Chereads / THE DEMON LORD'S DAUGHTER / Chapter 2 - Behetarianong Belial

Chapter 2 - Behetarianong Belial

"Ihain na ninyo ang pagkain ng Mahal na Diablo ngayon rin."

"Masusunod po, butler John."

Dalawang lalaking may buntot na may matutulis na kuko na may parehong sukat ng sungay sa ulo ang pumasok sa hapagkainan ng kanilang pinuno. Ang isa ay may buntot nang malaking butiki at ang isa naman ay may buntot ng unggoy. May dala silang serving cart trolley na pinaglalagyan ng mga espesyal na putahe para lamang sa Mahal na Diablo. Pagpasok sa loob ay agad nilang ihinandog isa-isa ang pagkain sa mahabang marmol na hapag na kulay pula. Saka binuksan ang mga takip nito magkakasunod-sunod gamit ang kanilang engkantasyon at sabay-sabay pumaimbabaw at nakapilang bumalik sa cart. Samantala si butler John, ang kanang kamay ng Mahal na Diablo, ay naglabas ng isang maliit na puting tela na may burdang Diablo sa gilid nito bilang tanda kung sino ang may-ari nito. Ibinagsak niya ito nang hindi nalalaglag sa kaniyang kamay sabay lagay nito sa leeg ng Mahal na Diablo.

Pagdampot ng Mahal na Diablo sa kaniyang personal na pagmamay-aring kutsilyo at tinidor ay agad niyang natanong ang dalawa, "Anong mga pagkain iyan?" Hindi kasi naging pamilyar ang mga bagong inihain sa kanya.

"Mga bagong putahe po Mahal na Diablo." - sabay na sumagot ang dalawa habang nakatungo. Hindi sila maaaring makipag-usap sa Mahal na Diablo nang nakatunghay sapagkat kabastusan ito sa kaharian niya't paglabag rin ito sa 333 rules ng Demon Kingdom.

"Oo alam kong bagong putahe kaya nga anong pagkain 'yan?!" - iyan sana ang nais na sabihin ng Mahal na Diablo subalit hindi niya maaaring ipakita kanino man ang kaniyang pagkapilosopo sa takot na pilosopohin rin siya ng kaniyang nasasakupang mga demonyo. Malaki kasi ang kaniyang paniniwala na kung ano ang ipinakikita mo sa iyong kapwa ay ganoon rin ang maaaring ipakita nila sa iyo. Ganiyan mag-isip ang isang hari, hari ng mga demonyo, ang Mahal na Diablo na si Belial.

Kaya naman imbes na pilosopong magtanong ay ito na lamang ang kaniyang sinambit, "May mga karne ba iyan?"

"Opo -"

"Ano?! Hindi ba sinabi kong vegetarian ako! Sinong demonyo ang hahainan ako ng karne?! Gusto na ba ninyong humiwalay sa inyong kaluluwa?" - hindi man niya nais na umimik ng ganito pero mukhang hindi na siya nakapagpigil pa lalo na't kanina pa siyang gutom. Lagi na lamang kasi siyang pinaghihintay sa hapagkainan kaya kung minsan umu-order na lamang siya ng salad sa hardenerong magaling gumawa ng salad na gawa sa gulay. Hindi man ito nagbebenta ay wala siyang magagawa kundi ang pagbigyan ang Mahal na Diablo sapagkat nauunawaan naman niya ang kalagayan nito. Ang hardenero kasi ay ang dati niyang tagapagsilbi na nag-file ng resignation letter sa kaniya dahil sa katandaan na nito. Pilit man siyang pinababalik ng Mahal na Diablo ay hindi ito pumayag pero bilang kapalit, ang anak na ng hardenero ang nagtatrabaho sa tabi niya, si butler John.

Ipinagpatuloy niya ang panenermon sa dalawa. "Bakit ba gustong-gusto ninyong kumakain ako ng karne? Anong klaseng karne ba iyan?" Habang ang dalawa naman ay halos manigas na sa kanilang kinatatayuan dahil pinagagalitan sila ng Mahal na Diablo. Hindi pa sila nasanay na tuwing tanghalian ay ganito ang nangyayari.

