na tila ba may bumagsak sa tubig at nakitang may malabong imahe sa katabing paliguan.
Isang likod ang kanyang nakita. Hindi niya mawari kung likod ba iyon ng bata o matanda dahil sobrang labo.
"Ma-y tao bukod sa akin?"
Dahan-dahang gumalaw ang malabong imahe kasunod nito ang sigaw ni Casmin.
"Mamaaaa." Sabay takbo palabas ng banyo na muntik pang madulas sa basang sahig.
Habang nagluluto ng agahan nakarinig ni Aling Janina ng sigaw mula sa itaas.
"Nalaglag na naman ba siya sa kanyang kama?" Tanong nito at natanaw na lamang na patakbong bumaba sa hagdan ang anak na nakabalot ng tuwalya.
"Mama, mama. May multo. Ayaw ko na dito. Umalis na tayo dito." Natatarantang sabi nito habang niyuyugyog ang braso ng ina. Hinahabol ang hininga at ilang ulit na lumunok.
"Ano ba? Matatapon ang sabaw." Inilalayo nito ang sandok na may kaunting sabaw para di matapon sa kanilang dalawa.
"Ano bang nangyari sa'yo?" Tanong ni Janina makitang hinihingal pa rin ang dalaga at may bula pa ng sabon ang braso at leeg nito.
Umakyat naman agad ang ina sa attic na agad din niyang sinundan.
"Wala naman a." Sabi ni Janina nang matingnan ang buong silid. Wala siyang napansing ano mang kababalaghan.
"May nakita talaga ako sa gitna ng pool Ma. Diyan mismo." Sabay turo sa pool na may umuusok na tubig.
"Baka bahagyang lumakas ang usok kaya lumabo ang paningin mo. Malay mo, repleksyon mo lang ang nakikita mo."
"Mama naman e. Meron talaga akong nakita diyan." Bagsak balikat niyang sambit. Ngunit wala talagang tao sa hot spring at wala ring palatandaan na may umahon mula sa tubig.
"May mali lang ba talaga sa paningin ko? O may sira na talaga ang utak ko?" Tanong niya habang inaaninag ang ilalim ng tubig. Tanging maliliit na mga bato lamang ang makikita niya sa ilalim at iilang bula na likha ng mga bukal kung saan lumalabas ang tubig.
"Ma, bakit may mainit na paliguan sa itaas ng attic? Parang may bukal pa nga o." Sabay turo sa nilalabasan ng tubig.
"At bakit walang pinagkaiba ang gabi at araw sa kwarto na ito?"
"Malamang parang walang bubong dahil isang transparent glass ang gamit sa bubong ng attic. Saka ang hot spring na iyan ay ginawa dati pa. Nakakonekta raw ang tubig diyan mula sa hotspring sa ibaba."
"May hotspring sa ibaba?"
"Oo pero hindi mabuksan ang pintuan papunta roon. Sabi ng dating may-ari, wala pa raw sa kanilang pamilya ang nakakapagbukas sa kung anong meron sa lugar na iyon. Ang alam nila doon nagmumula ang tubig mula sa hot spring na ito."
"Sa akin lang ang meron bakit wala sa ibang mga kwarto?" Nawalang bigla ang takot niya at mas nag-uumapaw ang curiosity niya sa lugar.
"Di kaya may mystery sa lugar na ito?" Nai-excite niyang sambit. Isa sa dahilan kung bakit nagustuhan niya ang you're my miracle dahil sa mga misteryong meron sa kwento. Maraming mga katanungan ang maiisip ng mga readers at napipilitan o naeengganyong magbasa ang ilan para masagot ang mga katanungan nila.
"Aalamin ko kung multo ba ang taong 'yon o sadyang namamalikmata lang talaga ako." Pangako niya sa sarili na ang tinutukoy ay ang mga taong naka-maid outfit na nakita niya kagabi.
