Matapos ang nangyari ay dumako na ang Mahal na Diablo at si butler John sa hardin ng hardenero gamit ang teleportasyon upang ipagpatuloy ang usapan kung ano ang gagawin sa sanggol. Bagaman hindi pa nila alam kung saan ito nagmula at kung bakit hindi tumalab sa kaniya ang burn barrier ng Demon Kingdom.
Ngunit laking gulat na lamang nila nang masulyapan ang sanggol na nakaupo sa isang kahoy na upuan at nakakorteng krus ang maliliit na bisig nito at maging ang maiiksing mga binti ay nakapandekwatro pa na waring isang matandang may malalim na iniisip pero nang mapansin niya ang pagsulpot ng dalawa ay agad siyang napabati ng 'hello papa at hi butler John' na mas lalong ikinalaki ng mga mata't buka ng bibig ng dalawa. Sa isip-isip nila'y 'wala pa naman sigurong isang taon ang paslit na iyan subalit kaya na nitong umupo nang walang sinasandalan at kaya na ring magsalita nang mahusay, siguro'y genious ang nilalang ito'. Gayundin ay may pagtataka sila kung bakit papa ang turing nito sa Mahal na Diablo gayong single naman ang hari at walang kahit na sinumang sinisinta o naging kalaguyo, maselan kasi ito sa pagpili ng demonyong dilag.
Ganoon pa man, kanila sana itong tatanungin subalit bigla namang dumating ang hardenero mula sa kanilang likuran at saka lamang nila napagtantong may kulang sa kanilang nabungaran kaya ang hardenero ang natanong nila imbes na ang sanggol. Tinanong nila kung ano ang nangyari at bakit naging ganoon na lamang ang ipinakita sa kanila ng sanggol. Paliwanag naman ng hardenero na ipinatong lamang niya saglit ang basket sa upuang kahoy na iyon sapagkat agad niyang napansin ang isang peste na umaaligid sa kaniyang mga tanim na gulay at nang sa kaniyang pagbalik ay nasa ganiyang posisyon na ang isang sanggol na tao na may puting maninipis na mga hibla ng buhok, nakasuot ng purong puting baby gowns na bago sa paningin nila at puting 'cute' na medyas. Kulang na lamang ay maging puti ang kaniyang mga mata dahil maputi rin ang kaniyang balat. Noong una ay nagulat rin ang hardenero subalit humingi ng paumanhin sa kaniya ang sanggol na kung maaari raw ay bigyan muna siya nito ng panahon upang makapag-isa. Sinunod naman ito ng hardenero't hindi na nagtanong pa o kahit gulat pa ito sa inasal ng sanggol. Ngayong napansin nya ang pagdating ng dalawa ay napagpasyahan na rin niyang bumalik sa pwesto ng sanggol. Kaya naman ang tatlo ay nagkatinginan at sabay-sabay na bumaling ang tingin sa sanggol na ngumiti lamang sa kanila pabalik at tila walang nais na sagutin ang mga katanungan nilang hindi pa nasasambit pero alam na ng sanggol.
Nanahimik na lang muna tuloy sila pero dahil kaya nilang makipag-usap gamit ang telepatiya ay doon na lamang nagkaroon ng pagpupulong ang tatlo habang ang sanggol naman ay nakikipag-usap rin sa kaniyang sarili, marami rin kasi siyang mga katanungang hindi masagot gaya na lamang ng mga: Nasaan ako? Bakit hindi tao ang mga kasama ko? o; Bakit ama ang lumalabas sa bibig ko sa tuwing tatawagin ko ang Mahal na Diablo? at; Kung bakit sa dami-raming lugar ay dito pa siya napadpad? at marami pang iba pero makalipas ang ilang mga minuto ay nagpasya na lang siyang sumama sa mga ito kahit alam niyang hindi tao ang tatlo. Hindi naman kasi siya nababahala o natakot man lang sa kanila noong una niyang makita ang tatlo. Sa katunayan ay natuwa pa nga siya na hindi tao ang mga ito pero bigla niyang inisip na baka na-costume lamang sila subalit dahil nalaman niyang hindi pala sila naka-costume lamang ay siyang pagbilis ng tibok ng kaniyang puso sa sobrang excited. Hindi kasi siya makapaniwala na makakakita siya ng mga demonyo sa personal, pinangarap lamang niya ito dati, noong siya'y nabubuhay pa sa kontemporaryong panahon sa ibang daigdig bilang isang mambabarang.
