Pagibig Hanggang Kamatayan
Genre: Horror, Mystery
Theme: Love Triangle, Friendship
"ATE, ATE! Nandiyan na si Ate Jess!" sigaw ng isang bata na namataan ni Jess papasok pa lamang sila ni Lester sa maliit na patwok ng lugar nila sa Cavite.
Pinagtitinginan sila ng mga tao roon dahil nga naman mukha silang mga sosyal na may dala pang kotse ni Lester.
Pumasok agad sila nila ni Lester sa sarili nilang bahay. Hindi man mayaman ay hindi naman alangang ipakita kay Lester ang bahay nila dahil medyo maluwag at maayos naman iyon. Kahit papaano ay may second floor naman sila.
Sobra pa sa pag-aasikaso ang mga magulang ni Jesse kay Lester. Alam niyang nagulat ang mga ito na may dinala siyang lalaki roon pero halata namang natuwa na rin dahil disente namang lalaki si Lester. Hindi lang mayaman kundi gwapo pa. Kaya halata sa mukha ng mga magulang niya ang tuwa. Iniisip siguro ng mga ito na nakabingwit siya ng malaking isda. Wish niya lang talaga ay totoo iyon. Pero sa kasamaang palad ay hindi, dahil magkaibigan lang naman sila ng lalaki.
Marami na ring mga batang kapitbahay nila ang halatang sumisilip sa bintana dahil minsan na ring nasilayan sa isang toothpaste commercial si Lester at talaga namang kay-gwapo nito kaya hindi kataka-takang makaagaw ito ng atensyon.
Hanggang sa silipin na rin siya roon ng kaibigan niyang si Leah para batiin sa graduation niya. Magkaibigan na silang matalik simula noong sila ay bata pa. Malapit na malapit sila sa isa't-isa kahit na malaki ang pagkakaiba nila. Dahil si Leah ay mahinhin habang siya naman ay may pagkamaharot. Well, hindi naman siya malandi pero may pagka-moderna lang talaga siyang mag-isip at magdamit. Hindi katulad ni Leah na may pagkamanang.
"Masaya ko at nakauwi ka na, Jess. Ang tagal nating hindi nagkita." Halatang-halata sa mukha ni Leah na na-miss nga siya nito. Para kasing mangiyak-ngiyak nga ito.
Ngumiti siya sa kaibigan. Naalala tuloy niya ang isa sa mga dahilan kung bakit siya sa Maynila nag-aral noon. At iyon ay dahil sa inggit niya sa babaeng ito.
Matalino siya pero mas matalino si Leah. Mas maganda, mas magaling sa sports. Mga bata pa lamang sila ay madalas na napagkukumpara na sila. Palagi siyang pangalawa sa pinakamagaling. Ito ang palaging nangunguna kaya naman pinili niya na sa Maynila na mag-aral dahil sawang-sawa na siya sa pakikipagkumpetensiya rito. Sawa na siya na maging insecure.
Pero sa kabila ng inggit, alam niyang sa kaibuturan ng puso niya ay mahal na mahal niya ang kaibigan. Magkaribal sila sa lahat ng bagay pero mabuti itong tao. Kaya iginagalang niya ito.
Sa Manila ay nakilala ni Jess si Lester at naging mag-bestfriend sila dahil pareho silang irregular noon sa klase. Mabait si Lester. Maputi, matalino at maraming talento. Maraming babae ang naiinggit sa kanya kapag nakikita sila nitong magkasama. Kahit na pagkakaibigan lang lahat ng iyon para kay Lester ay proud na proud pa rin si Jesse na ipakilala ito sa kahit na sino bilang bestfriend niya.
Hanggang sa maka-graduate na silang pareho. Sinabi niya na gusto niyang umuwi sa probinsya nila sa Cavite para magpahinga na lang muna ng dalawang buwan pero nagpumilit na sumama sa kanya si Lester dahil gusto rin daw nitong magbakasyon at magpalamig sandali bago tuluyang maghanap ng trabaho. Pumayag naman siya dahil iniisip niya na baka pagkakataon na niya iyon para mapaibig ito. Pero mukhang nagkamali yata siya ng desisyon dahil napansin niya na parang titig na titig yata si Lester ngayon kay Leah. Kinalabit pa siya ng lalaki na ipakilala raw ito kay Leah. Mukhang tinamaan agad ang lalaki.