"O ba kaya naman may naninirahan sa likod ng pintuang bato tapos may secret door mula sa underground paakyat sa attic." Napaungol siya ng pitikin ng ina ang kanyang noo.
"Kahit ano-ano na naman ang pumapasok sa isip mo. Bawas-bawasan mo nga ang pagbabasa ng mga mystery novel." Sagot ng ina. Napanguso na lamang siya.
Lumipas ang ilang araw ngunit wala na siyang napansing kakaiba. Hanggang sa naisip niyang namamalikmata nga lang talaga siya.
"Casmin, may fan meeting ang writer ng you're my miracle. Pupunta ka ba?" Tanong ni Belle sa kanya. Papunta sila ngayon sa school canteen. Hindi niya sinabi sa kaibigan ang nangyari sa kanyang pamilya dahil ayaw niyang kaawaan at malulungkot din ito.
"Ayoko. Aksaya lang 'yon sa pera. Mamamasahe pa ako, buti pang ibili ko nalang ng pagkain ang ipapamasahe ko."
"Andiyan ka na naman sa pagkakuripot mo."
"Nagtitipid lang ako." Sagot niya.
"Pansin ko lang, bakit di ko ka nakikita ang Ate mo ngayong nagdaang mga araw?"
Sasagot na sana siya nang tumunog ang ringtone ng cellphone niya.
Tumawag pala ang kanyang ina at sinabing sa hospital ito matutulog.
Napayakap si Casmin sa sarili maalala na mag-isa siyang matutulog sa bahay nila. Napatingin siya kay Belle na naghihintay sa kanya at naisip na makitulog sa kanila ngunit naalala niyang nagsiksikan din sina Belle sa maliit nilang bahay lalo pa't marami silang nakatira roon. Wala rin siyang matutulugan sa masikip na bahay nina Belle at magulong mga kapatid.
"O, bakit ganyan ka makatingin?" Tanong ni Belle sa kanya.
"Wala kasi akong kasamang matulog sa bahay. Samahan mo ako please." Pakiusap niya.
"Wala kang kasama? Bakit? Saan ba pupunta sina Auntie at Ate mo? Di ba sabi mo uuwi na si Tito? Aalis na naman ba siya?"
Napayuko si Casmin. Nagbabadya na namang tumulo ang kanyang luha.
"Hindi mo ba alam? Nadisgrasya ang kanyang Ate kasama ang kanyang ama?" Sagot bigla ng napadaan nilang schoolmate na dating kapitbahay nina Casmin.
"Ano?" Nanlaki ang mga matang sambit ni Belle. Gustong sapukin ang kaibigan kung bakit hindi sinabi sa kanya ang nangyari ngunit nakitang pinipigilan ni Casmin ang pagtulo ng luha sa mga mata, niyakap nalang niya ang dalaga at di na nagtanong pa.
"Sige, sasamahan kitang matulog sa bahay niyo."
***
Nasa tapat na sila ngayon sa bagong tahanan nina Casmin.
"Casmin, sigurado ka bang dito na kayo nakatira? Wala bang momo dito?" Sambit niya at napayakap pa ng mahigpit sa braso ng kaibigan.
"Panget lang 'yan tingnan sa labas pero magugustuhan mo rin sa loob." Sagot ni Casmin at nagpatuloy na sila sa loob ng bahay.
Halos hindi naman mahakbang ni Belle ang mga paa. Ngunit namilog ang mga mata nang makapasok na sila sa loob.
"Huwaw!" Nagniningning ang kanyang mga mata makita antique na giant chandelier sa kisame at maganda rin ang pagkakadesinyo sa buong silid.
"Gawa ba sa kahoy ang hagdan na ito? Para siyang snake dragon. Sino kayang nag-ukit nito? Mukhang ang tigas rin ng kahoy na ito." Pinadaan niya ang isang palad sa handrail. "Ang kinis-kinis."