"Mahal na Diablo." - ani ni butler John, senyales na iba na ang kaniyang inaasta sa harap ng kaniyang alipin. "Ehem. Sige, sinong nagluto ng mga ito? Ipatawag siya ngayon din." Bilang isang hari, mahirap para sa Mahal na Diablo na gampanan ito. Katunayan, naipamana lamang naman sa kaniya ang trono. Hindi talaga niya pinangarap na umupo rito o mamuno sa buong Demon Kingdom. Simple lamang siyang demonyo. Laking pasasalamat niya na naririyan si butler John upang gabayan siya sa bawat desisyon na kaniyang ginagawa.

Nakatungo pa rin ang dalawa, "Masusunod po Mahal na Diablo." at bago pa sila makaalis ay kinailangan pa nilang igalaw-galaw ang kanilang mga nangingiming mga paa nang hindi umaalis sa pwesto.

Nang tuluyan silang makaalis ay siya namang dating ng hardenero, may dala itong vegetable salad. Ang mga gulay na lahok nito ay makikita lamang sa hardin ng hardenero. Kakaiba ang mga ito kaya't ito ang naging paborito ng Mahal na Diablo. Tuwang-tuwa niya itong sinalubong na parang isang batang nagsusumbong na tila ba'y napagkaitan ng kalayaang kumain ng gulay. Napa-iling na lamang tuloy si butler John at ang ama nitong bagong dating.

"Bakit po kayo naparito ama?" - bungad ni butler John. Hindi kasi normal sa ama niya ang pagpunta sa Mahal na Diablo nang walang balidong rason. Samantala, wala namang pakialam ang Mahal na Diablo at mas pinagtuunan pa ng pansin ang pagkain at sabay-sabay na isinubo ang salad sa kaniyang bibig gayunpaman ay bukas ang kaniyang mga tainga para makinig.

Ngumiti ang hardenero at may isang maliit na basket siyang ipinatong sa hapagkainan. Napakunot ang noo ni butler John at napahinto naman sa pagkain ang Mahal na Diablo sa pag-aakalang pagkain pa rin ang laman nito. Sa pagmamadali ay agad niyang tinanggal ang manipis na telang nakatabon rito. Isang malaking 'Oh My Demon!' ang kaniyang naturan. Nausisa si butler John sa kung anong nakita ng Mahal na Diablo kaya't sinilip niya kung ano ang naroon. Lumaki agad ang kaniyang mga mata sa nakita at mabilis pa sa alas kwatro ay nakalayo na siya higit-higit ang Mahal na Diablo at siya ay nagtago sa likuran nito. Napahagalpak ang hardenero sa inasal ng anak.

...

Isang minuto ang nakalipas at saka lamang tumigil ang hardenero sa pagtawa. Ang dalawa nama'y nanatiling tahimik sa sulok at hindi na nakakibo pa. Waring wala silang balak na magsalita. Tinagurian silang pinakamalalakas na demonyo sa buong kaharian subalit...

"Lumapit kayo, huwag kayong matakot." - aya ng hardenero. Nagkatinginan muna ang dalawa bago sumunod sa udyok niya. Dahan-dahang humakbang at dahan-dahang humahakbang paparoon sa basket. Pagsilip ay binalot sila ng...

... katahimikan ...

Hindi nagbadyang umimik ang dalawa. Mas pinili nilang maging alisto sa pagmanman sa laman ng basket baka mamaya kasi ay pagmulan ito ng kaguluhan ayon kay butler John ngunit isang maliit na tinig ang kanilang biglang narinig nang hindi nila inaasahan. "Papa."

Muling napalayo ang dalawa. Sa pagkakataong ito, inilapit na ng hardenero ang basket sa kanila. Lalayo pa sana sila nang muli na naman nilang marinig ang maliit na boses na nanggaling sa basket at gamit lamang ang mga tingin at ngiti ng hardenero ay nahikayat na ulit silang tumingin sa basket.

"Papa." - kakawag-kawag na mga mumunting braso ang bumungad sa kanila't nais yatang magpabuhat sa isa sa kanila. Ngunit kapansin-pansin kung saang gawi ito nakatingin. Kaya ang Mahal na Diablo ay napabaling ang tingin sa hardenero at kay butler John na may pagtataka sa mukha at ibinaling muli ang tingin sa mala-anghel na sanggol na mayroong maninipis na hibla ng buhok na tila singkulay yata ng nyebe sa gawing Norte ng Demon Kingdom. Pagbaling na pagbaling niya ay tinawag na naman siya nitong papa at biglang nagbigay ng isang matamis na ngiti.