"Ito nga pala si Leah, Lester. Kaibigan ko siya mula pa sa aking pagkabata. Leah, siya naman si Lester, ang naging kaibigan ko sa Manila," pakilala niya sa dalawa.
Nagkatitigan naman ang dalawa at parang ayaw pang magbitaw ng mga kamay kundi lang siya tumikhim. Napansin niya na parang nahihiya pa si Leah. Pero hindi na ito pinakawalan pa ni Lester at parang bigla na siyang naglaho sa eksena.
---
"JESSE, boyfriend mo ba si Lester?" Nagulat siya nang bigla siyang tinanong ng ganoon ni Leah.
Kasalukuyan silang nasa terris nila habang nasa ibaba naman ang halos lahat ng tao dahil sa paghahanda para sa fiesta. Nagpapalamig lang sila saglit ni Leah doon habang hinihintay na matapos maligo ang papa niya. Sila na ni Leah ang susunod na maliligo.
"Hindi. Bakit?" parang walang ganang sagot niya. Nase-sense na niya ang ibig sabihin ni Leah. May gusto ito kay Lester. Halata naman. At wala naman yatang hindi magkakagusto kay Lester dahil ubod ito ng gwapo at parang sadyang iniregalo ng Diyos para sa mga kababaihan.
"Ah, wala naman. Pero wala ka bang boyfriend ngayon?" makulit na tanong nito.
"Bakit ka ba parang naniniguro? Iniisip mo ba na baka agawin ko sa 'yo si Lester? Bakit kasi hindi mo pa ako direstuhin. May gusto ka sa kanya, 'no?" paghihinala niya.
"Hindi, ah! Wala akong gusto sa kanya!" pagkakaila nito pero namula naman.
"Huwag mo nang itanggi dahil hindi naman nakapagtataka iyon. Halata namang may gusto rin sa 'yo si Lester. Kung nakikita mo lang ang mga lagkit ng titig niya sa 'yo. Infact, bagay nga kayong dalawa. Parehas kayong mestizo at mestiza," mapait na sabi niya.
Napansin naman niya na parang nalungkot si Leah.
"Sa tingin mo ba talaga ay bagay kami, ha, Jess?" Nagulat siya sa biglaang tanong na iyon ni Leah. E 'di lumabas din ang totoo. May gusto nga ito kay Lester. At siya pa talaga ang tinanong nito, ah.
Natitigan niya si Leah. Napakagandang babae. Ito ang tipo ng babae na simple lang at hindi na kailangang mag-effort sa pag-aayos para lumabas ang tunay na ganda. Mahinhin din ito. Pinong kumilos, matalino at malambing kung magsalita. Hindi nakapagtataka na nagustuhan ito ni Lester kahit na mahirap lang ito.
Masakit mang aminin pero bagay nga ang dalawa. Etsepwera na naman siya. Natalo na naman siya ni Leah.
"Yeah. I have to admit na bagay nga kayo."
"May gusto ka ba kay Lester, Jess?" diretsang tanong nito.
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig! Paano nitong nalaman? Masyado ba siyang obvious? "Does it matter? Ikaw naman ang gusto niya, e." Kunware ay bale-walang sagot niya.
Bumuntong-hininga ito. "Kung ako ba ang makakatuluyan niya ay magiging masaya ka ba, Jess? Hindi ba sasama ang loob mo?" muling tanong nito.
Matagal bago siya nakasagot. "Oo. Kung ikaw ay hindi na masama, Leah. You're my bestfriend at mas gugustuhin ko pa na mapunta siya sa 'yo kaysa ang mapunta siya sa iba." Huling sinabi niya saka na umalis sa harapan nito at bumaba na para silipin ang papa niya kung tapos nang maligo.