Ngayon lang din napagtuonan ng pansin ni Casmin ang buong paligid ng bahay. Hindi niya ito napansin noong una ngunit ngayon isa-isa na niyang napagtuonan ng pansin ang buong detalye ng bahay.
Ang pintuan palabas ay may nakaukit na puting Pegasus. Ang sandalan naman ng upuan ay may nakaukit na dalawang pinagkrus na espada. May korona sa itaas ng dalawang nagkakrus na espada at sa gitna ng korona ay may kulay pulang bato. Ang mga paa ng mesa naman at mga upuan ay mga inukit na hayop na di kilala ni Casmin.
"Tingnan mo itong paa ng upuan, ibon ba to? May pakpak e." Tanong ni Belle.
"Mukha siyang ibon na mukhang dragon. Ewan ko kung ano 'yan."
Niyaya niyang umakyat sa attic ang kaibigan at mas lalo itong namangha makita ang kisameng natatanaw ang langit, at ng mga painting ng mga kakaibang hayop at kakaibang mga nilalang.
"Paano kung may lalabas na momo sa bubong at sisilipin tayo?" Tanong ni Belle.
"Wag mo nga akong tinatakot diyan."
"Paano kung may papasok sa silid natin?" Muling tanong ng kaibigan.
"Wag kang mag-alala. Sa gate palang, magkakasugat na ang magnanakaw kapag sapilitan niyang akyatin. Sa dami ba namang mga tinik doon." Sagot naman ni Casmin.
"Casmin. Bakit pakiramdam ko maliwanag ang pader at sahig." Sabay hanap sa pinagmulan ng ilaw sa silid.
"Walang ilaw dito. Takpan mo lang ang pader ng kurtina at takpan ng carpet ang sahig kung gusto mong dumilim ang paligid."
"Weh, di nga." Agad niyang ibinaba ang mga kurtina para matakpan ang pader at paintings saka kinuha ang nakatuping carpet sa gilid ng kama. Bahagya ngang dumilim ang paligid.
"Ang cool ng kwarto mo Casmin."
"Tama ka. Kaya nga nahihiwagaan ako sa kwartong ito. Lika, may ipapakita pa ako sa'yo." Hinila ang kaibigan papasok sa isa pang silid.
"Ang cool. May hot spot dito."
"Hot spot o hot spa? Maka-hotspot to o."
"Paliguan nalang para mas madali." Sagot ni Belle at napakamot sa ulo.
Sinuri nilang mabuti ang tubig. "Parang ancient spa. Ang mas nakapagtataka dahil nasa attic pero may bukal sa ilalim ng tubig. May makikintab pang mga bato o? Paano kaya nila ito ginawa?"Bahagyang iniluhod ang isang paa at ibinaba ang mga daliri sa tubig.
"Katamtaman lang ang init. Hindi nakakapaso at mukhang nakakagaan pa ng pakiramdam. Magha-half bath tayo dito." Masigla niyang sambit.
"Ayoko, baka mamaya may biglang lilitaw diyan." Sambit ni Casmin. Napayakap sa sarili maalala ang nakita niya noon sa lugar na ito.
"Anong lilitaw diyan? Tingnan mo nga o, ang linis ng tubig." Hinanap kung saan umaagos palabas ang tubig.
"Tingnan mo dito. Mukhang dito banda sinisipsip ang tubig. Sa gitna naman ng pool ay kung saan nagmumula ang mainit init na tubig." Tinuro niya ang maliliit na tubig na umiikot pailalim sa pagitan ng mga maliliit na bato.
"Subukan nating maligo dito. Mukhang magandang maligo dito e." Hindi sumagot si Casmin.
"Sige na. Mukha namang mababaw ang tubig o. Ano bang ikinatatakot mo?"
"Sige na nga lang."
At naligo nga ang dalawa sa pool.
Kumunot ang noo ni Casmin makita ang apat na uri ng mga bato sa gilid ng pool.
