Hindi na muling dinalaw ng antok ang dalawa kaya naman naghanda na lamang sila ng almusal at nagluto ng pagkain para dalhin ni Casmin sa hospital.
"Ano'ng nangyari sa inyo at ang laki-laki ng mga eyebag niyo?" Tanong ni Aling Janina makita ang dalawa na nangingitim ang paligid ng mga mata.
"Nagpupuyat na naman kayo sa pagbabasa ng online novel ano? Naku, kayong mga bata kayo, tigil-tigilan niyo iyang kakabasa niyo ng ganyan. Magkakasakit pa kayo, mapapabayaan niyo pa ang pag-aaral niyo."
"Opo Auntie." Nahihiyang sambit ni Belle, si Casmin naman napanguso.
"Di naman kami nagbasa, maaga lang kaming nagluto." Katwiran ni Casmin.
Siniko siya ni Belle na tila sinasabing di na siya mangatwiran pa na ikinanguso niyang lalo.
"Kumusta na nga pala si Papa?" Tanong ni Casmin sa ina.
Nagbuga ito ng hangin bago sumagot. "Ewan ko kung ano ang nangyari sa kanya. Sabi ng Doctor maayos na ang kalagayan niya ngunit hindi pa rin siya nagigising."
Matapos makausap si Aling Janina ay nagpaalam ng muli sina Casmin.
Nag-file ng leave of absence si Casmin at siya na namang nagbabantay sa kanyang ama na nasa hospital.
Pagkatapos ng klase, pinupuntahan siya ni Belle at nakikipagkwentuhan sa kanya.
"Casmin, nabasa mo na ba ang revised version ng you're my miracle?" Excited nitong tanong sa kanya.
"Bakit? Anong nangyari?" Tanong niya bago kumagat sa baon niyang tinapay.
"Binago ng author ang kwento. Hindi na namatay ang ina ng ikalimang prinsipe. May bagong karakter din ang dumating. Isang misteryosong karakter. Teka? Di mo pa alam?" Nagtatakang tanong ni Belle.
Hindi siya sumagot. Kumuha siya sa mansanas na nasa basket at kumagat.
"Himala? Dati-rati ikaw ang pinakaunang naa-update sa kwento ngunit ngayon di mo alam?" Di makapaniwalang tanong ni Belle.
"Ano? Binago na niya na di man lang ipinaalam sa mga readers?" Mabilis siyang naglog-in sa website at hinanap agad ang you're my miracle.
"Iyon nga e. Bigla na lamang nagbago ang isang chapter ng kwento. Nakapagtataka nga e." Sagot ni Belle.
Muntik ng mabitiwan ni Casmin ang hawak na cellphone dahil nakasulat na sa kwento ang anumang nangyayari sa panaginip niyang iyon. Kung panaginip lang ba iyon o talagang ginawa niya, hindi na siya sigurado.
"Sana babae ang misteryosong nilalang na ito at magiging partner ng ikalimang prinsipe. At sana hindi na siya mamamatay sa season one." Sabi ni Belle na halatang natutuwa sa pagbabago ng takbo ng kwento.
Napakunot ang noo ni Casmin dahil nasa chapter one pa lamang siya. Tiningnan niyang muli ang title.
"You're my miracle 3: Side story 2? Sabi mo revised version e side story naman yata to sa kwento nina Seo Yiu at Sayuri e. Pustahan tayo, heartbreaking pa rin ang ending nito promise."
"Hindi iyan. 'Yong isang kwento ang basahin mo bago ang ongoing side story na iyan. Tingnan mo kasi ang season 3 chapter 1. Hindi na namatay ang ina ng ikalimang prinsipe kaya posibleng di na siya magiging kalaban sa future di ba? Mukhang ongoing pa ang pag-i-edit ng author kaya gan'yan. Hindi pa niya nabago ang ibang chapter."