___
LUMIPAS pa ang ilang araw at natuklasan ni Jess na na-love-at-first-sight sa isa't-isa sina Lester at Leah hanggang sa tuluyan na ngang maging magkasintahan ang mga ito. Masakit para sa kanya ang pangyayaring iyon dahil matagal na siyang naghihintay na mamahalin din sya ni Lester pero ang kababata pa niya na si Leah ang minahal nito kahit siya naman ang palaging nasa tabi nito.
Mahal man niya si Lester ay mahal din naman niya si Leah. Bukod doon ay hiningi naman nito ang consent niya noong fiesta pero hindi lang niya inakala na magiging ganoon kabilis. Para rin niyang gano'n kabilis na pinasa kay Leah ang lalaking matagal din niyang iningatan sa puso niya pero wala naman siyang magagawa kung ito ang gusto ni Lester at hindi siya. Bilang mabuting kaibigan ay nagparaya na lamang siya nang hindi nalalaman ng mga ito.
Hanggang sa nag-desisyon nang magpakasal ang dalawa.
Nang gabing iyon, bago ang kasal ay sinadya pa siya ni Lester sa kanila.
"I'm sorry, Jess," biglang sabi nito nang mapaupo na niya ito sa sofa.
"Sorry? Para saan?" nagtatakang tanong niya. Seryoso kasi ang boses ni Lester. Madalas din kasi itong magbiro at maloko rin kaya once in a blue moon lang niyang makitang mag-seryoso. At dahil nga iyon kay Leah.
"Alam ko, Jess na may feelings ka para sa akin. Pero kahit kailan ay hindi ko binigyan ng pansin iyon noon dahil ayaw kong masira ang pagkakaibigan natin. Dahil para kasi sa akin noon, ang magkakaibigan ay hindi dapat nagtataluhan. Napakalaki kong tanga. Nasasaktan na kita noon pero binabalewala ko lang. It must be hard for you to see me with me Leah. Kaya sana ay mapatawad mo ako," seryosong sabi nito na nakatingin pa ng diretso sa mga mata niya.
Nagulat siya. Alam naman pala nito ang totoo. Alam din nito na ipinagmumukha lang niyang tanga ang sarili niya sa tuwing nagpapanggap siyang masaya sa tuwing magkasama ang mga ito.
Pero syempre ay pinilit pa rin niyang itinago ang sakit sa kanyang mga mata at bigyan ito nang nakakaunawa at totoong ngiti. "Wala na 'yon, Lester. Kung anuman ang nararamdaman ko para sa 'yo noon ay matagal ko nang tinanggap na hindi na magkakaron pa ng katuparan. Kaibigan kita at kaibigan ko rin si Leah kaya masaya ako para sa inyong dalawa," sincere na sabi niya.
Bigla itong napangiti pagbanggit niya sa pangalan ng babae.
"Oh, huwag mo namang masyadong ipahalata na patay na patay ka sa kanya. Bukas ikakasal na kayo oh," pagbibiro pa niya.
"Dahil totoong patay na patay naman talaga ako sa kanya, Jess. Walang makapaghihiwalay sa aming dalawa. Kahit pa ang kamatayan..." nakangiti pero seryoso pa ring sabi nito.
Hindi niya alam kung bakit pero bigla siyang kinilabutan sa sinabi nito.
Bakit ganoon ang nararamdaman niya? Bakit parang saglit siyang natakot kay Lester? Parang may kaya itong gawin na hindi maganda.
Inalis na lang niya iyon sa isip niya. Mabuting tao si Lester at iyon pa nga ang pinakaunang nagustuhan niya rito kaya naniniwala siya na maipagkakatiwala niya ang kaibigan niya rito. Dapat good vibes siya dahil kasal na ng mga ito bukas.
Nagpaalam na rin ang lalaki sa kanya pagkatapos pa nilang magkwentuhan sandali.
KINABUKASAN...
Kanina pa ang mga taong naghihintay sa simbahan. Nandoon na ang lahat maging ang mga magulang nina Leah at Lester pero wala pa rin ang babae hanggang ngayon. Inip na inip na ang mga tao dahil ilang oras na silang naghihintay pero wala pa rin si Leah. Nag-umpisa nang umugong ang usap-usapan na baka hindi na dumating si Leah at baka inayawan na nito si Lester.