"Ano to? May mga simbolo pa o." Sambit niya at hinawakan ang kulay pulang bato.
"Ang sarap maligo dito Casmin. Katamtaman lang ang init ng tubig. Tamang-tamang hindi tayo mapapaso." Sambit ni Belle at lumubog sa tubig. Pag-ahon niya, bigla na lamang natakpan ng mga talulot ng mga bulaklak ang kanyang ulo. At may mga talulot ng bulaklak na sa tubig.
"Eh? Nagbuhos ka ng mga bulaklak? Saan mo ito galing?" Tanong niya at nagtatakang napatingin kay Casmin. Pansin niyang naguguluhan din ang kaibigan sa nakita.
Kumunot ang noo ni Casmin sa biglang paglitaw ng mga talulot ng mga bulaklak sa tubig. Tumingin siya sa batong hawak at sa bulaklak na nasa paligid niya.
"Di kaya dahil sa batong ito?" Sambit niya. Hinawakan niya ang kulay puting bato, dahan-dahan naman silang nakaramdam ng lamig na ikinaahon nilang dalawa.
Ramdam nila ang pagbabago ng temperatura ng tubig at pakiramdam nila para silang naliligo sa yelo.
"Tingnan mo, umuusok ang tubig hindi na sa init kundi sa lamig." Sambit ni Belle habag hinihipan ang mga palad para mainitan.
Napatingin si Casmin sa dalawang batong hindi pa niya nahahawakan. Hinawakan niya ang kulay apoy na bato. Para itong kulay pulang apoy na higis bilog. Mula sa umuusok dahil sa lamig, unti-unting kumulo ang tubig at umuusok na ngayon dahil sa init.
"Wow! High tech yata to." Sambit ni Belle. Dama ng dalawa ang init na nagmumula sa kumukulong tubig.
Hinawakan naman ni Casmin ang kulay asul na bato. Dahan-dahan namang humina ang kumukulong tubig at bumalik ito sa dating temperatura.
Yumuko si Casmin at ibinaba ang isang daliri sa tubig para damhin ang init nito.
"Bumalik na sa dati. Hindi na masyadong malamig at hindi na rin masyadong mainit." Sambit niya.
Suminghot si Casmin makaamoy ng kakaibang bango. Kanina pa niya ito naaamoy pero hindi agad niya pinansin.
"Ang bango naman. Ngayon lang ako nakaamoy ng ganito. Parang nakakaakit langhapin."
Dumampot naman si Belle ng talulot ng bulaklak.
"Medyo nalanta sila dahil sa init kanina."
Lumapit siya sa may bato at excited na subukan ang ginawa ni Casmin ngunit nang hawakan niya ang pulang bato, walang nangyari.
"Bakit wala?" Hinawakan din ang iba pang mga bato ngunit wala pa ring nagbago sa tubig.
Kinuha niya ang kamay ni Casmin at pinahawak sa kaibigan ang kulay pulang bato, bigla na lamang umulan ng mga talulot ng mga bulaklak mula sa ere. Hindi galing sa kisame kundi bigla nalang sumulpot mula sa itaas ng tubig at bumagsak pababa.
Napakurap-kurap si Belle samantalang si Casmin naman kinusot ang mga mata.
"Casmin, may kababalaghan sa lugar na ito." Inaasahan niyang matatakot ang kaibigan ngunit bigla na lamang napasayaw sa tuwa.
"Parang magic. Ang ganda dito. May mala-fantasy kang kwarto. Gusto kong maligo ulit." Sabay hila kay Casmin at muli silang lumubog sa tubig.
"Bakit pakiramdam ko, lumalakas ako habang nakalubog sa tubig ang aking katawan?" Sambit ni Casmin.
"Ako nga e, pakiramdam ko, kumikinis yata at lumalambot ang balat ko." Sagot naman ni Belle habang pinisil-pisil ang braso.
***