Napakunot naman ang noo ni Casmin. Iniisip kung binago nga ba ng author ang takbo ng story o kusa itong nagbago dahil sa kanya?
"Di kaya dahil sa bagong labas na kwento na The Last Saintess? May bagong labas kasi na kwento at halos lahat ng side character sa Mysterious Empire na di binigyan ng pangalan ng author, nandoon e. Pati ang idol kong si Raiden nandoon din."
"Bakit ba lahat kayo si Raiden lang ang nakikita? Andon naman si Vill at ang pinakagwapong si Skywill na mas gwapo pa kina Seo Yiu Parang sa you're my miracle lang, si Seo Yiu na third prince lang ang nakikita niyo. Paano naman ang first prince, second prince, fourth prince at si fifth prince?" Sagot ni Casmin na gustong lahat ng mga character sa kwento napapansin kahit mga side characters lamang sila.
"Paano ko naman mapapansin ang iba na di naman sila lumabas sa kwento? Lalo na si Skywill e dalawang salita lang ang meron siya sa kwento. Yes at ang sabi niyang patawad. Tapos ang ibang mga prinsipeng sinasabi mo e di nga lumabas sa kwento? Maliban sa fifth prince na naging main villain sa season 1." Sagot ni Belle.
"Tatlo kaya yung sinabi ni Skywill. Iyong pag-hmm niya." Pagtatama ni Casmin.
"Salita ba 'yon?" Sabay irap ni Belle.
"May letra pa rin yon."
"May nagsasabi na si Caramel daw ang nagsulat sa The Last Saintess. May nagsabi naman na imposibleng makagawa ng ganoong kwento si Caramel."
Napaubo si Casmin sa narinig.
"Wag mong sabihing ikaw nga ang nagsulat no'n?" Agad nagtipa sa cellphone at hinanap ang kwentong The Last Saintess.
"Wait lang. May nagbago sa kwento."
"Ano?" Kinuha ni Casmin ang cellphone ni Belle at binasa ang nakasulat sa screen.
"May bagong character sa kwento? Sino kayang nag-edit nito? Maliban sa akin at kay Ate, wala ng nakakaalam sa password ng account ko."
"Kung ganoon ikaw nga ang nagsulat nito?" Namilog ang mga mata ni Belle.
"Si Ate kasi, Raiden siya ng Raiden kaya ginawan ko siya ng kwento dahil gusto ko lang siyang asarin."
"Hindi naman kita nakitang nagsulat ngayong nagdaang mga araw a. Bakit nagbago ang kwento? Binago mo ba?"
Umiling si Casmin.
"Mas nakakapanabik ang bagong kwento. Di kaya binago ng Ate mo?"
"Wag mong sabihin nagmulto siya?" Napatago si Casmin sa likod ni Belle.
"Ate mo iyon bakit ka matatakot sa kanya?"
"Ginawa ko kasi ang kwento na ito para asarin siya sa kaka-Raiden niya. Baka nagmulto na siya." Napaungol siya nang sapukin ni Belle.
"Tumigil ka nga diyan. Kung anu-ano ang pinagsasabi mo e. Baka nakalimutan mo lang na in-edit mo ang kwento sa dami ng mga iniisip mo."
Binasa niya ang lumabas na notification na nagsasabing hindi matutuloy ang fan meeting ni Seior dahil sa pagbabago nila sa plot ng kwento ng you're my miracle.
May iilan na sinisisi si Caramel kung bakit hindi natuloy ang fan meeting ngunit marami namang natutuwa dahil may posibilidad ng mababago ang tragic ending ng story.
***
Sa isang lugar naman, napasabunot ang isang lalake sa kanyang buhok.
"Nababaliw na yata ako. Paano ko naisulat ang ganitong chapter na wala sa sarili?" Sambit niya. Siya si Seior at siyang author sa kwentong you're my miracle.