Pero imbes na magalit ay pag-aalala pa rin ang makikita sa mukha ni Lester. Si Jess naman noong mga sandaling iyon ay may namumuo nang galit para sa kaibigan. Matapos niyang ipagpaubaya ang lalaki rito ay ito pa ang igaganti nito sa kanya? Ang pahiyain sa maraming tao ang lalaking mahal niya?
Hindi na nakatiis ang lahat at pinuntahan na ng mga ito sa bahay si Leah. At nagulat silang lahat nang makita kung ano ang kinahinatnan ni Leah. Dahil ang babae ay wala nang buhay sa kwarto nito! Binangungot ito kaya hindi na ito muling nagising pa!
SOBRA ang naging pagdadalamhati ng lahat sa pagkamatay ni Leah lalong-lalo na si Lester. Palagi itong naglalasing at halos hindi na kumakain. Nag-aalala na ang lahat para rito pero ayaw nitong makipag-usap sa iba kahit pa sa mga magulang nito.
Ilang linggo pa na ganoon hanggang sa maging maayos na rin ang lagay nito bagama't wala na iyong ngiti na palaging nasa mukha nito noon. Humiling din ang lalaki sa mga magulang nito na roon na lamang sa probinsya tumira kung saan namatay si Leah at mangingisda na lang daw ito sa dagat. Nag-aalala man ay wala namang magawa ang mga magulang nito kundi pagbigyan na lang ang anak. Kaysa naman daw magpakamatay ang lalaki sa sobrang lungkot.
SA PAGLIPAS ng ilang buwan ay unti-unti na ring nawala sa isipan ng mga tao ang pagkamatay ni Leah. Maging siya ay kinailangan na ring bumalik sa Manila para roon maghanap ng trabaho. Gusto man niyang samahan si Lester ay ayaw naman niyang samantalahin ang pagkakataon na malungkot ito para lalo siyang mapalapit dito.
Nag-trabaho siya bilang call center agent sa Teleperformance kaya naman pang-gabi talaga madalas ang pasok niya at umuuwing mag-isa.
Nasa banyo siya no'ng mga oras na iyon at nag-me-makeup nang mapansin niya na parang medyo bukas ang pintuan nang isang cubicle.
Nabitawan niyang bigla ang face powder dahil nagulantang siya nang makita na may nakatuntong sa bowl ng banyo roon!
Isang babaeng puting-puti ang mukha at namumula ang mga nanlilisik na mga mata! Magulo rin ang buhok nito at umiiyak ito ng dugo na tumutulo na sa puting duster na suot nito.
Si Leah!
"AAAHHH!!!" Napatili siya sa nakita pero walang ibang tao sa banyong iyon kundi siya. Ni wala siyang mahihingan ng tulong!
Nanginginig na dinampot niya ang nalaglag na make-up mula sa bag niya pero may humawak ng kamay niya! Ang nanlalamig at naninigas na kamay ni Leah!
"Tulungan mo ako, Jess. Tulungan mo ako..." pagsusumamo nito na parang galing sa ilalim ng lupa ang tinig
Pero lalo lamang lumakas ang pagtili niya ngayong nasa malapit lang sa kanya ang multo ng kaibigan! Malakas ang tambol ng puso niya sa sobrang takot! Nanginginig ang buong katawan niya lalo pa at hawak siya ng isang multo!
"AHHHHHHHHHHHHHHHH!!!!!!!!!!!!!!!!" pagtili pa niya saka tumalilis ng takbo palabas ng CR.
HANGGANG makarating sa bahay ay hindi pa rin mapakali si Jess. Nanginginig ang buong katawan niya at halos hindi na siya makapagsalita. Pabalik-balik siya sa paglalakad at ni walang mapagsabihan.
Bakit siya minumulto ni Leah? Ano ang naging kasalanan niya rito? Naging mabuti siyang kaibigan na kahit nga ang lalaking minamahal niya ay pinagparaya pa niya rito.
Humiga siya ng kama at nagtulakbong siya ng kumot. Pinilit niyang matulog pero paulit-ulit lang na bumabalik sa ala-ala niya ang pagpapakita ni Leah kanina. Lalong tumitindi ang nararamdaman niyang takot sa tuwing maiisip niya ang nakakatakot nitong mukha kanina.
