"Napakakupad! Katayin mo na 'yan!" - mariing utos ng isang nakaalbang matandang ginoo - na hindi panot. Mayroon itong hawak na aklat, makapal ngunit halatang napaglipasan na ito nang panahon. Maingat niya itong binuklat sapagkat magato na saka binasa't dumako sa talaan ng nilalaman. Naghanap ng espesyal na resipe para sa espesyal na salo-salo. May magaganap kasing pagtitipon mamaya kaya naman kailangan nilang maghanda sa kusina nang masasarap na putahe gaya ng adobo, sinigang, bulalo, lechon, at marami pang iba.
Habang abala ang ginoo sa pagbabasa, isang butcher ang nakatulala sa mahabang sangkalan. May nakahiga ritong masarap raw na pagkain subalit hindi pa luto. Kailangan muna niya itong gilitan sa leeg at tanggalan ng dugo 'to use for other purposes' at pagkatapos ay gayatin ang mga parte nito. Ngunit ang gawin ito ay hindi kaya ng mangangatay sa halip siya ay naluluha, nangangatog rin ang mga kamay nitong may hawak na butcher cleaver knife. Pakiramdam niya ay hindi niya ito magagawa. Baguhan nga lamang naman kasi siya. Samantala, ang kaniyang kakatayin naman ay hagulgol na sa pagmamakaawa. Mayroon pa raw itong pamilyang uuwian at may pinag-aaral pang mga kapatid. Kaya mas lalong hindi raw niya ito makakatay.
"Hindi ko ito kaya! Paano ninyo ito nagagawa??!" - garalgal na ang boses ng lalaki. Hindi niya napansing umiiyak na pala siya at tulo na ang sipon sa kanang butas ng kaniyang ilong. Hindi nga talaga siguro niya kaya. Tumingin siya sa paligid. Madilim subalit ang liyab ng apoy sa lutuan ay sapat na upang mapagmasdan ang buong silid maging ang ekspresyon ng kaniyang kakatayin. Kita pa nga niya kung gaano kakinis ang balat nito na para sa isang kusinero ay mukhang malinamnam, malutong kung gagawing chicharon. Gayunpaman, wala siyang lakas ng loob upang mag-umpisa. Siya'y nangangatal dahilan para kaniyang mabitawan ang hawak na kutsilyo. Napatigil ang lahat at tumingin sa kanya. Hindi ito nagustuhan ng ginoo. Agad naitiklop ang aklat sabay tayo. Huminga nang malalim at humakbang at handa nang magbitaw ng salita subalit isang pilak ang nalaglag mula sa hawak niyang libro. Siya'y napahinto, tumuwad at pinulot ang nakasingit kanina sa aklat, isang kwintas. Pagkatapos ay tumayo muli siya nang tuwid at isinilid ang kwintas sa bulsang nasa kaliwang dibdib. Nagbuntong hininga. Daretsong tumingin sa baguhang mangangatay. Muli siyang humakbang, patungo sa kinaroroonan ng lalaki. Sa bawat paghakbang niya ay tila may katumbas na pawis ang pumapatak mula sa mga kusinero, uhog at luha naman sa mangangatay at kakatayin.
Huli na nang mapagtanto ng mangangatay na ibang trabaho pala ang kaniyang napasukan.
Wala pang ilang minuto ay nasa tapat na ng lalaki ang ginoo. Sobrang kabado ang lalaki sa kung anong maaaring gawin sa kaniya nito sapagkat nakatatakot ang mga mata nitong parang asong lobo kung makatitig sa kanya. Ngunit ngumiti lamang ang ginoo. Muli nanamang tumuwad para kuhanin ang kutsilyo. Pagtayo ay iniabot niya ito sa kamay ng lalaki kaya lang nanlalambot ito at anumang oras ay mahihimatay na. Huminga na lang ulit nang malalim ang ginoo saka tumalikod hawak ang patalim. Hindi pa naaalis ang ngiti sa kaniyang labi ay muli siyang humarap sa lalaki matamo lamang ang talsik ng dugo. Ang kaninang nakangiting labi ay bigla na lang ngumisi't dinilaan ang dugo sa kutsilyo.