"Kitang-kita ng mga mata ko. Magdamag kang nagsulat kagabi. Hindi na kita nilapitan dahil alam kong ayaw mong nadidisturbo kapag abala ka sa pagsusulat." Sagot ng kaibigan niya na kasama niya sa kwarto.
"Di kaya nag-hire ng hacker ang Caramel na iyon para i-hack ang computer ko?" Napaungol siya dahil sinapok siya ng kaibigan.
"Ikaw nga ang nakikita ko e. Sinisisi mo pa ang ibang tao. Baka nadala ka lang sa mga comments niya kaya mo nagawa 'yon. Ayaw mo lang talagang aminin dahil hindi ka fan ng happy ending." Sagot ng kaibigan. "O, magkape ka. Para magising na ang diwa mo at mabawasan ang ka-bitter-an mo."
"Tsk!"
"Kapag tapos ka na diyan aalis na tayo." Sabi ng kaibigan at kinuha ang biniling isang basket ng prutas.
***
Nakauwi na si Belle samantalang naiwan namang nakatulala si Casmin. Nagtataka pa rin siya kung bakit nakasulat na ang mga pangyayari sa panaginip niya. At nagbago rin bigla ang kwentong sinulat niya kahit di naman niya binago.
"Nakikita ba niya ako? Bakit alam na alam yata niya ang ginawa ko sa panaginip na iyon? Teka, panaginip pa ba 'yon? Ahhh!" Sumipa-sipa siya sa inis.
Bumukas ang pintuan ng ward at pumasok ang nurse.
"Itsi-check ko lang ang kondisyon ng pasyente."
"Sige po." Naisipan niya lumabas na muna para makapagpahangin. Umakyat siya sa rooftop ng building at naghanap ng mauupuan.
"Bakit kaya napanaginipan ko ang eksena sa kwentong iyon? Di kaya nabasa ko na iyon at nakalimutan lang, kaya napanaginipan ko? Naguguluhan na talaga ako. Mababaliw ako nito e." Napahawak siya sa kanyang ulo na halos maiyak niya sa mga naiisip.
"Kalimutan mo na ang mga nangyayari Casmin. Kalimutan mo na. Babalik din sa dati ang lahat." Sambit niya.
"Baliw."
Natigilan siya at napalingon sa katabi. Isang lalaking naka-eyeglass at nakahawak sa cellphone.
Sinamaan ito ng tingin ni Casmin bago lumipat ng mauupuan.
"Yiu, nandito ka ba para bantayan ang pasyente o para magpahangin?" Tawag ng isang doctor na kakarating lang. Nag tsk ang lalake at umalis na kasama ang doctor.
"Ganda sana ng tikas pero mukhang masungit." Sambit ni Casmin at bumaba na rin.
"Umuwi ka na muna at ako na naman ang magbabantay sa Papa mo." Sabi ng ina na kararating lang din.
Agad naman siyang umuwi. Sa pagkakataong ito naisipan niyang maligo sa hot spring.
"Woah. Ang sarap talaga sa feeling maligo sa tubig na ito. Masarap sa pakiramdam." Lumubog siya sa tubig at nagtungo sa pinakagitna.
"Mas mainit dito pero mas gumagaan ang pakiramdam ko."
Pagkatapos maligo ay naglaba na rin siya pagkatapos ay kinain ang iniwan na pagkain ng ina.
Matutulog na dapat siya kaso hindi siya dinadalaw ng antok kaya binuksan na lamang ang cellphone at nagbasa ng web novel. Hindi na you're my miracle kundi tungkol na sa isang makapangyarihang hero na nabuhay muli bilang isang mahinang bata.
"Maganda 'to, mukhang aakalain nilang mahina ang batang ito pero makapangyarihan pala." Sambit niya.
Pagkatapos ng ilang oras humikab siya at nag-unat. Tumingala siya upang pagmasdan ang bituin sa langit. Ngunit napatigil sa ginagawa makita ang kakaibang langit.
***