Totoo ba talaga na nagpakita ito sa kanya kanina? Hindi ba siya nananaginip lang? Pero hinawakan pa nga siya nito, e!
Hanggang sa makarinig siya nang babaeng umiiyak. Iniisip niya kung sa utak lang ba niya naririnig iyon o mayroon talaga. Pero napalakas ng iyak para maging imahinasyon lang.
Agad siyang tumayo at paglabas niya sa pagkakatulakbong ng kumot ay biglang lumitaw ang babaeng white lady! Malapit na malapit na ang mukha nito sa kanya!
"AHHHHH!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!" napatili na naman siya sa sobrang kilabot! Paurong siya ng paurong habang ito ay palapit naman ng palapit. Parang kahit saan siyang magpunta ay nasusundan siya nito! "Ano'ng kailangan mo sa akin?! Bakit mo ako munimulto, Leah?! Wala akong naging kasalanan sa 'yo! Parang awa mo na! Huwag mong gawin sa akin ito! Ayaw ko pang mamatay!" Humahagulgol na siya ng iyak. Hindi siya makapaniwala na totoong nangyayari ito!
"Tu. Lu. Ngan. Mo. A. Kooo... Si Les.. teeerr... Siya ang may kasalanaaaannnn..." pag-ungol nito na parang hirap na hirap sa pagsasalita.
Doon na bumukas ang pintuan ng kwarto niya at iniluwa noon ang mga magulang niya. Agad siyang yumakap sa mga ito.
"Si Leah, mama! Si Leah, nandyan siya!!!" humahagulgol sa dibdib ng ina na sabi niya.
"Matagal nang patay ang kaibigan mo, anak. Ano bang nangyayari sa 'yo?" nagtatakang tanong ng mama niya na alalang-alala sa kanya.
"Hindi po, mama! Nandiyan siya! Nandoon!" pagpipilit niya na itinuro pa ang kinaroroonan ng babae kanina pero wala na ito roon ngayon.
Nagkatinginan na lamang ang mag-asawa na iniisip na baka may sira na sa pag-iisip ang anak nila.
DUMATING din ang araw na naging maayos na rin ang pag-iisip ni Jess. Bumalik siya sa probinsya para puntahan doon si Lester. Marahil ay may dahilan kung bakit sa kanya nagpakita noon si Leah at sigurado siya na may kinalaman doon si Lester dahil sinabi nito noon sa kanya na ang lalaki ang may kasalanan. Kung ano man 'yon ay iyon ang kailangan niyang alamin.
Hanggang sa marating niya ang bahay ng lalaki. Nakailang katok na siya sa pinto ni Lester pero hindi nito binubuksan ang pinto. Hanggang sa makulitan na rin siguro kaya pinagbuksan na siya.
"Ano bang problema mo?" iritableng tanong nito.
Nagulat siya nang makita ito. Ang layo na nito sa Lester na minahal niya noon. Nangayayat ito nang husto lalo na ang mukha nito. Tinubuan na rin ito ng bigote at parang napabayaan na nito ng husto ang sarili.
"Ano ba, magtititigan na lang ba tayo rito?" untag sa kanya ng lalaki kaya bumalik siya sa kasalukuyan.
Maging ang tono ng pakikipag-usap nito sa kanya ay nagbago na rin. Hindi na malambing at masigla. Para bang hindi sila nito naging magkaibigan.
"Gusto kitang makausap, Lester. Tungkol kay Leah," agad niyang sabi.
"Wala na tayong dapat pag-usapan tungkol sa kanya. Kinalimutan ko na siya!" pag-iwas pa nito na isasara na sana ang pinto.
"Nagpakita sa akin ang kaluluwa ni Leah at nabanggit niya ang pangalan mo!" biglang sabi niya.
Napalakas ang boses niya dahil ayaw siya nitong pakinggan.