"Hmmm...malansa. Hindi ito masarap sa puchero. Naizel, ihalo mo ang katawan niya sa ginataan, ang lamang loob pakuluan, ang ulo ilaga. Ang ibang parte sa adobo at sinigang." - mabilis na sinunod ito ng utusan. Napansin naman ng ginoo ang dalagang humahagulgol kanina, nanlalaki ang mga mata nitong nakatitig sa kanya't lumuluha. "Huwag kang mag-alala sa dessert ka pa." Iyan lamang ang tanging sagot ng ginoo at binitawan na ang hawak na kutsilyo. Sabay hablot sa puting telang nakapatong sa maliit na mesa sa gilid ng malaking sangkalan. Ipinunas sa kanyang mga kamay at ibinalik sa pinagpatungan. Tumingin sa relo at nangunot bigla ang noo. Hindi na wari sapat ang oras kaya kailangan nang magmadali. Kung kaya't nanumbalik ang kaniyang pagbulyaw para mabilisan na ang pagluluto ng mga kusinero. Dahil wala na ngang oras ay hindi na siya bumalik sa kanina niyang puwesto para magbasa sa halip ay kumuha siya ng panibagong kutsilyo, mas matalas. Pagkatapos ay walang atubiling ginilitan niya ng leeg ang dalaga. Gaya kanina sumirit ang dugo nito sa kaniyang mukha subalit siya ay nagpokus sa susunod na gagawin. Tuluyan niyang inihiwalay ang ulo ng babae sa katawan nito. Kinuha rin ang dugo nito paunti-unti gamit ang maliit na tubo na kung titingnan ay dextrose, isang karbohidrat suplemento. Matapos niyang kuhanin ang dugo at paghiwalayin ang ulo at katawan ay sinunod na niya ang ibang parte ng katawan maging ang mga nasa internal organs nito. Bagaman nagmamadali ay maingat pa rin niya itong kinakatay nang sa ganoon ay maging maganda ang plating mamaya.
...
Makalipas ang isa't kalahating oras
...
"Ano na? Hindi pa ba tapos ang pritong tainga? Ang inihaw na kamay, kamusta? Eh ang nilagang ulo, malambot na ba? Ang leeg nasaan na? Ang kukupad naman ninyong kumilos! Kanina pa yan naunahan ko pa kayo? Nauna pa ang dessert?! Oh Jus kong mahabagin."
"Inyo nang bilisan at ihain na iyan!" muling pag-uutos ng ginoo. Siya ang namamahala sa buong kusina kaya ganoon na lamang ang kanyang pagtatalak at ganoon na lang rin ang pagsunod sa kaniya ng mga tagaluto at tagahatid ng pagkain pati na rin ng mga tagalinis o tagahugas ng mga pinagkainan.
Hindi na kasi siya mapakali sapagkat limang minuto na lamang ay magsisimula na ang pagsasalo-salo. "Hindi pa ba tapos?!"
"Patapos na po ginoo."
Samantala ang mga kusinero ay aligaga na. Bukod sa wala nang oras ay maaaring mawala rin sila. Kapag kasi nahuli ng ilang segundo ang paghain sa pagkain ay tiyak na may kahihinatnan itong hindi maganda. "Dalian nyo na! Anong oras na oh! Hindi dapat pinaghihintay ang mahal na - "
"Tapos na po ginoo."
Sa wakas ay makaaabot rin. "Ano pang hinihintay ninyo? Ihain nyo na yan!"
_____
Sa kabilang dako naman...
*katok*katok*katok*
"Narito na po ang inyong hapunan, Mahal naming Diablo."