Para makasama sa tatlo, siya ay nagpabuhat sa Mahal na Diablo at bumalik sila sa kaharian, sa tagong silid, doo'y iniupo siya sa malaking silya pero dahil hindi siya kita ng mga ito ay ang tatlo na lang ang umupo at siya'y pinaupo sa hapag, saka siya tinanong kung sino siya, saang lupalop siya nanggaling at kung ano ang kaniyang pakay sa Demon Kingdom. Pero hindi niya pinansin ang tanong ng tatlo sa halip ay inilibot niya ng tingin ang buong silid para maging pamilyar rito kaya lang mas higit niyang napagtuunan ang mga prutas na nakapwesto malapit sa kaniya na nakalagay sa isang malaantikong lalagyan at dahil dito ay biglang kumalam ang kaniyang sikmura. Agad-agad ay tumingin siya sa tatlo baka sakaling siya ay pahintulutang kumuha ng kahit isang prutas lamang subalit ang tatlo ay napangisi't ginamit ang oportunidad na ito para masagot ang kanilang mga katanungan. Kapag hindi niya sinagot ay hindi siya makakakain, iyan ang naging kondisyon nila sa kaniya at nakalimutan yatang sanggol lamang ang kanilang kaharap.
Napabuntong hininga na lamang tuloy ang sanggol at, "I don't know my name here. I don't know where I came from and I do not know what I am doing here." - sunod-sunod na niyang sinagot ang mga tanong nila sabay kuha sa isang prutas at walang pasintabing kumain ngunit bigla na lamang siyang hindi makahinga. Napatayo ang tatlo sa gitla, bigla silang kinabahan at hindi na wari malaman pa kung ano gagawin dahil hindi naman nila alam kung anong nangyari sa kaniya. Kaya't...
"Nalason yata siya ng ating pagkain!"
"Heal!!!"
Sa sobrang taranta ng tatlo ay sabay-sabay nilang ginamot ang sanggol ngunit huli na nang mawalan na siya ng malay.
...
_____
Samantala sa kabilang dako naman ng kaharian ng mga demonyo ay may isang malaking salo-salong ipinagdaraos, sa Human Kingdom, kung saan ang pagtitipon ay para lamang sa mga maharlika at may mga katungkulang opisyal at ang mga mababang uri ng tao ay nasa labas lamang ng palasyo't nageeksibisyon o kaya'y nagdiriwang rin sa pamamagitan ng pagsasayawan, pagtutungga ng alak, pagkakantahan at marami pang iba. Kanila itong isinasagawa bilang pagbibigay pugay sa bagong silang na apo ng hari at reyna.
Sa loob naman ng palasyo, ang nakaalbang matandang ginoo na mayroong pilak na kwintas sa loob ng kaniyang bulsa sa kaliwang dibdib ay siyang patuloy na naghahanda ng mga pagkain para naman sa mga bisitang royalties at iba pang prayoridad ng kaharian. Nagsasaya rin ang mga ito gaya ng mga mababang uri subalit mas klasiko lang ang kanila at disiplinado kung kumilos, ang iba'y may kaartehan lamang sapagkat may kayamanang maipagyayabang.
Ngunit habang abala ang lahat sa kaharian ng mga tao ay abala rin ang isang kakaibang nilalang na nag-anyong tao upang makisalamuha sa kanila. Ang nilalang na ito ay may mahahabang pakpak na kasingtulad ng isang paniki, matutulis ang mga ito't sinumang humawak ay tiyak na masusugatan, mahahaba rin ang mga tainga, gayundin ay may mahahabang mga kuko na kulay itim at parang ang hintuturo pa'y may naiwang dugo mula pa sa huling biktima nito na winakwak lamang niya ang tiyan at buhay na kinain patipid-tipid. Pagkatapos ay dumayo sa lugar na ito nang dahil sa isang layuni't lumapag na sa isang madilim na pasilyo malapit sa tindahan ng mga atay at bituka at ibang lamang loob ng baboy ramo, walang nakakita o nakaramdam sa kaniya sapagkat may kakayahan itong itago ang kaniyang kapangyarihan at maging 'invisible'.
Pagkalapag na pagkalapag, ito ay nagpalit ng itsura at naging isang binatang may magarang suot, mukhang mayaman, maalindog, matangos ang ilong, matambok ang balakang at mukhang kaakit-akit ang mga matang lihim na nanlilisik at paunti-unting sumisiksik sa mga nagsasayawang tao sa siyudad ng Goiko, sa gitnang bahagi ng Human Kingdom o sabihin na nating ang sentral na lugar na pinagtitirikan ng mismong palasyo ng hari at reyna na siyang mga namamahala sa buong kaharian ng mga tao.
Ang layunin lamang naman ng nilalang na ito'y maghanap ng bagong pain para sa bagong bibiktimahin nang mabusog sa malinamnam na pagkain. Malinamnam raw kasi ang tao higit pa sa anong uri ng living things.