"So, may third eye ka na rin ngayon ha, Jess? College pa lang tayo ay mahilig ka nang magbiro. Naaalala mo ba no'ng sinabi mo sa akin noon na may gusto rin sa akin ang ultimate crush kong si Angelica? Nilapitan ko sya noon at tinanong kung totoo ang sinabi mo pero napahiya lang ako at sinabihan pa akong feelingero. Nagsinungaling ka dahil ang sabi mo ay April Fool's Day naman. So, ano 'yang sinasabi mo ngayon? Kalokohan na naman ba? Ano, Jess, tatawa na ba ako?" nakakalokong sabi nito na dinamdam pala ang ginawa niyang pagbibiro rito noong college.
Ginawa lang naman niya iyon noon dito dahil gusto niya na mawala ang crush nito kay Angelica. Alam kasi niya na mawawala ang pagkakagusto nito sa babae kapag nalaman nito ang totoong ugali nito. Ginawa niya iyon noon dahil mahal niya si Lester. Pero iba na ngayon...
"Lester, iba ito, okey? Seryoso ako! Sa tingin ko ay hindi pa rin natatahimik ang kaluluwa ni Leah hanggang ngayon kaya siya nagpapakita. Hindi ko alam kung bakit sinasabi niya na ikaw ang may kasalanan pero sa tingin ko ay hindi lang siya basta namatay dahil sa normal na kamatayan. Sa tingin ko ay kailangan natin siyang tulungan."
"Hindi ako interesado."
"Pero Leste—" Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil pinagsarhan na siya nito ng pinto.
Pero hindi siya susuko. Ang akala siguro ng lalaki ay aalis na lang siya basta. Alam niya na kapag ginawa niya iyon at balewalain na lang basta-basta ang mga pagpapakita ni Leah ay hindi rin siya titigilan nito. At isa pa, hindi niya alam kung bakit pero naghihinala talaga siya sa mga kinikilos ni Lester. Parang may hindi normal.
Nagawa niyang makapasok sa bahay nito dahil na rin sa may kaalaman siya sa pagbubukas ng mga pinto kahit na walang susi. Madalas kasi siyang pagsasaraduhan ng pinto ng papa niya noong mga bata pa lang sila ni Leah kapag nag-ga-gala sila.
Pagpasok niya sa may kalakihang bahay ni Lester ay para siyang may naamoy na mabaho. Pero kahit ganoon ay nagtiis siya dahil nais niyang malaman ang katotohanan. Tahimik at dahan-dahan lang siya naglakad dahil ayaw niyang maramdaman ni Lester na nakapasok siya sa bahay nito.
Sinundan pa niya ang mabahong amoy hanggang sa makarating siya sa kwarto ng lalaki. At nagulantang siya sa nakita niya.
Nakahiga si Lester sa isang kama at may katabi ito at kayakap! Ang naaagnas na katawan ni Leah!
"Alam mo ba na galing dito si Jess? Ang akala yata niya ay makukuha ka niya sa akin, Leah. Hindi mahal ko. Dahil hinding-hindi kita ibibigay sa kanya. Hinding-hindi tayo magkahihiwalay..." parang nababaliw na sabi ni Lester na niyakap pa ang naaagnas ng patay!
Napaurong siya. Pakiramdam niya ay maduduwal siya sa pandidiri dahil halos inuuod na rin ang katawan ng kaibigan niya. Napakadumi rin doon pero parang hindi na alintana ni Lester ang lugar na kinahihigaan nito kasama ang isang patay!
Napaatras siya at nakagawa ng ingay dahil may naipit siyang isang maliit na daga. Nanlilisik ang mga mata ni Lester nang makita siya nito!
"Ikaw! Nakita mo— Dapat kang mamatay!" Bigla itong bumangon at nakaramdam siya ng takot nang damputin nito ang isang kutsilyo na nasa tabi nito.
Agad siyang tumakbo pero hindi hamak na mas mabilis ito kaya inabutan din siya nito! Nagtangka pa siyang magpumiglas pero napakalakas nito.