"Oh My Demon! Tinawag ba niya akong Papa? Tama ba ang aking narinig butler John?" - hindi makapaniwalang sambit ng Mahal na Diablo. Agad siyang nagalak sa ginawa ng munting sanggol.

"Akala siguro niya ikaw ang kaniyang ama, Mahal na Diablo."

"Ako? Eh ang laki ng pinagkaiba ng aming mukha! Kailan pa ako naging tao? Isa pa binata pa ako at; Papaanong nakapasok ang paslit na iyan sa kahariang ito?" - gulat man ay hindi niya namataang nilalaro na niya ang paslit na kaniyang tinutukoy nang dahil sa sayang kaniyang nararamdaman.

"Dalawang libo't tatlong daan na po ang edad ninyo, Mahal na Diablo."

"Kaya nga imposibleng maging ama ako, 2300 pa lamang ako butler John -_-."

Napailing na lamang si butler John at hindi na nakipagtalo pa pero tuloy ang Mahal na Diablo sa paunti-unti nitong pagpisil sa pisngi ng sanggol. Samantala, naging seryoso naman ang usapan ng mag-ama.

"Hindi ba kayo nagtataka?-"

"Ama, saan ba ninyo napulot ang bagay na ito?"

"Hindi iyan bagay John, tao iyan, wala pa iyang muwang sa mundo."

"Anong pakialam ko ama? Tao siya, demonyo ako. Hindi siya nababagay sa mundo natin."

"Papa."

"Hala! John! Tinawag niya ulit akong papa! Ang cute niya! Sino bang nagmamay-ari nito? Pwede bang akin na lang 'to?"

Hindi siya pinansin ng dalawa sa halip ay nagpatuloy pa sa pag-uusap nang masinsinan kung ano ang gagawin sa bagay na tinutukoy ni butler John. "Ama..."

"Alam ko ang iniisip mo John, ang hari ang magpapasya."

Tumingin ang dalawa sa Mahal na Diablo. Laking gulat nila na buhat-buhat na nito ang sanggol. Hindi sila makapaniwalang bubuhatin ito ng Mahal na Diablo dahil hindi ito kailanman ginawa ni Belial, ni demonyong sanggol ay hindi niya hinawakan ilang daan man ang lumipas. Samantalang ngayon, kitang-kita sa mukha niya ang ngiti ng isang ama, bagaman 'hindi naman siya tao' sa isip-isip ni butler John.

"Hindi ba kayo nagigiliwan sa kaniya? Ang cute niyang nilalang! Tinawag niya akong papa! Simula ngayon ako na ang papa niya."

"Ha?" - aapila pa sana si butler John pero napanganga na lamang silang dalawang mag-ama sa inasal ng Mahal na Diablo sa sobrang bilis nitong magdesisyon. Hindi nila inakalang manggagaling pa talaga sa Mahal na Diablo ang mga salitang iyon. Napaka-imposibleng bagay para sa kanila kaya wala na silang nasabi pa kundi...

"Hindi man lamang umiyak ang bagay na iyan sa iyo Mahal na Diablo, may lahi rin kayang demonyo ang batang iyan?"

"Wala John."

"Kung ganoon, saan nyo nga sya nakuha ama? Bakit ninyo ito dinala sa ating kaharian? Isa pa, paano siya nakapasok nang buhay rito? Hindi ba't ang sinumang tao ang pumasok sa ating kaharian ay agad na mamamatay?"

"Iyon na nga ang dahilan kung bakit ko siya binitbit paparito. Ni hindi man lamang siya umiyak o nasaktan pagpasok pa lamang sa kaharian. Kahit ang kaniyang kapalaran ay hindi ko mabasa miski anong kapangyarihan ay hindi ko rin madama sa kaniya. May kung ano sa sanggol na iyan."

"Nakatatakot pala naman ang bagay na iyan ama. Bakit pa ninyo ito dinala rito?"

"Alam kong labis na mapanganib ang mga tao subalit musmos pa lamang ang sanggol na iyan John. Tsaka tingnan mo ang Mahal na Diablo, mukhang nakahanap siya ng libangan. Hindi ba't matagal mo nang nais na siya'y magkaroon ng bagong gawain na siya ay malilibang?"

"Oo nga subalit ama, nakapangangamba ang bagay na iyan."

...

_____

"Sino ba 'tong mga 'to?"