Na-korner siya nito sa pader at tinutukan siya nito ng kutsilyo sa mukha na nagdulot ng matinding kilabot sa kanya na higit pa sa kilabot na naramdaman niya noong magpakita sa kanya ang multo ni Leah. Dahil ngayon ay nanganganib ang buhay niya! "Mali ang ginagawa mo, Lester! Patay na si Leah! Bakit hindi mo pa siya pabayaan? Unti-unti nang naaagnas ang katawan niya! Alam mo ba kung ano ang ginagawa mo? Patahimikin mo na siya!" Humahagulgol na anas niya sa kabila ng panginginig at takot dahil sa hawak nitong kutsilyo na anumang oras ay maaari nitong itarak sa kanya.
"I-pe-preserve ko ang katawan niya, Jess. Hindi mo kailangang mangialam sa amin. Hindi ba sinabi ko naman sa iyo noon pa, Jess? Hindi ang kamatayan lang ang magpapahiwalay sa amin ng mahal ko," nakangising sabi nito. Bigla namang nag-flashback sa isipan niya iyong sinabi nito noong bumisita ito sa kanila.
"Dahil totoong patay na patay naman talaga ako sa kanya, Jess. Walang makapaghihiwalay sa aming dalawa. Kahit pa ang kamatayan..."
Hindi niya akalain na iyon ang literal na ibig sabihin ni Lester. Totoong ayaw nitong mahiwalay kay Leah kahit pa sa kabilang buhay! Hanggang kamatayan!
"Nababaliw ka na!" Hindi na niya napigilan ang pagsigaw. Hindi na nito iginagalang ang pagkamatay ng kaibigan niya.
"Oo. Nababaliw na talaga ako. At dahil iyon sa pag-ibig, Jess! Ang akala siguro ni Leah, kapag namatay na siya ay makakawala na siya sa akin. Pero hindi mangyayari iyon dahil habang buhay kaming magsasama. Kaya dapat lang na mamatay na siya. Para hindi na siya makawala pa."
"Ano'ng ibig mong sabihin? Huwag mong sabihin na hindi bangungot ang ikinamatay ni Leah?!" gulat na hinala niya.
Humalakhak ito. "Nakuha mo rin, Jess! Naglason siya nang sapilitan kong kinuha ang pagkababae niya. Iyon din ang dahilan kung bakit siya napilitan na magpakasal sa akin. Tinakot ko rin siya noon na papatayin ko ang mga magulang niya kapag hindi niya ako pinakasalan. Hindi totoong minahal ako ni Leah! Alam mo ba kung bakit? Niloko lang niya ako at sinagot dahil gusto niya na mailayo ka niya sa akin. Dahil ikaw ang mahal niya!" pagsigaw na nito.
"Ha? Ano'ng ibig mong sabihin?!" naguguluhang tanong niya.
"She's in love with you! Do I need to repeat it so many times para lang mag-sink in diyan sa utak mo? She's a lesbian at matagal niyang hinintay ang pagbabalik mo mula sa Manila para lang sabihin ang feelings niya sa 'yo. Too bad, may dinala kang baggage sa pagbabalik mo. Dahil kasama mo na ako."
Napatulo ang luha niya sa mga mata nang magbalik sa kanya ang mga ala-ala noong bumalik siya sa Cavite mula sa Manila noon kasama si Lester.
Kaya naman pala parang nalulungkot si Leah sa tuwing iniiwan niya ito kasama si Lester. Malungkot din siya dahil buong akala niya ay gusto rin nito si Lester. Buong akala niya ay pagpaparaya ang ginagawa niya para sa dalawang taong nagmamahalan pero hindi pala. Dahil naging oblivious siya sa pagmamahal sa kanya ni Leah at hindi inakala kahit na kailan na isa pala itong lesbiyana dahil sa ayos at galaw nito na babaeng-babae.
Ilang beses din nitong sinabi sa kanya noon na mahal siya nito. Pero inisip niya noon na pagmamahal lang para sa isang kaibigan iyon. Mahal din niya si Leah bilang kaibigan kaya ipinagparaya niya si Lester noon para maging masaya ito pero mali pala ang ginawa niya. Dahil nagdusa lamang ito. Nagdusa ito nang hindi niya nalalaman at napagsamantalahan pa.
"Iniisip niya siguro na makakatakas na siya sa akin kapag pinatay niya ang sarili niya. Hindi ko maintindihan kung bakit mas pipiliin pa niyang mamatay kaysa ang magpakasal sa akin. Dahil ba sa 'yo ha, Jess? Ano bang mayroon ka na wala ako? Ang magmahal sa kapwa niya babae ay isang malaking kalokohan, Jess! Sa akin lang si Leah at hindi mo siya maaagaw sa akin! Ikaw ang may kasalanan kung bakit hindi niya ako nagawang mahalin kaya dapat lang na mamatay ka na rin!"
Nangilabot siya nang bigla nitong maitarak sa may bandang ulunan niya ang kutsilyo. Mabuti na lamang at nakaiwas siya kaya hindi siya tinamaan.
Hindi niya akalain na kaya nitong gawin ang mga bagay na iyon. Ang takutin si Leah para magpakasal dito. Ang panghahalay nito sa kaibigan niya. Ang pagtatangka sa buhay niya ngayon na para bang wala silang pinagsamahan.
Hindi niya akalain na minahal niya ang baliw na lalaking ito sa loob ng limang taon!
"Napakasama mo! Wala kang kaluluwa!" Pagsigaw na niya. Para bang no'ng mga sandaling iyon ay nakalimutan na niya ang takot. Ang nasa dibdib lang niya ay ang galit para rito.
"Sabihin mo na kung ano ang gusto mo, Jess pero hindi ako papayag na pati ikaw ay humadlang sa pagmamahalan namin ni Leah kaya kailangan mo nang mamatay!" Biglang nanlisik ang mga mata ni Lester at akmang sasaksakin ulit siya nang biglang umalingawngaw sa kwarto ang putok ng baril.
Ang mga pulis ang bumaril dito!
Bumagsak sa sahig si Lester. Sa dibdib ito tinamaan. "Leah... Magsasama na rin tayooo...Mahal na mahal kita..." Inangat pa ni Lester ang kanang kamay nito papunta sa gawi ng bangkay ni Leah na nasa ibabaw ng kama. At doon ay nalagutan na ito ng hininga...
AGAD nang inayos ng mga magulang ni Leah ang muling pagpapalibing sa anak ng mga ito. Hinukay kasi ni Lester ang bangkay nito ilang araw lang pagkatapos itong mailibing.
Inamin din ng mag-asawa na alam ng mga ito ang totoong dahilan ng pagkamatay ni Leah pero natakot sila sa kayang gawin ni Lester dahil isa itong tao na may mataas na antas sa lipunan kaya naman pinalabas na lang nila sa lahat na bangungot ang ikinamatay ng anak. Pero nang malaman ng mga ito na umuwi raw siya para kausapin si Lester ay nagkaroon ng masamang kutob ang mga ito kaya pinasundan na siya ng mga ito sa mga pulis. At doon na nga sila naabutan ng mga ito na akmang sasasaksakin na siya ni Lester.
Ang katawan naman ni Lester ay dinala ng mga magulang nito sa Maynila. Hindi natupad ang huling hiling nito mula sa diary nito na itabi ang katawan nito sa puntod ni Leah kapag nalagutan na rin ito ng hininga. Sa poot pa lamang ng mga magulang ni Leah dito ay halos gusto ng sunugin ng dalawang matanda ang bangkay ng lalaki.
Nabulgar din sa mga tao ang lahat ng mga ginawa ni Lester bago ito namatay kaya naman nag-iwan pa ito ng kahihiyan sa pamilya nito bago bawian ng buhay.
At siya naman ay kasalukuyang nasa libingan ulit ni Leah. Nanghihinayang siya sa pagkakaibigan nila ni Leah. Bata pa ito at marami pa sanang maaaring gawin sa buhay nito.
Hindi niya hinuhusgahan si Leah kung ano man ito. Siya ang nahihiya sa sarili niya dahil nagawa pa niyang kainggitan ang taong nagmamahal pala sa kanya ng totoo.
Pero kahit na naging malagim ang sinapit ng kamatayan ni Leah na hindi man lang nito nasabi sa kanya ng harapan ang feelings nito ay nararamdaman niya na masaya na rin ito. Dahil nailibing na ito ng maayos at nakamit na nito ang katarungan...
Wakas…